Paniniwala sa Diyos (bahagi 1 ng 3)
Paglalarawanˇ: Ang pinaka sentro ng Pananampalatayang Islam: ang paniniwala sa Diyos at ang pagsamba sa Kanya, at mga paraan para mahanap ng isang tao ang Diyos.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Apr 2020
- Nag-print: 6
- Tumingin: 23,773
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Panimula
Sa sentro ng Islam ay nariyan ang paniniwala sa Diyos.
Ang pundasyon ng doktrina sa Islam ay ang pagpapatotoo sa pagsaksi sa salitang, La ilaha illa Allah, “Walang ibang tunay na Diyos na karapat-dapat sambahin maliban kay Allah,” ang patotoo sa pananampalatayang ito, na tinatawag na Tawheed, ay siyang aksis na nakapalibot kung saan ang Islam umiinog. Bukod dito, ito ang una sa dalawang patotoo kung saan ang isang tao ay nagiging Muslim. Ang pagsusumikap matapos ang pagkatanto sa kaisahan ng Diyos, o tawheed, ay ang pinaka-sentro ng buhay sa Islam.
Para sa mga hindi pa Muslim, ang katagang Allah, ang pangalan sa salitang Arabe ng Diyos, ay tumutukoy sa sinauna at kataka-takang diyos na sinasamba ng mga Arabo. Ang ilan naman ay kanilang iniisip na ito raw ay ang paganong “diyos na buwan”. Gayupaman, sa salitang Arabe, ang salitang Allah ay nangangahulugang Nag-iisang Tunay na Diyos. Kahit na, ang mga Hudyo at Kristyano na nakakapagsalita ng Arabe ay tinatawag ang Kataas-taasang Maykapal na Allah.
Paghahanap sa Diyos
Ang Kanluraning mga pilosopo, Silanganing mga mistisismo at ang makabagong mga siyentipiko ay nagtangkang abutin ang Diyos sa sarili nilang paraan. Ang mga mistisismo ay nagtuturo na ang Diyos ay matatagpuan sa pamamagitan ng mga epirituwal na karanasan, isang Diyos na bahagi ng mundo at naninirahan sa loob ng Kaniyang mga nilikha. Ang mga pilosopo ay naghahanap sa Diyos sa pamamagitan ng dalisay na katwiran at kadalasang nagpapahayag patungkol sa Diyos bilang hiwalay na Taga-Pagmasid na walang pakinabang sa Kanyang mga nilikha. Isang grupo ng mga pilosopo ay nagtuturo ng agnostisismo, isang ideolohiya na ang paniniwala ay wala ni isang maaaring makapag-patunay o magpabulaan sa pag-iral ng Diyos. Sa totoo lang, ang isang agnostiko ay nagpapahayag na kailangan niyang maramdaman o makita ang presensya ng Diyos ng tuwiran upang magkaroon ng pananampalataya. Ang Diyos ay nagsabi:
"At yaong mga walang nalalaman ay nagsasabi: ‘Bakit si Allah ay hindi mangusap sa amin o magkaloob ng palatandaan sa amin?’ Ganyan din magsalita yaong mga nauna sa kanila tulad ng kanilang mga pananalita. Ang kanilang mga puso ay magkakatulad sa isa’t isa..." (Quran 2:118)
Ang pagtatalo ay hindi na bago; ang mga tao sa nakaraan at kasalukuyan ay nagpahayag ng pare-parehong pagtutol.
Ayon sa Islam, ang tamang paraan nang paghahanap sa Diyos ay sa pamamagitan ng mga iningatan at pinanatiling katuruan ng mga propeta. Pinananatili ng Islam na ang mga propeta ay ipinadala mismo ng Diyos sa lahat ng mga panahon upang patnubayan ang sangkatauhan pabalik sa Kanya. Sinabi ng Diyos sa banal na Quran na ang tamang landas ng paniniwala ay ang pag muni-munihan ang tungkol sa Kanyang mga palatandaan, na tumutukoy sa Kanya:
"…Katiyakan Aming ipinakita nang malinaw ang mga tanda para sa mga taong may katiyakan sa pananampalataya." (Quran 2:118)
Ang pagbanggit ng Diyos sa Kaniyang mga nilikha ay madalas na nagaganap sa Quran na siyang sentro sa banal na kapahayagan. Sinuman ang magsuri sa kamangha-manghang likas na mundo na may bukas na mga mata at puso ay katiyakang makikita ang walang kamaliang palatandaan ng Tagapaglikha.
