Kaligayahan sa Islam (bahagi 3 ng 3): Ang Kaligayahan ay Matatagpuan sa Taos-Pusong Pagsamba
Paglalarawanˇ: Ang mga utos ng Diyos ay nakadisenyo upang magdala ng kaligayahan.
- Ni Aisha Stacey (© 2011 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 11
- Tumingin: 8,187 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa Bahagi 1, tinalakay natin ang ebolusyon ng kaligayahan sa pananaw ng kanluran, at ang epekto nito sa kultura ng kanluran. Sa bahagi 2, muling sinuri natin ang mga kahulugan ng kaligayahan at sinubukan na maunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng agham at kaligayahan. Ngayon, sa bahagi 3, malalaman natin ang tungkol sa kaligayahan sa mga katuruan ng Islam.
Ang Islam ay ang relihiyon na higit pa sa isang relihiyon; ito ang relihiyon na isang kumpletong paraan ng pamumuhay. Walang maliit o malaking bagay na hindi sakop ng mga katuruan ng Islam. Magalak at maging masaya, manatiling positibo at maging mapayapa.[1]Ito ang itinuturo sa atin ng Islam, sa pamamagitan ng Quran at ng tunay na mga turo ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang bawat utos ng Diyos ay naglalayong magdala ng kaligayahan sa indibidwal. Naisasagawa ito sa lahat ng aspeto ng buhay, pagsamba, ekonomiya, at lipunan.
"Sinuman ang gumagawa ng kabutihan, maging lalaki at babae, habang siya ay nananatili na isang sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah, sa Islam), katotohanan, sa kanya ay igagawad Namin ang isang mabuting buhay (sa mundong ito ng may paggalang, kasiyahan, at pinahihintulutang kabuhayan [ikabubuhay]), at katiyakan na Aming babayaran sila ng gantimpala ng ayon sa (sukat o timbang) ng pinakamainam sa kanilang ginawa (alalaong baga, ang Paraiso sa Kabilang Buhay).” (Quran 16:97)
Tulad ng napagtanto ng karamihan sa atin, ang kaligayahan ay ang mataas na kalidad na sumasaklaw sa kasiyahan at kapayapaan; ang munting kaligayahan ang nagiging sanhi para sa ating mga labi, mukha at puso na ngumiti. Natutukoy ito sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Sa gayon ang kaligayahan ay naglalagay ng seguridad, kapayapaan at pagtalima at ito ang sa Islam. Ang mga utos at patakaran ng Islam ay nagpapatibay sa kaligayahan na nagmumula sa pagkilala sa Diyos at nakakatulong ito upang matiyak ang kaligayahan ng tao sa buhay sa mundong ito. Gayunpaman, binibigyang diin din ng Islam na ang buhay ng mundong ito ay walang iba kundi isang paraan upang matamo ang Kabilang Buhay. Sa pagsunod sa mga alituntunin ng Islam posible na maging masaya habang hinihintay ang ating walang hanggang kaligayahan.
Minsan, upang makamit ang kaligayahan, sinisikap ng mga tao na sundin ang mga kumplikadong landas; nabigo silang makita ang mas madaling landas at ito ang Islam. Ang kaligayahan ay matatagpuan sa aliw na nagmumula sa pagiging totoo. Maaari itong makamit sa pamamagitan ng taimtim na pagsamba, walang pag-aatubili sa mabuti, marangal at magagandang gawain, at sa pagsasagawa ng mga mabuting pakikitungo o pagbibigay ng kawanggawa. Lahat ng mga bagay na ito ay may potensyal na mapasaya tayo, araw-araw, sa anumang mga kalagayan. Kahit na ang pagbibigay ng pinakamaliit na kawanggawa, upang masiyahan ang Diyos, ay maaaring magdala ng isang ngiti sa iyong mukha at isang pakiramdam ng kagalakan sa iyong puso.
“At ang nakakahalintulad ng mga gumugugol ng kanilang kayamanan na naghahangad na magbigay lugod kay Allah at upang patibayin ang kanilang kaluluwa ay tulad ng isang halamanan na malago at malusog; ang malakas na ulan ay bumuhos dito at ito ay nagbunga ng higit na maraming ani, at kung ito man ay hindi tumanggap ng malakas na ulan, ang kaunting pagkabasa nito ay sapat na. Si Allah ang Ganap na Nakakamasid sa anumang inyong ginagawa.” (Quran 2:265)
Sinabi ni Propeta Muhammad, "Tunay na kamangha-mangha ang mga gawain ng isang mananampalataya!Lahat ng ito ay para sa kanyang ikabubuti. Kung bibigyan siya ng kadalian, nagpapasalamat siya, at mabuti ito para sa kanya.At kung siya ay dinapuan ng isang paghihirap, nagtitiis siya, at ito ay mabuti para sa kanya."[2] Ang likas na kalagayan ng tao ay nangangahulugang sa gitna ng kaligayahan ay maaaring magkaroon ng malaking kalungkutan at sa loob ng sakit at kawalan ng pag-asa ay maaaring may malaking kagalakan. Tatanggapin ng isang mananampalataya ang tadhana ng Diyos para sa kanya at mamumuhay ng isang maligayang buhay na malaya sa kawalan ng pag-asa o kapighatian.
