Ang mga Kagandahan ng Islam (bahagi 2 ng 3): Ang Islam ay Pinagaganda ng Kapayapaan, Pagmamahal at Paggalang
Paglalarawanˇ: Mga maikling paglalarawan ng iilang higit pang mga likas na kagandahan sa relihiyong Islam.
- Ni Aisha Stacey (© 2012 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 26 Apr 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 7,242 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
4.Ang Islam ay nagbibigay sa atin ng tunay na kapayapaan
Ang mga salitang Islam, Muslim at salaam (kapayapaan) ay lahat nagmula sa salitang ugat na “Sa - la – ma”. Ito ay nangangahulugan ng kapayapaan, seguridad, at kaligtasan. Kapag ang isang tao ay nagpapasakop sa kalooban ng Diyos nakakaranas siya ng isang likas na pakiramdam ng katiwasayan at kapayapaan. Ang Salaam ay isang naglalarawang salita na sumasaklaw sa higit sa katahimikan at kapanatagan; nasasaklaw din nito ang mga konsepto ng kaligtasan, seguridad at pagtalima. Sa katunayan, ang Islam sa kumpletong kahulugan nito ay nangangahulugang ang pagtalima sa nag-iisang Diyos na nagbibigay sa atin ng kaligtasan, seguridad, kapayapaan at pagkakaisa. Ito ang totoong kapayapaan. Ang mga Muslim ay nagbabatian ng bawat isa sa mga salitang 'Assalam Alaikum'. Ang mga salitang Arabik na ito ay nangangahulugang 'Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng proteksyon at seguridad (tunay at magpakailanman na kapayapaan)'. Sa pamagitan ng mga maikling salitang Arabik na ito ay napagkikilanlan ng mga Muslim na sila ay kabilang sa mga kaibigan, at hindi mga estranghero. Ang pagbati na ito ay naghihikayat sa mga mananampalataya na maging isang pandaigdigang pamayanan na hindi pinamumunuan ng mga angkan o mga bansa at pinagkaisa lamang dahil sa kapayapaan at pagkakaisa. Ang Islam mismo ay likas na nauugnay sa panloob na kapayapaan at kapanatagan.
“At sila na sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita at sa kanilang mga dinalang pahayag) at nagsigawa ng kabutihan ay hahayaan na magsipasok sa mga Halamanan na sa ilalim nito ay may mga batis na nagsisidaloy, - upang manahan dito magpakailanman (alalaong baga, sa Paraiso), ng may kapahintulutan ng kanilang Panginoon. Ang kanilang pagbati rito ay salaam (Kapayapaan!).” (Quran 14:23)
5.Pinapayagan tayo ng Islam na makilala ang Diyos
Ang unang prinsipyo at pangunahing punto ng Islam ay ang paniniwala sa isang Diyos, at ang kabuuan ng Quran ay nakatuon para rito. Nagsasalita ito nang direkta tungkol sa Diyos at sa Kanyang Diwa, Pangalan, Mga Katangian at Mga Gawain. Ang pagdarasal ay nag-uugnay sa atin sa Diyos, gayunpaman ang tunay na pag-alam at pag-unawa sa mga Pangalan at Katangian ng Diyos ay isang mahalaga at natatanging pagkakataon, na sa Islam lamang matatagpuan. Ang mga hindi nagsisikap na kilalanin talaga ang Diyos ay malilito sa kanilang likas na pag-iral o di kaya mababalisa. Ang isang Muslim ay hinihikayat na alalahanin ang Diyos at magpasalamat sa Kanya at magagawa ito ng isang tao sa pamamagitan ng pagninilay at pag-unawa sa magagandang Pangalan at Katangian ng Diyos. Sa pamamagitan nito ay nakikilala natin ang ating Manlilikha.
“Allah! La ilaha illa Huwa! (Ang Diyos! Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya)! Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng Magagandang Pangalan.” (Quran 20:8)
“At (ang lahat) ng Pinakamagagandang Pangalan ay angkin ni Allah, kaya’t Siya ay tawagin ninyo sa mga Pangalang yaon, at iwan ninyo ang mga pangkat ng nagpapabulaan o nagkakaila (o umuusal ng walang galang na salita) sa Kanyang Pangalan.…” (Quran 7:180)
6.Itinuturo sa atin ng Islam kung paano pangalagaan ang kapaligiran
Kinikilala ng Islam na ang tao ay ang mga tagapag-alaga ng mundo at lahat ng nilalaman nito, kabilang ang mga halaman, hayop, karagatan, ilog, disyerto, at mayabong na lupain. Binigyan tayo ng Diyos ng mga bagay na kailangan natin upang mabuhay ng matagumpay at umunlad, ngunit obligado tayong pangalagaan ang mga ito at mapanatili ito para sa mga susunod na henerasyon.