"Ipagbadya: “Magsipaglakbay kayo sa mga lupain at inyong tunghayan kung paano [kamangha-mangha] Niya nilikha [ang tao] sa unang pagkakataon: At sa gayon, din, ibabalik ng Diyos ang iyong pangalawang buhay - sapagkat, katotohanan, Ang Diyos ay may kapangyarihan na gawin ang kahit na anong bagay." (Quran 29:20)
Ang nilikha ng Diyos ay makikita sa loob ng bawat isa:
"At sa kalupaan ay may mga palatandaan [ng pag-iral ng Diyos, na makikita] para sa mga may katiyakan sa pananampalataya, gaya ng [may mga palatandaan nito] sa inyong mga sarili: Hindi ba ninyo, kung gayon, nakikita?" (Quran 51:20-21)
Paniniwala sa Diyos (bahagi 2ng 3)
Paglalarawanˇ: Ang unang dalawang aspeto patungkol sa paniniwala sa Diyos, paniniwala sa Kanyang pag-iral at paniniwala sa Kanyang kataas-taasang Pagka Panginoon.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 6
- Tumingin: 17,608
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang paniniwala sa Diyos sa Islam ay binubuo ng apat na mga bagay:
(I) Paniniwala sa pag-iral ng Diyos.
(II) Ang Diyos ay ang Kataas-taasang Panginoon.
(III) Ang Diyos ay nag-iisa at Siya lamang ang nararapat sambahin.
(IV) Ang Diyos ay kilala sa Kanyang mga Pinaka magagandang mga Pangalan at mga Katangian.
(I) Ang Paniniwala sa Pag-iral ng Diyos
Ang pag-iral ng Diyos ay hindi na kinakailangan ng mga siyentipikong pruweba, matematikal, o mga pilosopikong pagtatalo. Ang Kanyang pag-iral ay hindi isang ‘pagtuklas’ na gagawin sa pamamagitan ng siyentipikong pamamaraan o hunaing o teoremang matematikal upang ito’y mapatunayan. Sa madaling salita, ang karaniwang kahulugan lamang ay may kinalaman sa pagsaksi sa pag-iral ng Diyos. Mula sa isang barko mayroong isa na matututo sa taga-gawa ng barko, mula sa sanlibutan mayroong isa na magtutuklas sa kaniyang Tagapaglikha. Ang pag-iral ng Diyos ay kinikilala din sa pamamagitan ng pagtugon sa mga panalangin, himala ng mga propeta at katuruan sa lahat ng mga hayag na banal na kasulatan.
Sa Islam, ang isang nilalang ay hindi tinitingnan bilang makasalanang nilikha na kung saan ang mensahe ay ipinadala mula sa Kalangitan upang gamutin ang mga sugat ng orihinal na kasalanan, nguni’t bilang isang nilalang na kung saan ay nagdadala pa rin ng kanyang mga likas na kairalan (al-fitrah), ito’y nakatatak sa kanyang kaluluwa na nakapaloob ng malalim at nakalibing sa ilalim ng suson nang kapabayaan. Ang mga tao ay hindi isinilang na makasalanan, bagkus ay makakalimutin tulad ng sinabi ng Diyos:
"…Hindi ba Ako ang inyong Panginoon? Sila ay nagsabi: “Opo, at kami ay sumasaksi...’" (Quran 7:172)
