Kaligayahan sa Islam (bahagi 1 ng 3): Mga Konsepto ng Kaligayahan
Paglalarawanˇ: Ang ebolusyon ng pag-iisip ng tao hinggil sa mga paraan kung saan maaaring matamo ang kaligayahan.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 12 Oct 2020
- Huling binago noong 31 Aug 2024
- Nag-print: 11
- Tumingin: 7,481
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Kahit na ang kaligayahan ay marahil isa sa pinakamahalagang bagay sa buhay, hindi pa rin maipaliwanag ng siyensya ang tungkol dito. Ang konsepto mismo ay mailap. Ito ba ay isang ideya, damdamin, kabutihan, pilosopiya, perpekto, o nakaprograma ba ito sa mga gene? Walang napagkasunduang kahulugan para dito, gayon pa man ang lahat ay tila nagbebenta ng kaligayahan sa mga araw na ito - ang mga negosyante ng droga, mga kumpanya ng parmasyutiko, Hollywood, mga kumpanya ng laruan, mga nagtuturo nang pag-tulong sa sarili, at, siyempre, Disney, ang gumawa ng pinakamaligayang Lugar sa Lupa. Maaari bang mabili ang kaligayahan? Nakakamit ba ang kaligayahan sa pamamagitan ng pagpaparami ng kasiyahan, pagkamit ng katanyagan at kapalaran, o pamumuhay ng walang limitasyong paglilibang? Ang susunod na mga artikulo ay sisiyasatin ang ebolusyon ng kaligayahan sa pananaw ng Kanluran, kasunod ang kasalukuyang pang-unawa sa kultura sa Kanluran. Sa wakas, tatalakayin ang kahulugan at ilang paraan ng pagkamit ng kaligayahan sa Islam.
Ebolusyon ng Kaligayahan sa Pananaw ng Kanluran
Ang ideya ng Kristiyanong kaligayahan ay batay sa isang naiulat na sinasabi ni Hesus,
"…ngayon ang iyong oras ng kalungkutan, makikita kita muli at ikaw ay magagalak, at walang mag-aalis ng iyong kagalakan." (John 16:22)
Ang ideyang Kristiyano tungkol sa kaligayahan ay nabuo sa dumaan na mga siglo at, sa huli, ay nailagay sa isang teolohiya ng kasalanan, na, tulad ng ipinaliwanag ni San Augustine sa The City of God, itinuro na dahil sa orihinal na kasalanan nina Adan at Eva sa Hardin ng Eden, ang tunay na kaligayahan ay "hindi makakamit sa ating kasalukuyang buhay."[1]
Noong 1776, si Thomas Jefferson, na nagbuod ng isang magandang siglo sa pagmuni-muni tungkol sa paksa sa Europa at Amerika, na itinuturing na "paghahanap sa kaligayahan" ay isang "maliwanag sa sarili" na katotohanan. Sa oras na ito, ang katotohanan sa kaligayahan ay nabanggit na ng madalas at lubos na may kumpiyansa na, para sa marami, halos hindi na ito kinakailangan ng ebidensya. Ito ay, tulad ng sinabi ni Jefferson, maliwanag sa sarili. Upang matiyak ang "pinakadakilang kaligayahan para sa pinakamalaking bilang" ay naging mahalagang moral ng siglo. Ngunit gaano "kaliwanag sa sarili" ang paghahanap sa kaligayahan? Sa katunayan, napakalinaw na ang kaligayahan ay likas na gusto nating wakas? Inaamin ng mga Kristiyano na ang mga tao ay naghahanap ng kaligayahan sa panahon ng kanilang paglalakbay sa lupa, ngunit nanatiling walang pag-aalinlangan sa pagkamit nito. Sagayon, si Jefferson mismo ay natatakot kung ang paghabol ba ay magdadala sa isang kasiya-siyang katapusan. "Ang perpektong kaligayahan ... ay hindi kailanman inilaan ng Diyos na maging layunin ng kanyang mga nilalang," tinukoy niya sa isang liham ng 1763, pagdaragdag ng mahinahon na kahit na "ang pinaka-masuwerte sa atin, sa ating paglalakbay sa buhay, madalas na nakakasalubong ng mga kalamidad at kasawian na maaaring mangyari sa atin. "[2] Upang "palakasin ang ating isipan" laban sa mga pag-atake na ito, nagtapos siya, "na maging isa sa mga pangunahing pag-aaral at pagpupunyagi ng ating buhay."
