Si Hesus, anak ni Maria (bahagi 1 ng 5): Minamahal din ng mga Muslim si Hesus!
Paglalarawanˇ: Si Hesus at ang kanyang unang himala, at isang maikling ulat tungkol sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Muslim tungkol sa kanya.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Dec 2022
- Nag-print: 6
- Tumingin: 10,145 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Kadalasang pinag-uusapan ng mga Kristiyano ang pagbuo ng isang relasyon kay Kristo at pagtanggap sa kanya sa kanilang buhay. Iginiit nila na si Hesus ay higit pa sa isang tao at namatay sa krus upang palayain ang sangkatauhan mula sa orihinal na kasalanan. Ang mga Kristiyano ay nagsasalita tungkol kay Hesus ng may pagmamahal at paggalang at malinaw na meron siyang isang natatanging katayuan sa kanilang mga buhay at puso. Ngunit ano naman sa mga Muslim; ano ang tingin nila kay Hesus at kung anong katayuan ni Hesu Kristo sa Islam?
Ang isang taong hindi pamilyar sa Islam ay maaaring magulat na malaman na mahal din ng mga Muslim si Hesus. Hindi sasabihin ng isang Muslim ang pangalan ni Hesus nang walang magalang na pagdaragdag ng mga salitang "sumakanya ang kapayapaan." Sa Islam, si Hesus ay isang minamahal at nirerespeto na tao, isang Propeta at Sugo na inanyayahan ang kanyang bayan sa pagsamba sa Isang Tunay na Diyos.
Ang mga Muslim at Kristiyano ay nagbabahagi ng ilang mga katulad na paniniwala tungkol kay Hesus. Parehong naniniwala na si Hesus ay ipinanganak ng Birheng Maria at kapwa naniniwala na si Hesus ang Mesiyas na ipinadala sa mga tao ng Israel. Ang pareho ay naniniwala din na si Hesus ay babalik sa mundo sa mga huling araw. Gayunpaman sa isang malaking detalye sila ay nagkakalayo nang malayo talaga. Naniniwala ang mga Muslim ng may katiyakan na si Hesus ay hindi Diyos, hindi siya anak ng Diyos at hindi siya bahagi ng isang Trinidad ng Diyos.
Sa Quran, ang Diyos ay direktang nagsalita sa mga Kristiyano nang sinabi Niya:
“O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng pananampalataya, at huwag din kayong magsabi ng tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ay (hindi hihigit pa) sa isang Tagapagbalita ni Allah at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang Ruh (espiritu) na Kanyang nilikha kaya’t manampalataya kay Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita. Huwag kayong mangusap ng: “Trinidad (o Tatlo)!” Magsitigil kayo! (Ito ay) higit na mainam sa inyo. Sapagkat si Allah (ang tanging) Nag-iisang Diyos, ang Kaluwalhatian ay sa Kanya, kaysa (sa lahat) upang magkaroon ng anak. Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At si Allah ay Lalagi at Sapat na upang maging Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari.” (Quran 4:171)
Gaya ng pilit na tinatanggi ng Islam na si Hesus ay Diyos, tinatanggihan din nito ang paniniwala na ang sangkatauhan ay ipinanganak na may bahid ng anumang anyo ng orihinal na kasalanan. Sinasabi sa atin ng Quran na hindi posible para sa isang tao na magdala ng mga kasalanan ng iba at lahat tayo ay may pananagutan, sa harap ng Diyos, para sa ating sariling mga pagkilos. “At walang magdadala ng sala na sala ng iba.” (Quran 35:18) Gayunpaman, ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang Awa at Karunungan ay hindi pinabayaan ang sangkatauhan sa kanilang mga sarili. Nagpadala siya ng gabay at mga batas na nagpapahayag kung paano sumamba at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga utos. Ang mga Muslim ay kinakailangang maniwala, at mahalin ang lahat ng mga Propeta; ang pagtanggi sa isa ay ang pagtanggi sa paniniwala ng Islam. Si Hesus ay isa lamang sa mahabang linya ng mga Propeta at Sugo, na nanawagan sa mga tao na sambahin ang Isang Diyos. Dumating siya para lamang sa mga Tao ng Israel, na sa oras na iyon ay napalayo na sa tuwid na landas ng Diyos. Sinabi ni Hesus:
“At ako ay pumarito (sa inyo) na nagpapatotoo kung ano (ang nakapaloob) sa Torah (mga Batas) noon pang una, at upang gawing tumpak (at makatarungan) sa inyo ang ilang bahagi (ng mga bagay) na sa inyo ay ipinagbabawal, at ako ay pumarito sa inyo na may katibayan mula sa inyong Panginoon. Kaya’t pangambahan ninyo si Allah at ako ay inyong sundin Katotohanan! Si Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t (tanging ) Siya (lamang) ang inyong sambahin. Ito ang Matuwid na Landas.” (Quran 3:50-51)
Ang mga Muslim ay minamahal at hinahangaan si Hesus. Gayunpaman, naiintindihan natin siya at ang kanyang papel sa ating buhay alinsunod sa Quran at sa mga salaysay at kasabihan ni Propeta Muhammad. Tatlong mga kabanata ng Quran ang nagtatampok sa buhay ni Hesus, ang kanyang ina na si Maria at kanilang pamilya; bawat isa ay naghahayag ng mga detalye na hindi matatagpuan sa Bibliya.
