Ang Paghahanap para sa Panloob na Kapayapaan (bahagi 1 ng 4): Ang Mga hadlang sa Pagkamit ng Panloob na Kapayapaan
Paglalarawanˇ: Isang sulyap kung paano tinutukoy ng mga tao ang panloob na kapayapaan at kung paano sila nagsusumikap na makamit ito; pagkilala din sa mga hadlang na pumipigil sa ating makuha ang panloob na kapayapaan.
- Ni Dr. Bilal Philips (transcribed from an audio lecture by Aboo Uthmaan)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 08 Jan 2024
- Nag-print: 5
- Tumingin: 9,506
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang paksa ng panloob na kapayapaan ay tumutugon sa isang sandaigdigang pangangailangan. Walang sinuman sa mundong ito na hindi nagnanais ng kapayapaan sa kalooban. Hindi ito isang pagnanais na bago sa ating panahon; sa halip, ito ay isang bagay na hinahanap ng lahat noon pa man, anuman ang kulay, doktrina, relihiyon, lahi, nasyonalidad, edad, kasarian, kayamanan, kakayahan o pag-unlad sa teknolohiya.
Ang mga tao ay dumadaan ng iba't ibang mga landas sa pagsisikap na makamit ang kapayapaan sa kalooban, ang ilan sa pamamagitan ng pag-iipon ng mga materyal na pag-aari at kayamanan, ang iba sa pamamagitan ng droga; ang ilan sa pamamagitan ng musika, ang iba sa pamamagitan ng pagmumuni-muni; ang ilan sa pamamagitan ng kanilang asawa, ang iba sa pamamagitan ng kanilang trabaho at ilan sa pamamagitan ng mga nakamit ng kanilang mga anak. At di natatapos ang listahan.
Gayunpaman ang paghahanap ay patuloy parin. Sa ating panahon tayo ay pinaniwala na ang pag-unlad ng teknolohiya at modernisasyon ay siyang gagawa para sa atin ng mga pisikal na ginhawa at sa pamamagitan nito ay makakamit natin ang panloob na kapayapaan.
Gayunpaman, kung titingnan natin ang pinaka maunlad na teknolohiya at pinaka-industriyalisadong bansa sa mundo, America, makikita natin na ang pinangunahan nating paniwalaan ay hindi totoo. Ipinapakita ng mga istatistika na sa Amerika, mga 20 milyong na nasa tamang gulang ay nakararanas ng pagkalumbay(depresyon) taun-taon; at ano ba ang depresyon kundi isang kakulangan ng panloob na kapayapaan? Bukod dito sa taong 2000 ang bilang ng namamatay sa pagpapatiwakal ay doble ang bilang kaysa sa namamatay mula sa Aids. Gayunpaman, ang balita ng media ay ganoon pa rin, naririnig natin nang higit pa ang tungkol sa mga namamatay mula sa Aids kaysa sa namamatay sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Marami pang tao ang namamatay mula sa pagpapatiwakal sa Amerika kaysa sa homicide (pagpaslang), at ang mga bilang ng homicide ay napakalaki.
Kaya ang katotohanan na ang pag-unlad ng teknolohiya at modernisasyon ay hindi nagdadala ng panloob na kapayapaan at katahimikan. Sa kabila ng mga kasiyahan na dinala sa atin ng modernisasyon, higit na malayo tayo sa panloob na kapayapaan kaysa sa ating mga ninuno.
Napaka-mailap ng panloob na kapayapaan para sa nakararami sa atin; tila ba ang hirap nitong makamit.
Marami sa atin ang nagkakamali sa pag-aakala na ang mga personal na kasiyahan ay para sa panloob na kapayapaan; nakakamit natin ang mga elemento ng kasiyahan mula sa iba't ibang mga bagay, maging yaman ito, sekswal na relasyon o iba pa. Ngunit ang mga ito ay hindi magtatagal, darating sila at maglalaho. Oo mayroon tayong personal na kasiyahan paminsan-minsan at nasisiyahan tayo sa iba't ibang mga bagay paminsan-minsan, ngunit hindi ito panloob na kapayapaan. Ang totoong kapayapaan sa loob ay isang pakiramdam ng katatagan at kasiyahan na nagtatawid sa atin sa lahat ng mga pagsubok at kahirapan sa buhay.
