Ang Kuwento ni Hesus at Maria sa Banal na Quran (bahagi 1 ng 3): Maria
Paglalarawanˇ: Ang sumusunod na tatlong bahaging serye ay binubuo ng purong talata mula sa Banal na Quran tungkol kay Maria (Ina ni Hesus) kasama na ang kanyang kapanganakan, pagkabata, personal na mga katangian, at ang mahimalang pagsilang ni Hesus.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 01 Jan 2024
- Nag-print: 4
- Tumingin: 7,815 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Kapanganakan ni Maria
“Si Allah ang humirang kay Adan, sa pamilya ni Abraham, at sa pamilya ni Imran nang higit sa lahat ng mga nilalang (ng kanilang kapanahunan). Mga supling, na magakakapareho (sa kabutihan). At si Allah ang Lubos na Nakaririnig, ang Ganap na Nakababatid. (Gunitain) nang ang asawa ni Imran ay nagsabi: 'O aking Panginoon! Ako ay nangako sa Inyo, na ang aking nasa sinapupunan ay iaalay ko tungo sa paglilingkod sa Inyo, kaya’t tanggapin Ninyo (siya) mula sa akin. Katotohanan, Kayo ang Lubos na Nakaririnig, ang Ganap na Maalam.' At nang kanyang maipanganak siya (ang batang si Maria), siya ay nagsabi: 'O aking Panginoon! Ako ay nagsilang ng isang sanggol na babae,' - at si Allah ang higit na nakakaalam kung ano ang kanyang ipinanganak, 'at ang lalaki ay hindi katulad ng babae, at pinangalanan ko siyang Maria, at ako ay humihingi ng pagkalinga (mula) sa Inyo para sa kanya at sa kanyang magiging anak (laban sa kasamaan) ni Satanas, ang itinakwil.’” (Quran 3:33-36)
Ang Kabataan ni Maria
“Kaya’t ang kanyang Panginoon (Allah) ay tinanggap siya (Maria) ng may mabuting pagtanggap. Hinayaan Niya na siya ay lumaki sa kagandahang asal at siya ay itinagubilin sa ilalim ng pangangalaga ni Zakarias. Sa bawat sandali na siya (Zakarias) ay pumapasok sa silid upang (bisitahin) siya, kanya siyang natatagpuan na maraming pagkain. Siya ay nagsabi: 'O Maria! Saan mo ba nakukuha ang mga ito? Siya ay nagsabi: 'Mula kay Allah.' Katotohanang si Allah ay nagkakaloob ng ikabubuhay sa sinumang Kanyang maibigan ng walang pagbibilang (pasubali).’” (Quran 3:37)
Si Maria, ang Deboto
“At (gunitain) nang ang mga anghel ay magbadya: 'O Maria! Katotohanang si Allah ay humirang sa iyo, nagpadalisay sa iyo, at ikaw ay hinirang nang higit sa lahat ng mga babae sa Mundo.' 'O Maria! Isuko mo ang iyong sarili ng may pagtalima sa iyong Panginoon (kay Allah, sa pagsamba lamang sa Kanya) at magpatirapa ka, at ikaw ay yumukod na kasama ng mga nagpapatirapa.' Ito ay bahagi ng balita ng Al-Ghaib (ang nakalingid, alalaong baga, ang balita ng mga nakaraang pamayanan na wala kayong kaalaman) na Aming ipinahayag sa iyo (o Muhammad). Ikaw ay wala sa lipon nila nang sila ay magsipaghagis ng mga palaso (o busog o bala ng pana) at magpalabunutan kung sino sa kanila ang nararapat na bigyang katungkulan sa pangangalaga kay Maria; at wala ka rin sa kanila nang sila ay nagsisipagtalo.” (Quran 3:42-44)
Ang Mabuting balita ng isang bagong silang na bata
