Ang Paglalakbay Patungo sa Kabilang Buhay (bahagi 7 ng 8): Ang Di-Mananampalataya at ang Impiyerno
Paglalarawanˇ: Paano tatanggapin ng Impiyernong apoy ang mga di-mananampalataya.
- Ni Imam Mufti (co-author Abdurrahman Mahdi)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 21
- Tumingin: 9,889 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang mga walang pananampalataya ay tatanggapin ng Impiyerno na may pagngangalit at dagundong:
"…at Kami ay naghanda para sa mga nagtatakwil sa Oras, ng nag-aalimpuyong Apoy. Na kung ito [Impiyernong-apoy] ay nakikita sila mula sa kalayuan, ay kanilang maririnig ang pagngangalit at dagundong nito." (Quran 25:11-12)
Kapag malapit na sila rito, aantabayanan nila ang kanilang mga gapos na bakal at ang kanilang kapalaran bilang panggatong:
"Katotohanan, Kami ay naghanda para sa mga hindi mananampalataya ng mga kadena at mga gapos na bakal at naglalagablab na apoy." (Quran 76:4)
"Katotohanan, nasa Amin ang mga panggapos na bakal at naglalagablab na apoy." (Quran 73:12)
Ang mga anghel ay magmamadali sa utos ng Diyos na sakmalin at gapusin siya:
"Sakmalin siya at igapos." (Quran 69:30)
"…at Kami ay maglalagay ng mga panggapos na bakal sa mga leeg ng mga hindi sumampalataya." (Quran 34:33)
Nakagapos sa mga kadena…
"...kadena na ang haba nito ay pitumpong kubiko." (Quran 69:32)
…siya ay kakaladkarin:
"Kung ang mga kuwelyong bakal ay ipupulupot na sa kanilang mga leeg, at ang mga kadena, sila ay hahataking kasama nito." (Quran 40:71)
Habang sila ay nakatali, nakakadena, at kinakaladkad upang itapon sa Impiyerno, ay kanilang maririnig ang matinding poot nito:
"At sa mga hindi nanampalataya sa kanilang Panginoon, ay sasakanila ang kaparusahan ng Impiyerno, at pagkasama-sama ang gayong patutunguhan. Kung sila ay ihulog na rito, kanilang mapapakinggan ang [kalagim-lagim] na pagngangalit habang ito ay kumukulo. Na halos sumabog na sa pagkagalit...." (Quran 67:6-8)
Dahil sa sila ay itataboy mula sa malaking kapatagan ng pagtitipon, na hubad at gutom, magmamakaawa silang hihingi ng tubig sa mga naninirahan sa Paraiso:
"At ang mga nagsisipanirahan sa Apoy ay tatawag sa mga nagsisipanirahan sa Paraiso: ‘Buhusan ninyo kami ng kaunting tubig, o anumang bagay na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos.’ Sila ay magsasabi: ‘Katotohanan ang mga ito ay kapwa ipinagbawal ng Diyos sa mga hindi mananampalataya.’" (Quran 7:50)
Kasabay nito'y ang matatapat sa Paraiso ay tatanggapin ng may karangalan, ginawaran ng kaginhawaan, at paghahandaan ng masarap na mga piging, ang hindi mananampalataya ay kakain sa Impiyerno:
"Kung magkagayon, katotohanang kayo, na mga naligaw, na mga nagtatatwa, ay kakain sa mga puno ng zaqqoom at inyong pupunuin ang inyong sikmura ng mga ito." (Quran 56:51-53)
Ang Zaqqoom: ay isang puno na ang mga ugat ay nasa ilalim ng Impiyerno at ang mga sanga nito ay nasa iba't ibang palapag; ang bunga nito ay hawig sa mga ulo ng mga demonyo:
"Iyon ba (na Paraiso) ay higit na mainam na tirahan o ang puno ng zaqqoom? Katotohanan, Aming ginawa ito na parusa sa mga makasalanan. Katotohanan, ito ay isang puno na tumutubo sa kailaliman ng Impiyernong-apoy, na ang sumusulpot nitong bunga ay wari bang mga ulo ng mga demonyo. At katotohanang, sila ay kakain nito at ang kanilang tiyan ay mapupuno ng mga ito." (Quran 37:62-66)