Kailangan nating maunawaan na ang kapayapaan ay hindi isang bagay na umiiral sa mundong ito o sa paligid natin sapagkat kapag tinukoy natin ang kapayapaan ayon sa kahulugan ng diksyonaryo ito ay nagsasabi na ang kapayapaan ay kalayaan mula sa digmaan o alitan ng mamamayan. Saan natin ito makukuha? Laging may isang digmaan o ilang uri ng kaguluhan sa lipunan na nangyayari sa isang panig ng mundo. Kung titingnan natin ang kapayapaan sa mga pananaw ng antas ng estado kung gayon ang kapayapaan ay kalayaan mula sa kaguluhan sa publiko at seguridad, ngunit saan sa mundo natin ito makakamit ng may kabuuan? Kung titingnan natin ang kapayapaan sa isang antas na panlipunan, pamilya at trabaho, kung gayon ang kapayapaan ay kalayaan mula sa mga hindi pagkakasundo at alitan, ngunit mayroon bang isang kapaligiran sa lipunan na walang di pinagkakasunduan o di nagkaka-alitan? Kung lugar lang ang pag-uusapan, kung gayon oo, maaari tayong magkaroon ng isang lugar na kung saan ay tahimik, mapayapa at panatag, halimbawa ang ilang mga isla, ngunit ang panlabas na kapayapaan na ito ay umiiral lamang sa kaunting panahon, darating ang araw may isang bagyo o unos na darating.
Sinabi ng Diyos:
“Katotohanang Aming nilikha ang tao sa paggawa at pagsisikap (sa pakikitalad sa buhay).” (Quran 90:4)
Ito ang likas na katangian ng ating buhay; tayo ay laging nasa pagsusumikap at pakikibaka, nasa itaas, nasa ilalim, oras ng mga paghihirap at oras ng kasaganahan.
Ito ay isang buhay na puno ng mga pagsubok tulad ng sinabi ng Diyos:
“At katiyakang kayo ay Aming susubukan sa mga bagay na tulad ng pangamba at pagkagutom, ang ilan ay pagkalugi sa hanapbuhay, pagkawala ng buhay at bunga (ng inyong pinaghirapan), datapuwa’t magbigay ng magandang balita sa mga as-Saabirin (ang mga mapagpasensya, atbp.).” (Quran 2:155)
Upang harapin ang ating mga kalagayan, ang mga kalagayan ng paghihirap at pakikibaka kung saan tayo nananahanan, ang pagpapasensya ay ang susi.
Ngunit kung bumalik tayo sa panloob na kapayapaan na hinahanap natin, kung gayon ang pagpapasensya ay hindi mangyayari kung wala tayong panloob na kapayapaan.
Nabubuhay tayo sa isang mundo ng paghihirap at pakikibaka, ngunit sa loob ng ating mga sarili posible na makamit ang panloob na kapayapaan, kapayapaan sa kapaligiran, kasama ang mundo na ating tinitirhan.
Malinaw na may ilang mga hadlang na pumipigil sa atin na makamit ang kapayapaan. Kaya't kailangan nating kilalanin ang mga hadlang sa ating buhay na pumipigil sa atin na makamit ang pinaka mataas na kapayapaan sa kalooban at bumuo ng ilang madiskarteng paraan upang maalis ang mga ito. Ang mga hadlang ay hindi matatanggal sa pamamagitan lamang ng pag-iisip na kailangan nating alisin ang mga ito; kailangan nating bumuo ng ilang mga hakbang upang makamit ito. Kaya paano natin aalisin ang mga hadlang na ito upang makamit natin ang kung ano ang posible sa panloob na kapayapaan?
Ang unang hakbang ay kilalanin ang mga hadlang mismo. Dapat nating alamin ang mga ito, sapagkat kung hindi natin matutukoy ang mga ito ay hindi natin ito maaalis.
Ang ikalawang hakbang ay ang pagtanggap sa mga ito bilang mga hadlang sa ating sarili. Halimbawa ang galit ay isa sa pinakamalaking hadlang sa panloob na kapayapaan, halimbawa. Kung ang isang tao ay galit, napuno na at sumiklab, paano siya magkakaroon ng panloob na kapayapaan sa sitwasyong iyon? Hindi ito posible. Kaya kailangang kilalanin ng tao na ang galit ay isang balakid sa panloob na kapayapaan.
Gayunpaman, kung sinabi ng isang tao na, "Oo, ito ay isang balakid ngunit hindi ako nagagalit", kung gayon ang taong yaon ay may problema. Hindi niya tinatanggap ang balakid na ito bilang isang problema at nasa isang kalagayan ng pagtanggi sa sarili. Dahil dito hindi niya ito maalis.
Kung titingnan natin ang mga hadlang sa buhay maaari nating mailagay ang mga ito sa ilalim ng iba't ibang uri: mga personal na problema, mga suliranin sa pamilya, mga problema sa pananalapi, mga panggigipit sa trabaho at espirituwal na pagkalito. At maraming mga suliranin sa ilalim ng mga uri na ito.
