Ang mga Kaligayahan sa Paraiso (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang una sa dalawang bahagi ng artikulo na tumutukoy sa pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Paraiso at buhay sa mundong ito. Unang Bahagi: Ang kawalan ng mga bagay na ito na nagdudulot ng kalungkutan, sakit at pagdurusa sa buhay na ito.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Sep 2023
- Nag-print: 9
- Tumingin: 7,843
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang katotohanan ng Paraiso ay isang bagay na hinding hindi maiintindihan ng tao hanggang makapasok sila dito, ngunit ang Diyos ay nagbigay sulyap sa Quran. Inilarawan Niya ito na isang lugar na ibang-iba sa buhay sa mundo, sa likas na katangian at layunin sa buhay, pati na rin sa uri ng kasiyahan na matatamasa ng mga tao dito. Ang Quran ay nagsasabi sa mga tao tungkol sa Paraiso na ipinangako ng Diyos. Inilalarawan nito ang malaking pagpapala at ipinapahayag nito ang kagandahan sa lahat. Ipinapabatid nito na ang Paraiso ay isa pang buhay na nakalaan para sa kanila sa kabilang buhay, at lahat ng magagandang bagay sa Paraiso ay mapapasa kanila sa antas na hindi pa naabot ng kanilang abilidad at imahinasyon. Ipinapakita din nito na ang Paraiso ay isang lugar kung saan lahat ng pagpapala o biyaya ay ginawang perpekto at lahat ng tao ay mahahandugan ng lahat ng ninanais ng kanilang puso't kaluluwa. Ang kanilang pangangailangan, at mga naisin ay mawawala, ang pagkabahala o kalungkutan, pagdadalamhati at panghihinayang ay aalisin. Lahat ng uri ng kagandahan at pagpapala ay matatagpuan sa Paraiso, at ipapakita ito ng may kaganapan at perpekto na hinding hindi pa nasasaksihan kailanman. Inihanda ito ng Diyos bilang isang handog sa mga taong kinalulugdan Niya.
Ngunit ano nga ba ang likas na katangian ng kasiyahan sa Paraiso, at ano ang pagkakaiba nito sa kasiyahan sa mundo? Susubukan naming ilahad ang mga ilang pagkakaiba.
Purong kasiyahan na walang sakit at pagdurusa
Habang ang mga tao sa mundo ay nakakaranas ng kasiyahan, sila din ay humaharap sa labis na paghihirap at pagdurusa. Kung susuriin nila ang buhay na mayroon sila ay mapagtatanto na ang paghihirap nila ay higit pa sa kanilang natamasang kaginhawaan. Ngunit sa kabilang buhay, walang hirap o pagdurusa, at ang mga tao ay mamumuhay ng may tunay na galak at kasiyahan. Lahat ng sanhi ng sakit at pagdurusa na nararanasan ng mga tao ay wala sa kabilang buhay. Ating alamin ang iba pang mga sanhi nito.