Sa talatang ito, ang “Sila” ay tumutukoy sa mga tao, lalaki at babae. Ang “Opo” ay ang pagpapatotoo sa paninindigan sa kaisahan ng Diyos sa pamamagitan natin sa ating prekosmikong estado. Pinanghahawakan ng doktrina ng Islam na ang mga kalalakihan at kababaihan ay nagdadala pa rin ng alingawngaw ng ‘Opo’ na ito sa kailaliman ng kanilang mga kaluluwa. Ang panawagan ng Islam ay direkta sa likas nitong kairalan, kung saan binigkas ang ‘Opo’ kahit na bago pa sila manirahan sa mundo. Ang kaalaman na ang sanlibutan ay may TagaPaglikha ay isang likas na bagay sa Islam at kung gayon ito’y hindi na kinakailangan pa ng pruweba. Ang mga dalub-agham, katulad nina Andrew Newberg at Eugene D’Aquili, silang dalawa kaakibat ng Unibersidad ng Pennsylvania at mga bihasa sa neurolohikal na pagsasaliksik sa relihiyon, ay nagsabi “Kami ay pinagkawad para sa Diyos."[1]
Itinatanong ng Banal na Quran sa retorikal na paraan:
"…Mayroon pa ba kayong agam-agam patungkol kay Allah, ang Tagapaglikha ng mga kalangitan at kalupaan?..." (Quran 14:10)
May nagtanong, ‘kung ang paniniwala sa Diyos ay isang likas na bagay, bakit may mga tao na kulang ang paniniwala dito?’ Ang sagot ay simple lamang. Ang bawat tao ay may likas na paniniwala sa TagaPaglikha, ngunit ang paniniwala na ito ay hindi resulta ng pag-aaral o personal na kahinaan ng pag-iisip. Sa paglaon ng panahon, ang mga impluwensya sa kapaligiran ay nakakaapekto sa likas na paniniwalang ito at nililito nito ang isang tao. Kaya, ito ay nasa paligid ng isang tao at ito ay nasa pagbubunyag ng lihim nitong natural na nakagisnan mula sa katotohanan. Ang Propeta ng Islam, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Diyos, ay nagsabi:
“Bawat sanggol ay ipinanganak ng nasa estado ng fitrah (natural na paniniwala sa Diyos), subalit ang kanyang mga magulang ay ginawa siyang isang Hudyo, isang Kristiyano, o isang Magian.” (Saheeh Muslim)
Kadalasan ang mga takip na ito ay natatanggal kapag ang isang tao ay humaharap sa pang espiritwal na peligro at siya ay naiiwang kaawa-awa at mahina.
(II) Ang Diyos Ay ang Kataas-taasang Panginoon
Ang Diyos ang nag-iisang Panginoon ng langit at lupa. Siya ay Panginoon ng sanlibutan at Taga-Gawad ng Batas para sa mga nilalang na nabubuhay. Siya ang Panginoon ng mundo at Tagapamahala sa lahat ng gawa ng mga tao. Ang Diyos ang Panginoon ng bawat kalalakihan, kababaihan, at mga kabataan. Sa kasaysayan, iilan lamang ang tumatanggi sa pag-iral ng Diyos, na kung saan ay nangangahulugan na sa lahat ng parte ng edad na mayroon ang tao, karamihan dito, ay may paniniwala sa Iisang Diyos, ang Pinaka Kataas-taasan, ang TagaPaglikha. Itong Diyos ay Panginoon na nagtataglay ng partikular na mga sumusunod na kahulugan:
Una, Ang Diyos ang tanging Panginoon at Tagapamahala sa buong mundo. Ang Panginoon ay nangangahulugan na Siya ang Tagapaglikha, Tagasupil, at Nagmamay-ari ng Kaharian ng langit at lupa; itong mga ito ay pag-aari lamang Niya. Siya ang mag-isang nagbigay ng kairalan mula sa wala, at lahat ng umiiral ay dumedepende sa Kanya para sa pangangalaga at pananatili. Hindi Niya nilikha ang sansinukob at iniwan ito upang tugisin ang sarili nitong landas alinsunod sa naitakdang mga batas, pagkatapos ay ihihinto upang kumuha ng anumang karagdagang interes sa mga ito. Ang kapangyarihan ng Diyos ay kinakailangan sa bawat sandali upang matugunan ang lahat ng nilikha. Ang mga nilikha ay walang ibang Panginoon bukod sa Kanya.