Ang masasama ay magkakaroon ng iba pang pagkain na kakainin, ang iba ay nakakapagpabara ng lalamunan,[1] at ang ilan ay tulad ng tuyo, na matinik na mga halaman.[2]
"At wala siyang anumang pagkain maliban sa mabahong nana mula sa pinaghugasan ng mga sugat; walang ibang magsisikain nito maliban sa mga makasalanan." (Quran 69:36-37)
At upang malulon ang kanilang mga pagkaing mapanglaw, isang napakalamig na may kahalong sarili nilang nana, dugo, pawis at katas ng sugat[3] pati na rin ang kumukulo, na nakatutupok na tubig na tumutunaw ng kanilang bituka:
"…at bibigyan dito ng maiinom ng nakababanling tubig na humihiwa sa kanilang mga bituka." (Quran 47:15)
Ang kasuotan ng mga naninirahan sa Impiyerno ay gawa sa apoy at alkitran:
"...ngunit sa mga hindi nanampalataya, sila ay tatabasan ng mga damit na gawa sa apoy." (Quran 22:19)
"Ang kanilang kasuotan ay alkitran at ang kanilang mga mukha ay nababalutan ng Apoy." (Quran 14:50)
Ang kanilang mga sandalyas,[4] higaan, at ang mga tabing ay gagawin ding mga gawa sa apoy;[5] isang parusa na bumabalot sa buong katawan, mula sa hindi nag-iingat na ulo hanggang sa makasalanang paa:
"Kaya't ibuhos sa kanyang ulo ang kaparusahan ng kumukulong tubig." (Quran 44:48)
"Sa Araw na ang kaparusahan ay lulukob sa ibabaw nila at sa ilalim ng kanilang mga paa at sa kanila ay sasabihin : ‘Lasapin ninyo ang inyong mga gawa.’" (Quran 29:55)
Ang kanilang parusa sa Impiyerno ay magkakaiba ayon sa hindi nila pagsampalataya at iba pang mga kasalanan.
"Hindi! Katotohanang siya ay ihahagis sa Dumudurog na Apoy. At paano mo malalaman kung ano ang Dumudurog na Apoy? Ito ang Apoy ng Diyos, [walang hanggan] na pinaglalagablab ang ningas, na ang init nito ay sasadlak sa puso. Katotohanan, ito [Impiyernong Apoy] ay lulukob sa kanila, (na sila ay nakatali) sa mga mahabang haligi ng Impiyerno." (Quran 104:5-9)
Sa tuwing masusunog ang buong balat, ay papalitan ito ng panibagong balat:
"Katotohanan, ang mga hindi sumampalataya sa Aming mga ayat – Sila ay Aming isasadlak sa Apoy. At sa bawat sandali na ang kanilang balat ay nalilitson nang ganap, ito ay Aming papalitan ng bago upang malasap nila ang kaparusahan. Katotohanang, ang Diyos ay sukdol sa Kapangyarihan at Tigib ng Karunungan." (Quran 4:56)
Ang napakasaklap pa nito sa lahat ay, patuloy na nadaragdagan ang pagpaparusa:
"Kaya't lasapin ninyo [ang bunga ng kasamaan], at kayo ay hindi Namin bibigyan ng anuman maliban sa kaparusahan." (Quran 78:30)
Ang sikolohikal na epekto ng parusang ito ay napakatindi. Kaparusahang napakasakit kaya ang mga nagdurusa ay magsusumamo para ito ay maparami sa mga nagligaw sa kanila:
"Kanilang sasabihin: ‘Aming Panginoon, kung sinuman ang nagdala sa amin sa katayuang ito, idagdag Ninyo sa kaniya ang dalawang ulit na kaparusahan sa Apoy.’" (Quran 38:61)
Ang mapangahas ay gagawa ng kanilang unang pagtatangka na tumakas, ngunit:
"At sa kanila ay ipangpaparusa ang mga piraso ng tuwid na bakal na may sima. Sa bawat oras na naisin nilang makawala rito dahil sa pagkahapis, sila ay muling ibabalik dito, at [ito ay sasabihin]: ‘Lasapin ninyo ang kaparusahan ng Naglalagablab na Apoy!’" (Quran 22:21-22)
Matapos mabigo ng maraming beses, hihingi sila ng tulong kay Iblees, ang Dakilang Satanas mismo.