Samantalang sa ikalimang siglo, maaaring inangkin ni Boethius na "Ang Diyos ay kaligayahan mismo,"[3] sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang formula ay nabaligtad at binasa bilang "Ang Kaligayahan ay Diyos." Ang kaligayahan sa lupa ay lumitaw bilang idolo ng mga idolo, ang sentro ng kahulugan sa modernong buhay, ang pinanggagalingan ng hangarin ng tao, ang layunin ng pag-iiral, kung bakit at dahilan. Kung ang kaligayahan ay hindi, tulad ng sinabi ni Freud, 'sa plano ng Paglikha,'[4] mayroong mga handang baguhin ang mga gawa ng Manlilikha upang ilagay ito dito sa pamamagitan ng paggawa mismo, pag-konsumo, at pag-export nito bilang demokrasya at free-market economy (materyalismo). Tulad ng naobserbahan ng pilosopo na si Pascal Bruckner, "Ang kaligayahan ay ang nag-iisa na abot-tanaw ng ating mga napapanahong demokratiko." Bilang ikalawa ng relihiyon, ang materyalismo ay inilipat ang Diyos sa pamilihan.
Kaligayahan sa Kulturang Kanluranin
Sa ating kultura, karaniwang pinaniniwalaan na ang kaligayahan ay nakakamit kapag ikaw ay mayaman, makapangyarihan, o sikat. Nais ng mga kabataan maging sikat na pop idol, ang lumang pangarap na manalo ng jackpot. Tayo ay madalas na naghahanap ng kaligayahan sa pamamagitan ng pagtanggal ng lahat ng tensyon, kalungkutan, at panggagalaiti. Para sa ilan, ang kaligayahan ay nasa mga paraan na kayang baguhin ang mood. Si Eva Moskowitz, isang mananalaysay, ay nagbibigay ng ilang ideya tungkol sa hilig ng Amerikano dito : "Ngayon, ang pagkahumaling na ito ay walang hangganan ... mayroong higit sa 260 [iba't ibang uri ng] 12-hakbang na mga programa sa Amerika."[5]
Ang isang kadahilanan na kung bakit napakarami nating problema sa pagkamit ng kaligayahan ay wala tayong ideya tungkol sa kung ano ito. Dahil dito, gumagawa tayo ng hindi magandang paghusga sa buhay. Isang Islamikong kuwento na naglalarawan ng ugnayan ng paghusga sa kaligayahan.
"Oh, mahusay na pantas, Nasrudin," sabi
ng isang sabik na estudyante, "Kailangan kong tanungin
sayo ang isang importanteng tanong, ang sagot
na lahat ay hinahanap: Ano ang sekreto
sa pagkamit ng kaligayahan?"
Napaisip si Nasrudin ng saglit,
at sumagot. "Ang sekreto ng
kaligayan ay mabuting paghusga."
"Ah," sabi ng estudyante. "Ngunit paano
natin makakamit ang mabuting paghusga?
"Mula sa karanasan," tugon ni
Nasrudin.
"Oo," sabi ng estudyante. "Ngunit paano
natin makakamit ang karanasan?’
"Maling paghusga."
Ang isang halimbawa ng ating mabuting paghuhusga ay ang pag-alam na ang mga materyalistikong ginhawa ay hindi humahantong sa pangmatagalang kaligayahan. Nang makamit ang konklusyon na iyon sa pamamagitan ng ating mabuting paghuhusga, hindi tayo nananatili sa ating mga kaginhawahan. Patuloy tayong nagnanasa sa kaligayahan na tila hindi maaabot. Nagpaparami ng pera sa pagiisip na ito ang daan upang maging masaya, at sa pamamaraan na ito napapabayaan natin ang ating pamilya. Karamihan sa mga malalaking kaganapan na pinapangarap natin ay nagbubunga lamang ng mas kaunting kaligayahan kaysa sa inaasahan natin. Bilang karagdagan sa pagkamit ng mas kaunting kaligayahan kaysa sa inaasahan o minimithi natin, madalas nating hindi alam ang eksaktong nais natin, kung ano ang magpapasaya sa atin o kung paano makukuha ito. Nagiging mali ang paghusga natin.