Kayamanan
Kung iisipin ang tagumpay sa buhay sa mundo, madalas na iniuugnay ito sa imahe ng malalaking bahay, magagandang alahas at mga kasuutan, at mamahaling mga sasakyan; ang karangyaan ang nakikitang susi sa masayang pamumuhay. Karamihan sa mga tao ay hindi maihiwalay ang tagumpay sa kayamanan kahit na ito ay nalalayo sa katotohanan. Ilang beses na ba nating nasaksihan ang miserableng buhay ng mga pinakamayayamang tao na minsan ay nagiging sanhi sa pagkitil ng sarili nilang buhay! Ang kayamanan ay isang bagay na nais ng mga tao maging anuman ang kapalit nito, at ang paghahangad na ito ay nilikha para sa isang mahalaga at makabuluhang layunin. Kapag ang pagnanais na ito ay hindi nakamtan, nagiging sanhi ito ng kalungkutan ng isang tao. Sa kadahilanang ito, ipinangako ng Diyos sa lahat ng maninirahan sa Paraiso mula sa mga taong mahihirap na nakakaranas ng gutom at uhaw hanggang sa mga taong nakakaangat sa buhay na nagnanais ng higit pa, na magkakaroon sila ng lahat ng kayamanan at pag-aari na kanilang ninanais. Binigyan tayo ng Diyos ng sulyap noong sinabi Niya:
“... naroroon ang lahat ng anumang naisin ng kanilang kaluluwa, lahat ng magbibigay ligaya sa kanilang paningin …” (Quran 43:71)
“Magsikain kayo at uminom ng ganap at nasisiyahan bilang gantimpala (sa kabutihang nagawa) sa mga araw na nagdaan!” (Quran 69:24)
“… Sila ay papalamutian ng pulseras na ginto, at sila ay magsusuot ng berdeng kasuutan na may pinong sutla at mabigat na brocade. Sasandal sila sa naka-angat na mga luklukan. Gaano kainam ang gantimpala! Gaano kaganda ang isang sopa [doon] upang sandalan!” (Quran 18:31)
Karamdaman at Kamatayan
Isa pang sanhi ng sakit at pagdurusa sa buhay na wala sa Paraiso ay ang kamatayan o karamdaman ng mahal sa buhay. Walang makakaramdam ng sakit o karamdaman sa Paraiso. Si Propeta Muhammad, nawa ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay mapasakanya, ay nagbanggit tungkol sa mga tao sa Paraiso:
“Kailanman ay hindi sila magkakasakit, sisinga o dudura.” (Saheeh Al-Bukhari)
Walang mamamatay sa Paraiso. Lahat ay mabubuhay ng walang hanggan na tinatamasa ang kasiyahan dito. Sinabi ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos) na isang tagatawag ang magsasabi sa Paraiso kapag papasok na ang mga tao dito:
“katotohanan, nawa ay maging malulusog kayo at hindi na muling magkakasakit, nawa ay mabuhay at hindi na kayo muling mamatay, nawa'y maging bata kayo at hindi na muling tumanda, nawa’y maging masaya kayo, at hindi na muling makaramdam ng kalungkutan at panghihinayang.” (Saheeh Muslim)
Relasyon sa Lipunan
Para naman sa labis na pagsisising nadarama dahil sa pagkasira ng mga relasyon, hinding hindi na makakarinig ang mga tao ng masasama o masasakit na puna o salita sa Paraiso. Pawang mga mabubuti at payapang salita lamang ang kanilang maririnig. Ang sabi ng Diyos:
“Hindi nila maririnig doon ang masamang pananalita o komisyon ng kasalanan. Kundi ang mga salita lamang na: Kapayapaan! Kapayapaan!” (Quran 56:25-26)
Hindi magkakaroon ng pagkapoot o sama ng loob sa pagitan ng mga tao:
“At aalisin Natin sa kanilang mga dibdib ang anumang (kapwa) poot o pakiramdam ng pinsala (na mayroon sila, kung mayroon man, sa buhay sa mundong ito)…” (Quran 7:43)
Ang sabi ng Propeta:
“Wala ng pagkapoot o sama ng loob sa kanila, ang kanilang mga puso ay magiging isa, at luluwalhatiin nila ang Diyos, sa umaga at gabi.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ang mga tao ay magkakaroon ng pinakamahusay na mga kasamahan sa kabilang buhay, na naging pinakamahuhusay din sa mundo:
“At ang sinumang sumunod sa Diyos at Sugo - sila ang makakasama sa mga pinagkalooban ng Diyos ng pabor - ang mga propeta, ang matatatag na nagpatunay ng katotohanan, mga martir at matutuwid. At napakahusay nila bilang mga kasamahan!” (Quran 4:69)
Ang puso ng mga tao sa Paraiso ay magiging dalisay, ang kanilang salita ay magiging mabuti, ang kanilang gawa ay magiging matuwid. Walang nakakasakit, nakakainis o nakakagalit na pananalita dito, dahil ang mga walang kwentang salita at gawa ay wala sa Paraiso. Kung tatalakayin natin ang mga sanhi ng pighati sa buhay, tiyak na matutuklasan natin ang kawalan nito o kabaliktaran nito sa Paraiso.
