Ang Katotohanan ay Iisa (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang unang bahagi ng lohikal na argumentong nagpapatunay na ang katotohanan ay tiyak at walang kaugnayan, sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga moral at mga kaasalan sa iba’t-ibang mga oras at mga lugar.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 27 Nov 2022
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,997
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Madalas kapag tinatalakay ang relihiyon, maririnig ng isa ang pahayag na walang sinuman ang may karapatang manghusga sa paniniwala ng iba, o na ang relihiyon ay isang pribadong bagay para sa tao at hindi tayo maaaring magsabi na mali ito o tama. Sa buong kasaysayan, ibinatay ng lipunan ang kanilang batas at mga alituntuning pangmoralidad sa “mga ganap na katotohanan” na pinaniniwalaan nilang “tama”, at ito marahil ay resulta ng panlabas na teksto na itinuturing na pinakadakila, o ng kaugaliang natagpuan sa likas na katangian ng mga tao na naging dahilan para makita nila ang ilang mga bagay bilang tama at ang iba naman bilang masama. Ang mga tao, sa limitadong lawak, ay makikita ang isang bagay bilang mabuti at masama. Halimbawa, lahat ng tao, na iniwan sa kanilang natural na estado na walang kabuktutan sa pag-iisip, ay makikita ang dumi at ihi bilang marumi. Gayundin, ang ilang mga gawain, tulad ng pagnanakaw, pagpatay at pagsisinungaling ay kilala din bilang kasamaan, habang ang katotohanan, katapatan at karangalan ay tinitingnan na marangal. Ito ang resulta ng katangian na nilikha sa lahat ng tao, ngunit tulad ng nabanggit, ang kakayahang ito ay limitado.
Kapag sinabi ng isa na wala silang karapatan na husgahan ang paniniwala ng iba at gawain, sila ay sa katunayan, sumasalungat sa kanilang sarili. Kapag tatanungin mo ang karamihan sa mga tao kung katanggap-tanggap ang pag patay sa sanggol o pagpapakamatay, natural nilang isasagot na hindi. Ngunit pag titingnan natin ang ilang mga lipunan, tulad ng mga relihiyon na matatagpuan sa Gitnang Amerika, ang pag patay sa sanggol ay nakikitang paraan upang mapalapit sa kanilang mga diyos. Sa kasalukuyan, sa relihiyong Hindu, kapuri-puri para sa isang asawang babae na patayin ang sarili pagkatapos ng kamatayan ng kanyang asawa. Kung tunay silang naniniwala na ang relihiyon ang isang bagay na iniiwan sa indibidwal at walang may karapatan na manghimasok o manghusga sa kanila, kung ganoon ay kakailanganin ding pahintulutan ang pagpatay sa mga sanggol na isang bagay na tama sa mga naniniwalang ito ay kapuri-puri, at ang mga tao ay walang karapatang husgahan sila.
Kung dadalhin natin ang isyung ito sa indibidwal na antas, makikita natin na bawat tao ay may kanya-kanyang pananaw sa kabutihan at kasamaan, batay man ang pananaw na ito sa relihiyon, batas, kultura, o indibidwal na pagmumuni-muni. Maaaring naniniwala ang isa na perpektong katanggap-tanggap ang gumawa ng pangangalunya o pagtataksil sa asawa habang maaaring isipin ng iba na mali ito. Maaaring naniniwala ang isa na ipinahihintulot para sa kanila ang magpakasawa sa mga narkotiko yamang ito ay kanilang sariling katawan, at ang iba ay maaaring maniwala na ito ay isang krimen. Walang makakapag sabi na tama o mali ang isang bagay, at lahat ng tao ay maiiwan sa kanilang sariling pagpapasya na maniwala at gawin kung ano ang “tama” sa kanilang pananaw.