"Sabihin (O Muhammad): ‘Sino ang nagbigay-panustos sa inyo mula sa kalangitan at kalupaan? O sino ang nagmamay-ari ng (inyong) pandinig at paningin? At sino ang bumubuhay sa mga patay at sino ang nagdudulot ng kamatayan sa mga nabubuhay? At sino ang tagapangasiwa ng mga pangyayari?’ Sila ay magsasabi: ‘Ang Allah’. Kaya sabihin: ‘Kung gayon, hindi ba kayo natatakot sa parusa ng Diyos (para sa pagtatambal sa Kanya)?’" (Quran 10:31)
Siya ang tanging-makapangyarihang Hari at ang Tagapagligtas, ang Mapagmahal na Diyos, na puno ng karunungan. Walang sinuman ang makapagbabago ng Kanyang desisyon. Ang mga Anghel, mga Propeta, mga nilalang, at ang mga hayop at lahat ng uri ng halaman ay nasa ilalim ng Kanyang pangangalaga.
Pangalawa, ang Diyos ang tanging Tagapamahala ng mga gawain ng tao. Ang Diyos ay Kataas-taasang Tagapagbigay ng Batas,[2] ang Ganap na Hukom, Mambabatas, at Siya ang tumutukoy ng tama sa mali. Tulad na lamang ng mundo na nagpapakupkop sa Panginoon, ang mga tao ay nararapat na magpakupkop sa mataimtim at banal na katuruan ng kanilang Panginoon, ang Panginoon na nagtatakda ng katotohanan sa pagitan ng kamalian mula sa kanila. Sa madaling salita, ang Nag-Iisang Diyos lamang ang may kapangyarihang gumawa ng mga batas, tumukoy sa mga gawa ng pagsamba, magpasiya ng kabutihan, at magtakda ng mga pamantayan ng tao sa pakikipag-ugnayan at pag-uugali. Siya ang Tagapag-Atas:
"…Katotohanan, sa Kanya ang Paglikha at Pag-Atas; purihin ang Diyos, ang Panginoon ng mundo." (Quran 7:54)
Paniniwala sa Diyos (bahagi 3 ng 3)
Paglalarawanˇ: Ang ikatlo at ikaapat na aspeto tungkol sa kung ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos, partikular, ang paniniwala na ang nag-iisang Diyos ang may karapatan lamang pag-alayan ng Pagsamba at makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga pangalan at katangian.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 6
- Tumingin: 19,304
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
(III) Ang Nag-iisang Diyos ang may Karapatang Pag-alayan ng Pagsamba
Ang Islam ay labis na nagbibigay-diin sa kung paano naisasalin ang paniniwala sa Diyos sa pagkamatuwid, masunuring pamumuhay at mabuting moralidad kaysa sa patunayan ang Kaniyang pag-iral sa pamamagitan ng teolohikal na pamamaraan. Kaya naman, ang sawikain ng Islam na kung saan ang pangunahing mensahe nito na siya namang ipinangaral ng mga propeta ay ang pagsuko sa kalooban ng Diyos at ang pagsamba sa Kanya at mangilan-ngilang katibayan sa pag-iral ng Diyos:
"At Kami ay hindi nagpadala ng alinmang sugo na una sa iyo (O Muhammad) malibang Kami ay nagpahayag sa kaniya na: "Walang ibang Diyos maliban sa Akin, kaya Ako ay inyong sambahin (wala ng iba)." (Quran 21:25)
Ang Diyos ang may nabubukod-tanging karapatang sambahin maging sa panloob man at panlabas, sa pamamagitan ng puso at katawan ng isang tao. Hindi lamang na sila ay di maaring sumamba sa iba bukod sa Kanya, lubusang walang ibang nilalang ang maaaring sambahin na kasama Niya. Wala Siyang mga kasosyo o kasamahan sa pagsamba. Ang pagsamba, sa malawak na kahulugan nito at sa lahat ng aspeto nito, ay para lamang sa Kanya.