Noong 1986, inanyayahan ni Prinsipe Phillip; ang Presidente ng World Wildlife Fund; ang mga pinuno ng limang pinaka malalaking relihiyon sa mundo upang magpulong sa Italyanong syudad ng Assisi. Nagpulong sila upang talakayin kung paano makakatulong ang pananampalataya na mailigtas ang likas na mundo, ang kapaligiran. Ang sumusunod ay mula sa pahayag ng Muslim sa Assisi Declarations on Nature:
Sinasabi ng mga Muslim na ang Islam ay ang gitnang landas at mananagot tayo sa kung papaano natin ginampanan ang landas na ito, kung paano natin pinananatili ang balanse at pagkakaisa sa pangkalahatan ng nilikha sa ating paligid.
Ang mga kaasalang ito ang naging dahilan ni Muhammad, ang Propeta ng Islam, upang sabihin: 'Sinumang magtanim ng isang puno at naging masigasig sa pag-aalaga nito hanggang sa ito ay yumabong at magbunga ay gagantimpalaan.’
At dahil sa mga kadahilanang ito kaya't nakikita ng mga Muslim ang kanilang mga sarili bilang may pananagutan sa mundo at sa kapaligiran, kung saan lahat ay mga nilikha ng Allah.
Hindi tulad ng maraming iba pang mga relihiyon, ang mga Muslim ay walang anumang tukoy na kapistahan kung saan sila ay nagpapasalamat sa pag-aani o sa mundo. Sa halip ay karaniwan silang nagpapasalamat kay Allah para sa Kanyang nilikha.[1]
7.Ang Islam ay paggalang
Ang isa pang magandang aspeto ng Islam ay ang paggalang sa sangkatauhan at sansinukob na ating tinitirhan. Malinaw na ipinahayag ng Islam na pananagutan ng bawat miyembro ng sangkatauhan na pakitunguhan ang mga nilikha ng may paggalang, karangalan at dangal. Ang pinaka nararapat sa paggalang ay ang Lumikha Mismo at syempre ang paggalang ay nagsisimula sa pagmamahal at pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang kabuuang paggalang sa Diyos ay nagbibigay-daan sa lahat ng mga kaugalian at mataas na pamantayan ng moralidad na likas sa Islam na dumadaloy sa ating buhay at buhay ng mga nakapaligid sa atin. Sapagkat ang Islam ay inuugnay ang paggalang sa kapayapaan, pag-ibig at habag at kasama na rin dito ang paggalang ng dangal, reputasyon at kasarinlan ng iba. Ang paggalang ay nagsasangkot sa pananatiling malayo sa mga pangunahing kasalanan ng panlilibak, pagsisinungaling, paninirang-puri, at tsismis. Nangangahulugan ito ng pag-iwas sa mga kasalanan na magtatanim o magdudulot ng alitan sa mga tao o maghahantong sa pagkawasak.
Kasama rin sa paggalang ang pagmamahal sa ating mga kapatid kung ano ang mahal natin para sa ating sarili. Ito ay may kinalaman sa pagtrato sa iba sa paraan na inaasahan nating pagtrato sa atin at ang paraan na inaasahan nating itatrato tayo ng Diyos - nang may habag, pag-ibig at awa. Ang mga pangunahing kasalanan ay nagbibigay hadlang sa pagitan ng sangkatauhan at sa Awa ng Diyos at nagiging sanhi ng lahat ng pagdurusa, paghihirap at kasamaan sa mundong ito at sa kabilang buhay. Iniuutos sa atin ng Diyos na lumayo sa kasalanan at magsikap na labanan ang ating sariling mapanirang kapintasan. Nabubuhay tayo sa isang panahon na kung saan madalas nating hinihingi ang paggalang mula sa iba ngunit maaaring hindi iginagalang ang mga nasa paligid natin. Ang isang kagandahan ng Islam ay binibigyan tayong muli ng pagkakataon na magkaroon ng paggalang sa pamamagitan ng pagtalima ng buong puso sa kalooban ng Diyos. Gayunpaman, kung hindi natin maintindihan kung paano at kung bakit sumusuko tayo sa Diyos ay hindi natin makukuha ang paggalang na nais at kailangan natin. Itinuturo sa atin ng Islam at ipinapaalala sa atin ng Diyos sa Quran na ang tanging layunin natin sa buhay ay ang pagsamba sa Kanya.
“At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban na tanging sambahin lamang Ako(ng nag-iisa).” (Quran 51:56)
Magdagdag ng komento