Ano ang Islam? (bahagi 1 ng 4): Ang Diwa ng Islam
Paglalarawanˇ: Ang pangunahing mensahe ng Islam ay ang parehong pangunahing mensahe sa lahat ng ipinahayag na mga relihiyon, dahil lahat ng mga ito ay nagmula sa iisang pinagmulan, at ang mga kadahilanan ng pagkakaiba-iba na matatagpuan sa pagitan ng mga relihiyon.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 23 Oct 2023
- Nag-print: 17
- Tumingin: 19,262
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Kabilang sa mga pagpapala at pabor na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay Kanyang pinagkalooban sila ng isang likas na kakayahang malaman at kilalanin ang Kanyang pag-iral. Kanyang inilagay ang kamalayan na ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso bilang isang likas na disposisyon na hindi nagbago mula pa nang ang mga tao ay unang nilikha. Bukod dito, Kanyang pinatibay ang likas na disposisyong ito sa mga palatandaan na Kanyang inilagay sa Paglikha na nagpapatotoo sa Kanyang pag-iral. Gayunpaman, dahil hindi posible para sa mga tao na magkaroon ng isang detalyadong kaalaman tungkol sa Diyos maliban sa pamamagitan ng kapahayagan mula sa Kanyang sarili, ang Diyos ay ipinadala ang Kanyang mga Sugo upang turuan ang mga tao tungkol sa kanilang Tagapaglikha na Siyang dapat nilang sambahin. Ang mga Sugong ito ay nagdala din sa kanila ng mga detalye kung paano sambahin ang Diyos, dahil ang ganitong mga detalye ay hindi malalaman maliban sa paraan ng kapahayagan. Ang dalawang batayang ito ay ang pinakamahalagang mga bagay na dinala ng mga Sugo mula sa lahat ng mga banal na mga kapahayagang dinala nila mula sa Diyos. Sa batayang ito, ang lahat ng banal na mga kapahayagan ay nagkaroon ng marangal na mga layunin, na:
1. Upang pagtibayin ang Kaisahan ng Diyos - ang pinupuri at niluluwalhating Tagapaglikha - sa Kanyang kakanyahan at Kanyang mga katangian.
2. Upang pagtibayin na ang Diyos lamang ang dapat sambahin at walang ibang umiiral na dapat sambahin kasama Niya o kaysa sa Kanya.
3. Upang mapangalagaan ang kapakanan ng tao at tutulan ang katiwalian at kasamaan. Kung kaya, ang lahat na nangangalaga sa pananampalataya, buhay, pangangatwiran, kayamanan at pamilya ay bahagi ng kapakanang pantaong ito na pinangangalagaan ng relihiyon. Sa kabilang banda, ang anumang bagay na pumipinsala sa limang pangkalahatang pangangailangang ito ay isang anyo ng katiwalian na sinasalungat at ipinagbabawal ng relihiyon.
4. Upang anyayahan ang mga tao sa pinakamataas na antas ng kabutihan, mga pagpapahalagang moral, at marangal na kaugalian.
Ang sukdulang layunin ng bawat Banal na Mensahe ay pare-pareho: upang gabayan ang mga tao sa Diyos, upang sila ay magkaroon ng kamalayan sa Kanya, at sumamba sila sa Kanya lamang. Ang bawat Banal na Mensahe ay dumating upang palakasin ang diwang ito, at ang mga sumusunod na salita ay paulit-ulit sa mga dila o sinasabi ng lahat ng mga Sugo: "Sambahin ang Diyos, wala kang ibang Diyos maliban sa Kanya." Ang mensaheng ito ay ipinarating sa sangkatauhan ng mga propeta at mga sugo na ipinadala ng Diyos sa bawat nasyon. Ang lahat ng mga sugong ito ay dumating na may pare-parehong mensahe, ang mensahe ng Islam.
Ang lahat ng Banal na Mensahe ay dumating upang dalhin ang buhay ng mga tao sa kusang pagpapasakop sa Diyos. Sa kadahilanang ito, silang lahat ay kabahagi ng pangalan ng "Islam", o "pagpapasakop" na nagmula sa parehong salitang "Salam", o "kapayapaan", sa Arabe. Ang Islam, sa diwang ito, ay ang relihiyon ng lahat ng mga propeta, ngunit bakit ang isa ay nakakakita ng ibat-ibang mga uri ng relihiyon ng Diyos kung lahat sila ay nagmula sa iisang pinagmulan? Ang sagot ay may dalawang dahilan.
