Kaligtasan sa Islam (bahagi 2 ng 3): Sambahin at Sundin ang Diyos
Paglalarawanˇ: Monoteyismo ang daan tungo sa kaligtasan sa Islam.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,790 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa unang bahagi ng seryeng 'Kaligtasan sa Islam', nalaman natin na ang kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng pagsamba sa Nag-Iisang Diyos. Siya lamang ang ating sinasamba at sinusunod natin ang Kanyang mga kautosan. Nalaman din natin sa Islam ay hindi kinikilala ang konsepto ng orihinal na kasalanan, bagkus ang mga Muslim ay naniniwala na ang lahat ng tao ay isinilang na walang kasalanan. Sa kasunod na artikulo ay tatalakayin natin ang konsepto ng pagbabayad-sala, iyon ay, ang mamatay si Hesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, at matutuklasan natin na ang konseptong ito ay lubos na tinatanggihan ng Islam. Ang Kaligtasan sa Islam ay sa pamamagitan ng tawheed, monoteyismo.
Ang Tawheed ay salitang Arabe na ang ibig sabihin ay kaisahan, at kapag pinag-uusapan natin ang tawheed na may kaugnayan sa Diyos ang ibig sabihin nito ay napagtatanto at pinagtitibay ang kaisahan ng Diyos. Ito ay paniniwala na ang Diyos ay isa, walang kapareha o katambal. Walang Diyos na karapat-dapat sambahin kundi si Allah, at ito ang pundasyon ng Islam. Sa pagpapahayag nang gayong paniniwala kasama ang paniniwala na si Muhammad ang Kanyang sugo ay ang siyang nagsasanhi sa isang tao para siya'y matawag na Muslim. Ang paniniwala sa tawheed na may katiyakan ay ang garantiya ng kaligtasan.
“Sabihin mo (O Muhammad): Siya si Allah (Diyos), (ang Natatangi) Nag-iisa. Si Allah, ang Walang Hanggan (Saligan). Hindi Siya nagka-anak, ni hindi Siya ipinanganak; at walang makahahalintulad sa Kanya.” (Quran 112)
“Katotohanan! Ako si Allah! Walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya't Ako'y sambahin...” (Quran 20:14)
“Siya ang Tagapagsimula ng mga kalangitan at kalupaan. Paano Siya nagkaroon ng mga anak gayong Siya ay walang asawa? Kaniyang nilikha ang lahat ng bagay at Siya ang Maalam sa lahat ng bagay. Iyan si Allah, ang inyong Panginoon! La ilaha illa Huwa (walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Tagapaglikha ng lahat nang bagay. Kaya sambahin Siya (nang Nag-iisa), Siya ang Tagapangasiwa, Namamalakad sa lahat ng bagay, Tagapag-Alaga, sa lahat ng bagay. Walang mga paningin ang makasasaklaw sa Kaniya, ngunit Kaniyang nasasaklawan ang lahat ng paningin. Siya ang Pinaka Dalubhasa at Pinaka Mabait, ang Lubos na Nakababatid sa lahat ng bagay.” (Quran 6:101-103)
Ang mga Muslim ay sumasamba sa Diyos nang walang anumang tagapamagitan, wala Siyang mga kasosyo, kasamahan, anak na lalaki, anak na babae, o mga katulong. Ang pagsamba ay nakatuon lamang sa Diyos, sapagkat Siya lamang ang Nag-iisang karapat-dapat na pag-alayan ng pagsamba. Wala nang mas makahihigit pa sa Diyos.
Ang paniniwala ng Kristiyano na si Jesus ang anak ng Diyos o siya mismo ang Diyos ay tuwirang sumasalungat sa tawheed. Ang konsepto ng Trinidad, Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay matatag ding tinanggihan ng Islam. Ang ideya ng pagtutubos ng kasalanan ni Hesus (o ang pagligtas sa ating mga kaluluwa) sa pamamagitan ng pagkamatay (sa krus) ay isang konsepto ng ganap na kahangalan sa paniniwala ng Islam.
“O Angkan ng Kasulatan, huwag kayong gumawa ng kalabisan sa inyong relihiyon o magsabi ng anumang tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, anak ni Maria, ay isang sugo ni Allah at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang kaluluwa na nilikha sa pag-uutos mula sa Kanya. Kaya maniwala kayo kay Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag kayong magsabing: "Tatlo!" Magtigil kayo! Ito ay higit na makabubuti para sa inyo. Katotohanan si Allah ay tanging isang Diyos, Luwalhati sa Kanya Siya ay Kataas-taasan sadyang malayo sa pagkakaroon ng anak na lalaki. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan. At si Allah ay Sapat na bilang Tagapangasiwa para sa lahat ng mga pangyayari.” (Quran 4:171)
Ang ideya na si Hesus ay namatay sa krus ay ang sentro sa paniniwala ng mga Kristiyano. Kinakatawan nito ang paniniwala na si Hesus ay namatay para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa madaling salita ang mga kasalanan ng isang tao ay 'tinubos' na ni Hesus, at ang isa ay malaya ng gumawa ng anumang kanyang naisin, sapagkat sa huli nama'y magtatamo siya ng kaligtasan sa pamamagitan ng paniniwala kay Hesus. Ito ay ganap na tinatanggihan ng Islam.
