Paglalarawan ng Impiyerno (bahagi 3 ng 5): Ang Pagkain At Inumin Dito
Paglalarawanˇ: Ang init ng Impiyerno, at ang pagkain at inumin na inihanda para sa mga maninirahan dito.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 28
- Tumingin: 11,411 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang tindi ng init, pagkain, at inumin ng mga maninirahan sa Impiyerno ay inilarawan sa mga Islamikong pang relihiyon na mga mapagkukunan.
Ang Init Nito
Sinabi ng Diyos:
"At ang mga kasamahan ng kaliwa – sino ang mga kasamahan ng kaliwa? (Sila ay yaong mga) maninirahan sa nakasusunog na apoy at nakapapasong tubig at lilim ng maitim na usok, na hindi malamig o nagbibigay-ginhawa." (Quran 56:41-44)
Lahat ng bagay na ginagamit ng mga tao upang magpalamig sa mundong ito – hangin, tubig, lilim – ay mawawalan ng pakinabang sa Impiyerno. Ang hangin ng Impiyerno ay mainit at ang tubig ay kumulo. Ang lilim ay hindi nakakapagdulot ng ginhawa at hindi nakalalamig, ang lilim sa Impiyerno ay ang anino ng itim na usok tulad ng nabanggit sa taludtod:
"At lilim ng maitim na usok." (Quran 56:43)
Sa isa pang sipi, Sinabi ng Diyos:
"At yaong ang kanilang timbangan (ng mga mabubuting gawain) ay masusumpungan na magaan, ang kanyang magiging tirahan ang (napakalalim) na hukay. At ano ang makakapagpaliwanag sa iyo kung ano ito? (Ito ay) ang Apoy na nagliliyab ng mabagsik." (Quran 101:8-11)
Inilarawan ng Diyos kung paano ang lilim ng usok sa Impiyerno ay papaibabaw sa Apoy. Ang usok na aakyat mula sa Impiyerno ay mahahati sa tatlong hanay. Ang kanyang lilim ay hindi magiging malamig o makapagbibigay ng proteksiyon mula sa nagngangalit na Apoy. Ang nagsisiliparang tilamsik ng apoy ay parang malalaking kastilyo na katulad sa tali ng nagmamartsang mga dilaw na kamelyo:
"Pumunta kayo sa isang lilim (ng usok) na may tatlong hanay (ngunit) wala itong malamig na lilim at di pananggalang sa apoy. Katotohanan ito ay nagtatapon ng mga tilamsik (na kasing laki) ng muog, na para bang mga dilaw na kamelyo (na mabilis na nagmamartsa)." (Quran 77:30-33)
Uubusin ng Apoy ang lahat ng bagay, walang iniiwan. Sinusunog nito ang balat hanggang sa mga buto, tinutunaw ang mga laman ng tiyan, tumatalon hanggang sa mga puso, at inilalantad nito ang mga mahahalagang bahagi ng katawan. Sinabi ng Diyos kung gaano katindi at ang epekto ng Apoy:
"Papapasukin Ko siya sa Impiyerno. At ano ang makakapagpabatid sa iyo kung ano ang Impiyerno? Wala itong iniiwang tira-tira at walang iniiwang (hindi sunog), pinapaitim ang mga balat." (Quran 74:26-29)
Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsabi:
"Ang Apoy na ito na alam natin ay isang parte lang ng pitumpung bahagi ng Apoy ng Impiyerno. May nagsabi, ‘O Sugo ng Diyos, ito ay sapat na sa totoo lang!’ Kanyang sinabi, ‘Ito ay parang dinagdagan ng animnapu't siyam na beses sa apoy na ating alam.’" (Saheeh Al-Bukhari)
Ang Apoy ay hindi naaapula:
"Kaya tikman niyo (ang kinalabasan ng inyong masasamang gawain). Wala kaming idadagdag para sa inyo maliban sa kaparusahan." (Quran 78:30)