Ang pagtitiyaga sa kaligayahan ay hindi nagmula sa 'paggawa nito.' Isipin ang isang tao na maaaring mag-pitik ng kanilang mga daliri at bibigyan ka ng katanyagan, yaman, at paglilibang. Magiging masaya ka ba? Ikaw ay matutuwa sa galak, ngunit sa kalaunan. Unti-unti kang masasanay sa bago mong kalagayan at ang buhay ay babalik sa pangkaraniwan. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga nagwagi sa loterya pagkatapos ng ilang buwan ay hindi mas masaya kaysa sa pangkaraniwan na tao! Upang mabawi ang kasiyahan, kakailanganin mo na ngayon ng isang mas mataas pa na bagay.
Isaalang-alang din, kung paano natin "ginawa." Noong 1957, ang bawat kita ng bawat tao, paghahalintulad sa dolyar ngayon, ay mas mababa sa $8,000. Ngayon ay $16,000. Sa doble na kita, mayroon na tayong doble na mga materyal na bagay na mabibili ng pera - kasama na ang dalawang beses na mas maraming kotse bawat tao. Mayroon din tayong mga microwave oven, color TVs, VCRs, answering machines, at $12 bilyon kada taon na nagkakahalaga ng mga brand-name na sapatos na pang-atleta.
Kaya mas masaya ba tayo? Hindi. Noong 1957, 35 porsyento ng mga Amerikano ang nagsabi sa National Opinion Research Center na sila ay "napakasaya." Noong 1991, 31 porsyento lamang ang nagsabi ng pareho.[6] Samantala, ang mga porsyento ng pagkalumbay ay lumaki.
Ang Propeta ng Awa ng Diyos ay nagsabi:
"Ang tunay na pagpapayaman ay hindi mula sa pagpaparami ng kayamanan bagkus ang tunay na pagpapayaman ay ang pagpapayaman ng kaluluwa." (Saheeh Al-Bukhari)
Mga talababa:
[1] City of God, (XIX.4-10). (http://www.humanities.mq.edu.au/Ockham/y6705.html).
[2] Notes for an Autobiography, 1821.
[3] De Consol. iii.
[4] Civilization and Its Discontents, (1930).
[5] In Therapy We Trust: America’s Obsession With Self-Fulfillment.
[6] Center for a New American Dream, 2000 Annual Report. (http://www.newdream.org/publications/2000annualreport.pdf)
Kaligayahan sa Islam (bahagi 2 ng 3): Ang Kaligayahan at Agham
Paglalarawanˇ: Ang Islam ay sumasang-ayon sa mga siyentipikong hakbang sa pagkamit ng kaligayahan.
- Ni Aisha Stacey (© 2011 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 09 May 2019
- Nag-print: 11
- Tumingin: 5,834
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang unang bahagi ng Kaligayahan sa Islam ay tinalakay ang ebolusyon ng kaligayahan sa pananaw ng kanluran at ang epekto nito sa kulturang kanluran. Sa pangalawang bahagi susuriin muli natin ang mga kahulugan ng kaligayahan at pag-uusapan ang kaugnayan sa pagitan ng agham at kaligayahan at kung paano ito nauugnay sa mga katuruan ng Islam. Ang online na diksyunaryo ng Merriam Webster ay tumutukoy sa kaligayahan bilang isang estado ng kasaganahan o pagkakuntento, isang kaaya-aya o kasiya-siyang karanasan. Madalas na tinutukoy ng mga pilosopo ang kaligayahan bilang pamumuhay nang maganda. Ang kaligayahan ay tinukoy din bilang isang estado ng kasaganahan, na inilalarawan sa pamamagitan ng mga damdamin na mula sa pagkakontento hanggang sa masidhing kagalakan.
