Si Craig Robertson, Dating Katoliko, Canada (bahagi 1 ng 2): Galing sa Masama Naging mas Malala
Paglalarawanˇ: Matapos mapalaki sa isang Katolikong pamilya at gugulin ang karamihang oras ng kanyang pagkabata sa pagdalo sa simbahan, tinalikuran ni Craig ang pananampalataya at pumunta sa malayang pamumuhay.
- Ni Craig Robertson
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 23 Mar 2014
- Nag-print: 3
- Tumingin: 5,513 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang pangalan ko ay Abdullah Al-Kanadi. Ipinanganak ako sa Vancouver, Canada. Ang aking pamilya, na mga Romano Katoliko, ay nagpalaki sa akin bilang isang Romano Katoliko hanggang ako ay umabot ng 12 taong gulang. Mahigit anim na taon na akong naging Muslim, at nais kong ibahagi ang kuwento ng aking paglalakbay sa Islam sainyo.
Sa palagay ko sa alinmang kwento, mas mainam na magsimula mula sa simula. Sa aking pagkabata nag-aral ako sa isang Katolikong paaralan at tinuruan tungkol sa Katolikong pananampalataya, kasama ang iba pang mga asignatura. Ang relihiyon ay ang palaging pinakamainam kong klase; napakahusay ko sa pang-akademikong mga turo ng Simbahan. Hinikayat ako sa serbisyo bilang isang ‘batang altar’ ng aking mga magulang mula sa murang edad, kung saan kinalulugdan ng aking mga lolo at lola; ngunit habang mas natututo ako tungkol sa aking relihiyon, mas dumarami ang katanungan ko tungkol dito! Naaalala ko ang mga ito mula sa aking pagkabata, tinanong ko ang aking ina sa misa: “Ang ating relihiyon ba ang tama?” Ang sagot ng aking ina ay kumukuling-ling pa rin sa aking mga tainga hanggang sa araw na ito: “Craig, silang lahat ay pareho, silang lahat ay mabuti!” kumbaga para sa akin parang hindi ito tama. Ano ang dahilan ng pag-aaral ko sa aking relihiyon kung silang lahat ay pantay na mabuti!?
Sa edad na labinalawang taon, ang aking lola sa ina ay nasuring may kanser sa colon at namatay matapos ng ilang buwan, pagkatapos ng isang matinding pakikipaglaban sa sakit. Hindi ko napagtanto kung gaano kalalim ang epekto ng kanyang pagpanaw hanggang sa kalaunan. Sa murang edad na labindalawa, nagpasya akong maging isang ateyista upang parusahan ang Diyos (kung kaya mong maisip man lang ang ganoong bagay!) Ako ay galit na batang lalake; Nagalit ako sa mundo, sa aking sarili at pinakamasama sa lahat, sa Diyos. Nabigo ako sa aking unang mga taon ng pagkabata na subukang gawin ang lahat ng makakaya ko upang mapabilib ang aking bagong “mga kaibigan” sa pampublikong sekundaryong paaralan. Mabilis kong napagtanto na marami pa akong dapat matutunan, sa pagiging kinalinga sa isang relihiyosong paaralan hindi mo matututunan kung ano ang gusto mo sa isang pampublikong paaralan. Hinikayat ko ang lahat ng aking mga kaibigan sa pribado na ituro sa akin ang lahat ng mga bagay na hindi ko natutunan, sa lalong madaling panahon nakuha ko ang ugali ng pagmumura at ginagawang katatawanan ang mga taong mas mahina kaysa sa akin. Kahit na ginawa ko ang aking makakaya upang umangkop sa kanila, hindi ko talaga nagawa. Ako ay naaapi; ginagawa akong katatawanan ng mga kababaihan at iba pa. Para sa isang batang nasa edad ko, ito ay nakakawasak. Bumalik ako sa aking sarili, sa tinatawag ninyong isang 'emosyonal na pagkapagod'.