"…Sa tuwing ito ay humuhupa, dinaragdagan Namin ang pagliliyab ng Apoy." (Quran 17:97)
Ang pagdurusa ay hindi kailanman mababawasan at ang mga hindi nananampalataya ay hindi magkakaroon ng kapahingahan:
"…Ang kanilang pagdurusa ay hindi pagagaanin o tutulungan." (Quran 2:86)
Ang Pagkain ng mga Maninirahan Dito
Ang pagkain ng mga maninirahan sa Impiyerno ay inilarawan sa Quran. Sinabi ng Diyos:
"Walang pagkain para sa kanila maliban sa nakalalason, at matinik na halaman kung saan ito ay hindi nakakapagpalusog o nakakapawi ng gutom." (Quran 88:6-7)
Ang pagkain ay hindi kailanman makakapagpalusog o masarap. Ito ay magsisilbing parusa lamang sa mga maninirahan ng Impiyerno. Sa ibang sipi, Inilalarawan ng Diyos ang puno ng zaqqum, isang espesyal na pagkain sa Impiyerno. Ang zaqqum ay isang kasuklam-suklam na puno, ang mga ugat nito ay umaabot ng malalim sa Impiyerno, ang mga sanga nito ay umaabot kung saan-saan. Ang nakakasuya nitong bunga ay parang mga ulo ng mga diyablo. Sinabi Niya:
"Katotohanan ang puno ng zaqqum ang siyang magiging pagkain ng mga makasalanan, na tulad ng kumukulong langis, ito ay kukulo sa tiyan, na tulad ng pagkulo ng nakababanling tubig." (Quran 44:43-46)
"Ito bang (Paraiso) ay higit na mainam na tirahan o ang puno ng zaqqum? Katotohanan, Aming ginawa ito na isang parusa sa mga makasalanan. Katotohanan, ito ay isang puno na tumutubo sa kailaliman ng Impiyerno, ang mga sumusulpot nitong bunga ay wari bang mga ulo ng mga diyablo. At, katotohanan, sila ay kakain nito at ang kanilang mga tiyan ay mapupuno nito. At bukod pa rito, katotohanan, sila ay bibigyan ng kumukulong tubig. At, katotohanan, ang kanilang pagbabalik ay sa naglalagablab na apoy ng Impiyerno." (Quran 37:62-68)
"At katotohanan kayo, na mapaggawa ng kamalian, inyong matitikman ang puno ng zaqqum at inyong pupunuin ang inyong mga sikmura ng mga ito, at kayo ay iinom ng kumukulong tubig, at magsisi-inom na tulad ng kamelyong nauuhaw. Ito ang kanilang kaluwagan sa Araw ng Pagbabayad." (Quran 56:51-56)
Ang mga tao sa Impiyerno ay labis na magugutom hanggang sa sila ay kakain mula sa puno ng zaqqum. Kapag mapuno na nito ang kanilang tiyan, ito ay magsisimulang parang binabati na gaya ng kumukulong mantika na nagdudulot ng matinding paghihirap. Sa puntong iyon sila ay magmamadali upang uminom ng napakainit na tubig. Iinumin nila ito na parang uhaw na kamelyo, ngunit hindi mapapawi ang kanilang uhaw. Sa halip ang kanilang mga laman loob ay mangangapunit. Sinabi ng Diyos:
"…Sila ay bibigyan ng kumukulong tubig upang inumin, na humihiwa sa laman ng ng kanilang bituka (pira-piraso)." (Quran 47:15)
Ang matinik na palumpong at zaqqum ay magbabara at didikit sa kanilang lalamunan dahil sa sama ng amoy nito:
"Katotohanan, nasa Amin ang mga panggapos (na magtatali sa kanila) at ang nag-aalimpuyong Apoy (na susunog sa kanila), at pagkain na babara sa kanilang mga lalamunan at kasakit-sakit na kaparusahan." (Quran 73:12-13)
Sinabi ng Propeta ng Islam:
"Kapag ang isang patak mula sa zaqqum ay pumatak sa mundong ito, ang mga tao sa mundo at lahat ng kanilang pangkabuhayan ay masisira. Kaya paano ito makakain ng isang tao na kakain nito?" (Tirmidhi)