Ang Islam ay may sagot sa lahat ng mga problema na dumadapo sa sangkatauhan, at ang pag-alam na ito ay humahantong sa kaligayahan, sapagkat nagsasanhi ito na tumingin tayo sa labas ng pangangailangan sa pansariling kasiyahan, at ang pangangailangang maglikom ng mga pag-aari. Ang pagsunod sa turo ng Islam at pagsisikap na kalugdan ng Diyos ay isang palagiang paalala na ang buhay na ito ay walang iba kundi isa lang pansamantalang paghinto sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.
“Datapuwa’t sinumang sumuway sa Aking Paala-ala (alalaong baga, hindi naniniwala sa Qur’an at hindi sumusunod sa mga pag-uutos nito), katotohanang sasakanya ang buhay ng kahirapan at siya ay bubuhayin Naming muli na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” (Quran 20: 124)
Sinabi ng Diyos sa Quran, “Katotohanan! Ako si Allah! La ilaha illa Ana (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Akin).” (20:14). Ang susi sa kaligayahan ay ang pagkilala at pagsamba sa Diyos. Kapag ang isang sumasamba ay inaalala ang Lumikha bilang Siya na dapat sambahin at alalahanin, ang kaligayahan ay maaaring mapagmasdan sa buong kapaligiran natin, sa anumang sandali at maging sa pinakamadilim na gabi. Nariyan ito sa ngiti ng isang bata, sa haplos ng isang nakikiramay na kamay, sa pag-ulan sa marupok na lupa, o sa amoy ng tagsibol. Ang mga bagay na ito ay makapagpapasaya sa ating puso sapagkat ang mga ito ay pagpapakita ng awa at pagmamahal ng Diyos. Ang kaligayahan ay matatagpuan sa pagsamba.
Upang mahanap ang totoong kaligayahan dapat nating hangarin na makilala ang Diyos, lalo na sa pamamagitan ng Kanyang mga pangalan at katangian. Ang paghahanap ng kapaki-pakinabang na kaalaman ay nagdudulot ng kaligayahan. Ang mga anghel ay pinapagaspas ang kanilang mga pakpak at nagsusulat ng mga talaan ng mga naghahanap ng kaalaman; ang pag-iisip lamang nito ay nagdudulot ng isang ngiti ng kaligayahan sa mukha ng isang mananampalataya. Naunawaan ng nauna sa atin na matutuwid ang pagkakaroon ng kaligayahan at kagalakan na matatagpuan sa pagsusumikap na maging malapit sa Diyos.
Ang magaling na iskolar ng Islam na si Ibn Taymiyyah, kahabagan siya ni Allah, minsan ay sinabi, "Minsan akong nagkasakit at sinabi sa akin ng manggagamot na ang pagbabasa at pagbibigay ng mga talakayan tungkol sa kaalaman ay magpapalala lamang sa aking kalagayan. Sinabi ko sa kanya na hindi ko kayang talikuran ang mga hangarin na ito. Tinanong ko siya kung ang katawan ay nagiging mas malakas at ang sakit ay natatanggal kung ang kaluluwa ay nakakaramdam ng kaligayahan at ligaya. Tumugon siya ng may pagsang-ayon, kaya't sinabi ko ang kaluluwa ko ay nakakatagpo ng kagalakan, ginhawa at lakas sa kaalaman".
Makakamit lamang natin ang perpektong kaligayahan kung namumuhay na tayo ng walang hanggan sa Paraiso. Doon lamang tayo makakahanap ng kabuuang kapayapaan, katahimikan at seguridad. Doon lamang tayo malaya sa takot, pagkabalisa at sakit na bahagi ng kalagayan ng tao. Gayunpaman ang mga patnubay na ibinigay ng Islam ay nagpapahintulot sa atin, na mga hindi perpektong tao, na maghanap ng kaligayahan sa mundong ito. Ang susi sa pagiging masaya sa mundong ito at ang susunod ay paghahanap sa ikakalugod ng Diyos, at pagsamba sa Kanya, nang walang iniuugnay na mga katambal sa Kanya.
At mayroon (sa karamihan) ng mga tao ang nagsasabi: “Aming Panginoon! Inyo kaming pagkalooban ng mabuti sa mundong ito at ng mabuti sa Kabilang Buhay, at Inyo kaming iadya sa kaparusahan ng Apoy!” (Quran 2:201)
Magdagdag ng komento