Ang Diyos ay al-Mujeeb – Ang Tumutugon ng mga Panalangin
Paglalarawanˇ: Isang paliwanag sa isa sa mga magagandang pangalan ng Diyos, al-Mujeeb, na nagbibigay ng pag-asa sa atin, at kaginhawaan at napapagtanto natin na hindi tayo nag-iisa.
- Ni islamtoday.net [edited by IslamReligion.com]
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Oct 2021
- Nag-print: 1
- Tumingin: 2,858 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang pangalang ito ng Diyos ay matatagpuan sa sumusunod na talata ng Quran: "Kaya’t humingi kayo ng Kanyang pagpapatawad at bumaling kayo sa Kanya sa pagsisisi. Katotohanan, ang aking Panginoon ay laging malapit (sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang karunungan), ang Sumasagot (ng mga panalangin)." (Quran 11:61)
Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga humihingi sa Kanya. Sinasaklolohan Niya ang mga nagpapakupkop sa Kanya at inaalis ang kanilang mga takot. Sinasagot rin niya ang mga dalangin ng mga hindi mananampalataya at ang mga walang paki-alam tuwing, sa bingit ng kawalan ng pag-asa, tumawag sila sa Kanya:
Siya (Allah) ang nagpapahintulot upang matahak ninyo ang kalupaan at karagatan, at nang kayo ay nakasakay na sa barko, kayo ay naglalayag sa kaaya-ayang ihip ng hangin, at kayo ay nagsisipagsaya dahil dito. Datapuwa’t nang dumating ang nag-aalimpuyong hangin at mga malalaking alon sa kanilang paligid, at nang inakala nila na sila ay lalagumin na (ng dagat) ay pinanikluhuran nila si Allah nang matapat at dalisay na pananampalataya na tangi lamang sa Kanya, na nagsasabi: “Kung kami ay Inyong ililigtas, kami ay tunay na tatanaw ng utang na loob ng pasasalamat! Datapuwa’t nang sila ay mailigtas na Niya, (inyong) pagmasdan! Sila ay nagsilabag (sa pag-uutos ni Allah) sa kalupaan, sa pagsuway sa katuwiran! o sangkatauhan! Ang inyong paghihimagsik (pagsuway kay Allah) ay isa lamang kasahulan sa inyong sariling kaluluwa, - isang maigsing pananagana sa pangkasalukuyang buhay sa mundong ito, (at sa katapusan), sa Amin ang inyong pagbabalik, at ipamamalas Namin sa inyo ang katotohanan ng inyong ginawa.” (Quran 10:22-23)
Sinagot ng Diyos si Noah (sumakanya ang kapayapaan) sa kanyang pagkabalisa, iniligtas siya at ang kanyang mga tagasunod sa malaking barko nang nilunod Niya ang mga makasalanang tao sa Baha: " katotohanang si Noah ay nanalangin sa Amin, at Kami ang Pinakamainam sa mga dumidinig (sa panalangin)." (Quran 37:75)
Sinagot ng Diyos ang mga dalangin ni Ayubb (Job) (sumakanya ang kapayapaan): "At (alalahanin) si Ayubb (Job), nang siya ay manawagan sa kanyang Panginoon: 'Katotohanan, ang hapis ay nanaig sa akin, at Kayo ang Pinakamaawain sa lahat ng mga nagpapamalas ng Habag.' Kaya’t Aming tinugon ang kanyang panambitan, at Aming inalis ang pagkahapis niya, at Aming ibinalik ang kanyang pamilya sa kanya (na nawalay sa kanya), at pinag-ibayo ang kanilang bilang (tinipon ang mga katulad niya), bilang isang habag mula sa Amin at bilang isang pagpapaala-ala sa mga sumasamba sa Amin." (Quran 21:83-84)
Sinagot ng Diyos ang mga dalangin ni Jonah (Jonas) (sumakanya ang kapayapaan) nang sumigaw siya mula sa tiyan ng balyena: "At (alalahanin) si Jonah, nang siya ay lumisan na napopoot; na nag-akala na Kami ay walang kapamahalaan sa kanya. Datapuwa’t siya ay nanambitan sa oras ng kalaliman ng gabi (na nagsasabi): 'La ilaha illa Anta (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Inyo [Allah]): Katotohanang ako ay nakagawa ng kamalian! Kaya’t tinugon Namin ang kanyang pagluhog, at Amin siyang iniligtas mula sa kapighatian. Sa gayon Namin inililigtas ang mga sumasampalataya." (Quran 21:87-88)
Gayundin, sinagot ng Diyos ang mga panalangin ni Abraham, Zacarias, Juan Bautista, Jesus, at sa katunayan ang bawat isa sa Kanyang mga Propeta at Sugo (sumakanila ang kapayapaan). Pinakiusapan nila ang kanilang Panginoon nang labis na pagpapakumbaba at katapatan, kaya't Siya, sa Kanyang walang hanggan na biyaya, pinangalagaan sila, ginabayan sila, pinarangalan sila, at tinanggap ang kanilang mga pagsusumamo.
Ang Diyos ang sumasagot sa mga dalangin ng mga humihingi sa Kanya at naglalagay ng kanilang pag-asa sa Kanya. Ang Diyos lamang ang siyang dapat pagtuunan ng lahat ng mga panalangin at pagsusumamo.