“(Gunitain) nang ipagbadya ng mga anghel: 'O Maria! Si Allah ay naghahatid sa iyo ng masayang balita ng isang Salita (Mangyari nga! At ito ay naganap, alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria) mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay tatawaging Hesus ang Mesiyas, na anak ni Maria, na itinampok sa karangalan sa mundong ito gayundin sa Kabilang Buhay, at magiging isa sa mga malalapit kay Allah.' Siya (Hesus) ay mangungusap sa mga tao sa kanyang duyan at sa kanyang pagbibinata, siya ay magiging isa sa mga matutuwid. Siya (Maria) ay nagsabi: 'O aking Panginoon! Papaano akong magkakaroon ng anak (na lalaki) gayong wala pang lalaki ang sumaling sa akin.' Siya (Gabriel) ay nagwika: 'Ito ay magaganap, sapagkat si Allah ay lumilikha ng Kanyang maibigan.' Kung Siya ay magtalaga ng isang bagay, Siya ay magwiwika lamang ng: 'Mangyari nga!', at ito ay magaganap. At Siya (Allah) ay magtuturo sa kanya (Hesus) ng Aklat at Al-Hikmah (alalaong baga, ang Sunnah, [mga Gawa], ang pangungusap ng mga Propeta na walang kamalian, ang karunungan, atbp.) at ng Torah (Mga Batas) at ng Ebanghelyo. At Kanyang hihirangin siya (Hesus) na isang Tagapagbalita sa Angkan ng Israel (na magsasabi): 'Ako ay naparito sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon; aking huhubugin para sa inyo mula sa malagkit na putik, na katulad nito, ang hugis ng isang ibon, sa pamamagitan ng kapahintulutan ni Allah; at aking pagagalingin siya na ipinanganak na bulag, at ang may ketong, at aking bibigyang muli ng buhay ang patay, sa pamamagitan ng kapahintulutan ni Allah. At ipapaalam ko sa inyo kung ano ang inyong kinakain, at kung ano ang iniimbak ninyo sa inyong mga tahanan. Katotohanang naririto ang isang tanda sa inyo kung kayo ay nananalig. At ako ay pumarito (sa inyo) na nagpapatotoo kung ano (ang nakapaloob) sa Torah (mga Batas) noong pang una, at upang gawing tumpak (at makatarungan) sa inyo ang ilang bahagi (ng mga bagay) na sa inyo ay ipinagbabawal, at ako ay pumarito sa inyo na may katibayan mula sa inyong Panginoon. Kaya’t pangambahan ninyo si Allah at ako ay inyong sundin. Katotohanan! Si Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t (tanging ) Siya (lamang) ang inyong sambahin. Ito ang Matuwid na Landas.” (Quran 3:45-51)
“At nabanggit sa Aklat (ang kwento ni) Maria, ng siya ay humiwalay (muna) at mapag-isa (na malayo) sa kanyang pamilya sa isang lugar sa gawing silangan. Siya ay naglagay ng lambong (upang pangalagaan ang kanyang sarili) sa kanila; at Aming isinugo sa kanya ang Aming ruh (ang Anghel na si Gabriel), at siya ay tumambad sa harap niya sa anyo ng isang ganap na tao. Siya (Maria) ay nagsabi: “Katotohanang ako ay humihingi ng kaligtasan mula sa Pinakamahabagin (Allah) [laban] sa iyo, kung ikaw ay may pangangamba kay Allah.”[1] (Ang Anghel) ay nagpahayag: “Ako ay isa lamang Tagapagbalita mula sa iyong Panginoon, (upang ibalita) sa iyo ang handog ng isang matuwid na anak na lalaki.” Siya (Maria) ay nagsabi: “Paano ako magkakaroon ng anak na lalaki gayong wala pang lalaki ang nakasaling sa akin, gayundin, ako ay isang malinis (na babae)?” Siya (Gabriel) ay nagpahayag: “Mangyari nga (at ito ay magaganap)”, ang iyong Panginoon ang nagwika: “Ito ay magaan sa Akin (Allah): At (nais Namin) na italaga siya (anak na lalaki) bilang isang Tanda sa sangkatauhan at isang Habag mula sa Amin (Allah), at ito ay isang bagay (na napagpasyahan na) sa pag-uutos (ni Allah).”[2] (Quran 19:16-21)