Ang Paghahanap para sa Panloob na Kapayapaan (bahagi 2 ng 4): Pagtanggap ng Tadhana
Paglalarawanˇ: Ang pangalawang artikulong ito ay nagbibigay ng tunay na mga halimbawa at kwento na naglalarawan ng kahalagahan ng pagkilala na ang lahat ng tao ay nahaharap sa mga balakid sa buhay na sakop ng kanyang kakayahan at mga balakid na di nila kayang kontrolin at ang mga balakid na hindi kayang makontrol ng isang tao ay dapat ituring-bilang itinadhana ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
- Ni Dr. Bilal Philips (transcribed from an audio lecture by Aboo Uthmaan)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 5
- Tumingin: 7,224
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Marami tayong mga problema, napakaraming mga balakid na kahalintulad sila ng mga sakit. Kung susubukan nating harapin ang mga ito nang paisa-isa ay hindi natin kailanman malalampasan ang mga ito. Kailangan nating kilalanin ang mga ito, ilagay ang mga ito sa ilang mga pangkalahatang kategorya at lutasin ang mga ito bilang isang grupo kumpara sa pagsubok na harapin ang bawat balakid at problema.
Upang magawa ito kailangan muna nating alisin ang lahat ng mga hadlang na hindi natin makontrol. Kailangang makilala natin kung aling mga hadlang ang kaya nating makontrol at alin ang hindi natin makontrol. Habang ipinagpapalagay natin na ang mga wala sa ating kontrol bilang mga hadlang ngunit ang katotohanan ay hindi sila mga balakid. Sa katotohanan ang mga ito ang mga bagay na itinakda ng Diyos para sa atin sa ating buhay, hindi talaga sila mga hadlang, mali lang ang ating pagkakaunawa na ang mga ito ay mga hadlang.
Halimbawa, sa oras na ito ang isang tao ay maaaring matagpuan ang sarili na ipinanganak na maitim sa isang mundo na pinapaboran ang mga mapuputing tao kaysa sa mga itim na tao; o ipinanganak na mahirap sa isang mundo na pinapaboran ang mayayaman kaysa mahihirap, o ipinanganak na maliit, o lumpo, o anumang iba pang pisikal na kondisyon na itinuturing na isang kapansanan.
Ito ang mga bagay na hindi natin makokontrol. Hindi natin pinili kung sa aling pamilya tayo ipapanganak; hindi natin pinili kung aling katawan ilalagay ang kaluluwa natin, hindi ito ang ating pinili. Kaya't kung matatagpuan natin ang ating mga sarili sa ganitong uri ng mga balakid ay kailangan lamang nating maging mapagpasensya sa mga ito at mapagtanto na, sa katunayan, hindi talaga sila mga hadlang. Sinabi sa atin ng Diyos:
“…maaari na hindi ninyo naiibigan ang isang bagay na mainam sa inyo at naiibigan naman ninyo ang isang bagay na masama sa inyo. Datapuwa’t si Allah ang nakakaalam at ito ay hindi ninyo nalalaman.” (Quran 2:216)
Kaya ang mga balakid na hindi natin makontrol, ay maaring hindi natin gusto ang mga ito at maaring gusto nating baguhin ang mga ito, at ang ilan ay talagang gumugol ng maraming pera sa pagsisikap na baguhin ito. Si Michael Jackson ay isang pangunahing halimbawa. Siya ay ipinanganak na maitim sa isang mundo na pinapaboran ang mga maputing tao, kaya gumastos siya ng maraming pera sa pagsisikap na baguhin ang kanyang sarili ngunit nauwi lamang sa di magandang sitwasyon ang mga bagay bagay.
Makakamit lamang ang panloob na kapayapaan kung ang mga hadlang na wala sa ating kontrol ay tinatanggap nang may pagpapasensya bilang bahagi ng itinadhana ng Diyos.
Dapat nating malaman na anuman ang mangyari, maging ito ay sakop ng ating kontrol o wala tayong kontrol, na ito ay nilagyan ng Diyos ng ilang kabutihan, kahit na hindi man natin mapagtanto kung ano ang mabuti dito; ang kabutihan ay nandoon pa rin. Kaya tinatanggap natin ito!
Mayroong isang artikulo sa isang dyaryo na may litrato ng isang nakangiting lalaki na taga-Ehipto. Ang ngiti sa kanyang mukha ay mula sa tainga hanggang kabilang tainga na nakaunat ang mga kamay at ang parehong nakalitaw ang mga hinlalaki; hinahalikan siya ng kanyang ama sa isang pisngi at ang kanyang kapatid na babae sa kabilang pisngi.
