Ang Kuwento ni Jesus at Maria sa Banal na Quran (bahagi 2 ng 3): Si Hesus
Paglalarawanˇ: Ang bahaging ito ay sinisiyasat ang buhay ni Propeta Hesus, ang kanyang mensahe, mga himala, kanyang mga disipulo at kung ano ang nabanggit tungkol sa kanila sa Banal na Quran.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 08 May 2014
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,365 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Si Hesus na Propeta
“Ipagbadya: “Kami ay sumasampalataya kay Allah at sa kapahayagan na ipinagkaloob sa amin, at (sa mga ipinahayag) kay Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at sa mga inapo ni Hakob, at sa mga ipinahayag kay Moises at Hesus at sa mga ipinahayag sa (lahat) ng mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatakda sa kanila ng pagtatangi-tangi at kay Allah lamang kami ay tumatalima.’” (Quran 2:136)
“Katotohanang ikaw (O Muhammad) ay binigyan Namin ng inspirasyon, kung paano rin (naman) Namin binigyan ng inspirasyon si Noah at ang mga Propeta na sumunod sa kanya. Amin (ding) binigyan ng inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaac, Hakob, at ang kanyang mga inapo (Hakob), si Hesus, Job, Jonas, Aaron, at Solomon, at kay David ay Aming iginawad ang Salmo.” (Quran 4:163)
“Ang Mesiyas (Hesus), ang anak ni Maria, ay hindi hihigit pa sa isang Tagapagbalita, marami ng mga Tagapagbalita ang pumanaw nang una pa sa kanya. Ang kanyang ina (Maria) ay isang malakas na mananampalataya.[1] Sila ay kapwa kumakain ng pagkain[2] Pagmasdan kung paano Namin ginawa ang Ayat (mga katibayan, aral, kapahayagan, tanda, atbp.) na maliwanag sa kanila, magkagayunman, pagmalasin kung paano sila napaligaw nang malayo.” (Quran 5:75)
“Siya (Hesus) ay hindi hihigit pa sa isang alipin. Aming iginawad ang Aming paglingap sa kanya at Aming ginawa siyang halimbawa sa Angkan ng Israel.” (Quran 43:59)
Ang Mensahe ni Hesus
“At sa kanilang (mga propeta) yapak, Aming isinugo si Hesus, ang anak ni Maria, na nagpapatotoo sa Torah (mga Batas) na dumatal nang una pa sa kanya, at Aming ipinagkaloob sa kanya ang Ebanghelyo, na naririto ang patnubay at liwanag at pagpapatotoo sa Torah (mga Batas) na dumatal bago pa rito (Ebanghelyo), isang patnubay at paala-ala sa Al Muttaqun (mga matimtiman, banal, matuwid, mabuting tao).” (Quran 5:46)
“O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng pananampalataya, at huwag din kayong magsabi ng tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ay (hindi hihigit pa) sa isang Tagapagbalita ni Allah at Kanyang Salita (“Mangyari nga!”, at ito ay magaganap) na Kanyang iginawad kay Maria at isang Ruh (espiritu) na Kanyang nilikha.[3] kaya’t manampalataya kay Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita. Huwag kayong mangusap ng: “Trinidad (o Tatlo)!” Magsitigil! (Ito ay) higit na mainam sa inyo. Sapagkat si Allah (ang tanging) Nag-iisang Diyos, ang Kaluwalhatian ay sa Kanya, (higit Siyang mataas) kaysa (sa lahat) upang magkaroon ng anak. Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At si Allah ay Lalagi at Sapat na upang maging Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari. Ang Mesiyas ay hindi kailanman magpapawalang halaga (magiging palalo) na paglingkuran at sambahin si Allah, gayundin ang mga anghel na pinakamalapit (kay Allah).[4] At sinumang magtakwil ng pagsamba sa Kanya at maging palalo, sila ay Kanyang titipuning lahat nang samasama sa Kanya.” (Quran 4:171-172)
