Ang Kuwento ni Adan (bahagi 4 ng 5): Buhay sa Lupa
Paglalarawanˇ: Si Adan, ang kanyang mga anak, ang unang pagpatay at ang kanyang kamatayan.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 13 Mar 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 10,343 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Umalis sina Adan at Eva sa Paraiso at sinimulan ang kanilang buhay sa mundo. Ginawa silang handa ng Diyos sa maraming paraan. Binigyan Niya sila ng karanasan sa pakikipaglaban sa mga bulong at pakana ni Satanas. Itinuro Niya kay Adan ang mga pangalan ng lahat at itinuro sa kanya ang mga katangian at pakinabang nito. Ginampanan ni Adan ang kanyang posisyon bilang tagapag-alaga ng mundo at Propeta ng Diyos.
Si Adan, ang unang Propeta ng Diyos ay may pananagutan sa pagtuturo sa kanyang asawa at supling kung paano sumamba sa Diyos at humingi ng Kanyang kapatawaran. Itinatag ni Adan ang mga batas ng Diyos at nagsumikap na suportahan ang kanyang pamilya at matutunan din paano panghawakan at mag-alaga sa mundo. Ang kanyang tungkulin ay upang magpanatili, mag-ani, magtayo at magparami; kasama sa tungkulin niya ang magpalaki ng mga bata na mamumuhay ayon sa mga tagubilin ng Diyos at alagaan at pagbutihin ang mundo.
Ang Unang Apat na Anak ni Adan
Ang unang mga anak nina Adan at Eba, sina Cain at ang kanyang kapatid na babae, ay kambal. Si Abel at ang kanyang kapatid na babae, isa pang hanay ng kambal, ay sumunod kalaunan. Si Adan at ang kanyang pamilya ay namuhay nang payapa at may pagkakaisa. Inararo ni Cain ang lupa habang pinastol ni Abel ang mga hayop. Lumipas ang oras at dumating ang okasyon para ikasal ang mga anak ni Adan. Ang isang pangkat ng mga kasama ni Propeta Muhammad kasama na sina Ibn Abbas at Ibn Masud ay nagsalaysay na ang salitang-pagpapakasal ng lalaki ng isang pagbubuntis (dahil kambal na lalaki at babae ang isang pagbubuntis) sa babae ng isa pang pagbubuntis ay ang naging kasanayan sa mga anak ni Adan. Kaya alam natin na ang plano ng Diyos ay punuin ang mundo kasama ang bawat anak ni Adan na ikinakasal sa kambal na kapatid ng isa.
Tila ang kagandahan ay may papel sa pang-aakit sa mga kalalakihan at kababaihan mula pa noong simula. Hindi nasiyahan si Cain sa kabiyak na pinili para sa kanya. Si Cain ay nagsimulang mainggit sa kanyang kapatid at tumangging sumunod sa utos ng kanyang ama at, sa paggawa nito, sumuway siya sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang tao na parehas may mabuti at masamang ugali, at ang pakikibaka upang manaig sa ating mga nakakapahamak na likas na pag-uugali ay bahagi ng Kanyang pagsubok para sa atin.
Inutusan ng Diyos na ang bawat anak na lalaki ay mag-alay ng isang sakripisyo. Ang kanyang paghatol ay papabor sa alay na pinaka-katanggap-tanggap. Inalok ni Cain ang kanyang pinakamasamang butil, ngunit inalok ni Abel ang kanyang pinakamainam na hayop. Tinanggap ng Diyos ang sakripisyo ni Abel, kaya't nagalit si Cain, nagbanta na papatayin ang kanyang kapatid.
“At iyong dalitin (O Muhammad) sa kanila (mga Hudyo) ang kasaysayan ng dalawang anak na lalaki ni Adan (Abel at Cain), nang ang bawat isa sa kanila ay maghandog ng alay (sakripisyo) kay Allah. Ito ay tinanggap mula sa isa ngunit hindi sa isa pa. Ang huli (Cain) ay nagsabi sa una (Abel): 'Katiyakang ikaw ay aking papatayin.'” (Quran 5:27)
Pinayuhan ni Abel ang kanyang kapatid na tatanggapin ng Diyos ang mabubuting gawa mula sa mga natatakot at naglilingkod sa Kanya, ngunit tatanggihan ang mga mabubuting gawa ng mga taong mayabang, makasarili at pala-suway sa Diyos.
