Mga Propeta ng Quran: Isang Panimula (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang paniniwala sa mga propeta ng Diyos ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya ng mga Muslim. Ang pangalawang bahagi ay ipapakilala ang lahat ng mga propeta bago si Propeta Muhammad (sumakanya ang pagpapala at kapayapaan) na binanggit sa banal na kasulatan ng mga Muslim mula kay Adan hanggang kay Abraham at sa kanyang dalawang anak.
- Ni Imam Mufti (© 2013 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 11
- Tumingin: 9,707
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Binanggit ng Quran ang dalawampu't limang mga propeta, na karamihan sa mga ito ay binanggit din sa Bibliya. Sino ang mga propetang ito, saan sila nakatira, kanino sila ipinadala, ano ang kanilang mga pangalan sa Quran at Bibliya, at ano ang ilan sa mga himalang ginawa nila? Sasagutin natin ang mga simpleng katanungang ito.
Bago tayo magsimula, dapat nating maunawaan ang dalawang bagay:
a.Sa Arabe dalawang magkaibang salita ang ginamit, ang Nabi at Rasool. Ang Nabi ay isang propeta at ang Rasool ay isang mensahero o isang apostol. Ang dalawang salita ay malapit sa kahulugan para sa ating layunin.
b.Mayroong apat na kalalakihan na binanggit sa Quran kung saan ang mga iskolar ng mga Muslim ay hindi sigurado kung sila ay mga propeta o hindi: Dhul-Qarnain (18:83), Luqman (Kabanata 31), Uzair (9:30), at Tubba (44:37, 50:14).
1.Si Aadam o Adan ay ang unang propeta sa Islam. Siya rin ang unang tao ayon sa tradisyonal na paniniwala ng Islam. Nabanggit si Adan sa 25 na bersikulo at 25 beses sa Quran. Nilikha ng Diyos si Adan gamit ang Kanyang mga kamay at nilikha ang kanyang asawa, si Hawwa o Eba mula sa tadyang ni Adan. Nabuhay siya sa Paraiso at pinalayas mula roon patungo sa mundo dahil sa pagsuway. Ang kwento ng kanyang dalawang anak na lalaki ay binanggit minsan sa Kabanata 5 (Al-Maidah).
2.Nabanggit nang dalawang beses sa Quran si Idrees o Enoch. Konti lang ang pagkakakilanlan ukol sa kanya. Sinasabing siya ay nanirahan sa Babilonya, Iraq at lumipat sa Ehipto at siya ang unang sumulat gamit ang isang panulat.
3.Nabanggit ng 43 beses sa Quran si Nooh o Noah. Sinasabing siya ay mula sa Kirk, Iraq. Ang Polytheismo (shirk-pagsamba sa mga diyus-diyosan) ay lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang mga tao na nakatira malapit sa kasalukuyang lungsod ng Kufa, sa timog ng Iraq. Ang kanyang asawa ay isang hindi mananampalataya tulad ng nabanggit sa Kabanata 66 (At-Tahrim). Pinili din ng kanyang anak na hindi maniwala at nalunod sa baha. Ang kwento ay matatagpuan sa Kabanata 11 (Hud).
Isa sa mga dakilang himala niya ay ang Ark (malaking barko) na itinayo niya sa utos ng Diyos sa itaas ng Bundok ng Judi na sinasabing nasa pagitan ng hangganan ng Syrian-Turkish ngayon malapit sa lungsod ng Ayn Diwar.
4.Si Hud ay sinasabing si Heber sa Ingles. Nabanggit siya ng 7 beses sa Quran. Si Hud ang unang taong nagsalita ng Arabe at siya ang unang propeta na Arabo. Ipinadala siya sa mga tao ng Aad sa lugar na kilala bilang Al-Ahqaf na nasa paligid ng Hadramaut sa Yemen at ang Ar-Rub al-Khali (ang Walang laman na Himpilan). Winasak sila ng Diyos sa pamamagitan ng isang mabangis na hangin na umihip ng 8 araw at pitong gabi.