Ang Dalisay na Pagbubuntis
“At (alalahanin ) siya na nangangalaga sa kanyang kapurihan at kalinisan (Birheng Maria); siya ay Aming hiningahan (sa manggas) ng kanyang (kasuutan) ng Aming Ruh [Espiritu] (sa pamamagitan ni Anghel Gabriel), at Aming ginawa siya at ang kanyang anak (na si Hesus) na isang Tanda sa lahat ng mga nilalang.”[3] (Quran 21:91)
Ang Kapanganakan ni Hesus
“ At siya ay nagdalantao sa kanya, at siya ay pumaroon na kasama niya (ang kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan) sa isang malayong lugar (alalaong baga, sa Bethlehem, na mga apat hanggang anim na milya mula sa Herusalem). At ang sakit ng panganganak ay nagsadlak sa kanya sa tabi ng puno ng palmera (datiles). Siya ay nangusap: “Sana’y namatay na lamang ako bago ito nangyari sa akin, at nakalimutan at naglaho sa kaninumang paningin ng mga tao!" [si Maria ay nag-aalala na ang mga tao ay mag-isip ng di maganda sa kanya dahil wala naman siyang asawa] At (ang sanggol na si Hesus) ay nangusap sa kanyang paanan na nagsasabi: “Huwag kang manimdim! Ang iyong Panginoon ay nagkaloob ng isang dalisdis ng tubig sa iyong ibaba (paanan); At iyong ugain ang puno ng palmera (datiles) sa iyong harapan, at dito ay malalaglag ang mga sariwa at hinog na bunga para sa iyo. Kaya’t kumain ka at uminom at maging masaya, at kung ikaw ay makakatagpo ng sinumang tao, iyong sabihin: “Katotohanang ako ay nagtalaga ng pag-aayuno sa Pinakamaawain (Allah), kaya’t ako ay hindi makikipag-usap sa sinumang tao sa araw na ito.” At kanyang dinala siya (ang sanggol) sa kanyang pamayanan na kanyang karga. Sila ay nagsabi: “O Maria! Katotohanang ikaw ay nagdala ng isang bagay na Fariyya (isang hindi naririnig na pambihirang bagay). O kapatid na babae ni Aaron (hindi si Aaron na kapatid ni Moises, datapuwa’t isa ring butihing lalaki sa panahon ni Maria)! Ang iyong ama ay isang tao na hindi gumagawa ng pangangalunya, gayundin ang iyong ina ay hindi isang maruming babae.” At siya (Maria) ay itinuro siya (Hesus). Sila ay nagsabi: “Paano kami makikipag-usap sa kanya na isang sanggol pa sa kanyang duyan?” Siya (Hesus) ay nagpahayag: “Katotohanang ako ay isang alipin ni Allah, ako ay Kanyang binigyan ng Kasulatan at ako ay hinirang Niya na isang propeta.[4] At ginawa Niya na nabibiyayaan ako saan man ako naroroon, at nagtagubilin sa akin sa pagdarasal, at zakah (katungkulang kawanggawa), habang ako ay nabubuhay, At maging masunurin sa aking ina, at (Kanyang) ginawaran ako na huwag maging palalo at masama; Kaya’t Salam (Kapayapaan) ang sumaakin sa araw na ako ay ipinanganak, at sa araw na ako ay mamamatay, at sa araw na ako ay muling ibabangon sa pagkabuhay!’” (Quran 19:22-33)