Maraming beses na nagsalita si Propeta Mohammad tungkol kay Hesus, na minsan ay inilarawan siya bilang kanyang kapatid.
“Ako ang pinakamalapit sa lahat ng mga tao sa anak ni Maria, at ang lahat ng mga propeta ay mga magkakapatid sa ama, at walang sumunod na propeta sa pagitan ko at sa kanya (Hesus).” (Saheeh Al-Bukhari)
Sundan natin ang kwento ni Hesus sa pamamagitan ng mga mapagkukunan galing sa Islam at unawain kung paano at bakit ang kanyang katayuan sa Islam ay may kahalagahan.
Ang Unang Himala
Ipinababatid sa atin ng Quran na si Maria, ang anak na babae ni Imran, ay isang walang asawa, malinis at banal na dalagang babae na nakatuon sa pagsamba sa Diyos. Isang araw habang nag-iisa siya, lumapit si Anghel Gabriel kay Maria at sinabi sa kanya na siya ay magiging ina ni Hesus. Ang kanyang tugon ay yaong may takot, pagkabigla, at pagkadismaya. Sinabi ng Diyos:
“At (nais Namin) na italaga siya (anak na lalaki) bilang isang Tanda sa sangkatauhan at isang Habag mula sa Amin (Allah), at ito ay isang bagay sa pag-uutos (ni Allah).” (Quran 19:21)
Ipinagbuntis ni Maria si Hesus, at nang dumating ang oras na ipapanganak na siya, lumisan si Maria palayo mula sa kanyang pamilya at nagtungo sa Bethlehem. Sa paanan ng isang puno ng palmera o datiles, ipinanganak ni Maria ang kanyang anak na si Hesus.[1]
Nang makapagpahinga si Maria at gumaling mula sa sakit at takot na kaalinsabay sa panganganak ng nag-iisa, natanto niya na dapat siyang bumalik sa kanyang pamilya. Natatakot at nag-aalala si Maria habang binabalot niya ang bata at kinanlong nya sa kanyang mga braso. Paano niya maipapaliwanag ang kanyang panganganak sa kanyang mga tao? Sinunod niya ang mga salita ng Diyos at bumalik siya sa Jerusalem.
“Sabihin: “Katotohanang ako ay nagtalaga ng pag-aayuno sa Pinakamapagbigay (Allah), kaya’t ako ay hindi makikipagusap sa sinumang tao sa araw na ito. At kanyang dinala siya (ang sanggol) sa kanyang pamayanan na kanyang karga” (Quran 19:26-27)
Alam ng Diyos na kung sinubukan ni Maria magpaliwanag, hindi siya paniniwalaan ng kanyang mga tao. Kaya, sa Kanyang karunungan, sinabi niya sa kanya na huwag magsalita. Sa unang sandali na lumapit si Maria sa kanyang mga tao sinimulan nilang akusahan siya, ngunit matalino niyang sinunod ang mga tagubilin ng Diyos at tumanggi na tumugon. Ang mahiyain, malinis na babaeng ito ay itinuro lamang ang bata sa kanyang mga bisig.
Ang mga kalalakihan at kababaihan na nakapaligid kay Maria ay tumingin sa kanya nang hindi makapaniwala at hiniling na malaman kung paano nila makakausap ang isang sanggol sa kanyang bisig. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos, si Hesus, anak ni Maria, isang sanggol pa, ay nagsagawa ng kanyang unang himala. Nagsalita siya:
“Katotohanang ako ay isang alipin ni Allah, ako ay Kanyang binigyan ng Kasulatan at ako ay hinirang Niya na isang propeta At ginawa Niya na nabibiyayaan ako saan man ako naroroon, at nagtagubilin sa akin sa pagdarasal, at Zakah (katungkulang kawanggawa), habang ako ay nabubuhay. At maging masunurin sa aking ina, at (Kanyang) ginawaran ako na huwag maging palalo at mawalan ng pagtingin ng pasasalamat; Kaya’t Salam (Kapayapaan) ang sumaakin sa araw na ako ay ipinanganak, sa araw na ako ay mamamatay, at sa araw na ako ay muling ibabangon sa pagkabuhay!” (Quran 19:30-34)
Naniniwala ang mga Muslim na si Hesus ay alipin ng Diyos at isang Sugo na ipinadala sa mga Israelita noong panahon niya. Gumawa siya ng mga himala sa pamamagitan ng kalooban at pahintulot ng Diyos. Ang mga sumusunod na salita ni Propeta Muhammad ay malinaw na nagbubuod ng kahalagahan ni Hesus sa Islam:
“Ang sinumang sumaksi na walang Diyos kundi ang Diyos na Nag-iisa, na walang kasosyo o kasama, at si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo, at si Hesus ay Kanyang alipin at Sugo, isang salita na ipinagkaloob ng Diyos kay Maria at isang espiritu na nilikha Niya, at ang Paraiso ay totoo, at ang Impiyerno ay totoo, papapasukin siya ng Diyos sa alinman sa walong pintuan ng Paraiso na nais niya.” (Saheeh Bukhari and Saheeh Muslim)
Talababa:
[1] Para sa mga detalye ng kanyang mahimalang pagbubuntis at pagsilang, mangyaring sumangguni sa mga artikulo tungkol kay Maria
Magdagdag ng komento