Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 6 ng 7): Patunay mula sa Ebanghelyo ni Juan
Paglalarawanˇ: Isang malinaw na patunay mula sa Ebanghelyo ayon kay Juan na si Hesus ay hindi Diyos.
- Ni Shabir Ally
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 31 Dec 2007
- Nag-print: 8
- Tumingin: 10,247 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 131
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Ebanghelyo ni Juan, ang ika-apat na ebanghelyo, ay nakumpleto sa anyo nito sa humigit-kumulang pitumpong taon matapos maiakyat si Hesus sa langit. Ang Ebanghelyong ito, sa huli nitong anyo ay nagsasabi ng isa pang karagdagang bagay patungkol kay Hesus na hindi alam sa mga naunang tatlong ebanghelyo — na si Hesus daw ay ang Salita ng Diyos. Ibig ipakahulugan ni Juan na si Hesus ay kasangkapan ng Diyos na idinaan sa kanya ng Diyos nang nilikha Niya ang lahat. Ito ay madalas mamali ng pag-unawa na nangangahulugang si Hesus daw ay ang Diyos mismo. Ngunit sinasabi ni Juan, katulad ng nasabi na rin ni Pablo, na si Hesus daw ang unang nilikha ng Diyos. Sa aklat ng Apocalipsis, matatagpuan na si Hesus ay: "Ang pasimula ng mga nilalang ng Diyos" (Apocalipsis 3:14, tingnan rin sa 1 Corinto 8:6 at Colosas 1:15).
Sinuman na nagsasabi na ang Salita ng Diyos ay isang taong iba sa Diyos ay marapat ding tumanggap na ang Salita ay nilikha, dahil ang Salita sa Bibliya ay nagsasabing: "Noong una pa, nilikha na ako ng PANGINOON bago niya likhain ang lahat" (Mga Kawikaan 8:22).
Ang Ebanghelyong ito, ganun pa man, ay malinaw na nangangaral na si Hesus ay hindi Diyos. Kung hindi nito ipinagpatuloy ang katuruang ito, magiging taliwas ito sa iba pang tatlong mga Ebanghelyo at gayundin sa mga kasulatan ni Pablo kung saan malinaw na pinagtibay na si Hesus ay hindi Diyos. Matatagpuan natin dito na si Hesus ay hindi kapantay ng Ama, dahil ayon dito si Hesus ay nagsabi: ’’...sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.’’ (Juan 14:28).
Kinalimutan ito ng mga tao at sinasabi nila na si Hesus ay kapantay ng Ama. Sino ang ating dapat na paniwalaan — si Hesus ba o ang mga tao? Ang mga Muslim at mga Kristiyano ay sumasang-ayon na ang Diyos ay umiiral sa Kanyang sarili (na hindi nagdedepende kaninuman o sa anuman). Ito ay nangangahulugan na hindi Niya kinuha kaninuman ang Kanyang pag-iral . Ngunit sa Juan ay sinasabi sa atin na ang pag-iral ni Hesus ay ipinangyari ng Ama. Sinabi ni Hesus ayon sa ebanghelyo: ’’...at ako'y nabubuhay dahil sa Ama...’’ (Juan 6:57).
Sinasabi sa atin ni Juan na si Hesus ay hindi makagagawa ng anuman sa ganang kanya lamang nang kanyang sinipi na si Hesus ay nagsabing: “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili...“ (Juan 5:30). Ito ay umaayon sa ating natutunan patungkol kay Hesus mula sa iba pang mga Ebanghelyo. Sa Marcos, halimbawa, ating napag-alaman na si Hesus ay nakagawa ng mga milagro sa pamamagitan ng kapangyarihan na wala sa kanyang kontrol. Ito'y higit na malinaw mula sa kwento kung saan ang isang babae ay gumaling sa kanyang hindi maampat na pagdudurugo. Lumapit ang naturang babae sa kanyang likuran at hinawakan ang kanyang balabal, at siya ay dagliang gumaling. Ngunit si Hesus ay walang ideya kung sino ang humawak sa kanya. Inilarawan ni Marcos ang mga kilos ni Hesus na: ’’Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Hesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?” (Marcos 5:30). Walang maibigay na tiyak na kasagutan ang kanyang mga disipulo, kaya't sinabi sa atin sa Marcos: "Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.’’ (Marcos 5:32). Nagpapakita ito na ang kapangyarihan na nakapagpagaling sa naturang babae ay wala sa kontrol ni Hesus. Nabatid niya na ang kapangyarihan ay lumabas mula sa kanya, ngunit hindi niya nababatid kung saan ito napunta. May iba pang maalam na Siyang kinailangang gumabay sa kapangyarihang yaon tungo sa naturang babae na nangangailangan ng lunas. Ang Diyos ang maalam na yaon.
Ito ay walang duda, kung gayon, na sa Aklat ng Mga Gawa ng mga apostol mababasa natin na ang Diyos ang gumawa ng mga milagro sa pamamagitan ni Hesus (Mga Gawa 2:22).
Gumawa ang Diyos ng mga hindi ordinaryong mga milagro sa pamamagitan din ng ibang mga tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na sila na ay Diyos (tingnan sa Mga Gawa 19:11). Bakit, kung gayon, si Hesus ay itinuring na Diyos? Kahit noong binuhay ni Hesus mula sa pagkamatay ang kanyang kaibigan na si Lazaro, kinailangan niya pa ring hingin sa Diyos na ipangyari iyon. Ang kapatid na babae ni Lazaro na si Martha ay alam ang patungkol dito, dahil kanyang sinabi kay Hesus: ”...kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” (Juan 11:22).
Batid ni Martha na si Hesus ay hindi Diyos, at si Juan na siyang nag-ulat nito ng may pagsang-ayon ay nakababatid rin nito. Si Hesus ay mayroong Diyos, kaya noong siya ay iaakyat na sa langit, siya ay nagsabi: ‘‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’’ (Juan 20:17).
Nakasisiguro si Juan na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos, kahit pa alam niyang marami sa mga tao ang nakakita kay Hesus (tingnan sa Juan 1:18 at 1 Juan 4:12). Katunayan, si Hesus mismo ang nagsabi sa mga tao, na kailanma'y hindi pa nila nakita ang Ama, o narinig ang tinig ng Ama (Juan 5:37). Pansinin na kung si Hesus ay ang Ama, ang kanyang mga binitiwang salita dito ay magiging isang kasinungalingan. Sino ang nag-iisang Diyos ayon sa Ebanghelyo ni Juan? Ang Ama lamang.
Si Hesus ay tumestigo dito noong kanyang inihayag na ang Diyos ng mga Hudyo ay ang Ama (Juan 8:54). Pinatotohanan din ni Hesus na ang Ama lamang ang Tunay na Nag-iisang Diyos (tingnan sa Juan 17:1-3). At sinabi ni Hesus sa mga taong sa kanya'y umaaway: ‘‘Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos...’’ (Juan 8:40). Ayon kay Juan, samakatuwid, si Hesus ay hindi Diyos, at walang isinulat si Juan na maaring gamitin bilang patunay na si Hesus ay Diyos — liban na lamang kung nagnanais na sumalungat kay Juan.
Magdagdag ng komento