Kaligtasan sa Islam (bahagi 3 ng 3): Ang Pagbabalik-loob
Paglalarawanˇ: Ang Pagbaballik-loob ay tanda ng daan tungo sa kaligtasan.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,856 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang daan tungo sa kaligtasan ay sa pamamagitan ng tiyak na paniniwala na mayroon lamang Nag-iisang Diyos at Siya ay Laging Mapagpatawad at Maawain. Ang Islam ay nagsasaad nang walang-pasubali na wala talagang konsepto ng orihinal na kasalanan at ang Diyos ay hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng dugo upang patawarin ang sangkatauhan para sa kanilang mga kasalanan at mga paglabag.
“Sabihin: "O Aking mga alipin na nagmalabis laban sa kanilang mga sarili (sa paggawa ng mga kasalanan)! Huwag kayong mawalan ng Pag-asa mula sa Habag ng Diyos, katotohanan, pinatatawad ng Diyos ang lahat ng kasalanan. Katiyakan, Siya ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka Maawain.” (Quran 39:53)
Ang paggawa ng pagkakamali, ang pagkukulang sa ating pagsunod sa Diyos, pagkalimot, at paggawa ng mga kasalanan ay bahagi ng di-perpektong katangian ng sangkatauhan. Walang tao na malaya sa kasalanan, kahit gaano man kabuti ang makita sa atin sa panlabas sapagkat ang bawat tao ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nababatid ito nang kausapin niya ang kanyang mga kasamahan.
“Sa pamamagitan ng Nag-Iisa na Siyang may hawak sa aking kaluluwa, kung hindi kayo makagawa ng kasalanan ay aalisin kayo ng Diyos at magdadala ng mga taong makakagawa ng kasalanan kaya manalangin kayo para sa kapatawaran.”[1]
“Bawat angkan ni Adan ay nagkakasala at ang pinakamabuti sa mga nagkakasala ay yaong mga nagbabalik-loob.”[2]
Lahat tayo ay madaling matukso, lahat tayo ay nagkakasala, at lahat tayo ay nangangailangan ng kapatawaran. Tayo ay may likas na pangangailangan na mapalapit sa Diyos at ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay Kanyang ginawa na ang landas ng kapatawaran ay maging madali. Naranasan mismo ng Propeta Muhammad ang sobrang kagalakan na nagmumula sa pakiramdam na "totoo" sa kaniyang Panginoon. Kanyang sinabi, “Sumpa man, hinahangad ko ang kapatawaran ng Diyos at bumabaling ako sa Kanya sa pagsisisi nang mahigit pitumpung beses bawat araw.”[3]
Ang Diyos, na Taga-Paglikha ay sukdulang batid ang sangkatauhan, alam Niya ang ating mga kahinaan at pagkukulang, at kaya Niya inutos ang pagbabalik-loob para sa atin at hinayaan ang pintuan tungo sa pagbabalik-loob na bukas hanggang sa sumikat ang araw mula sa kanluran (kalapit sa Araw ng Paghuhukom).
“At magbalik-loob kayo [sa pagsisisi] at sumunod ng may tapat na Pananampalataya sa inyong Panginoon at tumalima kayo sa Kanya, bago dumating ang parusa sa inyo, [sapagkat] pagkaraan [niyan] kayo ay hindi na matutulungan.” (Quran 39:54)
“O kayong mga naniniwala! Magbalik-loob kayo sa Diyos nang may tapat na pagsisisi! Maaaring pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papapasukin sa mga hardin na sa ilalim nito ay may mga batis na umaagos (Paraiso)…”(Quran 66:8)
“At kayong lahat ay humingi sa Diyos ng kapatawaran para patawarin kayong lahat, O kayong mga naniniwala, upang sakali kayo ay magsipagtagumpay.” (Quran 24:31)
Ang pagbabalik-loob ay kasing dali ng pagbaling sa Diyos at paghingi ng Kanyang awa at kapatawaran. Sa pinakamadilim na oras o pinakamahabang gabi, hinihintay ng Diyos ang lahat ng humiling sa Kanya, at magbalik-loob sa Kanya.
“Ang Diyos ay iniaabot ang Kanyang kamay sa gabi upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa umaga, at Kanyang iniaabot ang Kanyang kamay sa araw upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa gabi, (at magpapatuloy ito) hanggang sa pagsikat ng araw mula sa kanluran.”[4]
Walang mga pagkakasalang napakaliit o kasalanang napakalaki na hindi magiging maawain ang Diyos sa taong nanambitan sa Kanya. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nagkuwento tungkol sa isang lalaki na ang mga kasalanan ay tila napakalaki para sa kanya upang magkaroon ng pag-asa sa awa, ngunit ang Diyos ay Pinaka Marunong at Palaging Nagpapatawad. Maging ang mga tao na ang buhay ay walang kasing-gulo at puno ng kadiliman dahil sa kasalanan, ay makakasumpong ng kapanatagan.
