Ang di Matugunang Hamon
Paglalarawanˇ: Ang kawalan ng kakayahan ng mga Arabo sa panahon ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), mga Arabong sumunod sa kanya, at ang mga di Arabo na matugunan ang hamon ng Quran: na gumawa ng kagaya nito.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 24 Jun 2019
- Nag-print: 1
- Tumingin: 4,457 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Ebidensya
Noong una, ang mga di mananampalatayang taga Mecca ay nagsabing si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ang may akda ng Quran. Tumugon ang Allah sa kanila:
"O sinasabi ba nilang, 'Siya ang may akda nito [nitong mensahe]'?Hindi, subalit hindi sila handang maniwala! Kung gayon, [kung sa akala nila na ito ay gawa ng mortal o tao,] hayaan silang gumawa ng pagdalit (pagbigkas) na katulad nito (Al-Quran). Kung sila ay nag sasabi ng katotohanan! [o sila baga ay nagtatakwil sa pag-iral ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaila sa katotohan ng Kanyang kapahayagan?] Sila baga ay nilikha ng walang anupaman? O sila baga sa kanilang sarili ang manlilikha?" (Quran 52:33-35)
Una, Sa katunayan, hinamon sila ng Diyos na gumawa ng sampung mga kabanata tulad ng Quran:
"O di kaya, sila ay magsasabi, "Siya (Propeta Muhammad) sumakanya nawa ang kapayapaan at pag papala ay nag-imbento nito (ng Quran)" Ipagbadya: "Magdala kayo kung gayon ng sampung surah (mga kabanata) na tulad nito, at tawagin ninyo (para tulungan kayo) kung sinuman ang ibig ninyo, maliban pa kay Allah! - Kung kayo ay nagsasabi ng katotohanan!" At kung sila ay hindi tumugon sa iyo (sa iyong panawagan), inyong malalaman na ang kapahayagang ito ay ipinihayag (sa pamamagitan) ng karunungan ng Diyos at wala ng iba pang Diyos na karapat-dapat na pag-ukulan ng pag samba maliban sa Kanya (Allah)! Hindi baga kayo magiging mga Muslim (ang mga tumatalima sa Islam)?" (Quran 11:13-14)
Subalit ng hindi nila natugunan ang hamon na gumawa ng sampung mga kabanata, binawasan ito ng Diyos at naging isang kabanata na lamang:
"At kung kayo ay nag-aalingan tungkol sa Aming ipinahayag sa Aming alipin (na si Muhammad, sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan), kung gayon kayo ay gumawa ng isang surah (kabanata) na katulad nito at tawagin ninyo ang inyong mga saksi (mga tagapagtaguyod) maliban kay Allah, kung kayo ay makatotohanan (nagsasabi ng totoo). Datapuwat kung kayo ay hindi makagawa - at (katotohanang) kailanman ay hindi ninyo magagawa - inyong pangambahan ang Apoy na ang Kanyang panggatong ay mga tao at bato na siyang inihanda sa mga hindi mananampalataya." (Quran 2:23-24)
Sa huli, hinulaan ng Diyos ang walang hanggan nilang pagkabigo na matugunan ang banal na paghamong ito:
"Ipagbadya: 'Katiyakan, kahit na ang buong sangkatauhan at lahat ng mga Jinn (mga engkanto at mga di nakikitang nilalang ng Allah) [1] ay magsama-sama para makagawa ng gaya nitong Quran, hindi sila makakagawa kahit na magtulungan sila at ubusin ang kanilang mga lakas!" (Quran 17:88)
Ang Propeta ng Islam ay nagsabi:
"Ang bawat Propeta ay binigyan ng 'mga palatandaan' na kung saan dahil dito ang mga tao ay maniniwala sa kanya. Sa katunayan, nabigyan ako ng Banal na Kapahayagan na ipinahayag sa akin ng Diyos. Kaya naman, inaasahan kung magkaroon ng pinakamaraming tagasunod sa lahat ng mga propeta sa Araw ng Pagkabuhay na muli." (Saheeh Al-Bukhari)
Ang mga pisikal na himala na isinagawa ng mga propeta ay para lamang sa panahon na kung saan sila ay umiral, balido lamang para sa mga nakasaksi sa kanila, di kagaya sa patuloy na himala ng ating Propeta, ang Banal na Quran, na hindi ipinagkaloob sa sinumang propeta. Ang matatas na lenggwahe nito, istilo, napakalinaw na mensahe, lakas ng argumento, kalidad ng retorika, at kawalan ng kakayahan ng tao upang makagawa at tumugma man lamang kahit na sa pinakamaikling kabanata hanggang sa pagtatapos ng mundo ang naglagay dito sa katangi-tanging kaibahan. Yaong mga nakasaksi sa paghahayag at sa mga sumunod, lahat ay maaaring makinabang sa taglay nitong bukal ng karunungan. Kaya naman ang Propeta ng Awa (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay umaasa na siya ang may pinakamaraming mga tagasunod sa lahat ng mga propeta, at kanya itong hinulaan sa panahon na kakaunti pa lamang ang nga Muslim, subalit nagsimulang dumagsa ang yumayakap sa Islam. Kaya naman, ang propesiyang ito ay nagkatotoo.