Ang unang dahilan ay dahil sa paglipas ng panahon, at dahil sa katotohanang ang mga nakaraang relihiyon ay wala sa ilalim ng Banal na pangangalaga ng Diyos, ang mga ito ay dumaan sa maraming pagbabago at pagkakaiba-iba. Dahil dito, nakikita natin na ang mga pangunahing katotohanan na dinala ng lahat ng mga sugo ay nagkaka-iba-iba sa bawat relihiyon, ang pinaka-malinaw lang bilang ganap na doktirna ay ang paniniwala sa Diyos at sa Diyos lamang.
Ang pangalawang dahilan para sa kaibahang ito ay ang Diyos, sa Kanyang walang hanggan na Karunungan at walang hanggan na Kalooban, ay nagpasiya na ang lahat ng mga banal na misyon bago ang huling mensahe ng Islam na dinala ni Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay maging limitado sa isang natatanging balangkas ng panahon. Bilang resulta, ang kanilang mga batas at pamamaraan ay may kinalaman lamang sa natatanging mga kalagayan ng mga taong pinadalhan sa kanila upang pagsabihan o paratingan.
Ang sangkatauhan ay dumaan sa maraming mga panahon ng patnubay, pagkaligaw, integridad, at pagkalihis, mula sa pinaka-sinaunang panahon hanggang sa tugatog ng sibilisasyon. Sinamahan ng banal na patnubay ang sangkatauhan sa lahat ng ito, palaging nagbibigay ng angkop na mga solusyon at mga remedyo.
Ito ang kakanyahan ng pagkakaiba-iba na umiiral sa pagitan ng iba't ibang mga relihiyon. Ang hindi pagkakasundo na ito ay hindi kailanman lumampas sa mga detalye ng Banal na Batas. Ang bawat paglitaw ng Batas ay tugon sa mga natatanging suliranin ng mga tao na nilalayon dito. Gayunpaman, ang mga sakop ng kasunduan ay makabuluhan at marami, tulad ng mga saligan ng pananampalataya; ang mga pangunahing prinsipyo at layunin ng Banal na Batas, tulad ng pangangalaga ng pananampalataya, buhay, pangangatwiran, kayamanan, at pamilya at pagtataguyod ng katarungan sa lupain; at ilang mga pangunahing pagbabawal, ang ilan sa mga pinakamahalaga sa mga ito ay idolatriya, pakikiapid, pagpatay, pagnanakaw, at pagbibigay ng maling pagsaksi. Bukod dito, sumang-ayon din sila sa mga moral na kabutihan tulad ng katapatan, katarungan, kawanggawa, kabaitan, kalinisan, katuwiran, at awa. Ang mga alituntuning ito at ang iba pa ay permanente at pangmatagalan; ang mga ito ay ang pinakabuod ng lahat ng Banal na mga Mensahe at pinagsama lahat ang mga ito.
Ano ang Islam? (bahagi 2 ng 4): Ang mga Pinagmulan ng Islam.
Paglalarawanˇ: Ang papel ng Islam mula sa iba pang mga relihiyon sa mundo, partikular na kaugnay sa tradisyon ng Hudeo-Kristiyano.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 19
- Tumingin: 19,367
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ngunit saan ang mensahe ni Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, tumutugma sa mga naunang mensahe na ipinahayag ng Diyos? Ang isang maikling kasaysayan ng mga propeta ay maaaring makapagbigay linaw sa puntong ito.
Ang unang tao, si Adan, ay sinunod ang Islam, dahil dito itinuon niya ang kanyang pagsamba sa Diyos lamang at walang iba at sumunod sa Kanyang mga utos. Ngunit sa paglipas ng panahon at sa pagkalat ng sangkatauhan sa buong mundo, ang mga tao ay lumihis mula sa mensaheng ito at nagsimulang ituon ang pagsamba sa iba o kasama ng Diyos. Ang ilan ay sumamba sa mabubuting yumaong mula sa kanila, habang ang iba ay nakuhang sumamba sa mga espiritu at lakas ng kalikasan. Dito na sinimulan ng Diyos na magpadala ng mga sugo sa sangkatauhan na gagabay sa kanila pabalik sa pagsamba sa Diyos na Nag-iisa, na nakakabit sa kanilang tunay na kalikasan, at binalaan sila ng mga malubhang kahihinatnan sa pagtuon sa anumang uri ng pagsamba sa iba maliban sa Kanya.