Kapag ipapatupad natin ang paniniwalang ito sa lipunan, magkakaroon tayo ng komunidad na naka batay sa anarkiya (kawalan ng pamahalaan), kung saan walang batas ang magagawa at maipapatupad, sapagka’t ang batas ay batay sa prinsipyo na ang ilang bagay ay mabuti at ang iba ay masama. Kapag sasabihin ng isa na mayroong ilang mga katotohanan na napagkasunduan ng lahat ng tao na pwedeng gamitin sa pag-ayos ng batas, ang pahayag na ito ay totoo na may ilang limitasyon, katulad ng sinabi natin na lahat ng tao ay may natural na katangiang malaman ang tama sa mali sa isang limitadong pakiramdan. Ngunit tulad ng nakikita, ang katangiang ito ay kadalasang nababaluktot dahil sa kapaligiran, sikolohikal o mga pang relihiyong kadahilanan, sa mga tiyak na gawaing ito kung saan sa isang panahon ay nakikita itong masama at imoral na sa kalaunan nakikita ito bilang tama at katanggap-tanggap, at ang ibang mga bagay na hindi naaayon sa kalikasan ng tao ay nakikita bilang susi sa kaligtasan. Ito ay malinaw na mapapansin sa demokratikong mga lipunan kung saan binabatay nila ang batas sa nakakarami. Makikita nating maraming bagay ang isinasaalang-alang na malinaw na tahasang di makatwiran o imoral ay sa ngayon tanggap na ng lipunan, sa sukdulang kapag ang isa ay may pinanghahawakang ibang opinyon tungkol sa isyu, sila ay nakikitang hindi kabilang sa lipunan.
Sa kadahilanang ito, hindi maaring iwanan ang mga tao ayon lamang sa kanilang kusa na isabatas kung ano ang tama at mali. Kahit sa lipunan na may iisang relihiyon kung saan itinalaga ang paghihiwalay ng relihiyon sa estado, bagamat sila ay may kasunduan sa mga ganoong bagay na pinanatili mula sa kanilang relihiyon, malaki ang pagkakaiba nila sa pagsaalang-alang kung ano ang itinuturing na tama at mali sa kanilang mga lipunan. Ang itinuturing na ligal na edad sa pagbibigay ng pahintulot sa pakikipagtalik sa Pransiya ay itinuturing na panggagahasa sa Amerika. Habang ang pagpapalaglag na ligal sa isang bansa, ito ay krimen sa iba, at kung ang homosekswalidad ay nakikitang tanggap na paraan ng pamumuhay sa isang lipunan, ito ay nakikitang matinding kasalanan sa iba.
Kaya kung sasabihin natin ngayon na ang katotohanan ay ganap na tiyak at iisa at hindi kaugnay sa bawat indibidwal at lipunan, ang susunod na katanungan ay ano ang mga moral na nagpapahiwatig ng katotohanan at kung sino ang magpapasya sa kanila? Ano ang mga batas na kailangang ipatupad sa lipunan? Kailangan ba silang pagpasyahan ng mga abogado at hukom na naabot ang antas ng “ligal na kaliwanagan”, mga pulitiko na kadalasang gumagawa ng mga desisyon para sa kanilang sariling benepisyo o benepisyo ng kanilang sariling mga bansa, o mga pilosopo na nalaman ang pangkalahatang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang sariling pagmumuni-muni? Tulad ng nakita kanina, hindi maaring iwanan ang mga tao sa pag gawa ng desisyon sa mga isyu na ito, dahil baka mag resulta ng mga sakuna, tulad ng nakikita ngayon sa mga lipunan na maraming sakit. Ang Nag-iisang may karapatan na magsabatas ng tama at mali ay ang Isang naglikha sa atin at ang may kaalaman ng pinakamabuti para sa atin, at iyan ay ang Diyos. Ang Diyos ang lumikha sa sanlibutan at ang Diyos ang magtatakda ng sukat ng katarungan. Ang Diyos na perpekto at ang Diyos na siyang walang kamalian o ano paman.
Karamihan ng ating diskusyon ay ukol sa pakikitungo sa mga isyu ng paniniwala na sumasaklaw sa moralidad at mga gawa, ngunit ang mas mahalaga ay iyong mga paniniwala ukol sa paniniwala sa Diyos, at ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Ang Katotohanan ay Iisa (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang pangalawang bahagi ng lohikal na argumento na nagpapatunay na ang katotohanan ay tiyak at walang kaugnay, sa pamamagitan ng iba’t ibang prinsipyong panrelihiyon sa sari-saring panahon at lugar.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,421
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Iyong mga naniniwala na ang katotohanan ay madali at lahat ng paniniwala ay tama ay ipinapalagay na hindi imposibleng sabihin na ang paniniwala ng tao ay mali, sapagka’t ang relihiyon para sa kanila ay purong paniniwala ng indibidwal. Ang kabulaanan ng pahayag na ito ay medyo maliwanag at hindi na natin kailangang magsaliksik ng malaking detalye para patunayan ito. Kung ang isang relihiyon ay naniniwala na si Hesus ay isang huwad na propeta, may isang nananatiling naniniwala na siya ay Diyos, at isa pa na siya ay tao na partikular pinili na maging propeta, paano silang lahat ay naging totoo? Si Hesus, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos, ay hindi maiiwasang isa sa mga tatlong bagay na binanggit sa taas, at lahat ng tatlong pahayag ay hindi maaring tama. Samakatuwid, bilang isa lamang sa mga pahayag na ito ang tama, alinman ang itinatag bilang totoo ay nagtutukoy sa iba na maaring ikonsidera na mali.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin nito na ang tao ay wala nang karapatan na maniwala ayon sa gusto nila, bilang ito ay isang karapatan na ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Ngunit sa parehong pagkakataon, hindi ibig sabihin nito na tanggapin ng isa ang mapagmalabis at sabihin na lahat sila ay tama, at ang isa ay walang karapatang gumawa ng pang huhusga ukol sa kanila. Ang pagbibigay rin ng karapatan sa tao na maniwala sa kanyang nais ay hindi nangangahulugang meron silang karapatan na isagawa ito o isapubliko ang mga paniniwalang ito, dahil ang mga batas na ipinatutupad sa lipunan ay laging naka tuon sa magiging epekto ng mga kilos sa nakararaming antas ng lipunan at kung ang mga kilos na iyon ay may pakinabang o makakapinsala sa pangkalahatang lipunan.