“Ito si Hesus, ang anak ni Maria, (ito ay) isang pahayag ng katotohanan, na dito sila ay nag-aalinlangan (o nagsisipagtalo-talo). Hindi isang katampatan (sa Kamahalan ni) Allah na Siya ay magkaanak ng isang lalaki. Tunay Siyang Maluwalhati. Kung Siya ay magtakda ng isang bagay, Siya ay magwiwika lamang ng “Mangyari nga” at ito ay magaganap.[5] (Si Hesus ay nagsabi): “At katotohanang si Allah ang aking Panginoon at inyong Panginoon. Kaya’t (tanging) sambahin Siya. Ito ang Tuwid na Landas At ang mga sekta ay nagkaibaiba, kaya’t kasawian sa mga hindi sumasampalataya, sa Pakikipagtipan ng Dakilang Araw.” (Quran 19:34-37)
“Nang si Hesus ay dumatal na may Maliwanag na mga Katibayan (mula sa Amin), siya ay nagsabi: “Ako ay dumatal sa inyo na may Hikmah (karunungan ng isang propeta), upang aking gawing maliwanag sa inyo ang ilan (sa mga bagay-bagay) na inyong pinagtatalunan; kaya’t inyong pangambahan si Allah at ako ay inyong sundin. “Katotohanang si Allah, Siya ang aking Panginoon at inyong Panginoon; kaya’t tanging Siya ang inyong sambahin; ito (lamang) ang Matuwid na Landas.” Datapuwa’t ang mga sekta sa pagitan nila ay nabulid sa hindi pagkakasundo-sundo; kaya’t kasawian sa mga gumagawa ng kamalian mula sa kaparusahan ng kahindik-hindik na Araw!” (Quran 43:63-65)
“At (alalahanin) nang si Hesus, ang anak ni Maria, ay nagbadya: “o Angkan ng Israel! Ako ay isang Tagapagbalita ni Allah na ipinadala sa inyo, na nagpapatotoo sa Torah na ipinadala (sa inyo) nang una pa sa akin, at nagbibigay sa inyo ng masayang balita ng isang Tagapagbalita na susunod sa akin, ang pangalang itatawag sa kanya ay Ahmad.[6] Datapuwa’t nang siya ay pumaroon sa kanila na may mga Maliwanag na Katibayan, sila ay nagsipagsabi: “Ito ay isang maliwanag na salamangka!”[7] (Quran 61:6)
Ang mga Himala ni Hesus
“At siya (Maria) ay tumuro sa kanya. Sila ay nagsabi: “Paano kami makikipag-usap sa kanya na isang sanggol pa sa kanyang duyan?”. Siya (Hesus) ay nagpahayag: “Katotohanang ako ay isang alipin ni Allah, ako ay Kanyang binigyan ng Kasulatan at ako ay hinirang Niya na isang propeta.[8] At ginawa Niya na nabibiyayaan ako saan man ako naroroon, at nagtagubilin sa akin sa pagdarasal, at Zakah (katungkulang kawanggawa), habang ako ay nabubuhay. At maging masunurin sa aking ina, at (Kanyang) ginawaran ako na huwag maging palalo at mawalan ng pagtingin ng pasasalamat. Kaya’t Salam (Kapayapaan) ang sumaakin sa araw na ako ay ipinanganak, sa araw na ako ay mamamatay, at sa araw na ako ay muling ibabangon sa pagkabuhay!’” (Quran 19:29-33)
(Maraming mga himala ang nabanggit sa ilalim ng: Ang Mabuting balita ng isang bagong silang na bata)
Ang Lamesang Nakalatag (na pagkain) mula sa Langit sa Pahintulot ng Diyos