Ang una sa mga sugong ito ay si Noe, na ipinadala upang ipangaral ang mensaheng ito ng Islam sa kanyang mga mamamayan, pagkatapos nilang simulan na ituon ang pagsamba sa kanilang mga mabubuting mga ninuno kasama ang Diyos. Inanyayahan ni Noe ang kanyang mga mamamayang iwanan ang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, at inutusan silang bumalik sa pagsamba sa Diyos na Nag-iisa. Ang ilan sa kanila ay sumunod sa mga turo ni Noe, samantalang ang karamihan ay hindi naniniwala sa kanya. Silang mga sumunod kay Noe ay mga tagasunod ng Islam, o mga Muslim, samantalang silang hindi, na nanatili sa kanilang kawalang paniniwala ay nilupig o sinakmal ng parusa dahil sa paggawa nito.
Pagkatapos ni Noe, ang Diyos ay nagpadala ng mga sugo sa bawat bansa na nalihis mula sa Katotohanan, upang gabayan sila pabalik dito. Ang Katotohanang ito ay pareho sa lahat ng panahon: upang tanggihan ang lahat ng mga bagay sa pagsamba at ituon ang lahat ng pagsamba nang walang pagbubukod sa Diyos at walang iba, ang Tagapaglikha at Panginoon ng lahat, at sumunod sa Kanyang mga utos. Ngunit tulad ng nabanggit natin nang una, dahil ang bawat bansa ay naiiba batay sa kanilang paraan ng pamumuhay, wika, at kultura, ang mga natatanging sugo ay ipinadala sa mga natatanging bansa para sa isang natatanging yugto ng panahon.
Ang Diyos ay nagpadala ng mga sugo sa lahat ng mga bansa, at sa Kaharian ng Babilonya ay Kanyang ipinadala si Abraham - isa sa mga pinakauna at pinakadakilang mga propeta - na inanyayahan ang kanyang mga mamamayang tanggihan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan na kanilang pinag-uukulan. Kanya silang inanyayahan sa Islam, ngunit siya ay tinanggihan nila at tinangka pa nilang patayin siya. Ang Diyos ay inilagay si Abraham sa maraming mga pagsubok, at kanyang napatunayan ang katotohanan sa kanilang lahat. Para sa kanyang maraming mga sakripisyo, ang Diyos ay ipinahayag na itataas siya mula kanyang mga inapo na isang dakilang bansa at pipili ng mga propeta mula sa kanila. Sa tuwing ang mga mamamayan mula sa kanyang inapo ay nagsisimulang lumihis sa katotohanan, na walang dapat sambahin na sinuman maliban sa Diyos lamang at sumunod sa Kanyang mga utos, ang Diyos ay nagpapadala ng isa pang sugo na mag-gagabay sa kanila pabalik dito.
Dahil dito, makikita natin na maraming mga propeta ang ipinadala mula sa inapo ni Abraham, tulad ng kanyang dalawang anak na sina Isaak at Ismael, kasama sina Hakob (Israel), Jose, David, Solomon, Moises, at siyempre, si Hesus, ang ilan sa kanila, nawa'y ang kapayapaan at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanilang lahat. Ang bawat propeta ay ipinadala sa mga Anak ni Israel (ang mga Hudyo) nang sila ay lumihis mula sa totoong relihiyon ng Diyos, at naging obligado sa kanila na sundin ang sugo na ipinadala sa kanila at sundin ang kanilang mga utos. Ang lahat ng mga sugo ay may pare-parehong mensahe, na tanggihan ang pagsamba sa lahat ng iba pang nilalang maliban sa Diyos na Nag-iisa at sumunod sa Kanyang mga utos. Ang ilan ay hindi naniwala sa mga propeta, habang ang iba ay naniwala. Silang naniwala ay mga tagasunod ng Islam, o mga Muslim.