Sa mga nakaraang taon, pinag-aaralan ng mga sikologo(psychologist) at mananaliksik ang mga tao sa buong mundo upang malaman kung ano ang eksaktong nagpapasaya sa atin. Ito ba ay pera, pag-uugali, kultura, ala-ala, kalusugan, o altruismo? Ang mga bagong natuklasan ay nagmumungkahi na ang mga pagkilos ay may positibong epekto sa kaligayahan. Ang Yes! na Magasin" ay mayroong listahan ng mga napatunayan na estratehiya sa siyensya para maging masaya. Hindi nakakagulat na parehas ang paraan ng sagot tulad sa paraan ng Diyos at Kanyang Sugo na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) na itinuro sa atin kung paano kumilos, na kung saan ay nagpapahiwatig ng pagiging perpekto ng Islam.
Narito, at walang partikular na pagkakasunud-sunod, ang pitong "siyentipikong" napatunayan na mga paraan upang madagdagan ang kaligayahan.
1. Iwasan ang pagkukumpara
Ayon sa Stanford psychologist na si Sonja Lyubomirsky[1], ang pagtuon sa ating pansariling tagumpay sa halip na ihambing ang ating sarili sa iba, ay nagdudulot ng higit na kasiyahan. Sinasabi ng Diyos sa Quran,
"At huwag mong pagurin ang iyong mga mata sa pagnanasa sa mga bagay na Aming ipinagkaloob bilang paglilibang sa maraming pangkat (sila na mga hindi sumasampalataya sa Kaisahan ni Allah at mapagsamba sa mga diyus-diyosan), at sa karilagan ng buhay na ito, (ito) ay upang Aming masubukan sila. Datapuwa’t ang biyayang nakalaan (gantimpala sa Kabilang Buhay) mula sa iyong Panginoon ay higit na mainam at nagtatagal." (Quran 20:131)
2. Ngumiti, kahit na dimo ramdam na ngumiti.
"Ang masasayang tao ... ay nakikita ang mga posibilidad, pagkakataon, at tagumpay. Kapag iniisip nila ang hinaharap, sila ay maparaan, at kung binabalikan nila ang nakalipas, inaalala nila ang mga pinaka magagandang nalasap nila," ayon kina Diener at Biswas-Diener.[2]
Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi, "Huwag maliitin ang anumang mabuting gawa, kahit na binabati mo lamang ang iyong kapatid na may kasamang masayang ngiti."[3] at "ang pag-ngiti mo sa iyong kapatid ay kawanggawa mula sayo."[4]
Sinabi ng isa sa mga kasamahan ni Propeta Muhammad, "Mula sa araw na tinanggap ko ang Islam, ang Sugo ng Diyos ay hindi ko nakakasalubong na walang ngiti sa kanyang mukha."[5]Ang yumaong iskolar ng Islam na si Sheikh Ibn Baaz, kawaan siya ni Allah, ay nagsabi, "Ang isang nakangiting mukha ay nagpapahiwatig ng isang mahusay na kalidad at nagsasanhi ng pinagpalang mga bunga - ipinapahiwatig nito na ang puso ng isang tao ay walang bahid ng sama ng loob at nagiging sanhi ito ng paglago ng pagmamahalan sa pagitan ng mga tao".
3. Lumabas at mag ehersisyo.
Sa isang pag-aaral ng Duke University ay nagpapakita na ang ehersisyo ay maaaring kasing bisa ng mga gamot sa paggagamot ng depresyon (pagkalungkot). Sinabi ni Propeta Muhammad: "Ang isang malakas na mananampalataya ay mas mainam at mas kamahal-mahal sa paningin ng Diyos kaysa sa isang mananampalatayang mahina."[6]Hindi lamang niya tinutukoy ang mga tuntunin ng pananampalataya at pagkatao, kundi pati na ang pinakamabuting kalagayan sa kalusugan at kalakasan ng katawan ay kanais-nais na katangian ng isang mananampalataya.