"Walang ibang tunay na karapat-dapat sambahin maliban sa Kaniya, Ang Pinaka Maawain, at Pinaka Mahabagin." (Quran 2:163)
Ang karapatan ng Diyos sa pagsamba ay hindi ito kalabisan. Ito ang mahalagang kahulugan ng patotoo ng Islam sa pananampalataya: La ilah illa Allah. Ang isang tao ay nagiging Muslim sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa banal na karapatan sa pagsamba. Ito ang pinakabuod ng paniniwala nang Islam sa Diyos, maging ang lahat sa Islam. Ito ang pinakamahalagang mensahe ng lahat nang propeta at sugo na ipinadala ng Diyos - ang mensahe nina Abraham, Isaac, Ismael, Moises, ang mga propeta sa Hebreo na si Hesus, at Muhammad, mapasakanila nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos. Isang halimbawa, ipinahayag ni Moises:
"Dinggin, O Israel; Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon." (Deuteronomio 6:4)
Iniulit naman ang mensaheng ito ni Hesus pagkaraan ng isang libo at limang daang (1500) taon noong kanyang sinabi:
"Ang una sa lahat ng mga kautusan ay, ‘Dinggin, O Israel; Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon.’" (Marcos 12:29)
At pinaalalahanan si Satanas:
"Humayo ka, Satanas! Sapagka't nasusulat: Sambahin ang Diyos na iyong Panginoon, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran." (Mateo 4:10)
Sa huli, ang panawagan ni Muhammad noong ika-600 na taon pagkatapos ni Hesus ay umalingawngaw sa mga burol ng Makkah :
"At ang inyong Diyos ay nag-iisang Diyos: walang ibang Diyos maliban sa Kaniya…" (Quran 2:163)
Malinaw nilang ipinahayag ang:
"…Sambahin ang Diyos! Wala kayong ibang Diyos kundi siya …" (Quran 7:59, 7:65, 7:73, 7:85; 11:50, 11:61, 11:84; 23:23)
Ano ang Pagsamba?
Ang pagsamba sa Islam ay kinapapalooban ng bawat pagkilos, paniniwala, pahayag, o damdamin ng puso na inaaprubahan at minamahal ng Diyos; lahat ng bagay na magpapalapit sa isang tao tungo sa kaniyang Tagapaglikha. Kabilang dito ang 'panlabas' na pagsamba tulad ng araw-araw na mga ritwal na panalangin, pag-aayuno, kawang-gawa, at pilgrimahe pati na rin ang 'panloob' na pagsamba tulad ng pananampalataya sa anim na saligan ng pananampalataya, pagpipitagan, marapat na pagsamba, pagmamahal, pasasalamat, at pag-asa. Ang Diyos ang may karapatang sambahin sa pamamagitan ng katawan, kaluluwa, at puso, at ang pagsamba na ito ay nananatiling hindi kumpleto maliban kung maganap ito sa apat na mahahalagang bahagi: kapita-pitagang pagkatakot sa Diyos, sagradong pag-ibig at pagsamba, pag-asam sa banal na gantimpala, at matinding kapakumbabaan.
Isa sa mga pinakadakilang gawain ng pagsamba ay ang panalangin, nananawagan sa Sagradong Nilalang para sa pagsaklolo. Tinutukoy ng Islam na ang panalangin ay nararapat lamang ituon sa Diyos. Siya ay itinuturing na ganap na may kontrol sa tadhana ng bawat tao at kayang ipagkaloob ang kaniyang mga pangangailangan at alisin ang pagkabalisa. Ang Diyos, sa Islam, ay inilaan ang karapatan sa panalangin sa Kanyang sarili:
"At huwag kang manalangin sa iba bukod kay Allah, anuman na hindi makabubuti sa iyo o makapipinsala sa iyo, sapagkat, kung gagawin mo ito, katotohanang ikaw ay mapabibilang sa mga mapaggawa ng kamalian!" (Quran 10:106)
Ang pagbibigay sa sinumang nilalang tulad sa - mga propeta, mga anghel, Hesus, Maria, diyus-diyosan, o kalikasan - nang bahagi ng pagsamba ng isang tao, na kung saan ay nararapat na maging angkop lamang sa Diyos, tulad ng panalangin, ay tinatawag na Shirk at siyang pinaka malaking kasalanan sa Islam. Ang Shirk ay ang tanging walang kapatawarang kasalanan kung hindi ito pagbabalikang-loob, at tinatanggihan nito ang pinaka layunin ng paglikha.