“Mayroon sa mga tao na naunang dumating sa inyo na isang lalaking pumaslang ng siyamnapu't siyam na tao. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa isang taong pinaka-maalam sa mundo, at siya ay itinuro sa isang ermitanyo, kaya pumunta siya sa kanya at sinabi na pumaslang siya ng siyamnapu't siyam na tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi sa kanya ng ermitanyo, 'Hindi,' kaya't pinaslang niya ito, sa gayon ito'y nakumpleto sa isang daan. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa may pinaka maalam na tao sa mundo at siya'y itinuro sa isang pantas. Sinabi niya sa kanya na pinaslang niya ang isang daang tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi ng pantas, 'Oo, ano paba ang posibleng humarang sa pagitan mo at ng pagbabalik-loob? Magtungo ka sa gayong bayan, sapagka't doon ay may mga taong sumasamba sa Diyos. Humayo ka at sumamba kasama nila, at huwag kang bumalik sa sarili mong bayan, sapagka't iyon ay isang masamang lugar." Kaya naman ang lalaki ay nag-umpisang maglakbay, subali't nang siya'y nangangalahati na patungo doon (sa kanyang pupuntahan), ay dumating sa kanya ang anghel ng kamatayan, at nagsimulang magtalo ang mga anghel ng awa at ang mga anghel ng poot sa kanya. Sinabi ng mga anghel ng awa: 'Siya ay nagbabalik-loob at naghahanap sa Diyos.' Sinabi ng mga anghel ng poot: 'Wala siyang ginawang anumang mabuting bagay.' Isang anghel na nasa anyo ng tao ang lumapit sa kanila, at hiniling nila na pagpasiyahan niya ang bagay na iyon. Kanyang sinabi, 'Sukatin niyo ang distansya sa pagitan ng dalawang lupain (ang kanyang bayan at ang bayan na kanyang patutunguhan), at alinman sa dalawa na siya ay pinakamalapit ay doon siya mapapabilang. 'Kaya't sinukat nila ang distansya, at natuklasan na siya ay malapit sa bayan kung saan siya ay patungo, kaya't dinala siya ng mga anghel ng awa.” [5]
Sa isa pang bersyon mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, sinasabi roon, na ang lalaki ay mas malapit sa matuwid na bayan ng isang dangkal, kaya't isinama siya sa mga tao nito.[6]
Ang pagbabalik-loob ay mahalaga sa isang tao upang maging daan sa mapayapang buhay. Ang gantimpala ng pagbabalik-loob ay maayos na pamumuhay na malapit sa Diyos at puno ng kapanatagan at kapayapaan ng isipan. Gayunman, may tatlong kundisyon sa pagbabalik-loob. Ang mga ito ay, talikuran ang kasalanan, pagsisihan habambuhay ang nagawang kasalanan at huwag nang bumalik sa kasalanan. Kung ang tatlong kundisyong ito ay natupad nang taos-puso, samakatwid ang Diyos ay magpapatawad. Kung ang kasalanan ay may kinalaman sa karapatan ng ibang tao kung gayon ay may ikaapat na kundisyon. Iyon ay dapat ibalik, kung posibleng maibalik, ang mga karapatang kinuha.
Ang habag at pagpapatawad ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat na Siya ay magpapatuloy sa pagpapatawad. Kung ang isang tao ay tapat, patatawarin siya ng Diyos kahit na sa sandaling ang kamatayan ay umabot na sa lalamunan.
Ang kilalang iskolar na si Ibn Kathir ay nagsabi, "Katiyakan, kapag ang pag-asa sa nabubuhay ay pakaunti na ang Anghel ng Kamatayan ay dumarating upang kunin ang kaluluwa. Kapag ang kaluluwa ay umabot na sa lalamunan, at ito ay unti-unting hinila, sa puntong iyon ay wala ng tatanggaping pagbabalik-loob.'[7]
Ang tunay na pagbabalik-loob ay tanda ng daan tungo sa kaligtasan. Ang Kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba sa Diyos. Walang Diyos kundi Siya, ang Pinaka Makapangyarihan, ang Pinaka Mahabagin, ang Lubos na Mapagpatawad.[8]
Mga talababa:
[1] Saheeh Muslim
[2] At Tirmidhi
[3] Saheeh Al-Bukhari
[4] Saheeh Muslim
[5] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
[6] Saheeh Muslim
[7] Tafsir Ibn Kathir, Chapter 4, verse 18.
[8] Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapatawad ng Diyos mangyaring tingnan ang mga artikulong pinamagatang "Pagtanggap ng Islam" bahagi 1 at 2.(http://www.islamreligion.com/articles/3727/viewall/)
Magdagdag ng komento