Isa pang pagkain na ihahanda para sa mga tao sa Impiyerno ay ang mga nana (nagmumula sa nagnaknak na mga sugat) na tumatagas mula sa kanilang balat, ang lumalabas na likido sa pribadong parte ng mga mangangalunya at ang nabubulok na balat at laman ng mga sinusunog. Ito ang "katas" ng mga tao sa Impiyerno. Sinabi ng Diyos:
"Kaya't siya ay walang kaibigan dito sa Araw na yaon, at wala siyang anumang pagkain maliban sa mabahong nana mula sa pinaghugasan ng mga sugat at walang ibang magsisikain nito maliban sa mga makasalanan." (Quran 69:35-37)
"Ito na nga – kaya't hayaang lasapin nila ito – isang nakababanling tubig (mabaho) katas (mula sa nagnanaknak na sugat). At iba pang (kaparusahan) na katulad nito (sa iba't-ibang) uri." (Quran 38:57-58)
Panghuli, ang ibang mga makasalanan ay pakakainin ng apoy mula sa Impiyerno bilang parusa. Sinabi ng Diyos:
"Katotohanan, yaong mga kumakamkam ng mga ari-arian ng mga ulila ng walang katarungan ay kakain lamang ng apoy ang kanilang mga tiyan." (Quran 4:10)
"Katotohanan, ang naglilingid ng mga ipinahayag ng Diyos sa Aklat at ipinagpalit ito sa maliit na kabayaran – sila yaong walang kakainin ang kanilang sikmura kundi ang Apoy." (Quran 2:174)
Ang Inumin Dito
Sinabi ng Diyos sa Quran ang patungkol sa inumin ng mga tao sa Impiyerno:
"Sila ay bibigyan ng kumukulong tubig upang inumin, na hihiwa sa laman ng kanilang bituka (pira-piraso)." (Quran 47:15)
"…At kung sila ay hihingi ng tulong, sila ay bibigyan ng tubig na tulad ng kumukulong langis, na babanli sa (kanilang) mukha. Kakila-kilabot ang inumin, at masamang pahingahan." (Quran 18:29)
"Sa harap niya ay Impiyerno, at siya ay paiinumin ng pinagnanaang tubig. Iinumin niya ito ngunit makakaramdam siya ng matinding (paghihirap) sa paglunok nito. Ang kamatayan ay daratal sa kanya sa lahat ng panig, Gayunpaman siya ay hindi mamamatay. At sa harap niya ay may matinding kaparusahan." (Quran 14:16-17)
"isang kumukulong likido at likidong maitim, na sobrang lamig." (Quran 38:57)
Ang mga uri ng inumin ng mga tao sa Impiyerno ay ang mga sumusunod:
·Sobrang init na tubig tulad sa sinabi ng Diyos:
"Sila ay magsisiikot sa gitna ng mainit at kumukulong tubig (hanggang sa pinakamataas na antas)." (Quran 55:44)
"Sila ay dudulutan ng inumin mula sa kumukulong batis." (Quran 88:5)
·Dumadaloy na nana mula sa laman at balat ng hindi nananampalataya. Sinabi ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan):
"Sinuman ang umiinom ng mga nakakalasing ay paiinumin ng putik ng khabal. Sila ay nagtanong, ‘O Sugo ng Diyos, ano ang putik ng khabal?’ Kanyang sinabi, ‘Ang pawis ng mga tao ng Impiyerno’ o ang 'katas' ng mga tao sa Impiyerno.’" (Saheeh Muslim)
·Isang inumin na parang kumukulong langis na inilarawan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) bilang:
"Yaon ay parang kumukulong langis, kapag ito ay inilapit sa mukha ng isang tao, ay mahuhulog dito ang balat ng kanyang mukha." (Musnad Ahmad, Tirmidhi)
Magdagdag ng komento