Ang mga taon ng aking pagkabinatilyo ay napuno ng pagdurusa at kalungkutan. Sinubukan ng aking mga kawawang magulang na makipag-usap sa akin, ngunit ako ay mapanlaban sa kanila at napaka walang respeto. Nagtapos ako sa sekundaryo noong tag-araw ng 1996 at nadama na ang mga bagay ay kailangang magbago para sa kabutihan, dahil sa naniniwala akong ito ay lalala pa! Ako ay natanggap sa isang lokal na teknikal na paaralan at nagpasya na dapat kong higitan pa ang aking pag-aaral at kumita ng kaunting pera, upang ako ay maging masaya. Kinuha ko ang isang trabaho sa isang fastfood malapit sa aking bahay upang makatulong sa mga bayarin sa paaralan.
Ilang linggo bago ako magsimulang mag-aral, Inanyayahan akong lumipat kasama ang ilang mga kaibigan mula sa trabaho. Para sa akin, parang ito na ang sagot sa aking mga problema! Makakalimutan ko na ang aking pamilya at makakasama ang aking mga kaibigan sa lahat ng oras. Isang gabi, sinabi ko sa aking mga magulang na ako ay lilipat na. Sinabi nila sa akin, Hindi ko raw makakayanan, at hindi pa ako handa para dito at hindi nila ito papayagan! Ako ay 17 taong gulang at napakatigas ng ulo; Nanumpa ako sa aking mga magulang at sinabi ko sa kanila ang lahat ng uri ng masasamang bagay, na kung saan ay pinagsisisihan ko pa rin hanggang sa araw na ito. Nakaramdam ako ng lakas ng loob sa aking bagong kalayaan, para akong pinakawalan, at masusunod ko na ang aking mga hangarin ayon sa aking gusto. Lumipat ako kasama ang aking mga kaibigan at hindi nakipag-usap sa aking mga magulang sa mahabang panahon pagkatapos nito.
Nagtatrabaho ako nun at nag-aaral sa paaralan nang ipakilala sa akin ng aking mga kasamahan sa kuwarto ang marijuana. Napamahal ako dito sa unang ‘buga’ pa lamang! Naninigarilyo ako nang kaunti pag-uwi ko ng bahay mula sa trabaho upang makapagpahinga. Bagaman sa lalong madaling panahon, nagsimula akong manigarilyo nang higit pa, hanggang sa isang linggo sobra akong nanigarilyo, parang iyon ay Lunes ng umaga at bago ko paman nalaman ito, iyon ay oras na nang pag-aaral. Naisip ko, kumbaga, hindi ako papasok ng isang araw sa paaralan, at papasok sa susunod na araw, yamang di nila maaaring mapansin ang aking pagkawala. Hindi na ako kailanman bumalik pa ng paaralan pagkatapos nito. Sa wakas ay napagtanto ko kung gaano kaganda magkaron ng ganito. Lahat ng pagkain na kaya kong nakawin at lahat ng mga droga ay kaya kong hithitin, sino pa ang nangangailangan ng pag-aaral?
Ang sarap ng buhay ko, o di kaya pag-aakala ko; Ako ay naging masamang ‘residente’ sa trabaho at dahil dito ang mga kababaihan ay nagsisimulang magbigay pansin sa akin tulad ng hindi nila nagawa noong sekundarya. Sinubukan ko ang mga mas matinding droga, subali't alhamdulillah, Ako ay nailigtas mula sa tunay na kakila-kilabot na bagay. Ang kakaibang pangyayari ay, kapag hindi ako sabog sa droga o lasing, ako ay nalulungkot. Nakakaramdam ako ng kawalan ng halaga sa sarili at ganap na walang kabuluhan. Nagnanakaw ako sa trabaho at sa aking mga kaibigan upang matulungang mapanatili ang ‘kemikal na usok’. Naging matatakutin ako sa mga taong nakapalibot sa akin at inakala kong pinaghahanap na ako ng mga pulis sa bawat sulok. Nagsisimula na akong mabaliw at kailangan ko na ng solusyon, at naisip ko na ang relihiyon ay makakatulong sa akin.
Natatandaan kong nanonood ako ng isang pelikula tungkol sa pangkukulam at naisip ko na ito ang makapapabuti sa akin. Bumili ako ng ilang mga libro sa Wicca at sa Pagsamba sa Kalikasan, at napag-alaman na hinihikayat nila ang paggamit ng mga natural na droga kaya nagpatuloy ako. Itinatanong sa akin ng mga tao kung naniniwala ba ako sa Diyos, at nagkakaroon kami ng kakaibang mga pag-uusap habang nasa ilalim ng ‘impluwensya’, ngunit malinaw kong naaalala na sinasabing hindi, sa katunayan ay hindi talaga ako naniniwala sa Diyos, naniniwala ako na ang karamihan sa mga diyos ay makasalanan tulad ko.