5.Si Salih ay binanggit ng 9 beses sa Quran. Siya ay isang Arabong propeta na ipinadala sa mga tao ng Thamud na nanirahan sa isang lugar na kilala bilang Al-Hijr sa pagitan ng Hijaz at Tabuk. Ang Al-Hijr ay ang sinaunang pangalan. Ngayon, ang lugar ay kilala bilang "Madain Salih" sa Saudi Arabia at isang UNESCO world Heritage na lugar. Ang mga ito ay mga kahanga-hangang istruktura na literal na inukit sa mga bundok. Hiniling ng mga tao na magpalabas siya ng isang babaeng kamelyo sa mga bato upang patunayan ang kanyang pag-aangkin na siya ay isang propeta. Ginawa niya, at binalaan sila na huwag saktan ito, ngunit pinatay nila ito sa kabila ng babala ni Salih. Isang malakas na hiyaw - saihah - ang pumatay sa kanilang lahat.
6.Si Ibrahim o si Abraham ay binanggit ng 69 beses sa 25 na mga kabanata ng Quran. Ang pangalan ng kanyang ama ay Aazar. Sila ay nanirahan sa lungsod ng Ur sa kaharian ng Chaldea. Tumakas siya sa Ur patungong Harran, sa hilaga ng peninsula ng Arabya, na Syria na ngayon, nang si Nimrod, ang hari ay sinubukang sunugin siya ng buhay. Mula Harran nagpunta siya sa Palestine kasama ang kanyang asawa na si Sarah at anak ng kanyang kapatid na si Lot (Loot sa Arabik) at kanyang asawa. Dahil sa taggutom, napilitan silang lumipat sa Ehipto.
Nang lumipas, bumalik siya kasama si Lot sa timog ng Palestine, si Abraham ay tumira sa Bir Sab'a at si Lot ay nanirahan malapit sa Dead Sea.
Pagkatapos ay inilipat ni Abraham ang kanyang ikalawang asawa, si Hagar, sa Mecca kasama ang kanyang anak na si Ismael at iniwan sila roon sa utos ng Diyos. Ang Mecca ay isang patay na lupain at ang balon ng zamzam ay ibinigay ng Diyos para mabuhay sila. Ang sinaunang tribo ng Jurhum ay nanirahan sa kanila dahil sa zamzam. Si Abraham ay sinasabing inilibing sa Hebron, Palestine.
7, 8. May dalawang anak si Abraham: Sina Ishaq o Isaac at Ismael o Ishmael. Nabanggit ng 16 beses si Isaac sa Quran samantalang 12 beses namang binanggit si Ismael. Si Isaac ay nanirahan kasama ang kanyang amang si Abraham, at namatay sa Hebron, Palestine. Inutusan ng Diyos si Abraham na isakripisyo si Ismael. Pumunta siya sa Mecca kasama ang kanyang mga magulang at naiwan doon kasama ang kanyang ina. Ilang beses na dinalaw ni Abraham si Ismael sa Mecca, at sa mga panahon na iyon, inutusan ng Diyos sina Abraham at Ismael na itayo ang Ka'bah (ang Banal na Bahay). Si Ismael ay namatay sa Mecca at inilibing doon. Si Isaac ang ninuno ng mga Hudyo at si Ismael ang ninuno ng mga Arabo.
Mga Propeta ng Quran: Isang Panimula (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang paniniwala sa mga propeta ng Diyos ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya ng mga Muslim. Ang pangalawang bahagi ay ipapakilala ang lahat ng mga propeta bago si Propeta Muhammad (sumakanya ang pagpapala at kapayapaan) na binanggit sa banal na kasulatan ng mga Muslim mula kay Lot hanggang kay Hesus.