Mula sa mga sugo ay si Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, mula sa mga inapo ni Ismael, ang anak ni Abraham, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, na ipinadala bilang isang sugo na kasunod ni Hesus. Si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ipinangaral ang parehong mensahe ng Islam tulad ng mga naunang propeta at sugo - upang ituon ang lahat ng pagsamba sa Diyos na Nag-iisa at wala nang iba at sundin ang Kanyang mga utos - kung saan ang mga tagasunod ng mga naunang propeta ay naligaw.
Kaya tulad ng nakikita natin, ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay hindi nagtatag ng isang bagong relihiyon, tulad ng maling iniisip ng maraming tao, ngunit siya ay ipinadala bilang Pangwakas na Propeta ng Islam. Sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang huling mensahe kay Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya), na isang walang hanggan at pangkalahatan na mensahe para sa lahat ng sangkatauhan, ang Diyos sa wakas ay tinupad ang tipan na Kanyang ginawa kay Abraham.
Kung paanong ito ay tungkulin ng mga buhay noon na sundin ang mensahe ng pinakahuli sa magkakasunod na mga propeta na ipinadala sa kanila, ito ay naging tungkulin para sa lahat ng sangakatuhan na sundin ang mensahe ni Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya). Ang Diyos ay nangakong ang mensaheng ito ay mananatiling hindi mababago at angkop sa lahat ng mga panahon at lugar. Sapat nang sabihin na ang paraan ng Islam ay kaparehong paraan ng propetang si Abraham, sapagkat ang Bibliya at ang Quran ay naglarawan kay Abraham bilang isang dakilang halimbawa ng isang taong isinuko ang kanyang sarili ng ganap sa Diyos at itinuon ang pagsamba sa Kanya lamang at walang iba, at walang anumang mga tagapamagitan. Kapag ito ay napagtanto, dapat na maging malinaw na ang Islam ay ang pinaka-tuluy-tuloy at pangkalahatan na mensahe ng anumang relihiyon, dahil ang lahat ng mga propeta at sugo ay mga "Muslim", ibig sabihin, ay silang mga sumuko sa kalooban ng Diyos, at ipinangaral nila ang "ِAng Islam", ibig sabihin ay pagsuko sa kalooban ng Diyos na Makapangyarihang sa lahat sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya Lamang at pagsunod sa Kanyang mga utos.
Kaya makikita natin na ang mga tumatawag sa kanilang sarili na mga Muslim ngayon ay hindi sumusunod sa isang bagong relihiyon; sa halip ay sinusunod nila ang relihiyon at mensahe ng lahat ng mga propeta at sugo na ipinadala sa sangkatauhan sa utos ng Diyos, na kilala rin bilang Islam. Ang salitang "Islam" ay isang salitang Arabe na literal na nangangahulugang "pagsuko sa Diyos", at ang mga Muslim ay yaong kusang loob na sumusuko at aktibong sumusunod sa Diyos, nabubuhay alinsunod sa Kanyang mensahe.
Ano ang Islam? (bahagi 3 ng 4): Ang Mahahalagang mga Paniniwala sa Islam.
Paglalarawanˇ: Isang pagtanaw sa ilang mga paniniwala sa Islam.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Mar 2014
- Nag-print: 17
- Tumingin: 16,567
- Nag-marka: 130
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Maraming mga aspeto ng paniniwala na kung saan ang isang sumusunod sa Islam ay dapat magkaroon ng matatag na paniniwala. Mula sa mga aspetong yaon, ang pinakamahalaga ay anim, na kilala bilang "Anim na Mga Saligan ng Paniniwala".