“(Gunitain) nang ang mga Disipulo ay nagsabi” “O Hesus na anak ni Maria! Maaari bang ang iyong Panginoon ay magpapanaog sa amin ng isang lamesa (na may pagkain) mula sa langit?” Si Hesus ay nagbadya: “Pangambahan ninyo si Allah kung kayo ay tunay na sumasampalataya.” Sila ay nagsabi: “Kami ay nagnanais na kumain dito (sa lamesa na may pagkain) upang maging matatag ang aming Pananalig, at upang aming maalaman na katiyakang ikaw ay nagsasabi sa amin ng katotohanan at kami sa aming mga sarili ay maging mga saksi.” Si Hesus, ang anak ni Maria ay nagsabi: “O Allah, aming Panginoon! Ipadala Ninyo sa amin mula sa langit ang isang lamesa (na may pagkain) upang sa amin ay magkaroon, – para sa una at huli sa amin, – ng isang pagdiriwang at isang Tanda mula sa Inyo; at Inyong pagkalooban kami ng ikabubuhay, sapagkat Kayo ang Pinakamainam sa mga Tagapagtustos.” Si Allah ay nagwika: “Ako ay magpapanaog nito sa inyo, datapuwa’t kung sinuman sa inyo makaraan ito, ang bumalik sa kawalan ng pananalig, kung gayon, siya ay Aking parurusahan ng isang kaparusahan na hindi Ko pa nagawa sa sinuman sa lahat ng mga nilalang.’” (Quran 5:112-115)
Si Hesus at ang Kanyang mga Disipulo
“O kayong nananampalataya! Kayo ba ay makakatulong ni Allah? Na katulad nang sinabi ni Hesus, ang anak ni Maria, sa kanyang mga disipulo: “Sino ang aking makakatulong (sa mga gawain) sa (Kapakanan) ni Allah? At ang mga disipulo ay sumagot: “Kami ang makakatulong ni Allah!” At ang isang bahagi ng Angkan ng Israel ay sumampalataya, at ang isang bahagi ay nagsitalikod. Subalit binigyan Namin ng kapangyarihan ang mga sumasampalataya laban sa kanilang mga kaaway, at sila ang mga nagsipagtagumpay.”[9] (Quran 61:14)
“At nang Aking (Allah) ilagay sa puso ng mga disipulo (ni Hesus) na manampalataya sa Akin at sa Aking Tagapagbalita, sila ay nagsabi: “Kami ay sumasampalataya. At (kayo) ay maging saksi na kami ay mga Muslim.’” (Quran 5:111)
“Isinugo Namin sa kanila ang iba pang mga Tagapagbalita. Aming isinugo sa kanila si Hesus, ang anak ni Maria, at ibinigay Namin sa kanya ang Ebanghelyo, at itinalaga Namin sa puso ng mga sumusunod sa kanya ang Aming Pagkalinga at Habag. Datapuwa’t ang hindi pag-aasawa na itinalaga nila sa kanilang sarili; ito ay hindi Namin iginawad sa kanila, subalit (ito ay kanilang pinaghanap) upang mabigyang kasiyahan si Allah; ngunit sila ay hindi nagpatupad nito sa nararapat na pagtupad. Kaya’t ipinagkaloob Namin sa lipon nila na sumasampalataya ang kanilang (laang) gantimpala, subalit ang karamihan sa kanila ay Fasiqun (mga mapaghimagsik at palasuway kay Allah). O kayong nananalig (kay Moises [mga Hudyo] at kay Hesus [mga Kristiyano])! Pangambahan ninyo si Allah at sumampalataya rin kayo sa Kanyang Tagapagbalita (Muhammad). Ipagkakaloob Niya sa inyo ang dalawang bahagi ng Kanyang Habag at ipagkakaloob Niya sa inyo ang isang Tanglaw na inyong malalakaran (sa matuwid na landas), at patatawarin Niya ang (inyong nakaraan), sapagkat si Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, Ang Pinakamaawain. Upang mapag-alaman ng Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), na wala silang anupamang kapangyarihan na higit sa mga Biyaya ni Allah, at ang (Kanyang) biyaya ay (tandisang) nasa sa Kanyang Kamay lamang, na Kanyang igagawad sa sinumang Kanyang maibigan sapagkat si Allah ang Panginoon ng Nag-uumapaw na Biyaya.”[10] (Quran 57:27-29)
Mga talababa:
[1] Ang salitang Arabe dito ay nagpapahiwatig ng pinakamataas na antas ng pananampalataya na posible, kung saan isa lamang ang pinaka mataas at ito ang pagiging propeta.