4. Makipagkaibigan at pahalagahan ang pamilya.
Ang mga mas masasayang tao ay nagkakaroon ng mabuting pamilya, kaibigan, at mga relasyon na nagsusuporta, sabi ni Diener at Biswas-Diener.[7] "Hindi lamang natin kailangan ang mga relasyon, kailangan natin yaong mga malalapit" na nakaka-unawa at nag-aalaga. Sinabi ni Allah, ang Kataas-taasan:
"Paglingkuran ninyo si Allah at huwag kayong magtambal ng anuman sa pagsamba sa Kanya, at magsigawa kayo ng kabutihan sa mga magulang, mga kamag-anak, mga ulila, sa mahirap na humihingi, sa kapitbahay na malapit sa pagkakamag-anak, sa kapitbahay na hindi malapit sa inyo, ang mga kasamahan na malapit sa inyo, ang mga napapaligaw (na inyong nakadaop) at sa mga sakop ng inyong kanang kamay. Katotohanang si Allah ay hindi nagmamahal sa mga mayayabang at hambog." (Quran 4:36)
Sinabi ni Propeta Muhammad, "Kabilang sa mga bagay na nagdudulot ng kaligayahan sa isang mananampalataya sa buhay na ito ay isang matuwid na kapitbahay, isang maluwang na bahay at isang magandang klaseng kabayo."[8]Ang Islam ay naglalagay ng malaking diin sa pagkakaisa ng mga pamilya, kapitbahayan at mas malawak na komunidad.
5. Magpasalamat nang taos-puso.
Ang mga taong nagpapanatili o nagtatala ng lingguhang talaarawan ng pasasalamat ay mas malusog, mas maaasahan, at mas maari makagawa ng hakbang sa pagkamit ng mga personal na hangarin, ayon sa may-akda na si Robert Emmons[9].
Sa kalagitnaan ng mga aral ng Islam ay ang ideya na para maging masaya o kontento ay dapat tayong magpasalamat sa Diyos, hindi lamang para sa kung ano ang nakikita natin na biyaya kundi para sa lahat ng mga pangyayari. Anumang kalagayan na matatagpuan natin sa ating sarili ay nagpapasalamat tayo at natitiyak na mabuti ito para sa atin basta alam natin na sinusunod natin ang mga turo ng Diyos. Sinabi ng Diyos:
"Samakatuwid, inyong alalahanin Ako (sa pagdarasal at pagluwalhati). Aalalahanin Ko (rin) kayo. Magkaroon kayo ng damdamin ng pasasalamat sa Akin (sa hindi mabilang na biyaya na ipinagkaloob Ko sa inyo), at huwag magtakwil sa pananampalataya." (Quran 2:152)
(gunitain) nang ipahayag ng inyong Panginoon sa madla: “Kung kayo ay may utang na loob ng pasasalamat (sa mga biyaya ni Allah), kayo ay higit Kong pagkakalooban, subalit kung kayo ay walang pasasalamat, katotohanan, ang Aking parusa ay tunay na matindi.’ (Quran 14:7)
6. Ipamigay mo na, Ipamigay mo na ngayon!
Gawin ang altruism (mas iniisip ang kapakanan ng iba), at magbigay kawanggawa, gawin itong bahagi ng iyong buhay, at maging determinado tungkol dito. Sinabi ng mananaliksik na si Stephen Post na ang pagtulong sa kapwa, pagboboluntaryo, o pamimigay ng mga kalakal at serbisyo ay nagsasanhi sa isang "helper's high," (kasiyahang di mapantayan) at mas nakakakuha ka ng mas maraming benepisyo sa kalusugan kaysa sa pag-eehersisyo o pagtigil sa paninigarilyo.
Hinihikayat ng Islam ang mga tao na maging mapagbigay sa pamilya, kaibigan, kapitbahay, estranghero at maging mga kaaway. Ito ay binanggit nang paulit-ulit sa buong Quran at ang mapananaligang tradisyon ni Propeta Muhammad.