Paliwanag kung Bakit ang Quran ay Di Mapantayan o Walang katulad
Ang Istado ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala)
Siya ay isang ordinaryong tao.
Siya ay walang alam. Di marunong bumasa at sumulat.
Siya ay mahigit 40 na taong gulang ng matanggap ang unang pahayag. Hanggang sa panahon na dumating ang kapahayagan ay di siya mananalumpati, manunula, o taong mahilig magsulat; siya ay isang mangangalakal lamang. Ni hindi nga siya sumulat ng isang tula o nag bigay talumpati sa harap ng mga tao bago siya napiling maging propeta.
Nagdala siya ng aklat na iniuugnay sa Diyos, at lahat ng mga Arabo ay nagkaka-isa na hindi ito mapapantayan o wala itong katulad.
Ang Hamon ng Quran
Ang Quran ay nagbigay ng hamon sa kahit na sino na hindi sumasang-ayon sa Propeta. Ang hamon ay ang gumawa ng isang kabanata (surah) na kagaya nito, kahit na magtulong-tulong pa. Ang tao ay maaring humingi ng tulong kahit na kanino sa mundong ito o sa mundo ng mga espiritu o di nakikitang mga nilalang.
Bakit may Hamon na Ganito?
Una, ang mga Arabo ay manunula. Ang pagtula ang pinakamataas nilang kagayakan at ang karamihan sa kanilang kinatawan ay bumubuo ng mga talumpati o tula. Ang mga tulang-Arabo ay nag-umpisa sa pasalita; ito ay tinig lamang bago nagkaroon ng mga alpabeto. Ang mga manunula ay nakagagawa ng mga masasalimuot o komplikado, ura mismo at kayang mag memorya ng libu-libong linya ng mga tula. Ang mga Arabo ay may komplikadong sistema sa pag-suri ng manunula at ng tula nito para makapasa sa kanilang mga pamantayan. Ang taunang paligsahan ay pumipili ng 'idolo o rebulto' sa pagtula, at inuukit sa ginto at sinasabit sa loob ng Kaaba (sa Mecca), katabi ng rebulto na kanilang sinasamba. At ang mga magagaling ang nagsisilbing mga hurado. Ang mga manunula ay maaring magpasimula ng mga digmaan at magpahupa ng mga labanan sa pagitan ng mga naglalabang mga tribu. Walang kagaya ang kanilang paglalarawan sa mga kababaihan, alak at digmaan.
Pangalawa, ang mga kalaban ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay matindi ang determinasyong supilin siya sa kanyang misyon sa anumang paraan na posible. Ang Panginoon ay nagbigay sa kanila ng hindi marahas na na paraan para mapasinungalingan ang mga sinasabi ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).