(IV) Ang Diyos ay Kilala sa Kanyang Pinaka Magagandang mga Pangalan at Katangian
Ang Diyos ay kilala sa Islam sa pamamagitan ng Kanyang magagandang mga Pangalan at Katangian na kung saan sila'y makikita sa inihayag na mga teksto ng Islam na walang katiwalian o pagkakaila sa kanilang malinaw na kahulugan, paggunita sa kanila, o pag-iisip sa mga ito sa salita ng tao.
"At ang Pinaka Magagandang Pangalan ay pagmamay-ari ni Allah, kaya't manawagan kayo sa Kanya sa pamamamagitan ng mga ito…" (Quran 7:180)
Samakatuwid, hindi angkop na gamitin ang Unang Sanhi, May-akda, Substansiya, Purong Pagkamaka-ako, Wagas, Personal na mga Ideya, Makatwirang Konsepto, Lingid, Walang Malay, Pagkamaka-ako, Ideya, o Malaking Tao bilang banal na mga Pangalan. Sila lamang ay kawalan ng kagandahan at hindi ganoon ang paglalarawan ng Diyos sa Kanyang sarili. Sa halip, ang mga Pangalan ng Diyos ay nagpapakita ng Kanyang kagila-gilalas na kagandahan at kasakdalan. Ang Diyos ay hindi nakalilimot, natutulog, o napapagod. Siya ay makatarungan, at walang anak, ina, ama, kapatid, kasamahan, o katulong. Hindi Siya ipinanganak, at hindi Siya nanganak. Siya ay tumitindig nang walang pangangailangan sa iba dahil sa Siya ay perpekto. Hindi siya naging tao upang "unawain" ang ating pagdurusa. Ang Diyos ay ang Pinaka Makapangyarihan (Al Qawee), ang Walang Kapantay (Al-'Ahad), ang Tumatanggap ng Pagbabalik-loob (At-Tawwaab), ang Pinaka Mahabagin (Ar-Raheem), ang Laging nang Buhay (Al-Hayy), ang Tagapag-Taguyod (Al-Qayyum), ang Ganap na Maalam (Al-'Aleem), ang Nakadidinig ng Lahat (As-Samee ), ang Nakakakita ng Lahat (Al-Baseer), ang Ganap na Nagpapaumanhin (Al-'Afuw), ang Ganap na Tumutulong (Al-Naseer), ang Gumagamot sa lahat ng Sakit (Ash-Shaafee').
Ang dalawang pangalang pinakamadalas na gamitin sa panalangin ay "ang Pinaka Maawain" at "ang Pinaka Mahabagin." Ang lahat ng kabanata sa banal na kasulatan ng Muslim maliban sa isa ay nag-uumpisa sa pangungusap na "Sa Ngalan ng Diyos, ang Pinaka-Maawain, at ang Pinaka- Mahabagin,". Ang pangungusap na iyon ay karaniwang mas ginagamit ng isang Muslim kaysa sa mga pangalang Ama, Anak at Espiritu Santo na madidinig sa mga panalangin ng mga Kristiyano. Ang mga Muslim ay nag-uumpisa sa Ngalan ng Diyos at pinaaalalahanan ang kanilang mga sarili sa Awa at Habag ng Diyos sa oras ng kanilang pagkain, pag-inom, pagsulat ng liham, o pagsagawa ng mga mahahalagang gawain.
Ang pagpapatawad ay mahalagang sukatan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Ang sangkatauhan ay kinakailangang mapagtanto na sila ay mahina at madaling magkasala, subali't ang Diyos sa Kanyang magiliw na habag ay handang magpatawad. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi:
"Ang Awa ng Diyos ay nahihigitan nito ang Kanyang poot." (Saheeh Al-Bukhari)
Kasama ng mga banal na pangalang "Ang Pinaka Maawain" at "Ang Pinaka Mahabagin," ay ang mga pangalang "Ang Pinaka Mapagpatawad" (Al-Ghafur), "Ang Laging Nagpapatawad" (Al-Ghaf-far), "Tumatanggap ng Pagbabalik-loob" (At-Tawwab), at "ang Ganap na Nagpapaumanhin" (Al-'Afuw) na kung saan ay kabilang sa mga madalas gamitin sa panalangin ng Muslim.
Magdagdag ng komento