"Ipagbadya: “Katotohanan, ang aking Panginoon ang nagpapasagana at nagpapadahop ng panustos na kabuhayan sa Kanyang mga alipin na Kanyang maibigan, at anumang bagay na gugulin ninyo (tungo sa Kapakanan ni Allah), katiyakang ito ay Kanyang pinapalitan, sapagkat Siya ang Pinakamainam sa lahat ng mga nagbibigay ng panustos." (Quran 34:39)
Ang mga tao ay lumapit kay Propeta Muhammad, at nagtanong, "Paano kung ang isang tao ay walang maibibigay, ano ang gagawin niya?" Sinabi niya, "Dapat siyang magtrabaho gamit ang kanyang mga kamay at makinabang dito at magbigay din sa kawanggawa (mula sa kung ano ang kinikita niya)." Itinanong pa ng mga tao, "Kung hindi niya magagawa iyon?" Sumagot siya, "Dapat niyang tulungan ang nangangailangan na humingi ng tulong." Pagkatapos ay tinanong ng mga tao, "Kung hindi niya magagawa iyon?" Sumagot siya, "Kung gayon dapat siyang magsagawa ng mabubuting gawa at iwasan ang mga masasamang gawa at ito ay magiging katumbas ng kawanggawa."[10]
7. Gawin pinaka-huli ang pera sa listahan ng iyong mga prayoridad (mga dapat unahin).
Ang mga taong ginagawang pinakauna ang pera sa kanilang listahan ng prayoridad ay mas nasa panganib sa pagkalumbay, pagkabalisa, at mababang pagpapahalaga sa sarili, ayon sa mga mananaliksik na sina Tim Kasser at Richard Ryan. Sinabi ng Sugo ng Diyos, "Maging masaya, at umasa sa kung ano ang nagpapalugod sainyo. Sumpa man sa Diyos, hindi ako natatakot na kayo ay maghirap, ngunit natatakot ako na ang makamundong kayamanan ay ipagkaloob sainyo tulad ng ito ay ipinagkaloob sa mga nabuhay bago sainyo. Kaya't kayo ay makikipagkumpitensya sa bawat isa para rito, tulad ng kanilang pakikipagkumpitensya para dito at sisirain kayo tulad ng ginawa nito sa kanila."[11]
Ang kaligayahan ay hindi lamang matinding kagalakan, may kinalaman din ito sa pagkakontento. Sa susunod na artikulo susuriin natin ang papel ng kaligayahan sa Islam at tutuklasin na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay ang landas patungo sa pagiging matuwid, pagkakuntento at kaligayahan.
Mga talababa:
[1] The How of Happiness: A Scientific Approach to Getting the Life You Want, Sonja Lyubomirsky, Penguin Press, 2008
[2] Happiness: Unlocking the Mysteries of Psychological Wealth, Ed Diener and Robert Biswas-Diener, Blackwell Publishing Ltd, 2008
[3]Saheeh Muslim
[4]Saheeh Al-Bukhari
[5]Saheeh Al-Bukhari
[6]Saheeh Muslim
[7] Happiness: Unlocking the Mysteries of Psychological Wealth, Ed Diener and Robert Biswas-Diener, Blackwell Publishing Ltd, 2008
[8] Naiulat na may saheeh isnad ni al-Hakim.
[9] Thanks! How the New Science of Gratitude Can Make You Happier, Robert Emmons, Houghton Mifflin Company, 2007
[10] Saheeh Al-Bukhari
[11] Ibid.
Kaligayahan sa Islam (bahagi 3 ng 3): Ang Kaligayahan ay Matatagpuan sa Taos-Pusong Pagsamba
Paglalarawanˇ: Ang mga utos ng Diyos ay nakadisenyo upang magdala ng kaligayahan.
- Ni Aisha Stacey (© 2011 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 11
- Tumingin: 8,222
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa Bahagi 1, tinalakay natin ang ebolusyon ng kaligayahan sa pananaw ng kanluran, at ang epekto nito sa kultura ng kanluran. Sa bahagi 2, muling sinuri natin ang mga kahulugan ng kaligayahan at sinubukan na maunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng agham at kaligayahan. Ngayon, sa bahagi 3, malalaman natin ang tungkol sa kaligayahan sa mga katuruan ng Islam.
Ang Islam ay ang relihiyon na higit pa sa isang relihiyon; ito ang relihiyon na isang kumpletong paraan ng pamumuhay. Walang maliit o malaking bagay na hindi sakop ng mga katuruan ng Islam. Magalak at maging masaya, manatiling positibo at maging mapayapa.[1]Ito ang itinuturo sa atin ng Islam, sa pamamagitan ng Quran at ng tunay na mga turo ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang bawat utos ng Diyos ay naglalayong magdala ng kaligayahan sa indibidwal. Naisasagawa ito sa lahat ng aspeto ng buhay, pagsamba, ekonomiya, at lipunan.
