Si Maria sa Islam (bahagi 1 ng 3)
Paglalarawanˇ: Ang una sa tatlong bahagi ng artikulo na tumatalakay sa konsepto ng Islam kay Maria: Bahagi 1: Ang Kanyang Kabataan.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 03 Oct 2020
- Nag-print: 5
- Tumingin: 5,876 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Si Maria, ang ina ni Hesus, ay mayroong natatanging antas sa Islam, at ang Diyos ay nagpahayag na siya ang pinakamainam na babae sa lahat ng sangkatauhan, na pinili Niya sa lahat ng iba pang kababaihan, dahil sa kanyang kabanalan at debosyon.
“At (binanggit) ng mga Anghel, ‘O Maria! Katotohanang ikaw ay pinili ng Diyos, ikaw ay ginawang dalisay, na pinili higit sa mga kababaihan sa daigdig. O Maria! Maging masunuring tapat sa iyong panginoon at ikaw ay magpatirapa at yumukong kasama ang mga nagsisiyuko (sa pagdarasal).’” (Quran 3:42-43)
Siya rin ay ginawang halimbawa ng Diyos para maging huwaran, ng Kanyang sinabi:
“At (ang halimbawa ng Diyos para sa mga naniniwala) kay Maria, ang anak na babae ni Imran, na pinangalagaan ang kanyang dangal; at siya ay Aming hiningahan dito (sa kanyang damit) mula sa Aming ruh (sa pamamagitan ni anghel Gabriel) at siya ay naniwala sa mga salita ng kanyang Panginoon at sa kanyang mga kasulatan, at (siya ay) isa sa mga tapat na masunurin (sa amin).” (Quran 66:12)
Katiyakan, siya ang babaeng karapat-dapat na magdala ng himala tulad ng kay Hesus, na ipinanganak na walang tatay. Siya ay kilala sa kanyang pagiging banal at kadalisayan, at kung ito ay naging iba, sa gayun ay walang maniniwala sa kanyang pag-angkin na manganak habang nanatili sa pagiging birhen, isang paniniwala at katotohanan na kung saan pinanghahawakan ng Islam na totoo. Ang kanyang natatanging kalikasan ay isa sa mga nagpatunay ng maraming himala mula pa noong kanyang pagkabata. Suriin natin kung ano ang ipinahayag ng Diyos tungkol sa magandang kuwento ni Maria.
Ang Kabataan ni Maria
“Katotohanan pinili ni Allah sina Adan, Noah, at ang pamilya ni Abraham at ang pamilya ni Imran nang higit sa lahat ng mga nilikha. Mga inapo, ang ilan sa kanila ay nagmula sa iba. At ang Allah ay lubos na nakakarinig at maalam. (Alalahanin) nang si Heli (Hannah; siya rin si Anne, Ann, Anna) ang asawa ni Imran ay nagsabi: "Aking Panginoon, katotohanan aking pinapangako sa Iyo ang anumang nasa aking sinapupunan, na aking iaalay (para sa paglilingkod sa Iyo), kaya tanggapin Mo po ito mula sa akin. Katotohanan, Ikaw ang lubos na nakakarinig, ang maalam.” (Quran 3:33-35)
Si Maria ay ipinanganak ni Hannah sa kanyang asawang si Imran, na kung saan nagmula sa angkan ni David, samakatuwid siya ay mula sa pamilya ng mga propeta, mula kay Abraham, Noah, hanngang kay Adan, sumakanila nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos. Katulad ng nabanggit sa talata, ipininganak siya sa piniling pamilya ni Imran, na ipinanganak naman sa piniling pamilya ni Abraham, na ipinanganak naman din sa piniling pamilya. Si Hannah ay isang baog na babae na nagnanais na magkaroon ng anak, at siya ay nangako sa Diyos, na kung pagkakalooban siya ng anak, ay ilalaan niya ang bata sa paglilingkod sa Kanyang Templo. Sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin, at siya ay nagdalantao ng isang bata. Noong naipanganak niya ito, nalungkot siya, sapagkat ang anak niya ay babae, dahil ang kalalakihan ang karaniwang ibinibigay para sa paglilingkod sa Bait-ul-Maqdis.
“Kaya't nang siya ay manganak sa kanya, sinabi niya, ‘O aking Panginoon! nagsilang ako ng isang babae...at ang lalaki ay hindi katulad ng isang babae.”