"At si Satanas ay mangungusap kapag ang kahatulan ay napagpasyahan na: ‘Tunay ngang nangako ang Diyos sa inyo ng pangako ng katotohanan. At ako rin ay nangako sa inyo, ngunit aking ipinagkanulo kayo. At ako ay walang kapangyarihan sa inyo maliban na kayo ay aking inakit, at kayo ay sumunod sa akin. Kaya't ako ay huwag ninyong sisihin; bagkus ay sisihin ninyo ang inyong sarili. Kayo ay hindi ko matutulungan, gayundin ako ay hindi ninyo matutulungan. Katotohanan, na itinatanggi ko ang inyong ginawang pagtatambal sa akin [sa Diyos]. Katotohanan, sa mga mapaggawa ng kasamaan ay may kasakit-sakit na kaparusahan.’" (Quran 14:22)
Sa paglubay nila kay Satanas, lalapit sila sa mga anghel na nagbabantay sa Impiyerno upang mabawasan ang kanilang pagdurusa, kahit na sa isang araw lamang:
"Sila na nasa Apoy ay magsasabi sa mga tagapagbantay ng Impiyerno: ‘Manalangin kayo sa inyong Panginon na pagaangin sa amin ang kaparusahan ng Apoy kahit na sa isang araw (lamang).’" (Quran 40:49)
Habang naghihintay ng tugon sa kapahintulutan ng Diyos, ang mga bantay ay babalik at magtatanong:
"‘Hindi baga nakarating sa inyo ang inyong mga Sugo na may dalang maliwanag na katibayan?’ Kanilang sasabihin, ‘Oo.’ Sila (mga Tagapagbantay ng Impiyerno) ay sasagot: ‘Kung gayon ay manalangin kayo, datapuwa't ang panalangin ng di-mananampalataya ay walang kabuluhan maliban sa (pagsagawa ng) kamalian.’" (Quran 40:50)
Sa kawalan ng pag-asa na mabawasan ang kaparusahan, hahanapin nila ang kamatayan. Sa pagkakataong ito, sila naman ay tutungo sa Punong Tagabantay ng Impiyerno, ang anghel na si Malik, na humihiling sa kanya sa loob ng apatnapung taon:
"At sila ay magsisitaghoy: ‘O Malik, Hayaan na ang iyong Panginoon ay magbigay-wakas sa amin!...’" (Quran 43:77)
Ang kanyang maigsing di-pagsang-ayon na sagot pagkalipas ng isang libong taon ay:
"…Katotohanan, kayo ay mananatili magpakailanman." (Quran 43:77)
Sa kalaunan, babalik sila sa Kanya na kanilang tinanggihang pagtuonan sa mundong ito, na hihiling ng isang huling pagkakataon:
"Sila ay magsasabi, ‘Aming Panginoon, ang aming kabuktutan ay nakapanaig sa amin, at kami ay mga taong naligaw. Aming Panginoon, kami ay hanguin mula rito, at kung kami ay sakaling magbalik [sa kasamaan], kami nga ay tunay na mga suwail.’" (Quran 23:106-107)
Ganito ang tugon ng Diyos:
"Manatili kayo riyan na kinamumuhian at huwag kayong mangusap sa Akin." (Quran 23:108)
Ang sakit mula sa tugon na ito ay mas masahol pa kaysa sa kanilang nagniningas na pagdurusa. Sapagkat malalaman ng hindi mananampalataya na ang kanyang pananatili sa Impiyerno ay magpasa walang-hanggan, ang pagtanggi sa kanya mula sa Paraiso ay ganap at huli na:
"Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya at nagsisigawa ng kabuktutan – hindi sila patatawarin ng Diyos, gayundin naman na sila ay hindi Niya papatnubayan sa landas maliban sa landas ng Impiyerno; sila ay maninirahan dito magpakailanman. At ito ay napakadali sa Diyos." (Quran 4:168-169)
Ang pinakamatinding pangungulila at kalungkutan para sa isang hindi mananampalataya ay magiging espirituwal: siya ay tatalukbungan mula sa Diyos at pipigilan na makita Siya:
"Hindi! Katotohanan, mula sa Panginoon, sa Araw na iyon, sila ay tatalukbungan." (Quran 83:15)
Tulad ng kanilang pagtanggi na "makita" Siya sa buhay na ito, sila naman ay ihihiwalay sa Diyos sa susunod na buhay. Ang matatapat ay manunuya sa kanila.
"Kaya sa Araw na ito, ang mga sumampalataya ay hahalakhak sa mga hindi mananampalataya, sa mga napapalamutihang luklukan, ay namamasdan nila. Hindi ba ginantihan [sa Araw na ito] ang mga hindi mananampalataya dahil sa kanilang mga ginagawa?" (Quran 83:34-36)
Ang buong kawalan ng kanilang pag-asa at kalungkutan ay magtatapos kapag ang kamatayan ay dinala na sa anyo ng isang tupa at pinatay sa harap nila, kaya alam nila na wala ng kanlungan ang mahahanap sa huling pagtataboy sa kanila.
"At sila ay iyong bigyan ng babala, (O Muhammad), ng Araw ng Dalamhati at Pagsisisi, kung ang pangyayari ay napagpasyahan na; at gayunpaman, sila ay nagsasa-walang bahala, at sila ay hindi sumasampalataya!" (Quran19:39)
Magdagdag ng komento