Ang Aking Habag ay Nangingibabaw sa Aking Galit (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang Habag ay pinalawak hanggang sa mga kaaway at mga hayop.
- Ni Hala Salah (Reading Islam)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 24 Aug 2008
- Nag-print: 3
- Tumingin: 6,154 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Maari Bang Ito'y Isang Digmaan?
Ang habag sa Islam ay umaabot rin sa mga tumutuligsa rito, sa panahon ng kaguluhan at kapayapaan, katulad ng ginawang paghikayat ng Propeta Muhammad sa kanyang mga kasamahan na panatilihin ang ugnayan sa pamilya ng mga kaanak na nananatiling mga hindi mananampalataya sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kanila at pagbibigay ng mga regalo.
Sa panahon ng kaguluhan, ipinag-utos ng Dakilang Tagapaglikha sa mga Muslim na magbigay kanlungan sa mga tumutuligsa sa kanila kung ito'y hihingin nila, at ipinagbawal sa sinuman na gumawa ng sa kanila'y makakapinsala. Ito ay nakasaad sa Quran, kung saan sinabi ng Dakilang Tagapaglikha:
“At sinuman sa Mushrikun (mga mapagsamba sa maraming diyus-diyosan, pagano, walang pananalig sa kaisahan ni Allah) ang humingi ng inyong pangangalaga, kung gayon, ipagkaloob mo sa kanya ang pangangalaga upang kanyang marinig ang salita ni Allah (Ang Quran). Pagkaraan, siya ay iyong ihatid sa lugar na siya ay magiging ligtas, sapagkat sila ang mga tao na walang kaalaman.” (salin ng kahulugan ng Quran 9:6)
Ang Propeta naman, ay ipinagbawal sa kanyang mga kasamahan na gumawa ng makakapinsala sa mga nakatatanda, may kapansanan, kababaihan, kabataan, at mga tao na nasa lugar sambahan. Gayundin, ang pagsira sa mga bukirin ay kanyang ipinagbawal. Ang pagdungis sa mga labi ng mga kaaway ay striktong ipinagbawal at sa halip ang pagbibigay ng mabilis na libing bilang pag-galang ay ipinag-utos.
Ang mga ipinag-utos ng Propeta hinggil sa mga bihag ay mahigpit na sinunod ng kanyang mga Kasamahan. Sa isa sa mga naisalaysay na ibinahagi sa atin ng isa sa bihag patungkol sa labanan, sinabi niya na siya ay namalagi sa isang pamilyang Muslim matapos siyang maging bihag. Sa tuwing sila ay kakain, siya ay mas binibigyan nila ng pabor sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanya ng tinapay habang sila ay kumakain lamang ng datiles.
Nang ang Propeta, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Dakilang Tagapaglikha, ay matagumpay na nakapasok sa Makkah matapos ang pagkakagapi sa mga Quraish, siya ay lumapit sa kanila at nagtanong:
“Paano ang inaasahan niyong pagtrato ko sa inyo?”
Sila ay sumagot, “Ikaw ay isang marangal na kapatid at anak ng isang marangal na kapatid! Kami ay hindi umaasa ng anuman maliban sa kabutihan mula sayo.”
Pagkatapos ay inanunsyo ng Propeta, “Sasabihin ko sa inyo ang parehong mga salitang sinabi ni Yusuf (ang Propetang si Joseph) sa kanyang mga kapatid:
“Wala nang paninisi sa inyo sa ngayon, patawarin nawa kayo ng Allâh, dahil sa Siya ay Ganap na Maawain sa lahat ng maawain sa sinuman na pinagsisihan ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.” (salin ng kahulugan ng Quran 12:92).
Humayo kayo, dahil katotohanang kayo ay malaya..”
Sa araw na ito, kung kailan ang pagpapahintulot at pagpapatawad ay hindi inaasahan, ang Propeta ay nagsilbing isang halimbawa ng habag at kapatawaran sa pamamagitan ng pagpapalaya sa lahat ng mga bihag ng walang kapalit, at pagpapatawad sa kanila sa pang-uusig at malupit na pagpapahirap sa mga Muslim, na tuloy-tuloy noong unang 13 taon ng pagbabahagi ng mensahe ng Islam.
Lahat ng Mga Likha ng Diyos
Ang mga hayop ay hindi binabalewala at binibigyan ng maraming karapatan sa Islam. Bilang halimbawa, noong nakakita ang Propeta ng isang asno na markado ang mukha, kanyang sinabi (na sa salin ng kapaliwanagan):
“Hindi niyo ba narinig na sinumpa ko ang sinuman na nagmamarka sa hayop sa mukha nito o pumapalo sa mukha nito?” (Saheeh Muslim).
Ang Propeta ay minsang nagsabi na ang isang babae ay ipinadala sa Impyerno dahil sa isang pusa na kanyang ikinulong na hindi pinapakain o pinapakawalan nalang sana para maghanap ng makakain. Sa isang banda, ang Propeta ay nagsabi, na ang isang lalaki ay napunta sa Paraiso dahil sa pagbigay niya ng tubig sa isang aso sa disyerto na humihingal na sa uhaw.
Ipinagbawal ng Propeta ang paghasa ng mga kutsilyo sa harap ng mga hayop bago ito katayin. Bilang karagdagan, ang pagkatay ng isang hayop sa harap ng kapwa hayop nito ay ipinagbabawal. Malinaw ito sa isa sa mga kasabihan ng Propeta (na ang salin ng kahulugan):
“Ang Dakilang Tagapaglikha ay nagtalaga ng habag para sa lahat, kaya’t magkaroon ng habag kapag kayo’y papatay ng hayop at magkakatay: hasain ninyo ang talim ng inyong kutsilyo na pangkatay upang maibsan ang sakit” (Saheeh Al-Bukhari).
Isa sa mga kasamahan ang nagbahagi ng insidenteng ito: Habang sila ay naglalakbay kasama ang Propeta, sila ay nakakita ng isang ibon kasama ang mga sisiw nito, kinuha nila ang mga ito mula sa kanilang ina. Dumating ang ibon at nag-umpisang ipagaspas ang mga pakpak nito, kaya ang Propeta ay nagtanong:
““Sino ang nagpabagabag sa ibong ito sa pagkuha ng mga anak nito? Ibalik sila sa kanya ngayon” (Saheeh Al-Bukhari).
Ang mga karapatan ng hayop ay pinagtibay ng Propeta nang kanyang sabihin na sinumang kumuha ng isang may buhay na nilikha bilang patamaan ay isinumpa. Ang pagpwersa sa pagpapaaway ng mga hayop hanggang sa dumanak na ang dugo ng isa ay mahigpit na ipinagbabawal, dahil ang mga hayop ay mayroong pakiramdam at ito ay magiging tiyak na pagpapahirap sa kanila.
Ang Islamikong konsepto ng habag ay komprehensibo at nagbibigay-diin sa ugnayan ng lahat ng mga nilikha sa sarili nito at sa Tagapaglikha. Ang habag ay nagsisimula sa Dakilang Tagapaglikha at iginagawad Niya sa lahat ng mga may buhay na nilikha. Ang mga hayop ay tulad din sa mga tao na nagpapakita ng awa sa isa’t-isa, para mamuhay ng matiwasay kasama ang bawat isa, at bilang sukli, sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag na ito, sila ay mas kinakahabagan ng Dakilang Tagapaglikha. Ang pananaw na ito ng Islam ay naghihikayat na sirain ang mga harang sa pagitan ng mga tao at ang pinagbabatayang pundasyon kung saan ang buhay at sibilisasyon ay parehong itinatag.
Magdagdag ng komento