Kaligtasan sa Islam (bahagi 1 ng 3): Ano ang Kaligtasan?
Paglalarawanˇ: Tamuhin ang kaligtasan sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 14 Nov 2021
- Nag-print: 4
- Tumingin: 8,155 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Islam ay nagtuturo sa atin na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyos lamang. Ang isang tao ay nararapat na maniwala sa Diyos at sundin ang Kaniyang mga ipinag-uutos. Ito ang mensaheng tulad ng itinuro ng lahat nang mga propeta kabilang na dito sina Moises at Hesus. Mayroon lamang Isa na karapat-dapat sambahin. Isang Diyos, nag-iisa lamang na walang mga kasama, mga anak na lalaki o babae. Ang kaligtasan kung sa gayun at ang walang hanggan na kaligayahan ay makakamtan sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba.
Bilang karagdagan dito ang Islam ay nagtuturo na ang mga nilalang na tao ay isinilang na walang bahid na kasalanan at likas na kumikiling sa pagsamba sa nag-iisang Diyos (nang walang kahit ano o sinong tagapamagitan). Upang mapanatili ang katayuang walang bahid ng kasalanan, ang sangkatauhan ay nararapat lamang na sundin ang kautusan ng Diyos at magpunyagi upang mamuhay ng makatarungan. Kapag ang isa ay nahulog sa isang kasalanan, ang kinakailangan lamang gawin ay ang taos-pusong pagsisisi kasunod ang paghingi ng kapatawaran sa Diyos. Kapag ang isang tao ay nagkasala, inilalayo niya ang kaniyang sarili sa habag ng Diyos, gayunpaman ang taos-pusong pagsisisi ay nagdadala sa isang tao pabalik sa Diyos.
Ang kaligtasan ay isang malakas na salita kung saan pinakakahulugan sa diksyunaryo bilang pagpapakita ng pangangalaga o pagpapalaya mula sa pagkasira, paghihirap, o kasamaan. Ayon sa Teolohiya o pag-aaral patungkol sa Diyos ito ay espirituwal na pagsagip mula sa kasalanan at mga kahihinatnan nito. Mas partikular, na sa Kristyanismo ito’y may kaugnayan sa pagtubos at sa pagbabayad-sala ni Hesus. Ang kaligtasan sa Islam ay kakaiba ang konsepto. Habang ito’y nag-aalok ng pagkaligtas mula sa mga apoy ng Impyerno, ito rin ay tumatanggi sa ilang mga pangunahing alituntunin ng Kristyanismo at malinaw na inihahayag na ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagpapasakop sa pinaka-mahabagin, ang Diyos.
“Yaong mga nag-aalaala kay Allah (palagian, at sa pagdarasal) nang nakatayo, nakaupo at nakatagilid sa kanilang pagkakahiga, at nagmumuni-muni sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, [at nagsasabing]: “Aming Panginoon, hindi Mo po nilikha (lahat) ito sa kabulaanan [o nang walang makabuluhang layunin]. Luwalhati sa Iyo! (Ikaw ay Napakadakila higit sa lahat ng mga itinatambal nila sa Iyo). Kaya iligtas Mo po kami sa parusa mula sa Apoy ng Impyerno.” (Quran 3:191)
Ayon sa doktrina ng Kristyanismo, ang sangkatauhan ay ipinapalagay na suwail at makasalanan. Ang doktrina ng orihinal na kasalanan ay inihahayag na ang sangkatauhan ay isinilang na may bahid ng kasalanan ni Adan kung kaya napawalay mula sa Diyos, kaya nangangailangan ng manunubos. Sa kabilang dako, ang Islam ay makatuwirang itinatanggi ang konsepto ng Kristyanismo na orihinal na kasalanan at kuro-kurong ang sangkatauhan ay isinilang na makasalanan.
Ang ideyang makasalanan ang mga sanggol o mga kabataan ay lubos na di makatwiran para sa isang mananampalataya na nalalaman na sa Islam ay tungkol sa orihinal na kapatawaran at hindi orihinal na kasalanan. Ang sangkatauhan, ayon sa Islam ay isinilang sa estado ng kadalisayan, walang kasalanan at likas na kumikiling sa pagsamba at pagpuri sa Diyos. Subalit, ang mga nilalang na tao ay binigyan ng kalayaan at sila ay may kakayahang gumawa ng kamalian at magkasala; maaari din silang makagawa ng matinding kasamaan.
Sa tuwing ang tao ay nakagagawa ng kasalanan, siya lamang ang responsable sa kasalanang iyon. Bawat tao ay responsable sa kaniyang sariling mga gawain. Samakatuwid, walang tao na nabuhay na naging responsable sa kamaliang nagawa ni Adan at Eba. Sinabi ng Diyos sa Quran:
“At walang tagapasan ng mga kasalanan ang magpapasan sa kasalanan ng iba.” (Quran 35:18)
Si Adan at Eba ay nakagawa ng kamalian, sila’y nagsisi nang taos sa puso, at ang Diyos sa walang hanggan Niyang karunungan ay pinatawad sila. Ang sangkatauhan ay hindi itinakda upang parusahan, sa lahat ng salinlahi. Ang mgsa kasalanan ng ama ay hindi pasanin ng mga anak.