Ang Hamon na di Natugunan at mga Kinahinatnan Nito
Saksi ang kasaysayan na ang mga Arabo bago lumaganap ang Islam ay di nakagawa ng kahit isang kabanata para tugunan ang hamon ng Quran.[2] Sa halip na tumugon sa hamon, ay mas pinili nila ang karahasan at nagdeklara ng digmaan laban sa kanya (Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sila, sa lahat ng tao, ang may kakayahan at motibong tugunan ang hamon ng Quran, subalit di nila ginawa. Kung nagawa sana nila, mapapatunayang huwad ang Quran, at ang taong nagdala nito ay mabubulgar na bulaang propeta. Ang katotohanan na ang mga sinaunang Arabo ay hindi nakatugon sa hamon ay nagpapatunay ng pagiging walang katulad at di mapapantayan ng Quran. Ang kanilang halimbawa ay gaya ng isang uhaw na tao sa tabi ng balon, na ang tanging rason ng kanyang pagkamatay ay sa kadahilanang di niya maabot ang tubig!
At saka, ang kawalang kakayahan ng mga nagdaang mga Arabo na tugunan ang hamon ng Quran ay nagpapahiwatig na ang mga Arabo sa susunod na henerasyon ay di kakayaning tugunan ang hamon na ito, dahil sa kanilang kakulangan sa pagiging maalam sa klasikal na Arabe na mayroon ang mga Arabo noong araw. Ayon sa mga linggwistiko ng lenggwaheng Arabe, ang mga Arabo noon at sa panahon ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), maliban sa sumunod sa kanyang henerasyon, ay ang mayroong kumpletong karunungan sa lenggwaheng Arabe, sa mga panuntunan nito, metro, at ryhmes o pagkakatugma ng mga tinig. Sa kasalukuyan ay di na makakapantay ang mga Arabo sa kagalingan ng mga klasikal na Arabo noong araw.[3]
Sa panghuli, ang hamon ay para sa mga Arabo at di mga Arabo. Kung di matugunan ng mga Arabo ang hamon, ang mga di nagsasalita ng Arabe ay lalong di magagawang tanggapin ang hamon. Kung kaya pinagtitibay nito na di talaga mapapantayan o magagaya ang Quran ng mga di Arabo.
Paano kung may magsabi na: 'Malamang ang hamon ng Quran ay natugunan sa panahon ng Propeta, subalit ang mga pahina ng kasaysayan ay di napreserba o napanatili.'
Mula pa noong unang panahon, ang mga tao ay nag-uulat na ng mga mahahalagang pangyayari para sa mga darating na mga henerasyon, lalo na kung ito ay nakaagaw o nakapukaw sa atensyon o di kaya ay inaantabayanan ito ng mga tao. Ang hamon ng Quran ay pinalaganap at sikat, at kung may tumugon dito, ito ay napaka imposible na di maitala at di makarating sa atin. Kung nawala ito sa ulat ng kasaysayan, kung gayon, para na lamang sa argumento, posible rin na di lang iisa si Moises, na di lang iisa si Hesus, at di lang din iisa si Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan at pagpapala); marahil ay maraming mga kasulatan ang naihayag sa mga kathang isip na mga Propetang ito, at posible na walang makaalam sa mundo tungkol dito! Gaya nitong mga sapantaha na walang batayan sa kasaysayan, di rin makatwiran na isipin na ang hamon ay natugunan at di lang ito nakarating sa ating kaalaman.[4]
Pangalawa, kung natugunan nila ang hamon, ang mga Arabo ay pasisinungalingan ang Propeta. Ito ang kanilang magiging pinakamalaking propaganda laban sa kanya (Muhammad). Walang nangyari na ganito, kaya naman, mas pinili nila ang digmaan.
Ang katotohanang walang naglakas ng loob sa mga di Muslim na gumawa ng 'kabanata na gaya sa Quran' ay nangangahulugan na walang sumeryoso sa Quran na tanggapin ang hamon, o di kaya ay tinanggap nila ang hamon pero nabigo. Ito ay nagpapatunay na ang Quran ay di mapapantayan o walang katulad, sa pagiging iba nito at sa walang hanggan na mensahe. Ang pagiging kakaiba ng Quran at ang Banal na mensahe nito para sa sangkatauhan ay ang seguradong indikasyon ng pagiging totoo ng Islam. Sa gitna nito, ang bawat tao ay haharapin o tatanggapin ang isa sa dalawang pagpipilian. Siya ay mamimili, tanggapin na ang Quran ay salita ng Diyos. At sa paggawa nito ay kailangan ding tanggapin na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay pinadala ng Diyos at Kanyang Mensahero. O di kaya ay alam niya na ang Quran ay totoo, subalit pipiliin ng puso na ikaila ito. Kung ang naghahanap ay matapat sa kanyang paghahanap, kailangan niyang siyasatin ang tanong kung bakit ito [Quran] ay walang kapantay o katulad upang mapangalagaan ang panloob na kaseguraduhan na sa wakas ay kanya ng natagpuan ang katotohanan kung ang tinutukoy ay relihiyon.