[2] Parehong ang Mesiyas at ang kanyang makadiyos na ina ay kumakain, at hindi iyon katangian ng Diyos, na hindi kumakain o umiinom. Gayundin, ang kumakain ay inilalabas ang mga ito, at hindi ito maaaring maging isang katangian ng Diyos. Narito si Hesus ay katulad ng lahat ng mararangal na sugo na nauna sa kanya: ang kanilang mensahe ay pareho, at ang kanilang katayuan bilang mga di-banal na nilalang ng Diyos ay parehas. Ang pinakamataas na karangalan na maipagkakaloob sa isang tao ay ang pagka-propeta, at si Hesus ay isa sa limang matataas na itinuturing na mga propeta. Tingnan ang bersikulo 33: 7 at 42:13
[3] Si Hesus ay tinawag na isang salita o isang kaluluwa mula sa Diyos sapagkat siya ay nilikha nang sinabi ng Diyos, "Mangyari," at nangyari. Sa kadahilanang ito ay natatangi siya, sapagkat ang lahat ng tao, maliban kina Adan at Eva, ay nilikha mula sa dalawang magulang. Ngunit sa kabila ng kanyang katangi-tanging pagkalikha, si Hesus ay hindi banal na katulad nang iba, bagama't isang mortal na tao.
[4] Lahat ng bagay at ang iba pa maliban sa Diyos ay isang taga-samba o alipin ng Diyos. Ang bersikulo ay iginigiit na ang Mesiyas ay hindi kailanman mag-aangkin ng isang katayuan na mas mataas pa sa isang taga-samba sa Diyos, binabalewala ang anumang pag-aangkin na may kinalaman sa kanyang pagka-diyos. At sa katunayan ay hindi niya kailanman gugustuhin ang gayong katayuan, sapagkat ito ang pinakamataas na karangalan na maaaring hangarin ng sinumang tao.
[5] Kung ang paglikha kay Hesus na walang ama ay ginawa siyang anak ng Diyos, ang lahat ng nilikha tulad ni Hesus na walang nauna ay dapat maging banal, at kasama na sina Adan, Eba, ang unang mga hayop, at ang buong kalupaan kasama ang mga bundok at tubig nito. Ngunit si Hesus ay nilikha tulad ng lahat ng mga bagay sa mundo, nang sinabi ng Diyos, "Mangyari," at nangyari.
[6] Ito ay isa pang pangalan ni Propeta Muhammad.
[7] Maaari itong tumukoy sa parehong mga propeta, Hesus at Muhammad, sumakanila ang kapayapaan. Nang dumating sila kasama ang mensahe mula sa Diyos sa kanilang mga tao, inakusahan silang nagdala ng mahika.
[8] Ang Pagka-propeta ay ang pinakamataas at pinaka kagalang-galang na antas na maabot ng isang tao. Ang isang propeta ay isang tumatanggap ng mga pagpapahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ni Anghel Gabriel. Ang isang sugo ay isang propeta na tumatanggap ng isang kasulatan mula sa Diyos, pati na rin ang mga batas na ihahatid sa kanyang bayan. Nakamit ni Hesus ang pinakamataas na karangalan sa pamamagitan ng pagiging isang propeta at isang sugo.
[9] Ang tagumpay ng mga mananampalataya ay dumating sa pamamagitan ng mensahe ng Islam, at ito ay isang pisikal at isang espirituwal na tagumpay. Inalis ng Islam ang lahat ng pagdududa tungkol kay Hesus at nagbigay ng mga walang pag-aalinlangan na patunay ng kanyang pagka-propeta, at iyon ang espirituwal na tagumpay. Ang Islam ay pisikal na kumalat, na nagbigay sa mga mananamapalataya; na kasali sa mensahe ni Hesus; ng kanlungan at kapangyarihan laban sa kanilang kaaway, at iyon ang pisikal na tagumpay.
[10] Ang Diyos ay nagbibigay ng patnubay sa sinumang nais Niya, anuman ang nakaraan at lahi. At kapag naniniwala ang mga tao, pinararangalan sila ng Diyos at itinataas sa lahat. Ngunit kapag sila ay hindi naniniwala, itinatakwil sila ng Diyos kahit na sila ay mararangal pa.
Magdagdag ng komento