Sa ilalim ng litrato ay may nakasulat. Siya dapat ay nasa isang biyahe ng Gulf Air noong isang araw, mula Cairo patungong Bahrain. Nagmamadali siyang tumungo sa paliparan upang maabutan ang flight at nang makarating siya doon ay mayroong isang stamp o tatak na nawawala sa kanyang Passport (Sa Cairo kailangan mong magkaroon ng maraming selyo sa iyong mga dokumento. Kailangan mong magpa-tatak dito at pirma doon) ngunit ayun at naroon siya sa paliparan na may isang tatak na nawawala. Bilang isang guro sa Bahrain at ang biyaheng ito ang huling pabalik na ruta sa Bahrain na magbibigay daan sa kanya upang makarating sa tamang oras, ang di pagsakay sa biyaheng ito ay mangangahulugang mawawalan siya ng trabaho. Kaya pinagpilitan niyang hayaan siyang sumakay. Nagalit siya, nagsimulang umiyak at sumigaw at magwala, ngunit hindi siya pinasakay sa eroplano. Lumipad ito nang wala siya. Umuwi siya (sa kanyang bahay sa Cairo) na may pagkabalisa, iniisip na wala na at tapos na din ang kanyang karera. Inalo siya ng kanyang pamilya at sinabihan siyang huwag mag-alala tungkol dito. Kinabukasan, narinig niya ang balita na ang eroplano na kung saan dapat siya ay nakasakay ay na aksidente at ang lahat ng nakasakay ay namatay. At naroon siya, tuwang-tuwa na hindi siya nakasama sa paglipad nito, ngunit noong nakaraang araw, ay parang katapusan na ng kanyang buhay, isang trahedya na hindi nangyari sa kanya dahil sa siya ay di nakasakay sa biyaheng iyon .
Ito ay mga palatandaan, at ang gayong mga palatandaan ay matatagpuan sa kwento nina Moises at Khidr (na pinaka mainam kapag binabasa natin sa bawat Jumu'ah, i.e. Kabanata al-Kahf ng Banal na Quran). Nang gumawa ng butas si Khidr sa bangka ng mga taong mabait na naghatid sa kanila ni Moises sa kabilang ilog, tinanong ni Moises kung bakit niya ito ginawa (Khidr).
Nang makita ng mga may-ari ng bangka ang butas ay nagtaka sila kung sino ang gumawa nito at naisip na ito isang gawaing masama. Maya-maya pa ay may dumating na Hari sa ilog at sapilitang kinuha ang lahat ng mga bangka maliban sa isa na may butas sa loob nito. Kaya't pinuri ng mga may-ari ng bangka ang Diyos dahil sa pagkakaroon ng butas sa kanilang bangka.[1]
May iba mga hadlang o mga bagay na ipinagpapalagay bilang mga hadlang sa ating buhay. Ito ang mga bagay na hindi natin matanto kung ano ang nasa likod ng mga ito. Ang isang bagay ay nangyayari at hindi natin alam kung bakit, wala tayong paliwanag tungkol dito. Para sa ilang mga tao ito ang nagtutulak sa kanila sa kawalan ng paniniwala. Kung ang isa ay makikinig sa isang ateyista, wala siyang panloob na kapayapaan at tinatanggihan ang Diyos. Bakit naging ateyista ang taong iyon? Ito ay di pangkaraniwan na hindi maniwala sa Diyos, samantalang pangkaraniwan sa atin ang maniwala sa Diyos sapagkat nilikha tayo ng Diyos na may likas na pagkiling na maniwala sa Kanya.
Sinabi ng Diyos:
“Kaya’t iharap mo (O Muhammad) nang tunay ang iyong mukha sa Pananampalatayang dalisay ng Islam at Hanifan (alalaong baga, ang tanging sumamba lamang kay Allah, at sa Fitrah (ang likas na damdamin ng paniniwala sa pagiging tanging Isa ni Allah), na sa pamamagitan nito (Fitrah) ay Kanyang nilikha ang sangkatauhan. Huwag hayaan na magkaroon ng pagbabago sa Khalq-illah (alalaong baga, ang pananampalataya ni Allah, sa Islam at sa Kanyang Kaisahan); ito ang Tuwid na Pananampalataya, datapuwa’t ang karamihan sa mga tao ay walang kaalaman.” (Quran 30:30)[2]
Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi:
“Ang bawat bata ay ipinanganak na may kalikasan na dalisay (bilang isang Muslim na may likas na pagkiling na maniwala sa Diyos) ...” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
Ito ang likas na katangian ng mga tao, ngunit ang isang tao na nagiging isang ateyista na hindi niya natutunan mula sa pagkabata ay karaniwang nangyayari dahil sa isang trahedya. Kung may nangyaring isang trahedya sa kanilang buhay wala silang mga paliwanag kung bakit ito nangyari.
Halimbawa, ang isang taong naging ateyista ay maaaring sabihin na siya ay nagkaroon ng isang mabuting tiyahin; siya ay isang napakahusay na tao at minamahal siya ng lahat, ngunit isang araw habang siya ay nasa labas at tumatawid sa kalsada ay may bumulaga na kotse at nabundol siya at namatay. Sa dinami-dami ng tao ay bakit sa kanya pa nangyari ito? Bakit? Walang paliwanag! O ang isang tao (na naging ateyista) ay maaaring nagkaroon ng anak na namatay at nasabi kung bakit nangyari ito sa aking anak? Bakit? Walang paliwanag! Bilang resulta ng mga nasabing trahedya ay naiisip nila na maaaring walang Diyos.