- Ni Imam Mufti (© 2013 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 11
- Tumingin: 10,076
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
9. Si Lot o Loot ay binanggit ng 17 beses sa Quran. Siya ang pamangkin ni Abraham, ang anak ng kapatid ni Abraham. Nanirahan si Lot malapit sa timog na dulo ng Dead Sea. Ang kanyang mga tao ay mula sa Sodoma at Gomorrah. Naniniwala si Lot kay Abraham at pagkatapos ng kanilang pagbabalik mula sa Ehipto, nanirahan sila sa magkahiwalay na lokasyon. Ang mga tao sa Sodoma ang unang gumawa ng homoseksuwalidad. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga homosekswal (mga tomboy at bakla) ay tinatawag na mga sodomite. Ang kanyang asawa ay hindi isang mananampalataya. Hindi niya ginawa ang kasalanan, ngunit tinanggap ito. Pinaulanan ng mga bato ang mga tao ng Sodoma at Gomorrah na dumurog sa kanila.
10. Si Yaqub o si Jacob, ang anak ni Isaac at ang apo ni Abraham ay binanggit nang 16 beses sa Quran. Ang ibang pangalan ni Jacob ay Israel. Ang "Bani Israel," Mga anak ni Israel, o mga Israelita ay ipinangalan sa kanya. Ang lahat ng mga propetang Hebreo ay nagmula sa kanya, na ang huli ay si Eesa o si Jesus. Si Jacob ang ama ng labindalawang tribo na kilala bilang Al-Asbaat (7: 160) sa Quran. Sinasabing nagbiyahe siya sa hilaga ng Iraq, bumalik sa Palestine at pagkatapos ay nanirahan sa Ehipto at namatay doon. Siya ay inilibing sa Hebron, Palestine, kasama ang kanyang ama alinsunod sa kanyang huling kahilingan. Binanggit ng Bibliya na ikinasal ni Issac kay Rebecca at ang kanyang anak na si Jacob ay nagpakasal kay Rachel (Rahil sa Arabe).
11. Si Yusuf o si Joseph, ang anak ni Jacob o Israel ay binanggit ng 17 beses sa Quran. Siya ay iniwan sa isang balon sa Jerusalem ng kanyang mga kapatid, at pagkatapos ay dinala sa Ehipto kung saan nakamit niya ang isang mataas na ranggo sa pamahalaan. Kalaunan, ang kanyang ama, si Jacob, at mga kapatid ay nanirahan na rin sa Ehipto.
12. Si Shuaib o Jethro, na binanggit ng 11 beses sa Quran, ay ipinadala sa mga taga-Madyan, na isa sa mga anak ni Abraham. Nabuhay si Shuaib sa pagitan ng panahon nina Lot at Moises at isang propetang Arabo. Ang kanyang bayan ay sumamba sa isang punong tinawag na Al-Aykah (15:78, 26: 176, 38:13, 50:14). Sila ay mga magnanakaw sa daanan, at nanloloko sa mga usapan sa negosyo. Maraming parusa ang dumating sa kanila: isang kakila-kilabot na sigaw na sinamahan ng lindol ang nagwasak sa kanila.
13. Si Ayyub o Job ay binanggit ng 4 na beses sa Quran. Sinasabing nabuhay siya malapit sa alinman sa Dead Sea o Damascus. Siya ay isang mayaman na propeta na sinubukan ng Diyos ng kahirapan at sakit, ngunit mapagpasensya siya at tinulungan ng kanyang tapat na asawa na nanatili sa kanya sa bawat paghihirap. Sa kalaunan, ginantimpalaan sila ng Diyos ng marami para sa kanilang pagtitiis.
14. Si Yunus o si Jonah, na kilala rin bilang "Dhun-Noon," ay binanggit ng 4 na beses sa Quran. Nakatira siya sa Nineveh, malapit sa Mosul, sa Iraq. Iniwan niya ang kanyang mga tao bago siya pinahintulutan ng Diyos, na magtungo sa lugar na kilala sa ngayon bilang Tunisia, ngunit nakarating lang sa Yafa. Nilunok siya ng balyena, pagkatapos ay nagsisi siya sa Diyos at bumalik sa kanyang mga tao sa Iraq kung saan ang lahat ng 100,000 sa kanila ay nagsisi at naniwala sa kanya.
15. Nabanggit nang dalawang beses sa Quran si Dhul-Kifl. Sinasabi ng ilang mga iskolar na siya ay anak ni Job, ang iba ay nagsasabi na siya si Ezekiel ng Bibliya.