Mula sa napag-usapan natin, darating tayo sa konklusyon na ang mga relihiyon na naitatag ngayon sa mundo ay maaring lahat ay huwad, o mayroong isa sa kanila na komprehensibong Totoo; bagama't maraming relihiyon na magkakaparehon ng turo, mayroon din silang pangunahing mga pagkakaiba.
Kung sasabihin nating walang relihiyong tama sa mundo, kasunod nito ang paniniwalang ang Diyos ay hindi makatarungan dahil iniwan Niya tayong lumibot sa mundong makasalanan at puno ng pagsuway nang hindi pinakita sa atin ang tamang paraan upang gawin ang mga bagay, at ito ay imposible sa Makatarungang Diyos. Samakatuwid ang lohikal na konklusyon lamang ay mayroong Isang Tunay na Relihiyon, na naglalaman ng patnubay sa lahat ng kalagayan ng buhay, pang relihiyon, moral, panlipunan, at indibidwal.
Paano natin malalaman kung ano ang isang totoong relihiyon? Ito ay nasa bawat tao na mag saliksik sa bagay na ito. Nilikha ang mga tao upang tuparin ang malaking layunin, hindi lang kumain, matulog at maghanap ng pang araw-araw na pangkabuhayan at magpakasasa sa kanilang gusto. Upang matupad ang layuning ito, kailangang subukang hanapin ng isa kung ano ang kanyang layunin, at ito ay magagawa lamang sa pamamagitan ng pagsisiyasat. Kung naniniwala ang isa na mayroong Diyos, at hindi iniwan ng Diyos ang mga tao na maglibot na walang gabay, kung gayon kailangan nilang hanapin ang relihiyon at paraan ng pamumuhay na inihayag ng Diyos. Sa karagdagan, ang relihiyong ito ay hindi itinago o mahirap sa mga taong hanapin o intindihin, dahil matatalo nito ang layunin ng pag gabay. Dapat ding naglalaman ang relihiyon ng iisang mensahe sa buong panahon, dahil nabanggit natin na ang lahat ay bumabalik sa isang ganap na katotohanan. Ang relihiyong ito ay hindi rin naglalaman ng mga hindi totoo o pagkakasalungatan, dahil ang pagiging huwad o pagkakasalungatan sa isang bagay ng relihiyon ay nagpapatunay ng pagiging huwad ng buong relihiyon, yamang mag-aalinlangan tayo sa integridad ng mga teksto nito.
Walang relihiyon na tumutupad sa mga kondisyong nabanggit sa itaas maliban sa relihiyong Islam, ang relihiyon na alinsunod sa kalikasan ng tao, ang relihiyon na ipinangaral ng mga propeta mula pa sa simula ng tao. Ang ibang relihiyong matatagpuan ngayon, tulad ng Kristiyanismo at Hudaismo, ay mga labi ng relihiyong dala ng mga propeta sa panahon nila, na kung saan ito ay Islam. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, sila ay binago at nawala, at ang natira sa mga relihiyong ito ay may kahalo ng katotohanan at kasinungalingan. Ang tanging relihiyon na napanatili at nangagaral ng parehong mensahe na dala ng mga propeta ay ang relihiyong Islam, ang nag-iisang totoong relihiyon, na panuntunan sa lahat ng kalagayan ng buhay ng tao, pang relihiyon, pampulitika, panlipunan, at indibidwal, at nasa mga tao na siyasatin ang relihiyong ito, upang matiyak ang katotohanan nito, at sundin ito.
Magdagdag ng komento