Mga Talababa:
[1] Ang Hari ay mapang-api at kilala sa pag-kamkam sa bawat magandang bangka ng puwersahan, ngunit ang mga tao na nagmamay-ari ng bangka ay mahihirap at ito lamang ang kanilang paraan upang kumita kaya nais ni Khidr na ang bangka ay palitawin na may sira kaya hindi nagawa ng hari na kunin ito upang ang mga mahihirap na tao ay magpatuloy na makinabang mula rito.
[2] Ang talatang ito ay idinagdag sa salin ng mga tagapagsalin.
Ang Paghahanap para sa Panloob na Kapayapaan (bahagi 3 ng 4): Pagtitiis at Mga Layunin sa Buhay
Paglalarawanˇ: Sa magulong mundong ito, ang pagtitiis at ang hindi pagturing sa mundong ito bilang pinakalayunin ay isang mabisa at mahalagang panglutas sa mga hadlang na kontrolado natin.
- Ni Dr. Bilal Philips (transcribed from an audio lecture by Aboo Uthmaan)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 5
- Tumingin: 7,598
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Bilang pagbabalik sa kwento nina Moises at Khidr, matapos silang tumawid sa ilog ay nahanap nila ang isang bata, at sadyang pinatay ni Khidr ang batang iyon. Tinanong ni Moises kay Khidr kung paano niya nagawa ang ganoong bagay? Walang kasalanan ang bata at pinatay siya ni Khidr! Sinabi ni Khidr kay Moises na ang bata ay may matuwid na mga magulang at kung ang bata ay lumaki na (alam ng Diyos na) siya ay magiging sobrang pasaway na ang kanyang mga magulang ay itutulak niya sa kawalan ng paniniwala, kaya't iniutos ng Diyos ang pagpatay sa bata.
Siyempre nalungkot ang mga magulang nang nakita nila na patay na ang kanilang anak. Gayunpaman, pinalitan ng Diyos ang kanilang anak ng isa na matuwid at mas mainam para sa kanila. Ang bata na ito ay magalang at mabait sa kanila, ngunit ang mga magulang ay laging may kulang sa kanilang puso dahil sa pagkawala ng kanilang unang anak, hanggang sa Araw ng Paghuhukom kung saan haharap sila sa Diyos, at ibubunyag Niya sa kanila ang dahilan kung bakit kinuha Niya ang kaluluwa ng kanilang unang anak at pagkatapos ay mauunawaan nila at pupurihin ang Diyos.
Kaya naman ito ang likas na katangian ng ating buhay. Mayroong mga bagay, na ang bagay na tila negatibo, mga bagay na nangyayari sa ating buhay na tila mga hadlang sa panloob na kapayapaan sapagkat hindi natin ito nauunawaan o kung bakit nangyari ito sa atin, ngunit dapat nating isantabi.
Sila ay mula sa Diyos at dapat nating paniwalaan na sa huli ay may kabutihan sa likod nito, nakikita man natin ito o hindi. Pagkatapos ay dadako tayo sa mga bagay na maaari nating baguhin. Una kilalanin ang mga ito, pagkatapos ay pumunta tayo sa ikalawang pangunahing hakbang at iyon ay pagtatanggal sa mga hadlang sa pamamagitan ng pagbuo ng mga solusyon para sa kanila. Upang matanggal ang mga hadlang kailangan nating ituon ang pansin sa pagbabago sa ating sarili at ito ay dahil sinabi ng Diyos:
“Hindi babaguhin ni Allah ang kalagayan ng isang pamayanan hanggang hindi nila binabago ang kanilang sarili (sa pamamagitan ng kanilang paggawa ng mga kasalanan, pagsuway kay Allah at kawalan ng damdamin ng pasasalamat) tungo sa kabutihan…” (Quran 13:11)
Ito ay isang lugar na kontrolado natin. Maaari rin tayong magkaroon ng pagtitiis, kahit na ang karaniwang ideya ay ang ilang mga tao ay ipinanganak na matiisin.
May isang tao na lumapit sa Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) at tinanong kung ano ang kailangan niyang gawin upang makapunta sa Paraiso, kaya sinabi sa kanya ng Propeta: "Huwag magalit.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ang tao ay isang indibidwal na mabilis magalit, kaya sinabi ng Propeta sa tao na kailangan niyang baguhin ang kanyang likas na pagiging magagalitin. Kaya ang pagbabago ng sarili at ng isang katangian ay isang bagay na kayang abutin.