“Ang una (Abel) ay nagsabi: 'Katotohanang si Allah ay tumatanggap lamang sa Al-Muttaqun (mga matimtiman, matuwid, at mabuting tao).' Kung iyong iunat ang iyong kamay laban sa akin upang ako ay patayin, hindi ko kailanman iuunat ang aking kamay laban sa iyo upang ikaw ay patayin, sapagkat ako ay nangangamba kay Allah; ang Panginoon ng lahat ng mga nilalang.’” (Quran 5:27-28)
Ang Unang Pagpatay
“Kaya’t ang Nafs (kagustuhan) ng isa (ang huli, si Cain) ay humikayat sa kanya at kanyang ginawa na kalugod-lugod sa kanya ang pagpatay sa kanyang kapatid (Abel); at kanyang pinatay siya at naging isa sa mga talunan.” (Quran 5:30)
Ipinagbigay-alam sa atin ni Propeta Muhammad na nagalit si Cain at hinampas ang kanyang kapatid sa ulo ng isang pirasong bakal. Sinasabi din sa isa pang pagsasalaysay na hinampas ni Cain si Abel sa ulo habang siya ay natutulog.
“Si Allah ay nagpadala ng uwak na kinakahig ang lupa upang ipakita sa kanya na itago (ilibing) niya ang patay na katawan ng kanyang kapatid. Siya (na salarin) ay nagsabi: “Kasawian sa akin!
Hindi man lamang ako nagkaroon ng kakayahan na tulad ng uwak na ito upang aking itago ang patay na katawan ng aking kapatid?” At siya ay naging isa sa mga nagsisisi. ” (Quran 5:31)
Nasaktan si Adan; nawalan siya ng kanyang una at pangalawang anak na mga lalaki. Ang isa ay pinatay; ang isa naman ay dinaig ng pinakadakilang kaaway ng sangkatauhan - si Satanas. Matiyagang nanalangin si Adan para sa kanyang anak, at patuloy na nangalaga sa lupa. Itinuro niya sa kanyang mga anak at apo ang tungkol sa Diyos. Sinabi niya sa kanila ang kanyang sariling karanasan kay Satanas at pinayuhan silang mag-ingat sa mga panlilinlang at pakana ni Satanas. Lumipas ang mga taon, si Adan ay tumanda na at ang kanyang mga anak ay kumalat sa buong mundo.
Pagkamatay ni Adan
Ang lahat ng sangkatauhan ay mga anak ni Adan. Sa isang pagsasalaysay, ipinagbigay-alam sa atin ni Propeta Muhammad na ipinakita ng Diyos kay Adan ang kanyang mga inapo. Nakita ni Adan ang isang magandang ilaw sa mga mata ni Propeta David at minahal siya mula rito, kaya lumingon siya sa Diyos at sinabi: "O Diyos. Bigyan mo siya ng apatnapung taon mula sa aking buhay. Ipinagkaloob ng Diyos kay Adan ang kanyang kahilingan, at isinulat ito at pinagpasyahan.
Ang haba ng buhay ni Adan ay dapat na 1000 taon ngunit pagkatapos ng 960 na taon ang anghel ng kamatayan ay dumating kay Adan. Nagulat si Adan at sinabing "ngunit mayroon pa akong 40 taon upang mabuhay". Ang anghel ng kamatayan ay nagpaalala sa kanya ng kanyang regalo na 40 taon sa kanyang minamahal na inapo na si Propeta David, ngunit tinanggihan ito ni Adan. Maraming taon ang lumipas, ang huling Propeta na si Muhammad ay nagsabi: "Tumanggi si Adan kaya tumatanggi ang mga anak ni Adan, nakalimutan ni Adan at nakakalimot ang kanyang mga anak; Nagkamali si Adan at nagkakamali ang kanyang mga anak." (At-Tirmidhi)
Sa Arabe ang salin sa salitang sangkatauhan ay insan at nagmula ito sa salitang-ugat na nisyan o pagkalimot. Ito ay bahagi ng kalikasan ng tao, nakakalimot ang sangkatauhan, at kapag nakalimutan natin ay ikinakaila at tinatanggihan natin. Nakalimutan ni Adan (hindi siya nagsisinungaling), at pinatawad siya ng Diyos. Pagkatapos ay sumuko si Adan sa kalooban ng Diyos at namatay. Ang mga Anghel ay bumaba at hinugasan ang katawan ni Propeta Adan na kakaiba ng maraming beses; hinukay nila ang libingan at inilibing ang katawan ng ama ng sangkatauhan, si Adan.
Ang kahalili ni Adan
Bago ang kanyang kamatayan ay ipinaalala ni Adan sa kanyang mga anak na hindi sila pababayaan ng Diyos o magiging walang patnubay. Sinabi niya sa kanila na magpapadala ang Diyos ng iba pang mga Propeta na may mga natatanging pangalan, katangian at himala, ngunit mag-aanyaya silang lahat sa parehong bagay - ang pagsamba sa Isang Tunay na Diyos. Itinalaga ni Adan bilang kahalili ang kanyang anak na si Seth.
Magdagdag ng komento