Ano ang Islam? (bahagi 3 ng 4): Ang Mahahalagang mga Paniniwala sa Islam.
Paglalarawanˇ: Isang pagtanaw sa ilang mga paniniwala sa Islam.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Mar 2014
- Nag-print: 17
- Tumingin: 16,771 (araw-araw na pamantayan: 11)
- Nag-marka: 130
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Maraming mga aspeto ng paniniwala na kung saan ang isang sumusunod sa Islam ay dapat magkaroon ng matatag na paniniwala. Mula sa mga aspetong yaon, ang pinakamahalaga ay anim, na kilala bilang "Anim na Mga Saligan ng Paniniwala".
1) Paniniwala sa Diyos
Ang Islam ay itinataguyod ng mahigpit ang monoteismo at paniniwala sa Diyos na bumubuo sa puso ng kanilang pananampalataya. Ang Islam ay itinuturo ang paniniwala sa isang Diyos na hindi nagka-anak o hindi ipinanganak ang Kanyang sarili, at walang nakikibahagi sa Kanyang pangangalaga ng mundo. Siya lamang ang nagbibigay buhay, nagdudulot ng kamatayan, nagdadala ng mabuti, nagdudulot ng pagdurusa, at nagbibigay ng kabuhayan para sa Kanyang nilikha. Ang Diyos sa Islam ay ang nag-iisang Tagapaglikha, Panginoon, Tagapagpanatili, Tagapamahala, Tagapaghukom, at Tagapagligtas ng sansinukob. Siya ay walang kapantay sa Kanyang mga katangian at kakayahan, tulad ng kaalaman at kapangyarihan. Lahat ng pagsamba, pagpipitagan at paggalang ay dapat ituon sa Diyos at walang iba. Ang anumang paglabag sa mga konseptong ito ay itinatanggi ang batayan ng Islam.
2) Paniniwala sa mga Anghel
Ang mga sumusunod sa Islam ay dapat paniwalaan ang Di-nakikitang mundo tulad ng nabanggit sa Quran. Mula sa mundong ito ay ang mga anghel na mga tagapagmasid ng Diyos, bawat isa ay naatasan ng isang natatanging gawain. Wala silang malayang kalooban o kakayahang sumuway; nasa kanilang likas na katangian na maging tapat na mga lingkod ng Diyos. Ang mga anghel ay hindi dapat ituring bilang mga kahati ng diyos o tampulan ng papuri o pagsamba; sila ay mga lingkod lamang ng Diyos na sumusunod sa Kanyang bawat iutos.
3) Paniniwala sa mga Propeta at Sugo
Ang Islam ay isang unibersal at pang kabuuang relihiyon. Ang mga Muslim ay naniniwala sa mga propeta, hindi lamang kay Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ngunit ang mga propetang Hebreo, kabilang sina Abraham at Moises, pati na rin ang mga propeta ng Bagong Tipan, si Hesus, at Juan Bautista. Ang Islam ay itinuturo na ang Diyos ay hindi lamang nagpadala ng mga propeta sa mga Hudyo at Kristiyano, bagkus ay nagpadala Siya ng mga propeta sa lahat ng mga bansa sa mundo na may isang natatanging mensahe: sumamba sa Diyos lamang. Ang mga Muslim ay dapat na maniwala sa lahat ng mga propeta na ipinadala ng Diyos na binanggit sa Quran, nang walang anumang pagtatangi sa pagitan nila. Si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ipinadala kasama ang pangwakas na mensahe, at wala nang propetang darating pagkatapos niya. Ang kanyang mensahe ay pangwakas at walang hanggan, at sa pamamagitan niya ay nalubos ng Diyos ang Kanyang Mensahe sa sangkatauhan.
4) Paniniwala sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga Muslim ay naniniwala sa lahat ng mga aklat na ipinadala ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang mga aklat na ito ay kabilang ang mga Aklat ni Abraham, ang Tora ni Moises, ang mga Awit ni David, at ang Ebanghelyo ni Hesukristo. Ang lahat ng mga aklat na ito ay may iisang pinagmulan (sa Diyos), iisang mensahe, at lahat ay ipinahayag sa katotohanan. Ito ay hindi nangangahulugan na napanatili ang mga ito sa katotohanan. Ang mga Muslim (at maraming iba pang pantas na mga Hudyo at Kristiyano at Mananalaysay) ay nalaman na ang mga aklat na umiiral ngayon ay hindi ang orihinal na mga banal na kasulatan, na sa katunayan ay nawala na, nabago, at/o isinalin nang paulit-ulit, na nagdulot ng pagkawala ng orihinal na mensahe.