Ang mga Kaligayahan sa Paraiso (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang pangalawa sa dalawang bahagi ng artikulo na tumutukoy sa mga pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Paraiso at ng buhay sa mundong ito. Bahagi 2: Ang kainaman ng kagalakan at kasiyahan kumpara sa buhay sa mundong ito.
- Ni M. Abdulsalam (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 8
- Tumingin: 6,308
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Kawalang-hanggan ng Kabilang Buhay
Ang kasiyahan sa mundong ito ay lumilipas habang ang mga kagalakan sa kabilang buhay ay walang katapusan at walang hanggan. Sa buhay na ito kapag ang isang tao ay nasisiyahan sa isang bagay, ito ay panandalian lamang bago sila mainip dito at magpatuloy upang maghanap ng isang bagay na sa palagay nila ay mas mabuti, o sa kabuuan ay maaaring hindi nila naramdaman ang pangangailangan dito. Para sa mga kasiyahan sa Paraiso, ang isang tao ay hindi kailanman makakaramdam ng anumang pagka-inip, sa halip, ang kagandahan nito ay madadagdagan sa tuwing magsasagawa sila nito.
Gayundin, ang buhay ng mundong ito ay napakaikli. Ang mga tao ay nabubuhay lamang sa mundong ito sa isang maikling panahon, at kakaunting lang ang umaabot sa edad na pitumpu.
“…Sabihin mo: Ang kasiyahan sa mundong ito ay maikli lamang. Ang kabilang buhay ay (mas) mainam sa sinumang may takot sa Diyos...” (Quran 4:77)
At sa Paraiso, ang mga tao ay mabubuhay magpakailanman. Sinabi ng Diyos:
“...ang panustos dito ay di nasasaid at gayon din ang lilim nito…” (Quran 13:35)
“Anumang nasa iyo ay mawawala, at anumang nasa Diyos ay mananatili …” (Quran 16:96)
“(Sa kanila ay ipagbabadya): Ito ang Aming Panustos, na kailanma'y hindi magmamaliw.” (Quran 38:54)
Nakahihigit na Kasiyahan
Ang kasiyahan ng mga tao sa Paraiso, tulad ng kanilang kasuotan, pagkain, inumin, alahas at mga palasyo, ay magiging mas higit sa kanilang kahalintulad sa mundong ito. Sa katunayan ay walang puwang para sa paghahambing, kahit na ang pinakamaliit na ispasiyo sa Paraiso ay mas mahusay kaysa sa mundong ito at lahat ng nakapaloob nito. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala ng Diyos, ay nagsabi:
“Ang puwang ng pagyuko ng sinuman sa inyo sa Paraiso ay higit pa sa lahat ng sinisikatan ng araw.” (Mishkaat al-Masaabeeh 3/85, no. 5615)
Malaya mula sa lahat ng Karumihan
Ang Paraiso ay malaya mula sa lahat ng mga karumihan sa mundong ito. Ang pagkain at pag-inom sa buhay na ito ay nagreresulta sa pangangailangang magbawas at nauugnay sa hindi kanais-nais na mga amoy. Kung ang isang tao ay umiinom ng alak sa mundong ito, nawawala ang kanyang katinuan. Ang mga kababaihan sa mundong ito ay nireregla at nanganganak, na pinagmumulan ng sakit at kirot. Ang Paraiso ay malaya mula sa lahat ng mga paghihirap na ito: ang mga tao na mananahan rito ay hindi iihi, dudumi, dudura o magdurusa mula sa sipon. Ang alak sa Paraiso, tulad ng inilarawan ng Lumikha nito, ay:
“Puting animo'y kristal, masarap para sa mga umiinom (doon), walang pagkalasing, at hindi rin sila magdurusa sa pagkalasing doon.” (Quran 37:46-47)
Ang tubig ng Paraiso ay hindi nagiging maalat, at ang gatas nito ay hindi kailanman nagbabago ng lasa:
“...mga ilog ng tubig na hindi nagbabago ang lasa; mga batis ng gatas na kung saan ang lasa ay hindi nagbabago...” (Quran 47:15)
Ang mga kababaihan ng Paraiso ay dalisay at malaya mula sa buwanang pagdurugo, pagdurugo pagkatapos ng panganganak at lahat ng iba pang mga karumihan na dinanas nila sa mundong ito, lahat ay malaya mula sa dumi ng tao. Sinabi ng Diyos:
“...at magkakaroon sila ng busilak na mga kabiyak…” (Quran 2:25)
Sumagot ang propeta sa isang tao nang tanungin nila kung paano mapapaginhawa ng mga tao sa Paraiso ang kanilang sarili:
“Pinapaginhawa nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpapawis mula sa kanilang balat, at ang halimuyak nito ay magiging kapareho ng musk, at lahat ng mga tiyan ay magiging payat.” (ibn Hibbaan)
Ang ating nabanggit ay isang simpleng paghahambing lamang upang maunawaan ang likas na katangian ng Paraiso, ngunit tulad ng sinabi ng Diyos, ang mga kasiyahan nito ay tunay na nakakubli:
“Walang sinuman ang nakakaalam kung ano ang ikinukubli para sa kanila na kagalakan, bilang gantimpala sa kanilang mga mabubuting ginawa.” (Quran 32:17)
Paraiso: Walang Katulad nito
Ang mga kasiyahan ng Paraiso ay mas higit sa imahinasyon at lampas sa paglalarawan. Ang mga ito ay wala sa kaalaman ng mga tao sa mundong ito; kahit gaano pa tayo umunlad, ang nakamit natin ay hindi maikukumpara sa mga kagalakan sa Kabilang Buhay. Tulad ng nabanggit sa maraming ulat, walang katulad ang Paraiso:
“Ito ay nagniningning na ilaw, mahalimuyak na halaman, isang matayog na palasyo, isang dumadaloy na ilog, hinog na prutas, isang magandang asawa at maraming kasuotan, sa isang walang hanggan na tahanan ng masidhing kagalakan, sa maganda't mataas na bahay na mahusay na binuo”. (Ibn Maajah, Ibn Hibbaan)
Tinanong ng mga Sahabah ang Propeta tungkol sa mga gusali ng Paraiso at tumugon siya ng may isang kahanga-hangang paglalarawan:
“Mga ladrilyo ng ginto at pilak, at pangdikdik ng mabangong musk, mga bato ng perlas at sapiro, at lupa ng asapran. Sinumang pumapasok dito ay mapupuno ng kagalakan at hindi makakaramdam ng kalungkutan; siya ay mananahan doon magpakailanman at hindi mamamatay; ang kanilang mga kasuotan ay hindi maluluma at ang kanilang kabataan ay hindi magbabago.” (Ahmad, at-Tirmidhi, ad-Daarimee)
Sabi ng Diyos:
“At kapag tumingin ka doon (sa Paraiso) makikita mo ang kasiyahan (na hindi kayang hagapin ng isipan), at isang Dakilang Paghahari.” (Quran 76:20)
Ang ikinubli ng Diyos sa atin na mga kasiyahan sa Paraiso ay higit sa kakayahan nating maunawaan. Sinabi ng Propeta na sinabi ng Diyos:
“Inihanda ko para sa Aking mga alipin ang hindi pa nakita ng mata, hindi pa narinig ng tainga at hindi pa naisip ng tao. " Bigkasin kung nais mo:
“Walang kaluluwa ang nakakaalam kung ano ang kaginhawaan ng mga mata na inilingid sa kanila, bilang gantimpla sa kinahiratihan na nilang ginagawa.” (Quran 32:17)
Sa ibang ulat:
“Huwag alalahanin ang sinabi sa iyo ng Diyos; ang hindi Niya nasabi sa iyo ay mas higit.” (Saheeh Muslim)
Sa ibang mga artikulo, susubukan nating banggitin ang ilan sa mga tiyak na mga detalye ng Paraiso at ang mga kasiyahan na inilarawan sa atin ng Diyos at ng Kanyang huling Propeta.
Magdagdag ng komento