Nang ipinahayag niya ang kanyang kalungkutan, pinagsabihan siya ng Diyos:
“…At ang Diyos ang higit na nakakaalam sa anumang kanyang isinilang…” (Quran 3:36)
…Dahil pinili ng Diyos ang kanyang anak na babae na si Maria, na maging ina ng isa sa mga pinakadakilang himala ng paglikha: ang birheng kapanganakan kay Hesus, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos. Pinangalanan ni Hannah ang kanyang anak na si Maria (Maryam sa Arabe) at nanawagan sa Diyos upang protektahan siya at ang kanyang anak mula sa satanas:
“…at siya ay aking pinangalanang Maria at ako po ay humihingi ng kanlungan (sa Iyo) para sa kanya at sa kanyang magiging mga supling laban sa Satanas na isinumpa.” (Quran 3:36)
Tunay na tinanggap ng Diyos ang kanyang panalangin, at binigyan Niya si Maria at ang kanyang magiging anak na si Hesus ng natatanging katangian - na hindi pa ibinigay sa mga nauna at nahuli; Alin man sa kanila ay hindi nakaranas ng pahirap sa paghipo ni Satanas ng sila ay isinilang. Ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ay nagsabi:
“Walang sinumang pinanganak maliban na si Satanas ay humipo sa kanila sa kanilang kapanganakan, dahil dito kung kaya ang bata ay lumalabas na sumisigaw, maliban kay Maria at ang kanyang anak (Hesus).” (Ahmad)
Dito, maaari nating makita agad ang pagkakatulad sa pagsasalaysay na ito at ang teoryang Kristyanismo na "Imakuladang Paglilihi" (malinis na paglilihi mula sa orihinal na kasalanan) ni Maria at Hesus, kahit na mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan nila. Ang Islam ay hindi nagpapalaganap ng teoryang 'orihinal na kasalanan' kaya naman hindi kinukunsinti ang pagpapaliwanag na ito kung paano sila nakaligtas mula sa paghawak ni Satanas, sa halip ito ay biyaya na ibinigay ng Diyos kay Maria at sa kanyang anak na si Hesus. Tulad ng ibang mga propeta, si Hesus ay prinotektahan mula sa paggawa ng malalaking kasalanan. Tungkol naman kay Maria, kahit na tayo ay naninindigan na hindi siya propeta, siya naman ay nakatanggap ng proteksyon at patnubay mula sa Diyos na Kanyang ipinagkakalooob sa mga taong matutuwid.
“Kaya, siya ay tinanggap ng kanyang Panginoon nang may mabuting pagtanggap, at siya ay pinalaki sa kagandahang asal at siya ay inilagay sa pangangalaga ni Zakarias.” (Quran 3:37)
Noong ipinanganak na si Maria, dinala siya ng kanyang ina na si Hannah patungo sa Bait-ul-Maqdis at inalok niya sa mga nasa mosque na palakihin sa ilalim ng kanilang pangangalaga. Noong nalaman ang kadakilaan at kabanalan ng kanyang pamilya, sila ay nagtalo-talo kung sino ang magkakaroon ng karangalan sa pag-aaruga sa kanya. Sumang-ayon sila na magpalabunutan at walang iba kundi si propeta Zakarias ang nabunot. Siya (Maria) ay lumaki sa ilalim ng kanyang pangangalaga at pagtuturo.
Mga Himala sa Kanyang Presensya at Pagbisita ng mga Anghel
Habang lumalaki si Maria, kahit na si propeta Zakarias ay napansin ang namumukod tanging katangian ni Maria, dahil sa iba't ibang himala na nangyayari sa kanyang presensya. Habang lumalaki, si Maria ay binigyan ng liblib na silid sa loob ng Mosque kung saan maaari niyang italaga ang sarili sa pagsamba sa Diyos. Sa tuwing papasok si Zakarias sa silid upang alamin ang kanyang mga pangangailangan, nasusumpungan niya ang saganang hindi napapanahong mga prutas sa harapan nito.
“Sa tuwing papasok sa silid dalanginan si Zakarias ( upang siya ay dalawin), dinaratnan niyang mayroong pagkain. Siya (si Zakarias) ay nagsabi: "O Maria! saan mo kinuha ang mga pagkaing ito?" Siya (si Maria) ay nagsabi: "ito ay nanggaling sa Allah. Katototohan, ang Allah ang nagbibigay (ng panustos) sa sinumang Kanyang nais nang walang takdang bilang (o sukat). ” (Quran 3:37)
Siya ay binisita ng mga Anghel ng higit sa isang beses. Sinabi sa atin ng Diyos na ang mga Anghel ay binisita siya at ipinaalam sa kanya ang kanyang kapuri-puring katayuan sa sangkatauhan:
“At (banggitin) nang sabihin ng mga Anghel: "O Maria! katotohanan ikaw ay pinili ng Allah, ikaw ay ginawang dalisay at ikaw ay pinili ng higit sa mga kababaihan, sa lahat ng mga nilikha (sa sangkatauhan). O Maria! ikaw ay maging masunuring tapat sa iyong Panginoon at ikaw ay magpatirapa at yumukong kasama ang mga nagsisiyuko (sa pagdadarasal).” (Quran 3:42-43)
Dahil sa pagbisita ng mga anghel at sa kanyang pagkapili mula sa lahat ng kababaihan, ang iba ay pinanghawakan ito na si Maria ay propeta. Kahit na hindi naman, na bagay na pinagdidibatihan, ang Islam ay nagtuturing pa rin sa kanya na may pinaka mataas na istado sa lahat ng kababaihan na nilikha dahil sa kanyang pagkakapili dahil sa kanyang kabanalan at debusyon, at dahil na rin sa kanyang pagkakapili para sa mahimalang kapanganakan ni Hesus.
Magdagdag ng komento