Tulad ng pananaw ng mga Kristiyano sa Bagong Tipan na siyang tutupad at kukumpleto sa Lumang Tipan, ang mga Muslim ay naniniwala na ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay nakatanggap ng mga kapahayagan mula sa Diyos sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel upang iwasto ang pagkakamali ng tao na pumasok sa mga banal na kasulatan at doktrina ng Hudaismo, Kristiyanismo at lahat ng iba pang mga relihiyon. Ang kapahayagang ito ay ang Quran, na ipinahayag sa wikang Arabe, at matatagpuan ngayon sa dalisay na anyo nito. Ito ay naglalayon upang gabayan ang sangkatauhan sa lahat ng mga kalagayan ng buhay; espirituwal, temporal, indibidwal at pangkalahatan. Ito ay nagpapaloob ng mga pamamaraan para sa pag-uugali sa buhay, nagsasalaysay ng mga kwento at talinghaga, inilalarawan ang mga katangian ng Diyos, at nagsasabi ng pinakamahusay na mga patakaran upang pamahalaan ang buhay panlipunan. Mayroon itong mga pamamaraan para sa lahat, bawat lugar, at sa lahat ng panahon. Milyun-milyong mga tao ngayon ang nakakasaulo ng Quran, at lahat ng mga kopya ng Quran na matatagpuan ngayon at sa nakaraan ay magkakapareho. Ang Diyos ay nangakong Kanyang babantayan ang Quran mula sa pagbabago hanggang sa katapusan ng mga panahon, nang sa gayon ang Patnubay ay maging malinaw sa sangkatauhan at ang mensahe ng lahat ng mga propeta ay matatagpuan para sa mga naghahanap nito.
5) Paniniwala sa Buhay pagkatapos ng Kamatayan
Ang mga Muslim ay naniniwala na darating ang isang araw na ang lahat ng nilikha ay malilipol at bubuhaying muli nang sa gayon ay mahatulan para sa kanilang mga gawa: Ang Araw ng Paghuhukom. Sa araw na ito, ang lahat ay titipunin sa piling ng Diyos at ang bawat indibidwal ay tatanungin tungkol sa kanilang buhay sa mundo at kung paano nila ito isinabuhay. Ang mga taong napanghawakan ang wastong paniniwala tungkol sa Diyos at buhay, at sinundan ang kanilang paniniwala nang may matuwid na gawa ay papasok sa Paraiso, kahit na maaari silang magbayad sa ilang mga kasalanan sa Impiyerno kung ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Walang-hanggan na Katarungan ay piniling huwag silang patawarin. Para sa kanilang mga nahulog sa politeismo sa maraming mukha nito, papasok sila sa Apoy ng Impiyerno, hindi kailanman makalalabas mula dito.
6) Paniniwala sa Banal na Itinakda
Ang Islam ay pinagtitibay na ang Diyos ay may buong kapangyarihan at kaalaman sa lahat ng mga bagay, at walang mangyayari maliban sa pamamagitan ng Kanyang Kalooban at ng Kanyang buong kaalaman. Ang kilala bilang banal na itinakda, kapalaran, o "kahihinatnan" ay kilala sa Arabe bilang al-Qadr. Ang kahihinatnan ng bawat nilalang ay nalalaman na ng Diyos.
Ang paniniwalang ito gayunpaman ay hindi sumasalungat sa ideya ng kalayaan ng kalooban ng taong pumili ng kanyang landas ng pagkilos. Ang Diyos ay hindi tayo pinilit na gumawa ng anupaman; tayo ay maaaring pumili kung susunod o susuway sa Kanya. Ang ating pagpili ay nalalaman na ng Diyos bago pa man natin ito gawin. Hindi natin nalalaman kung ano ang ating kahihinatnan; ngunit nalalaman ng Diyos ang kapalaran ng lahat ng mga bagay.
Samakatuwid, dapat tayong magkaroon ng matatag na pananampalataya na anuman ang dumating sa atin, ito ay ayon sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang buong kaalaman. Maaaring may mga bagay na nangyayari sa mundong ito na hindi natin naiintindihan, ngunit dapat tayong magtiwala na ang Diyos ay may karunungan sa lahat ng mga bagay.
Magdagdag ng komento