Hindi na kailangan ng Diyos, o maging ng isa sa Propeta ng Diyos na isakripisyo ang kanyang sarili para sa mga kasalanan ng sangkatauhan upang makamit ang kapatawaran. Lahat ng pananaw na ito ay itinatanggi sa Islam. Ang pundasyon ng Islam ay nakasalalay sa kaalaman nang may katiyakan na walang karapat-dapat sambahin malibansa Diyos lamang. Ang Pagpapatawad ay ipinadarama mula sa isang tunay na Diyos; Kaya, kapag humingi ng tawad ang isang tao, kailangang bumaling siya sa Diyos ng may buong pagpapakumbaba kasama nang tunay na pagsisisi at paghingi ng kapatawaran, nangangako na hindi na uulitin ang kasalanan. Sa gayon lamang tayo mapapatawad ng Diyos na Maykapal.
Itinuturo ng Islam na hindi pumarito si Hesus upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan; sa halip, ang layunin niya ay muling pagtibayin ang mensahe ng mga Propetang nauna sa kanya.
“.. Walang karapat-dapat sambahin maliban sa Diyos, ang Natatangi at Nag-iisang Diyos Lamang…” (Quran 3:62)
Ang paniniwala ng Islam patungkol sa pagpako kay Hesus sa krus at kamatayan ay nilinaw. Hindi siya namatay upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan. May planong ipako sa krus si Hesus ngunit hindi ito nagtagumpay; hindi siya namatay kundi iniakyat sa Langit. Sa mga huling araw bago ang pagdating ng Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng paniniwala sa Kaisahan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Quran na sa Araw ng Paghuhukom ay itatanggi ni Hesus ang mga taong pilit na sumasamba sa kanya, o na siya ay kasama ng Diyos (Trinidad).
“At (inyong alalahanin) kapag si Allah ay magsasabi (sa Araw ng Pagkabuhay muli): "O Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa tao: 'ituring niyo ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod kay Allah?" Siya (si Hesus) ay magsasabi: "Luwalhati sa Iyo. Hindi marapat para sa akin ang magsabi ng anumang wala akong karapatan (na sabihin). Kung ito man ay aking nasabi, katiyakang ito ay Iyong mababatid. Batid Mo ang anumang nasa aking kalooban, samantalang hindi ko nababatid ang anumang nasa Iyong Kalooban. Katotohanan, Ikaw ang Maalam sa mga di-nakikitang [bagay o pangyayari]. Wala akong sinabi sa kanila maliban sa kung ano lamang ang Iyong ipinag-utos sa akin [na sabihin]: "Inyong sambahin si Allah, ang aking Panginoon. at ako ay naging saksi sa kanila habang ako ay nananatili sa kanila ngunit nang ako ay Iyong bawiin, [tanging] Ikaw ang Tagapagmasid sa kanila at [tanging] Ikaw ang Saksi sa lahat ng bagay." (Quran 5:116-117)
Sinasabi sa atin ng Diyos sa Quran na mayroon lamang isang kasalanan na walang kapatawaran, at iyon ay para sa isang tao na kapag ito ay namatay na may ini-uugnay sa Diyos at hindi nagbalik-loob mula rito bago siya bawian ng buhay.
“Katotohanan, si Allah ay hindi nagpapatawad [sa isang nagkasala] ng pagtatambal sa Kanya. Ngunit Kanyang pinatatawad ang anumang kasalanang mababa kaysa riyan sa sinumang Kanyang nais. At sinuman ang magtambal ng iba kay Allah, katiyakan, siya ay nakapaglubid ng isang napakalaking kasalanan.” (Quran 4:48)
Sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad, sumakaniya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ipinaalam sa atin na sinabi ng Diyos,"Ako ay ang Makapag-iisa, hindi Ko na kinakailangang magkaroon pa ng katambal. Kaya kung sinuman ang gumagawa ng isang gawain para sa kapakanan ng ibang tao at para sa Akin ang gawaing iyon ay Aking inayawan dahil sa siya'y nagtambal sa Akin".[1]
Gayunpaman, maging ang kasalanang pag-uugnay ng katambal ng Diyos ay mapapatawad kung talagang tunay na magbalik-loob ang tao sa Diyos, ng tapat at lubos na nagsisisi.
“At katiyakan, Ako ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob, at siya ay naniniwala (sa Aking Kaisahan, at walang katambal sa pagsamba sa Akin) at gumagawa ng mga mabubuting gawa, at pagkatapos ay nananatiling palagian sa paggawa ng mga ito (hanggang sa kanyang kamatayan).” (Quran 20:82)
“Sabihin mo sa mga di-naniniwala, na kung sila ay magsitigil (mula sa hindi paniniwala), ang anumang nangyari noon ay patatawarin para sa kanila.” (Quran 8:38)
Bawat tao ay maaaring magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsamba sa Isang Diyos. Ang pananatiling may kaugnayan sa Diyos at pagsisisi mula sa mga pagkakamali at kasalanan ang daan tungo sa kaligtasan. Sa kasunod na artikulo, pag-uusapan natin ang mga kundisyon ng pagbabalik-loob.
Magdagdag ng komento