“Katotohanan, ang kahalintulad ni Hesus sa Paningin ni Allah ay katulad ni Adan. Kanyang nilikha siya mula sa alabok, at (Kanyang) winika sa kanya: “Mangyari nga!” At siya ay nalikha.”[5] (Quran 3:59)
“ At ginawa Namin ang anak ni Maria (si Hesus) at ang kanyang ina bilang isang Tanda, at Aming binigyan sila ng kanlungan at pahingahan sa mataas na lupa, na may dumadaloy na batis.”[6] (Quran 23:50)
Ang Kahusayan ni Maria
“At si Allah ay nagturing ng isang halimbawa sa mga sumasampalataya, sa asawa ni Paraon, nang siya ay manikluhod: “Aking Panginoon! Inyo akong ipagtayo ng isang Tahanan sa Halamanan na malapit sa Inyo at ako ay Inyong iligtas kay Paraon at sa kanyang gawa, at Inyo akong iligtas sa mga tao na Zalimun (mga mapaggawa ng kasamaan, mapagsamba sa mga diyus-diyosan, walang pananalig kay Allah). At si Maria, na anak na babae ni Imran na nangangalaga sa kanyang kalinisan (sa kapurihan); at Aming hiningahan (ang manggas ng kanyang damit) sa pamamagitan ng Aming ruh (alalaong baga, si Gabriel), at siya ay nagpatotoo sa katotohanan ng mga Salita ng kanyang Panginoon (alalaong baga, ang pagsampalataya sa Salita ni Allah: “Mangyari nga!”, ito si Hesus na anak ni Maria, bilang isang Tagapagbalita ni Allah), at gayundin (ang pagsampalataya) sa kanyang mga Kasulatan, siya ay isa sa mga Qanitin (matimtimang tagapaglingkod).” (Quran 66:11-12)
Mga talababa:
[1] Ang Pinaka-Mahabagin ay isa sa mga pangalan ng Diyos sa Quran.
[2] Si Hesus ay isang tanda ng kapangyarihan ng Diyos, kung saan ipinakita ng Diyos sa mga tao na maaari Niyang likhain si Hesus na walang ama, tulad ng nilikha Niya si Adan na walang mga magulang. Si Hesus ay isang tanda din na ang Diyos ay ibabangong muli ang lahat ng mga tao pagkatapos ng kanilang pagkamatay, sapagkat ang isang lumilikha mula sa wala ay may lubos na kakayahan na buhaying muli ang mga namatay. Isa rin siyang tanda ng Araw ng Paghuhukom, kapag bumalik na siya sa mundo at mapatay ang Anti-Kristo sa Huling mga Araw.
[3] Kahalintulad, ng pagkakalikha ng Diyos kay Adan na walang ama o ina, ang kapanganakan ni Hesus ay mula sa ina na walang ama. Ang kailangan lang gawin ng Diyos para sa isang bagay na mangyari ay sabihin lamang na "Mangyari" at ito ay mangyayari nga; sapagkat ang Diyos ay may kakayahan sa lahat ng bagay.
[4] Ang Pagka-propeta ay ang pinakamataas at pinaka kagalang-galang na antas na maaabot ng isang tao. Ang isang propeta ay isang taong tumatanggap ng mga pagpapahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ni Anghel Gabriel.
[5] Nilikha si Adan nang sinabi ng Diyos, "Mangyari," at nangyari nga kahit na siya ay walang ama o ina. At ganon din si Hesus ay nilikha ng Salita ng Diyos. Kung ang di-pangkaraniwang pagsilang kay Hesus ay magpapabanal sa kanya, kung gayon si Adan ay mas karapat-dapat sa pagkabanal na iyon sapagkat si Hesus ay mayroong kahit isang magulang, samantalang si Adan ay wala. Ngunit si Adan ay hindi banal, gayon din si Hesus ay hindi banal, ngunit kapwa mga nagpapakumbabang lingkod ng Diyos.
[6] Dito ipinanganak ni Maria si Hesus.
Magdagdag ng komento