Mga talababa:
[1]Mga di nakikitang mga nilalang na ang pag-iral ay kagaya sa mga tao.
[2] Ang katotohanan ay pinatotohanan ng mga di-Muslim na mga Orientalists.
Na ang pinakamagagaling na mga Arabong manunulat ay di nagtagumpay na makagawa ng kagaya sa merito ng Quran mismo ay di nakapagtataka...' (E H Palmer (Tr.), The Quran, 1900, Part I, Oxford at Clarendon Press, p. lv).
'...at walang tao o sinuman sa loob ng 1500 na taon ang gumaya na gamitin ang malalim na tunong instrumento nang may kapangyarihan, may katapangan, na tulad ng saklaw ng emosyonal na epekto gaya ni Muhammad...At bilang monumento ito ng panitikan ang Quran sa gayon ay tumatayong mag-isa, isang produkto na kakaiba sa panitikang Arabe, na walang nauna o kahalili sa sarili nitong mga idyuma o sawikain...'.'(H A R Gibb, Islam - Isang pag-susuri sa kasaysayan noong 1980, ng Oxford University Press, p. 28).
at ang mga Kristyanong Arabo:
‘Maraming Kristyanong Arabo ang nag komento sa istilo nito ng may paghanga, at karamihan sa mga Arabo ay kinilala ang kahusayan nito. Kapag binabasa ito ng malakas, mayroon itong nakaka hipnotismong epekto na ang mga nakikinig nito ay kakaiba ang mararamdaman dahil sa kakaibang syntax o palaugnayan nito, at minsan, may nilalamang di kanais-nais para sa amin. Ganito ang kalidad na taglay nito na nagpatahimik sa mga nangungutya sa matamis na musika sa lenggwahe nito na nagbigay daan sa aral na di mapantayan; katotohanan ito ay maaring magpatotoo na sa panitikang Arabe, malawak, at abunda sa parehong mga tula at sa mga nakaka-angat na nobela, wala itong kapareho o pagkukumpara.' (Alfred Guillaume, Islam, 1990 (Reprinted), Penguin Books, pp. 73-74)
[3] Si Rummani (d. 386 AH), na isang klasikal na iskolar, ay nagsulat: Kung may magsasabi: Ikaw ay umaasa sa iyong argumento sa kabiguan ng Arabong taga Disyerto, na hindi kinokonsidera ang mga sumunod na mga klasikal na mga Arabo; ngunit, ayon sa iyo, ang Quran ay himala para sa lahat. Matatagpuan na ang mga sumunod na klasikal na mga Arabo ay mahuhusay sa kanilang pananalita", ang susunod ay maaring isagot, "Ang Bedouin (taga disyertong Arabo) ay nakabuo at may buong pamumuno sa kumpletong gramatikong struktura ng lengwahe. Subalit sa mga sumunod na mga klasikal na mga Arabo ay walang sinumang nakagamit sa buong struktura ng lenggwahe. Ang mga Bedouin na Arabo ay mas makapangyarihan o malakas sa kanilang paggamit sa buong lenggwahe. Subalit dahil sa di nila nagaya ang Quran, kung kaya ang mga sumunod o susunod pang mga Arabo ay mabibigo ng mas matindi pa."' (Mga tekstong pinagkukunan para sa pag-aaral ng Islam, tr. and ed. by Andrew Rippin and Jan Knappart)
[4] Ang argumento ay ginawa ni al-Khattabi (d.388 AH).
Magdagdag ng komento