1) Paniniwala sa Diyos
Ang Islam ay itinataguyod ng mahigpit ang monoteismo at paniniwala sa Diyos na bumubuo sa puso ng kanilang pananampalataya. Ang Islam ay itinuturo ang paniniwala sa isang Diyos na hindi nagka-anak o hindi ipinanganak ang Kanyang sarili, at walang nakikibahagi sa Kanyang pangangalaga ng mundo. Siya lamang ang nagbibigay buhay, nagdudulot ng kamatayan, nagdadala ng mabuti, nagdudulot ng pagdurusa, at nagbibigay ng kabuhayan para sa Kanyang nilikha. Ang Diyos sa Islam ay ang nag-iisang Tagapaglikha, Panginoon, Tagapagpanatili, Tagapamahala, Tagapaghukom, at Tagapagligtas ng sansinukob. Siya ay walang kapantay sa Kanyang mga katangian at kakayahan, tulad ng kaalaman at kapangyarihan. Lahat ng pagsamba, pagpipitagan at paggalang ay dapat ituon sa Diyos at walang iba. Ang anumang paglabag sa mga konseptong ito ay itinatanggi ang batayan ng Islam.
2) Paniniwala sa mga Anghel
Ang mga sumusunod sa Islam ay dapat paniwalaan ang Di-nakikitang mundo tulad ng nabanggit sa Quran. Mula sa mundong ito ay ang mga anghel na mga tagapagmasid ng Diyos, bawat isa ay naatasan ng isang natatanging gawain. Wala silang malayang kalooban o kakayahang sumuway; nasa kanilang likas na katangian na maging tapat na mga lingkod ng Diyos. Ang mga anghel ay hindi dapat ituring bilang mga kahati ng diyos o tampulan ng papuri o pagsamba; sila ay mga lingkod lamang ng Diyos na sumusunod sa Kanyang bawat iutos.
3) Paniniwala sa mga Propeta at Sugo
Ang Islam ay isang unibersal at pang kabuuang relihiyon. Ang mga Muslim ay naniniwala sa mga propeta, hindi lamang kay Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ngunit ang mga propetang Hebreo, kabilang sina Abraham at Moises, pati na rin ang mga propeta ng Bagong Tipan, si Hesus, at Juan Bautista. Ang Islam ay itinuturo na ang Diyos ay hindi lamang nagpadala ng mga propeta sa mga Hudyo at Kristiyano, bagkus ay nagpadala Siya ng mga propeta sa lahat ng mga bansa sa mundo na may isang natatanging mensahe: sumamba sa Diyos lamang. Ang mga Muslim ay dapat na maniwala sa lahat ng mga propeta na ipinadala ng Diyos na binanggit sa Quran, nang walang anumang pagtatangi sa pagitan nila. Si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ipinadala kasama ang pangwakas na mensahe, at wala nang propetang darating pagkatapos niya. Ang kanyang mensahe ay pangwakas at walang hanggan, at sa pamamagitan niya ay nalubos ng Diyos ang Kanyang Mensahe sa sangkatauhan.
4) Paniniwala sa mga Banal na Kasulatan
Ang mga Muslim ay naniniwala sa lahat ng mga aklat na ipinadala ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang mga aklat na ito ay kabilang ang mga Aklat ni Abraham, ang Tora ni Moises, ang mga Awit ni David, at ang Ebanghelyo ni Hesukristo. Ang lahat ng mga aklat na ito ay may iisang pinagmulan (sa Diyos), iisang mensahe, at lahat ay ipinahayag sa katotohanan. Ito ay hindi nangangahulugan na napanatili ang mga ito sa katotohanan. Ang mga Muslim (at maraming iba pang pantas na mga Hudyo at Kristiyano at Mananalaysay) ay nalaman na ang mga aklat na umiiral ngayon ay hindi ang orihinal na mga banal na kasulatan, na sa katunayan ay nawala na, nabago, at/o isinalin nang paulit-ulit, na nagdulot ng pagkawala ng orihinal na mensahe.