Sinabi rin ng Propeta: "Ang sinumang nagpapanggap na maging matiisin (na may pagnanais na maging matiisin) bibigyan siya ng Diyos ng pasensya.”
Naitala ito sa Saheeh Al-Bukhari. Nangangahulugan ito na kahit na ang ilang mga tao ay ipinanganak na matiisin ang iba sa atin ay maaaring matutunan ang maging matiisin.
Nakakatuwa na sa Kanluraning psychiatry at sikolohiya ay dati na nilang sinasabi sa atin na ilabas ito sa ating dibdib, huwag natin itong pipigilan sapagkat kung pipigilan ay sasabog tayo, kaya't mas mainam na palabasin ito.
Kalaunan ay natuklasan nila na kapag ang tao ay galit na galit ang mga maliliit na daluyan ng dugo ay sasabog sa utak dahil sa labis na galit. Natuklasan nila na lubhang mapanganib at sobrang nakakapinsala kapag pinalabas lahat. Kaya't sinasabi nila ngayon na mas mainam na huwag palabasin ang lahat.
Sinabi sa atin ng Propeta na subukang maging matiisin, kaya sa panlabas ay dapat nating ipakita ang mukha ng pagiging matiisin kahit na sa loob ay kumukulo na tayo. At hindi natin sinusubukang maging matiisin sa panlabas upang linlangin ang mga tao; sa halip, ginagawa natin ito upang magkaroon ng pagtitiis. Kung tayo ay tuloy tuloy dito, ang panlabas na kaanyuan ng pagtitiis ay magiging panloob din at dahil dito makakamit natin ang kumpletong pagtitiis at maari itong makamit tulad ng nabanggit sa Hadeeth na binanggit sa itaas.
Kabilang sa mga pamamaraan ay ang tingnan kung paano ang mga materyal na elemento ng ating buhay ay gampanan ang malaking bahagi ang patungkol sa pagtitiis at pagkamit natin nito.
Ang Propeta ay nagbigay sa atin ng payo kung paano haharapin ang mga elementong ito sa pamamagitan ng pagsasabi:
“Huwag tumingin sa mga nasa itaas mo na higit na masuwerte, sa halip, tumingin sa mga nasa ibaba mo o hindi gaanong masuwerte…”
Ito ay dahil kahit ano pa ang ating sitwasyon, palaging mayroong mga mas masaklap pa kaysa sa atin. Ito ang dapat nating maging pangkalahatang estratehiya hinggil sa materyal na buhay. Sa panahon ngayon ang materyal na buhay ay isang malaking bahagi ng ating buhay, parang nahuhumaling tayo dito; ang pagkakaroon ng lahat ng makakaya natin sa mundong ito ay tila nagiging pangunahing punto na ang karamihan sa atin ay nakatuon dito ang lakas. Kaya kung gagawin ito ng isang tao ay dapat hindi nila hayaang maapektuhan ang kanilang panloob na kapayapaan.
Habang nakikipag-ugnayan tayo sa materyal na mundo hindi natin dapat pagtuunan ng pansin ang mga mas mainam kaysa sa atin dahil kung magkaganon ay hindi tayo makukuntento kahit kailan sa kung anong mayroon tayo. Sinabi ng Propeta:
“Kung bibigyan mo ang anak ni Adan ng isang lambak ng ginto ay nanaisin niya ang isa pa.” (Saheeh Muslim)
Ang kasabihan na ang damo ay palaging mas berde sa kabilang panig; at kung mas marami ang pag-aari ng isang tao ay mas ninanais niya ang mas marami pa. Hindi natin makakamit ang kasiyahan sa materyal na mundo kung hinahabol natin ito sa ganitong paraan; sa halip, dapat nating tingnan ang mga hindi gaanong masuwerte, sa paraang ito ay maaalala natin ang mga regalo, benepisyo at awa na ipinagkaloob sa atin ng Diyos hinggil sa ating sariling kayamanan, kahit gaano man ito kaliit.
May isa pang kasabihan si Propeta Muhammad na tumutulong sa atin sa dako ng materyal na mundo upang mailagay ang ating mga gawain sa kanilang tamang pananaw, at isang halimbawa ng Propeta sa alituntuning ito ay ang prinsipyo ni Steven Covey[1] na “first things first”(mga na unang bagay ang mauna). Inilahad ng Propeta ang alituntuning ito mahigit sa 1400 taon na ang nakalilipas at inilatag ang prinsipyong ito para sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagsasabi:
“Sinumang gawin ang mundong ito bilang kanyang hangarin ang Diyos ay guguluhin ang kanyang mga gawain at maglalagay ng kahirapan sa harapan niya at wala siyang makakamit na anuman sa mundong ito maliban sa kung ano ang isinulat ng Diyos para sa kanya…” (Ibn Maajah, Ibn Hibbaan)
Kaya ang mga gawain ng isang tao ay hindi maisasakatuparan para sa kanya, siya ay magpapakalat-kalat sa buong lugar, tulad ng isang manok na pinutol ang ulo nito, tumatakbong ligaw; kung ginagawa niyang layunin ang mundong ito. Ilalagay ng Diyos ang kahirapan sa harapan niya at kahit gaano karaming pera ang mayroon siya ay mararamdaman niyang mahirap pa rin siya. Sa tuwing may mabuti sa kanya o ngumiti sa kanya nararamdaman niya na ginagawa lamang nila ito dahil gusto nila ang kanyang pera, hindi siya makapag-tiwala kaninuman at hindi masaya.