"Sinuman ang gumagawa ng kabutihan, maging lalaki at babae, habang siya ay nananatili na isang sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah, sa Islam), katotohanan, sa kanya ay igagawad Namin ang isang mabuting buhay (sa mundong ito ng may paggalang, kasiyahan, at pinahihintulutang kabuhayan [ikabubuhay]), at katiyakan na Aming babayaran sila ng gantimpala ng ayon sa (sukat o timbang) ng pinakamainam sa kanilang ginawa (alalaong baga, ang Paraiso sa Kabilang Buhay).” (Quran 16:97)
Tulad ng napagtanto ng karamihan sa atin, ang kaligayahan ay ang mataas na kalidad na sumasaklaw sa kasiyahan at kapayapaan; ang munting kaligayahan ang nagiging sanhi para sa ating mga labi, mukha at puso na ngumiti. Natutukoy ito sa pamamagitan ng pananalig sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Sa gayon ang kaligayahan ay naglalagay ng seguridad, kapayapaan at pagtalima at ito ang sa Islam. Ang mga utos at patakaran ng Islam ay nagpapatibay sa kaligayahan na nagmumula sa pagkilala sa Diyos at nakakatulong ito upang matiyak ang kaligayahan ng tao sa buhay sa mundong ito. Gayunpaman, binibigyang diin din ng Islam na ang buhay ng mundong ito ay walang iba kundi isang paraan upang matamo ang Kabilang Buhay. Sa pagsunod sa mga alituntunin ng Islam posible na maging masaya habang hinihintay ang ating walang hanggang kaligayahan.
Minsan, upang makamit ang kaligayahan, sinisikap ng mga tao na sundin ang mga kumplikadong landas; nabigo silang makita ang mas madaling landas at ito ang Islam. Ang kaligayahan ay matatagpuan sa aliw na nagmumula sa pagiging totoo. Maaari itong makamit sa pamamagitan ng taimtim na pagsamba, walang pag-aatubili sa mabuti, marangal at magagandang gawain, at sa pagsasagawa ng mga mabuting pakikitungo o pagbibigay ng kawanggawa. Lahat ng mga bagay na ito ay may potensyal na mapasaya tayo, araw-araw, sa anumang mga kalagayan. Kahit na ang pagbibigay ng pinakamaliit na kawanggawa, upang masiyahan ang Diyos, ay maaaring magdala ng isang ngiti sa iyong mukha at isang pakiramdam ng kagalakan sa iyong puso.
“At ang nakakahalintulad ng mga gumugugol ng kanilang kayamanan na naghahangad na magbigay lugod kay Allah at upang patibayin ang kanilang kaluluwa ay tulad ng isang halamanan na malago at malusog; ang malakas na ulan ay bumuhos dito at ito ay nagbunga ng higit na maraming ani, at kung ito man ay hindi tumanggap ng malakas na ulan, ang kaunting pagkabasa nito ay sapat na. Si Allah ang Ganap na Nakakamasid sa anumang inyong ginagawa.” (Quran 2:265)
Sinabi ni Propeta Muhammad, "Tunay na kamangha-mangha ang mga gawain ng isang mananampalataya!Lahat ng ito ay para sa kanyang ikabubuti. Kung bibigyan siya ng kadalian, nagpapasalamat siya, at mabuti ito para sa kanya.At kung siya ay dinapuan ng isang paghihirap, nagtitiis siya, at ito ay mabuti para sa kanya."[2] Ang likas na kalagayan ng tao ay nangangahulugang sa gitna ng kaligayahan ay maaaring magkaroon ng malaking kalungkutan at sa loob ng sakit at kawalan ng pag-asa ay maaaring may malaking kagalakan. Tatanggapin ng isang mananampalataya ang tadhana ng Diyos para sa kanya at mamumuhay ng isang maligayang buhay na malaya sa kawalan ng pag-asa o kapighatian.