Tulad ng pananaw ng mga Kristiyano sa Bagong Tipan na siyang tutupad at kukumpleto sa Lumang Tipan, ang mga Muslim ay naniniwala na ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay nakatanggap ng mga kapahayagan mula sa Diyos sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel upang iwasto ang pagkakamali ng tao na pumasok sa mga banal na kasulatan at doktrina ng Hudaismo, Kristiyanismo at lahat ng iba pang mga relihiyon. Ang kapahayagang ito ay ang Quran, na ipinahayag sa wikang Arabe, at matatagpuan ngayon sa dalisay na anyo nito. Ito ay naglalayon upang gabayan ang sangkatauhan sa lahat ng mga kalagayan ng buhay; espirituwal, temporal, indibidwal at pangkalahatan. Ito ay nagpapaloob ng mga pamamaraan para sa pag-uugali sa buhay, nagsasalaysay ng mga kwento at talinghaga, inilalarawan ang mga katangian ng Diyos, at nagsasabi ng pinakamahusay na mga patakaran upang pamahalaan ang buhay panlipunan. Mayroon itong mga pamamaraan para sa lahat, bawat lugar, at sa lahat ng panahon. Milyun-milyong mga tao ngayon ang nakakasaulo ng Quran, at lahat ng mga kopya ng Quran na matatagpuan ngayon at sa nakaraan ay magkakapareho. Ang Diyos ay nangakong Kanyang babantayan ang Quran mula sa pagbabago hanggang sa katapusan ng mga panahon, nang sa gayon ang Patnubay ay maging malinaw sa sangkatauhan at ang mensahe ng lahat ng mga propeta ay matatagpuan para sa mga naghahanap nito.
5) Paniniwala sa Buhay pagkatapos ng Kamatayan
Ang mga Muslim ay naniniwala na darating ang isang araw na ang lahat ng nilikha ay malilipol at bubuhaying muli nang sa gayon ay mahatulan para sa kanilang mga gawa: Ang Araw ng Paghuhukom. Sa araw na ito, ang lahat ay titipunin sa piling ng Diyos at ang bawat indibidwal ay tatanungin tungkol sa kanilang buhay sa mundo at kung paano nila ito isinabuhay. Ang mga taong napanghawakan ang wastong paniniwala tungkol sa Diyos at buhay, at sinundan ang kanilang paniniwala nang may matuwid na gawa ay papasok sa Paraiso, kahit na maaari silang magbayad sa ilang mga kasalanan sa Impiyerno kung ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Walang-hanggan na Katarungan ay piniling huwag silang patawarin. Para sa kanilang mga nahulog sa politeismo sa maraming mukha nito, papasok sila sa Apoy ng Impiyerno, hindi kailanman makalalabas mula dito.
6) Paniniwala sa Banal na Itinakda
Ang Islam ay pinagtitibay na ang Diyos ay may buong kapangyarihan at kaalaman sa lahat ng mga bagay, at walang mangyayari maliban sa pamamagitan ng Kanyang Kalooban at ng Kanyang buong kaalaman. Ang kilala bilang banal na itinakda, kapalaran, o "kahihinatnan" ay kilala sa Arabe bilang al-Qadr. Ang kahihinatnan ng bawat nilalang ay nalalaman na ng Diyos.
Ang paniniwalang ito gayunpaman ay hindi sumasalungat sa ideya ng kalayaan ng kalooban ng taong pumili ng kanyang landas ng pagkilos. Ang Diyos ay hindi tayo pinilit na gumawa ng anupaman; tayo ay maaaring pumili kung susunod o susuway sa Kanya. Ang ating pagpili ay nalalaman na ng Diyos bago pa man natin ito gawin. Hindi natin nalalaman kung ano ang ating kahihinatnan; ngunit nalalaman ng Diyos ang kapalaran ng lahat ng mga bagay.
Samakatuwid, dapat tayong magkaroon ng matatag na pananampalataya na anuman ang dumating sa atin, ito ay ayon sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang buong kaalaman. Maaaring may mga bagay na nangyayari sa mundong ito na hindi natin naiintindihan, ngunit dapat tayong magtiwala na ang Diyos ay may karunungan sa lahat ng mga bagay.
Ano ang Islam? (bahagi 4 ng 4): Islamikong Pagsamba
Paglalarawanˇ: Isang pagtanaw sa ilan sa mga mahahalagang kasanayan sa Islam, kabilang ang maikling pagpapaliwanag kung sino ang mga Muslim.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Mar 2014
- Nag-print: 20
- Tumingin: 19,129
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 2
Mayroong limang payak ngunit mahahalagang mga pagtupad na ang lahat ng mga nagsasanay na Muslim ay tinatanggap at sinusunod. Ang mga "Haligi ng Islam" ay kumakatawan sa diwa na pinag-iisa ang lahat ng mga Muslim.