“Kaya, silang dalawa ay kumain sa bunga nito; kaya naman ang kanilang maselang bahagi ay nalantad sa kanilag dalawa; at sila ay nagsimulang magtapis mula sa mga dahon ng Paraiso [bilang saplot]. Sapagka’t sinuway ni Adan ang kaniyang Panginoon at siya ay nagkasala. Kaya siya ay naligaw. Pagkaraan, siya ay pinili ng kaniyang Panginoon at iginiwad sa kaniya ang kapatawaran at patnubay.” (Quran 20:121-122)
Higit sa lahat itinuturo sa atin ng Islam na ang Diyos ay ang lubos na Mapagpatawad, at magpapatuloy sa pagpapatawad, nang paulit-ulit. Kaparte ng pagiging tao ang makagawa ng pagkakasala. Kung minsan ang mga kasalanan ay nagagawa nang hindi sinasadya o walang halong masamang intensyon, subali’t minsan ating nababatid at sinasadya na magkasala at gumawa ng kamalian sa iba. Kaya naman bilang mga nilalang na tao, kailangan natin ang palagiang kapatawaran.
Ang buhay dito sa mundo ay puno ng mga pagsubok at pagdurusa, gayunpaman hindi pinababayaan ng Diyos ang sangkatauhan sa mga pagsubok na ito. Binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng talino na may kakayahang mamili at magdesisyon. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng mga salitang pang patnubay. Bilang ating Tagapaglikha, nababatid Niya ang lahat ng ating kalikasan at gustong gabayan tayo sa tuwid na landas na maghahatid sa walang hanggan na kaligayahan.
Ang Quran ay ang huling rebelasyon ng Diyos at ito ay akma sa sangkatauhan; sa lahat ng tao, lahat ng lugar, lahat ng panahon. Sa buong Quran ang Diyos ay palaging sinasabi na magbalik-loob sa Kaniya sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi sa Kaniya ng kapatawaran. Ito ang daan tungo sa kaligtasan. Ito ang sasagip sa atin mula sa pagkawasak.
“At sinuman ang gumawa ng kasamaan o ng kamalian sa kaniyang sarili at pagkaraan ay humingi ng kapatawaran sa Diyos, kaniyang matatagpuan si Allah na Siyang Mapagpatawad, Pinaka Maawain.” (Quran 4:110)
“At O aking mga mamamayan! Humingi kayo ng kapatawaran sa inyong Panginoon, mabalik-loob kayo sa Kaniya. Siya ay magpapadala sa inyo ng pag-ulan mula sa kalangitan at Kaniyang daragdagan ang inyong dating lakas ng ibayong lakas, kaya huwag kayong magsitalikod bilang mga mapaggawa ng kabuktutan, na di naniniwala sa Kaisahan ng Diyos.” (Quran 11:52)
“Sabihin: “O Aking mga alipin na nagmalabis [sa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ni Allah, katotohanang pinatatawad ni Allah ang lahat ng kasalanan. Katiyakan, Siya ang lagi nang Mapagpatawad, ang Pinaka Maawain.’” (Quran 39:53)
Ang Quran ay hindi lamang aklat nang gabay, ito ay aklat ng pag-asa. Sa loob nito ang pagmamahal ng Diyos, habag, at kapatawaran ay malinaw at kung magkagayun ang sangkatauhan ay pinaaalalahanan na huwag bumigay sa kawalan ng pag-asa. Anuman ang mga kasalanang magagawa ng tao kung magiging masigasig siya sa pagbabalik-loob sa Diyos, at sa paghingi ng kapatawaran, ang kaniyang kaligtasan ay naseseguro.
Inihalintulad ng Propeta Muhammad ang isang kasalanan sa isang itim na tuldok na bumabalot sa puso. Kaniyang sinabi, “Katunayan kapag ang isang mananampalataya ay nagkasala, isang itim na tuldok ang tatakip sa kaniyang puso. Kapag siya ay nagsisi, hininto ang kasalanan, at naghangad ng kapatawaran sa kasalanang iyon, ang kaniyang puso ay magiging malinis muli. Kapag siya ay nagmatigas (sa halip na magsisi), ito’y madadagdagan hanggang sa mabalot na ang kaniyang buong puso…”[1]
Ang kaligtasan sa Islam ay hindi kinakailangan dahil sa bahid ng orihinal na kasalanan. Ang kaligtasan ay kinakailangan dahil sa ang sangkatauhan ay hindi perpekto at nangangailangan nang kapatawaran at pagmamahal ng Diyos. Upang ganap na maunawaan ang konsepto ng wastong kaligtasan nararapat sa atin na maunawaan ang iba pang paksa na nakapaloob sa kaligtasan. Ito ay ang mga, pag-unawa sa kahalagahan ng tawheed, o ang Kaisahan ng Diyos, at pag-alam kung paano magsisi nang taos sa puso. Ating tatalakayin ang mga paksang ito sa susunod na dalawang artikulo.
Magdagdag ng komento