Kapag bumagsak ang stock market mababasa mo ang ilan sa mga namuhunan dito ay nagpapakamatay. Ang isang tao ay maaaring mayroong 8 milyon at nawalan ng 5 milyon na may 3 milyon na naiwan matapos ang pag-bagsak ng merkado, ngunit ang pagkawala ng 5 milyon ay tila wakas. Wala siyang nakikitang punto na mabuhay pa pagkatapos nito, dahil inilagay ng Diyos ang kahirapan sa pagitan ng kanyang mga mata.
Talababa:
[1] Si Stephen Covey ay isang internasyonal at respetadong awtoridad na nagtatag ng Covey Leadership Center. Natanggap niya ang kanyang M.B
Ang Paghahanap para sa Panloob na Kapayapaan (bahagi 4 ng 4): Ang Panloob na Kapayapaan ay Nakakamit sa Pagsuko sa Diyos
Paglalarawanˇ: Ang totoong panloob na kapayapaan ay matatagpuan sa pamamagitan ng pagsuko sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, mamuhay sa buhay na ito para sa Kanya, na alalahanin Siya at gawin ang Kabilang Buhay na higit na prayoridad kaysa sa buhay na ito.
- Ni Dr. Bilal Philips (transcribed from an audio lecture by Aboo Uthmaan)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Dec 2007
- Nag-print: 5
- Tumingin: 6,847
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Dapat nating tandaan na ang mga tao ay hindi makakakuha mula sa mundong ito maliban sa kung ano ang naisulat ng Diyos para sa kanila, ito ang kahahantungan. Matapos ang lahat na pagpapakapagod, puyat sa gabi, ang masipag magtrabaho na tao ay makukuha lamang ang kung ano ang inilaan ng Diyos para sa kanya. Ang Propeta, (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi:
“Ang sinumang magtakda ng Kabilang Buhay bilang layunin niya, aasikasuhin ng Diyos ang kanyang mga gawain para sa kanya, bibigyan siya ng kayamanan ng (pananampalataya sa) puso at ang mundo ay lalapit sa kanya na walang angal at masunurin.” (Ibn Maajah, Ibn Hibbaan)
Ang gayong tao ay nakakakuha ng kayamanan ng puso. Ang kayamanan ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng maraming ari-arian, ngunit ang kayamanan ay ang pagkakaroon ng kayamanan ng puso, at ano ang kayamanan ng puso? Ito ay pagkakontento, at dito nagmumula ang kapayapaan, kapag ang isang tao ay isinusuko ang kanyang sarili sa Diyos, at ito ang Islam.
Ang panloob na kapayapaan ay ang pagtanggap ng Islam sa ating mga puso at pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng Islam. Kaya ilalagay ng Diyos ang kayamanan sa puso ng isang tao at ang daigdig na ito ay mapapailalim sa kanya, maninikluhod at masunurin. Ang gayong tao ay hindi kailangang maghabol nito.
Ito ang Pangako ng Propeta na kung ang isang tao ay inuuna ang "unahin ang dapat mauna", at iyon ang Kabilang Buhay. Kung ang ay Paraiso ang nais natin dapat na maipakita ito sa ating buhay, dapat itong maging punto ng ating pagtuon, kung saan lagi nating inuuna.
Kaya paano natin malalaman kung ang Kabilang Buhay ang ating pinagtutuunan? Kung nakaupo tayo kasama ang isang tao at ang lahat ng pinag-uusapan natin ay ang pinakabagong mga kotse, mamahaling bahay, paglalakbay, pista at pera, kung ang karamihan sa ating mga pag-uusap ay tungkol sa mga materyal na bagay o tsismis, pinag-uusapan ang tungkol sa taong ito at sa taong iyon, ito ay nangangahulugan na ang Kabilang-buhay ay hindi natin pinagtutuunan. Kung ang Kabilang Buhay ang ating pinagtutuunan ay masasalamin ito sa ating mga pag-uusap. Ito ay isang pinaka-pangunahing antas kung saan maaari nating husgahan ang ating sarili, kaya dapat tayong tumigil at tanungin ang ating mga sarili, "Anong mga usapin ang pinaggugugulan natin sa ating oras"?