1) Ang ‘Pagpapahayag ng Pananampalataya’
Ang Muslim ay ang siyang nagpapatotoo na "walang nararapat sa pagsamba maliban kay Allah, at si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ang sugo ni Allah." Ang pagpapahayag na ito ay kilala bilang "shahada" (saksi, pagpapatotoo). Ang Allah ay ang Arabeng pangalan para sa Diyos, tulad ng Yahweh na pangalang Hebreo para sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbigkas ng payak na pagpapahayag na ito siya ay nagiging isang Muslim. Ang pagpapahayag ay nagpapatunay ng ganap na paniniwala ng Islam sa kaisahan ng Diyos, ang Kanyang eksklusibong karapatan na sambahin, pati na rin ang doktrina na ang pag-uugnay ng anupaman sa Diyos ay isang hindi mapapatawad na kasalanan tulad ng mababasa natin sa Quran:
“Ang Diyos ay hindi nagpapatawad sa sinumang nagtatambal sa Kanya, datapuwa't Siya ay magpapatawad sa sinumang Kanyang nais sa mas mababa kaysa riyan (ang nagawang kasalanan). Sinuman ang magtambal ng iba sa Diyos, ay nakagawa ng isang napakalaking kasalanan.” (Quran 4:48)
Ang pangalawang bahagi ng pagpapatotoo ng pananampalataya ay nagsasabi na si Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay isang propeta ng Diyos tulad nina Abraham, Moises at Hesus na mga nauna sa kanya. Si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay nagdala ng pinakahuli at pangwakas na kapahayagan. Sa pagtanggap kay Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) bilang "sagka ng mga propeta o panghuli," ang mga Muslim ay naniniwala na ang kanyang propesiya ay nagpapatunay at tinutupad ang lahat ng ipinahayag na mga mensahe, na nagsimula pa kay Adan. Bilang karagdagan, si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay nagsisilbing ulirang pamantayan sa pamamagitan ng kanyang huwarang buhay. Ang pagsisikap ng isang mananampalataya na sundin ang halimbawa ni Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay inilalarawan ang diin ng Islam sa paggawa at pagkilos.
2) Ang Pagdarasal (Salah)
Ang mga Muslim ay nagdarasal ng limang beses sa isang araw: sa bukang-liwayway, tanghali, kalagitnaan ng hapon, takip-silim, at gabi. Ito ay nagbabalik sa espirituwal na pagtuon, muling pinagtitibay ang ganap na pag-asa sa Diyos, at inilalagay ang mga makamundong pag-aalala sa loob ng pananaw sa huling paghuhukom at sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang mga pagdarasal ay binubuo ng pagtayo, pagyukod, pagluhod, paglalapat ng noo sa lapag, at pag-upo. Ang pagdarasal ay isang paraan kung saan ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang nilikha ay napapanatili. Kabilang dito ang mga pagbabasa mula sa Quran, papuri sa Diyos, mga dalangin para sa kapatawaran at iba pang mga magkakaibang pagsusumamo. Ang pagdarasal ay isang pagpapahayag ng pagsuko, pagpapakumbaba, at pagsamba sa Diyos. Ang mga pagdarasal ay maaaring ihandog sa anumang malinis na lugar, nag-iisa o magkakasama, sa isang moske o sa bahay, sa trabaho o sa kalsada, sa loob ng bahay o sa labas. Mas mainam na magdasal kasama ang iba bilang kumakatawan sa pagkakaisa sa pagsamba sa Diyos, na nagpapakita ng disiplina, kapatiran, pagkakapantay-pantay, at pagkakaisa. Habang nagdarasal, ang mga Muslim ay nakaharap sa Makkah, ang banal na lungsod na nakasentro sa paligid ng Ka'bah - ang bahay ng Diyos na itinayo ni Abraham at ng kanyang anak na si Ismael.
3) Ang Sapilitang Kawanggawa (Zakah)
Sa Islam, ang tunay na nagmamay-ari ng lahat ay ang Diyos, hindi tao. Ang mga tao ay pinagkalooban ng kayamanan bilang tiwala mula sa Diyos. Ang Zakah ay pagsamba at pagpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mahihirap, at sa pamamagitan nito ang kanyang kayamanan ay dinadalisay. Nangangailangan ito ng taunang pag-aambag ng 2.5 na porsiyento ng yaman at pag-aari ng isang indibidwal. Samakatuwid, ang Zakah ay hindi lamang basta "kawanggawa", ito ay isang obligasyon ng mga nakatanggap ng kanilang kayamanan mula sa Diyos upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga hindi gaanong pinalad na kasapi ng pamayanan. Ang Zakah ay ginagamit upang tulungan ang mahihirap at nangangailangan, tulungan ang mga may pagkaka-utang, at, sa mga sinaunang panahon, upang palayain ang mga alipin.