Sa kabila ng lahat ng ito, mayroong isang kaibigan na nanatili sa akin. Siya ay isang ‘Born Again’ na Kristiyano at palaging nangangaral sa akin, kahit na kinukutya ko ang kanyang pananampalataya sa bawat pagkakataon. Siya lamang ang nag-iisang kaibigan ko na hindi nanghusga sa akin sa oras na iyon, kaya nang inanyayahan niya akong sumama sa isang kamping ng kabataan sa katapusan ng linggo ay nagpasya akong sumama. Wala akong inaasahan. Akala ko lubusan akong matatawa sa pangungutya sa lahat ng “Mga Kamalian sa Bibliya”. Sa ikalawang gabi, nagkaroon sila ng isang malaking serbisyo sa isang auditoryum. Pinatugtog nila ang lahat ng uri ng musikang pumupuri sa Diyos. Nakita ko ang mga bata at matanda, lalake at babae na nagsusumamo para sa kapatawaran at lumuluha ng lubusan. Ako ay talagang naantig at sinabi ko sa isang tahimik na panalangin ang mga linyang “Diyos, alam kong ako ay isang kasuklam-suklam na tao, pakiusap tulungan mo ako, at patawarin mo ako at hayaan akong magsimulang muli.” Naramdaman ko ang daluyong ng emosyon na sumapit sa akin, at naramdaman kong bumagsak ang aking luha sa aking pisngi. Nagpasya ako sa sandaling iyon na yakapin si Hesu-Kristo bilang aking personal na Panginoon at Tagapagligtas. Itinaas ko ang aking mga kamay sa himpapawid at nagsimulang sumayaw sa paligid (oo, sumayaw!) Ang lahat ng mga Kristiyanong nakapaligid sa akin ay nakatitig sa akin sa nakapangingilabot na katahimikan; ang taong nangungutya sa kanila at sinabi sa kanila kung gaano sila kahangal sa paniniwala sa Diyos, ay sumasayaw at pinupuri na ang Diyos!
Bumalik ako sa aking tahanan at tinalikuran ang lahat ng droga, nakalalasing, at kababaihan. Agad kong sinabi sa aking mga kaibigan kung paano nila kailangang maging mga Kristiyano upang sila ay mailigtas. Nabigla ako na itinakwil nila ako, dahil dati palagi nila akong binibigyan ng pansin. Hanggang sa bumalik ako sa aking mga magulang matapos ang mahabang pagkawala at inabala ko sila sa kadahilanang kung bakit sila dapat maging Kristiyano. Sa pagiging Katoliko nila akala nila sila ay totoong Katoliko na, ngunit para sa akin sila ay hindi pa, sapagkat sinasamba nila ang mga Santo. Nagpasya akong umalis muli ngunit sa oras na ito para sa mas mainam na tadhana at nabigyan ng trabaho ng aking lolo na nais tumulong sa aking“pagbuti”.
Nagsimula akong mamalagi sa isang Kristiyanong “bahay ng kabataan” na karaniwang isang bahay kung saan maaaring puntahan ng mga kabataan, upang lumayo mula sa panggigipit ng pamilya at pag-usapan ang Kristiyanismo. Mas matanda ako kaysa sa karamihan sa mga kalalakihan, kaya ako ay naging isa sa mga nakikipag-usap sa karamihan at sinusubukang mapasaya ang mga batang kalalakihan. Sa kabila nito, nakaramdam ako ng parang may pandaraya, dahil dito nagsimula na naman akong uminom at makipagkita sa mga kababaihan. Sinasabihan ko ang mga bata tungkol sa pagmamahal ni Hesus para sa kanila, at pagsapit ng gabi ako ay umiinom. Sa kabila ng lahat ng ito, sinusubukan ng isa kong Kristiyanong kaibigan na ayusin ako at panatilihin ako sa tamang landas.
Magdagdag ng komento