Ang Islam ay may sagot sa lahat ng mga problema na dumadapo sa sangkatauhan, at ang pag-alam na ito ay humahantong sa kaligayahan, sapagkat nagsasanhi ito na tumingin tayo sa labas ng pangangailangan sa pansariling kasiyahan, at ang pangangailangang maglikom ng mga pag-aari. Ang pagsunod sa turo ng Islam at pagsisikap na kalugdan ng Diyos ay isang palagiang paalala na ang buhay na ito ay walang iba kundi isa lang pansamantalang paghinto sa daan patungo sa buhay na walang hanggan.
“Datapuwa’t sinumang sumuway sa Aking Paala-ala (alalaong baga, hindi naniniwala sa Qur’an at hindi sumusunod sa mga pag-uutos nito), katotohanang sasakanya ang buhay ng kahirapan at siya ay bubuhayin Naming muli na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” (Quran 20: 124)
Sinabi ng Diyos sa Quran, “Katotohanan! Ako si Allah! La ilaha illa Ana (Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Akin).” (20:14). Ang susi sa kaligayahan ay ang pagkilala at pagsamba sa Diyos. Kapag ang isang sumasamba ay inaalala ang Lumikha bilang Siya na dapat sambahin at alalahanin, ang kaligayahan ay maaaring mapagmasdan sa buong kapaligiran natin, sa anumang sandali at maging sa pinakamadilim na gabi. Nariyan ito sa ngiti ng isang bata, sa haplos ng isang nakikiramay na kamay, sa pag-ulan sa marupok na lupa, o sa amoy ng tagsibol. Ang mga bagay na ito ay makapagpapasaya sa ating puso sapagkat ang mga ito ay pagpapakita ng awa at pagmamahal ng Diyos. Ang kaligayahan ay matatagpuan sa pagsamba.
Upang mahanap ang totoong kaligayahan dapat nating hangarin na makilala ang Diyos, lalo na sa pamamagitan ng Kanyang mga pangalan at katangian. Ang paghahanap ng kapaki-pakinabang na kaalaman ay nagdudulot ng kaligayahan. Ang mga anghel ay pinapagaspas ang kanilang mga pakpak at nagsusulat ng mga talaan ng mga naghahanap ng kaalaman; ang pag-iisip lamang nito ay nagdudulot ng isang ngiti ng kaligayahan sa mukha ng isang mananampalataya. Naunawaan ng nauna sa atin na matutuwid ang pagkakaroon ng kaligayahan at kagalakan na matatagpuan sa pagsusumikap na maging malapit sa Diyos.
Ang magaling na iskolar ng Islam na si Ibn Taymiyyah, kahabagan siya ni Allah, minsan ay sinabi, "Minsan akong nagkasakit at sinabi sa akin ng manggagamot na ang pagbabasa at pagbibigay ng mga talakayan tungkol sa kaalaman ay magpapalala lamang sa aking kalagayan. Sinabi ko sa kanya na hindi ko kayang talikuran ang mga hangarin na ito. Tinanong ko siya kung ang katawan ay nagiging mas malakas at ang sakit ay natatanggal kung ang kaluluwa ay nakakaramdam ng kaligayahan at ligaya. Tumugon siya ng may pagsang-ayon, kaya't sinabi ko ang kaluluwa ko ay nakakatagpo ng kagalakan, ginhawa at lakas sa kaalaman".
Makakamit lamang natin ang perpektong kaligayahan kung namumuhay na tayo ng walang hanggan sa Paraiso. Doon lamang tayo makakahanap ng kabuuang kapayapaan, katahimikan at seguridad. Doon lamang tayo malaya sa takot, pagkabalisa at sakit na bahagi ng kalagayan ng tao. Gayunpaman ang mga patnubay na ibinigay ng Islam ay nagpapahintulot sa atin, na mga hindi perpektong tao, na maghanap ng kaligayahan sa mundong ito. Ang susi sa pagiging masaya sa mundong ito at ang susunod ay paghahanap sa ikakalugod ng Diyos, at pagsamba sa Kanya, nang walang iniuugnay na mga katambal sa Kanya.
At mayroon (sa karamihan) ng mga tao ang nagsasabi: “Aming Panginoon! Inyo kaming pagkalooban ng mabuti sa mundong ito at ng mabuti sa Kabilang Buhay, at Inyo kaming iadya sa kaparusahan ng Apoy!” (Quran 2:201)
Magdagdag ng komento