4) Ang Pag-aayuno sa Ramadan (Sawm)
Ang Ramadan ay ang ika-siyam na buwan sa Islamikiong lunar na kalendaryo na inilalaan sa pag-aayuno. Ang mga malulusog na Muslim ay umiiwas mula bukang-liwayway hanggang sa takip-silim sa pagkain, inumin, at sekswal na pakikipagtalik. Ang pag-aayuno ay bumubuo ng espirituwalidad, pag-asa sa Diyos, at nagdudulot ng pagkilala sa hindi gaanong pinalad. Isang natatanging pagdarasal sa gabi ay ginaganap din sa mga moske kung saan ang mga pagbasa ng Quran ay maririnig. Ang mga pamilya ay bumabangon bago ang bukang-liwayway upang kumain ng kanilang unang pagkain sa araw na yaon upang mapanatili sila hanggang sa takip-silim. Ang buwan ng Ramadan ay nagtatapos sa isa sa dalawang pangunahing Islamikong pagdiriwang, ang Kapistahan ng Pagtatapos ng Pag-aayuno, na tinawag na Eid al-Fitr, na makikitaan ng kasiyahan, pagdalaw sa pamilya, at pagpapalitan ng mga regalo.
5) Ang ika-limang Haligi ay ang Paglalakbay o Hajj sa Makkah
Kahit papaano isang beses sa tanang buhay, ang bawat nasa tamang gulang na Muslim na may pisikal at pinansyal na kakayahan ay kinakailangang isakripisyo ang oras, kayamanan, katayuan, at karaniwang kaginhawahan ng buhay upang magsagawa ng Hajj na paglalakbay, na inilalagay ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos. Bawat taon mahigit sa dalawang milyong mananampalataya mula sa iba't ibang kultura at wika ang naglalakbay mula sa buong mundo patungo sa sagradong lungsod ng Makkah[1] upang tumugon sa panawagan ng Diyos.
Sino ang mga Muslim?
Ang Arabeng salitang "Muslim" ay literal na nangangahulugang "sinumang nasa kalagayan ng Islam (pagsuko sa kalooban at batas ng Diyos)". Ang mensahe ng Islam ay sinadya para sa buong mundo, at ang sinumang tumanggap ng mensaheng ito ay nagiging isang Muslim. Mayroong mahigit sa isang bilyong Muslim sa buong mundo. Ang mga Muslim ay kumakatawan sa karamihan ng populasyon sa limampu't anim na bansa. Maraming mga tao ang namamanghang malaman na ang karamihan sa mga Muslim ay hindi Arabo. Kahit na ang karamihan sa mga Arabo ay Muslim, mayroong mga Arabo na mga Kristiyano, Hudyo at Ateyista. 20 porsiyento lamang ng 1.2 bilyong Muslim ang nagmula sa mga bansang Arabya. Mayroong kapansin-pansing mga populasyon ng Muslim sa India, Tsina, Gitnang Asyanong Republika, Rusya, Europa, at Amerika. Kung ang isa ay titingin lamang sa iba't ibang mga tao na namumuhay sa Mundo ng Muslim - mula sa Nigeria hanggang sa Bosnia at mula sa Morocco hanggang Indonesia - madaling makikita na ang mga Muslim ay nagmula sa lahat ng iba't ibang lahi, pangkat etniko, kultura at mga nasyonalidad. Noon paman ang Islam na ang pangkalahatang mensahe para sa lahat ng mga tao. Ang Islam ay ang pangalawang pinakamalaking relihiyon sa mundo at sa kalaunan ay magiging pangalawang pinakamalaking relihiyon sa Amerika. Gayunpaman, kakaunting mga tao ang nakakaalam kung ano ang Islam.
Magdagdag ng komento