"At ang inyong Panginoon ay nagsabi: 'Manawagan kayo sa Akin; diringgin Ko ang inyong panalangin, datapuwa’t sila na lubhang palalo na maglingkod sa Akin ay katotohanang papasok sa Impiyerno na hindi nagbabawa (ang Apoy) - sa kahihiyan."" (Quran 40:60)
Ang Diyos ay nag-utos ng pananalangin sa atin at ipinangako Niya na sasagutin ang ating mga dalangin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni `Umar:" Hindi ako nag-aalala na sasagutin ang aking mga panalangin. Nag-aalala ako tungkol sa aking mga panalangin mismo. "
Sa madaling salita, kapag ang isang tao ay pinagpala na humingi sa Panginoon, ito mismo ang pakinabang. Pero para sa tugon, iyon ay isang bagay na naibigay na.
Ang Diyos ang nag-aalis ng ating mga pagdurusa. Pinapaalalahanan Niya tayo: "Si Allah ang nagliligtas sa inyo sa ganito at gayundin sa (iba pang) kapahamakan, datapuwa’t kayo ay sumasamba pa rin sa mga iba maliban pa kay Allah." (Quran 6:64)
Ang ating mga panalangin sa Diyos ay isang paraan upang maalis ang mga kapahamakan at paghihirap, at upang makakuha ng mga pagpapala at oportunidad sa atin. Gayunpaman, ang mga panalangin ay hindi lamang ang siyang sanhi para sa mga nais na bunga. Mayroong iba pang mga kadahilanan na kailangan ding kilalanin, kasama na ang mga natural na sanhi-at-bunga na mga ugnayan..
Ang Diyos, sa Kanyang karunungan, ay nakakaalam kung ano ang pinakamainam. Ginawa Niya ang ating mga panalangin na isa sa mga impluwensya na nakakaapekto sa ating buhay, at ipinangako Niya na sasagutin ang ating mga dalangin. Nangangahulugan ito na minsan sinasagot Niya tayo nang tumpak sa kung ano ang hinihiling natin. Sa ibang mga pagkakataon, maaring iniiwas Niya ang isang kapahamakan na mangyari sa atin na sa kabilang banda ay nakalaan sana nating pagdusahan. Gayundin, maaaring ipagpaliban Niya ang pagbibigay sa atin ng kasagutan sa panalangin na iyon hanggang sa Araw ng Pagkabuhay, at gantimpalaan tayo ng mga pagpapala nito sa araw na iyon na may kinalaman sa ating hatol at gantimpala sa Kabilang Buhay, sa pamamagitan ng pag pabor sa atin sa araw na iyon kapag ang ating mga gawa ay tinimbang. Ito ay sigurado para sa lahat ng humihiling sa Diyos nang may katapatan at debosyon. Para naman sa sagot sa ating mga panalangin na darating sa mundong ito nang naaayon sa hinihiling natin, ito ang karaniwang nangyayari.
Kapag nabasa natin ang tungkol sa buhay ng mga propeta, masasaksihan natin ang maraming pangyayari kung saan sinagot ng Diyos ang kanilang mga dalangin. Si propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala) ay nanalangin sa Diyos para sa ilang mga Kasamahan niya. Nagsumamo siya sa Diyos para kay Ibn Abbas na sinasabi: "O Panginoon! Gawing malalim ang kanyang kaalaman ukol sa relihiyon." Nanalangin siya na si Anas ibn Malik ay magkaroon ng mahabang buhay at maraming mga anak. Nanalangin siya na si Umar ibn al-Khattab ay yakapin ang Islam at idagdag ang kanyang lakas sa pamayanang Muslim. Siya ay humingi ng tawad sa Diyos para sa karaniwang mga tribo na nakaka-ugnayan niya, at siya ay nagsumamo sa Diyos para sa lahat ng mga Muslim sa buong panahon.
Matatagpuan natin ang maraming mga pangyayari, sa nakaraan at kasalukuyan, kung paano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao. Kung saan ang mga tao ay naniniwala sa Diyos, kahit na sila ay maaaring makasalanan sa kanilang mga gawa at nagkamali sa kanilang pag-unawa sa relihiyon, nakikita natin silang nagsasalita tungkol sa kung paano sinagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin at tinanggal ang kanilang mga problema. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi, isang karagdagang patunay na nagpapatunay sa pagkakaroon ng Diyos at ang Kanyang awa. Ito ang dahilan kung bakit bibihira tayong makakita ng isang tao, na kapag nahaharap sa isang malaking kapahamakan o kalamidad, ay hindi bumabaling sa Diyos upang mapawi ang kanyang pagkabalisa.
Ang Pakinabang ng Pag-alam sa Pangalan na Ito ng Diyos
Ang kamalayan na ang Diyos ay ang sumasagot ng mga panalangin ay isang kaginhawaan at mapagkukunan ng lakas para sa mga nawalan ng lahat ng pag-asa o madudulugan, na tanging ang Diyos lamang ang mababalingan. Sa oras na ito,bumabaling sila sa Diyos nang may tunay at pinaka tapat na puso, kaya mabilis na inaalis ng Diyos ang kanilang mga pasanin at tinatanggal ang kanilang mga paghihirap.
Ganito ang karanasan ng mga nag-durusa sa bilangguan nang walang sinumang dumating para silay ipagtanggol. Ganyan ang karanasan ng taong naligaw nang nag-iisa sa kagubatan. Ganito ang karanasan ng marino nang ang kanilang barko ay sinisiklut-siklot sa dagat dahil sa isang malupit na bagyo. Ganito ang taong walang-lunas ang sakit na ang kanyang doktor ay sumuko na at gumaling pagkatapos bumaling sa Diyos. Ganito ang naaapi na nabibiktima ng mga makapangyarihan, na sinabi ng Diyos ang tungkol sa kanilang mga panalangin na: "Sa pamamagitan ng Aking kapangyarihan at kamahalan, ibibigay ko sayo ang tagumpay, kahit na mangyari ito pagkatapos ng ilang panahon."[1]
Magdagdag ng komento