Kung natagpuan natin na ganito ang ating prayoridad sa mundong ito, ibig sabihin kailangan nating magtuon ng pansin muli, kailangan nating unahin ang "mga bagay na dapat una", nangangahulugang ang Kabilang-buhay muna bago ang buhay ng mundong ito, at kung gagawin natin ito makakamit natin ang panloob na kapayapaan, at Ipinagbigay-alam sa atin ng Diyos ang tungkol dito sa Quran, isang tiyak na hakbang na dapat gawin upang matamo ang panloob na kapayapaan, at sinabi ng Diyos:
“Katotohanan, sa pag-aala-ala kay Allah, ang mga puso ay nakakasumpong ng kapahingahan!” (Quran 13:28)
Kaya't sa pamamagitan lamang ng pag-alaala sa Diyos na ang mga puso ay nakakahanap ng kapahingahan. Ito ang panloob na kapayapaan. Ang pag-alaala sa Diyos sa lahat ng ginagawa natin bilang mga Muslim. Ang Islam ay nabubuhay ng pag-alala sa Diyos, at ang Diyos ay nagsabi:
“Magsagawa ng palagiang pagdaarasal bilang pag-aala-ala sa Akin…” (Quran 20:14)
Lahat ng ginagawa natin (sa Islam) ay may kinalaman sa pag-alaala sa Diyos bilang mga Muslim. Sinabi ng Diyos:
“Ipagbadya (O Muhammad): 'Katotohanan, ang aking dalangin, ang aking pagtitiis, ang aking pamumuhay, ang aking pagkamatay ay para kay Allah, ang Panginoon ng lahat ng mga nilalang.’” (Quran 6:162)
Kaya narito ang paraan upang makamit ang panloob na kapayapaan, alalahanin ang Diyos sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Ang pag-alaalang ito (dhikr) ay hindi tulad ng iniisip ng ilang mga tao na umupo sa sulok ng isang madilim na silid na patuloy na inuulit "Allah, Allah, Allah ..." Hindi ganito ang pag-alaala sa Diyos. Oo, ang gayong tao ay nagbabanggit ng pangalan ng Diyos, ngunit kung iisipin natin ito, na may dumating sa iyo (at halimbawa ang iyong pangalan ay Muhammad) at patuloy na nagsasabing "Muhammad, Muhammad, Muhammad ..." magtataka ka kung ano ang mali sa tao. May gusto ba siya? May kailangan ba siya? Ano ang layunin ng pag-uulit ng aking pangalan nang walang karagdagang pag-uusap?
Hindi ito ang paraan upang alalahanin ang Diyos sapagkat hindi ganito ang pag-alala ng Propeta sa Diyos at walang pag-uulat na siya ay gumagawa nito. Ang ilang mga tao ay nagsasabi na dapat nating alalahanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsayaw sa paligid o pag-indayog dito at doon. Hindi ito ang paraan upang alalahanin ang Diyos, dahil ito rin ay hindi kung paano inalala ng Propeta ang Diyos at walang pag-uulat sa kanya na ginagawa iyon.
Inaalaala ng Propeta ang Diyos sa kanyang buhay. Ang kanyang naging buhay ay buhay ng pag-alaala sa Diyos, namuhay siya, buhay na inaalala ang Diyos at ito ang totoong pag-alaala, sa ating mga dalangin at sa ating buhay at kamatayan.
Sa kabuuan, ang paghahanap para sa panloob na kapayapaan ay may kinalaman sa pagkilala sa mga problema na mayroon tayo sa ating buhay, pagkilala sa ating mga hadlang, pagkilala na ang panloob na kapayapaan ay darating lamang kapag nakikilala natin ang mga hadlang na iyon at nauunawaan kung alin sa mga ito ang maaari nating baguhin at pagtuunan natin ang mga hadlang na kaya natin mabago, ang mga nauugnay sa ating sarili.
Kung babaguhin natin ang ating sarili kung gayon ang Diyos ay babaguhin ang mundo sa ating paligid at bibigyan tayo ng paraan upang makitungo sa mundo sa ating paligid. Kahit na nagkakagulo ang mundo ay bibigyan tayo ng Diyos ng panloob na kapayapaan dito.
Anuman ang mangyari alam natin na ito ang itinakda ng Diyos at ito ay mga pagsubok ng Diyos at alam natin na sa huli ito ay para sa ating kabutihan at may kabutihan dito. Nilikha tayo ng Diyos sa mundong ito at ang mundo bilang paraan upang maabot ang Paraiso at ang mga pagsubok sa mundong ito ay ang ating sariling espirituwal na pag-usbong. Kung matatanggap natin ang lahat ng ito, matanggap ang Diyos sa ating puso ay saka lamang tayo makakatagpo ng panloob na kapayapaan.
Magdagdag ng komento