Paniniwala sa Banal na Kapasyahan
Paglalarawanˇ: Ang madalas na maling paniniwala ng kahihinatnan, at ang kaugnayan ng walang hanggan na Kaalaman at Kakayahan ng Diyos sa gawa ng tao at tadhana.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 15 Nov 2020
- Nag-print: 1
- Tumingin: 3,472 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang pang-anim at panghuling artikulo sa pananampalatayang Islam ay ang paniniwala sa kahihinatnan na nangangahulugan na ang bawa’t kabutihan o kasamaan, mga sandali ng kaligayahan o kalungkutan, kasiyahan o sakit, ay nagmula sa Diyos.
Una, ang kaalaman ng Diyos sa simula pa lamang ay hindi maaaring magkamali. Ang Diyos ay hindi nagwawalang-bahala sa mundo na ito o sa mga tao nito. Siya ay ang Pinaka Marunong at Pinaka-Mapagmahal, subali’t ito ay hindi dapat maging dahilan ng ating pagiging isang patalistiko, na tayo ay magpapabaya na lamang at sasabihing, ‘ano pang halaga ng aking pagsisikap?’ Ang kaalaman ng Diyos sa simula pa lamang ay hindi nagkokompromiso sa responsibilidad ng tao. Pananagutin tayo ng Diyos sa kung anuman ang ating magagawa, na nasa abot ng ating kakayahan, nguni’t hindi Niya tayo pananagutin sa mga bagay na hindi natin kayang gawin. Siya ay Makatarungan, at dahil nagbigay lamang Siya ng limitadong responsibilidad, hahatulan tayo sa kung ano ang naaayon. Tayo ay dapat mag-isip, magplano at pumili nang tama, nguni’t, kung minsan ang mga bagay ay hindi umaayon sa kagustuhan natin, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa o manlumo. Nararapat na manalangin tayo sa Diyos at sumubok muli. Kung hanggang sa huli ay hindi pa rin natin makamit kung ano ang gusto natin, dapat nating malaman na sinubukan natin ang ating pinakamahusay na makakaya at wala tayong pananagutan kung anuman ang maging resulta.
Batid ng Diyos kung ano ang gagawin ng Kaniyang mga nilikha, ang lahat ng bagay ay sinasaklaw ng Kaniyang kaalaman. Batid Niya ang lahat ng nilalang, sa kabuuan nito at kalahatan, sa pamamagitan nang kabanalan ng Kaniyang walang hanggan na kaalaman.
"Katotohanan, walang nakatagong bagay sa Kanya, sa kalupaan at sa kalangitan." (Quran 3:5)
Sinuman ang tumanggi dito ay itinanggi ang pagiging perpekto ng Diyos, sapagka't ang kabaliktaran ng karunungan ay alinman sa kamangmangan at pagkalimot. Ito ay mangangahulugan na ang Diyos ay nagkakamali sa Kaniyang kaalaman sa mga kaganapan sa hinaharap; Siya ay mawawalan na ng saysay sa lahat ng bagay. Pareho itong kakulangan na kung saan ang Diyos ay wala nito.
Pangalawa, naitala na ng Diyos ang lahat ng mga magaganap hanggang sa Araw ng Paghuhukom na nasa Iningatang Talaan (al-Lauh al-Mahfuz sa Arabe). Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay naisulat na at ang sukat ng kanilang kabuhayan na nakalaan. Ang lahat ng nilikha at nagaganap sa sandaigdigan ay ayon sa kung anong naitala doon. Sinabi ng Diyos:
"Hindi mo ba nalalaman na nababatid ni Allah (lahat) ang anumang nasa kalangitan at kalupaan? Katotohanan iyan (lahat) ay nasa talaan. Katotohanan, iyan ay sadyang madali para kay Allah." (Quran 22:70)
Pangatlo, anuman ang naisin ng Diyos na mangyari ay mangyayari, at anuman ang hindi naisin ng Diyos na mangyari ay hindi mangyayari. Walang magaganap sa kalangitan o sa kalupaan nang walang kapahintulutan ng Diyos.
Pang-apat, ang Diyos ay ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay.
"...Kaniyang nilikha ang lahat ng bagay, pagkaraan ito ay pinagpasyahan nang may [wastong] pagpapasya." (Quran 25:2)
Sa doktrina ng Islam bawat kilos ng tao mapamateryal man at pang-espirituwal na bagay sa buhay ay nakatadhana na, gayon pa man ito ay hindi tama upang paniwalaan na ang kilos ng kapalaran ay bulag, nagkataon at mabagsik. Hindi maitatanggi na kung walang banal na panghihimasok sa mga gawain ng tao, ang kalayaan ng tao mananatiling buo. Ito ay hindi nakaka bawas sa moral na kalayaan at responsibilidad ng tao. Lahat ay batid, ngunit ang kalayaan ay ipinagkaloob din.
Ang tao ay hindi mahinang nilalang na ipinadala kasabay ng kapalaran. Sa halip, ang bawat tao ay responsable para sa kaniyang mga gawa. Ang mahinang mga bansa at katamaran ng mga indibidwal sa mga ordinaryong gawain ng buhay ay ang siyang kanilang dapat sisihin, hindi ang Diyos. Ang tao ay nakatakdang sundin ang moral na batas; at siya ay makatatanggap ng mga nararapat na parusa at gantimpala kung siya ay lumalabag o sumusunod sa batas. Gayunpaman, kung gayon nga, ang tao ay nararapat na magkaroon ng sakop ng kanyang kakayahan na abilidad upang lumabag o sumunod sa batas. Ang Diyos ay hindi magbibigay sa atin ng responsibilidad para sa isang bagay maliban na lamang kung tayo ay may kakayahang gawain ito:
"Ang Diyos ay hindi magbibigay-pasanin sa sinuman maliban sa abot ng kakayahan nito." (Quran 2:286)
Ang paniniwala sa kahihinatnan ay nagpapatibay ng pananalig sa Diyos. Ang tao ay napagtatanto na ang Diyos ay mag-isang pinamamahalaan ang lahat, kung kaya siya ay nagtitiwala at dumedepende sa Kanya. Kahit na ang tao ay ginagawa ang lahat ng kanyang magagawa, kasabay nito ang pagdepende niya sa Diyos para sa kahihinatnan nito. Ang kanyang pagsisikap at karunungan ay hindi dapat maging dahilan upang siya ay maging mapagmataas, dahil ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat nang dumarating sa kaniya. Pang huli, ang isang tao ay makakamit ang kapayapaan ng pag-iisip sa pag-unawa na ang Diyos ay ang Pinaka-Marunong at ang Kaniyang mga Ginagawa ay sa alituntunin ng kaalaman. Ang mga bagay ay hindi mangyayari nang walang layunin. Kung ang isang bagay ay umabot sa kaniya, kaniyang mapagtatanto na ito ay kailanman hindi makaiiwas sa kaniya. Kung ang isang bagay ay lumagpas sa kaniya, kaniyang mapagtatanto na ito ay hindi kailanman mapapasakaniya. Ang tao ay nagkakamit ng kapayapaan sa isip, at kaginhawaan sa pagtantong ito.
Magdagdag ng komento