16. Si Musa o si Moises ay ang madalas na mabanggit na propeta sa Quran, na lumilitaw ng 136 beses. Bago si Moises, si Joseph ang nagsimulang magpalaganap ng mensahe ng monoteismo (tawhid: pagsamba sa Isa, totoong Diyos) sa mga tao ng Ehipto. Ang kanyang misyon ay pinalakas pa lalo nang ang kanyang ama, si Jacob, at ang kanyang mga kapatid ay nanirahan din sa Ehipto, dahan-dahang nagbalik-loob ang buong Ehipto. Matapos si Yusuf, ang mga taga-Ehipto ay bumalik sa polytheismo (shirk-pagsamba sa mga diyus-diyosan) at ang mga anak ni Jacob, ang mga Israelita, ay dumami at nagkamit ng katanyagan sa lipunan. Si Moises ang unang propeta na ipinadala sa mga Israelita sa mga panahon na sila ay inaalipin ng Paraon ng Ehipto. Nagpunta si Moises sa Madyan upang tumakas sa pag-uusig. Iginawad sa kanya ng Diyos ang pagka propeta sa Bundok ng Toor, na matatagpuan sa Sinai at binigyan siya ng siyam na dakilang mga himala.
17. Si Haroon o Aaron ay kapatid ni Moises at binanggit ng 20 beses sa Quran.
18,19. Sina Ilyas o Elijah at Yas’a ay binanggit nang dalawang beses ang bawat isa sa Quran, pareho silang nanirahan sa Baalbek.
20,21. Nabanggit si Dawud o David sa Quran ng 16 beses. Pinamunuan niya ang mga Israelita sa digmaan at nagwagi, at nagkaroon ng maraming mga himala. Ang kanyang anak na si Suleiman o si Solomon ay binanggit ng 17 beses at naging isang hari na may dakilang mga himala. Pareho silang inilibing sa Jerusalem.
22. Si Zakariyyah o si Zacarias ay binanggit ng 7 beses. Siya ay isang karpintero. Siya ang nag nagpalaki kay Maria, ang ina ni Hesus.
23. Si Yahya o John ay anak ni Zacarias at binanggit ng 5 beses. Pinatay siya sa Jerusalem, at ang kanyang ulo ay dinala sa Damascus.
24. Ang pangalang Eesa o Hesus ay binanggit ng 25 beses, Mesias 11 beses, at ang 'anak ni Maria' 23 beses. Ipinanganak siya sa Bethlehem, Palestine. Sinasabing binisita niya ang Ehipto kasama ang kanyang ina. Siya ang huling propeta sa mga Anak ni Israel.
Limang mga propeta ay mga Arabo: Sina Hud, Salih, Shuaib, Ismail, at Muhammad. Apat sa kanila ay ipinadala sa mga Arabo, samantalang si Muhammad ay ipinadala sa lahat ng tao.
Sa pangwakas, ang mga propeta, nasa bibliya man o wala sa bibliya, ay mahalaga sa mga kasulatan ng Islam. Ang mga Muslim ay nakikita ang kanilang sarili bilang mga tunay na tagapagmana ng misyon ng mga propeta na ipinadala ng Diyos sa sangkatauhan: pagsamba sa Isang Tunay na Diyos at pagsunod sa Kanya.
Napiling Mga Sanggunian:
1.Ibn Kathir. Qasas ul-Ambiya. Cairo: Dar at-Taba’a wa-Nashr al-Islamiyya, 1997.
2.Ibn Hajr al-Asqalani. Tuhfa ul-Nubala’ min Qasas il-Ambiya lil Imam al-Hafid Ibn Kathir. Jedda: Maktaba as-Sahaba, 1998.
3.Mahmud al-Masri. Qasas ul-Ambiya lil-Atfaal. Cairo: Maktaba as-Safa, 2009.
4.Dr. Shawqi Abu Khalil. Atlas al-Quran. Damascus: Dar-ul-Fikr, 2003.
Magdagdag ng komento