Ang Kalubus-lubusang Kautusan ni Hesus
Paglalarawanˇ: Isang kautusan na, kung pananatilihin, ay hindi malalayo ang isang tao sa Kaharian ng Diyos na Tagapaglikha.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 05 Aug 2024
- Nag-print: 1
- Tumingin: 3,581 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang lalaki ay isang guro. Itinuro niya ang mga alituntunin ni Moises. Siya ay humanga nang makita si Hesus na sumasagot sa mga katanungan ng mga ipokrito at ehere nang may karunungan:
"Ang isang guro ng kautusan na nakarinig ng kanilang pagtatalo ay dumating. Nabatid niya na mahusay ang pagsagot ni Hesus sa kanila. Tinanong niya si Jesus: Alin ba ang pangunahin sa lahat ng mga utos?’"
Ang kahanga-hangang Guro ay nakaramdam na iyon ang kanyang pagkakataon para tanungin si Hesus, kung ano ang pinakamahalagang kautusan, kung paano siya maliligtas, makakapasok sa buhay at kaharian ng Diyos na Tagapaglikha.
Ngayon, kailangan nating isantabi ang lahat ng ating pagkiling, lahat ng naituro sa atin sa pag-aaral tuwing linggo sa simbahan, at lahat ng mga katuruan ng mga tao. Lahat ng nagmamahal kay Hesus ay dapat na hayaan siyang magsalita:
Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, O Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas mo."
Isang malaking sagot sa isang malaking tanong: tanggapin na ang Diyos na ating Panginoon ay Nag-iisa, mahalin Siya, at sambahin Siya sa pinakamahusay na iyong makakayanan.
Hindi pa tapos si Hesus. Meron pa siyang mga ituturo . Malinaw na pinapaalam ni Hesus sa lalaki ang lahat ng kailangan nitong malaman para makapunta sa Kaharian ng Diyos na Tagapaglikha. Idinagdag ni Hesus:
"…Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili."
Ipinaliwanag pa ng Kahanga-hangang Guro:
"Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito."
Inulit ng lalaking nagtanong kay Hesus ang mga kautusan upang siguraduhin na naunawaan niya ito ng tama:
Marcos 12:32 "‘ Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa Kanya…’"
Nang makita ni Hesus ang lalaki na natutunan nito ng tama ang hingil sa pinakamalaking kautusan, ipinaalam niya ang mabuting balita:
Marcos 12:34: " 'Nang makita ni Hesus na matalinong sumagot ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.’"
May mga mahahalagang aral sa salaysay na ito:
Una, higit pa sa itinanong ng lalaki ang itinuro ni Hesus, ngunit, hindi niya sinabi na siya ay anak ng Diyos, o ang tagapagligtas na isinugo para tubusin ang mga tao sa mga kasalanan. Hindi siya nagsabi ng anumang katulad ng itinuturo sa mga tao na 'muling-pagkakasilang' sa ngalan daw ni Kristo, "Ang bawat isa sa inyo ay nararapat tumanggap sa akin, tanggapin ako bilang anak ng diyos, ang inyong Panginoon at tagapagligtas na mamamatay sa krus para sa inyong mga kasalanan at mabubuhay mula sa pagkakamatay. Hayaang punuin kayo ng banal na espiritu…"
Kunin ang anumang sinabi ni Hesus at iwanan ang mga idinagdag ng mga tao.
Pangalawa, ang kaligtasan ay nakadepende sa kautusang ito. Ginawang malinaw ni Hesus nang mayroong isang lalaking lumapit sa kanya upang matuto. (Marcos 10:17-19). Lumuhod ang lalaki at nagsabi kay Hesus:
Marcos 10:17-18 “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang."
Ikatlo, sinigurado ni Hesus na walang mas nakahihigit sa kautusang ito. Sakaling merong mag-isip na baguhin ang pinakamalaking kautusan kalaunan, si Hesus ay nagsabi:
Mateo 5:17-19 "Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit."
Ika-apat, sinuman na nagmamahal kay Hesus at nagnanais magkaroon ng buhay na walang hanggan ay kailangang sumunod sa pinakamalaking kautusan ni Hesus katulad ng naiulat na kanyang sinabi:
Juan 14:15 "Kung minamahal ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos."
Mateo 19:17 "Kung nais niyo ng buhay (na walang hanggan), sundin ang mga kautusan."
Ikalima, ang isang kristiyanong tapat ay dapat na tumanggap sa mga sinabi ni Hesus nang hindi iniiba ang kanyang mga salita o hinahanapan ng lihim na kahulugan ang mga ito. Ang ipinangaral ni Hesus ay ang mismong ipinangaral ni Moises humigit-kumulang 2,000 taon bago siya:
Deuteronomio 6:4-5: " Pakinggan mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon; at ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas."
Si Hesus, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Dakilang Tagapaglikha, ay nangaral ng mismong walang hanggang katotohanan na ipinangaral ng LAHAT ng propeta ng Dakilang Tagapaglikha sa kanilang lipunan. Ang Diyos ay Nag-iisa, tanging Siya lamang ang sambahin.
Deuteronomio 6:13: " Matakot ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa Kanya at ikaw ay sumumpa sa pamamagitan ng Kanyang pangalan."
Deuteronomio 5:7: "Huwag kayong sasamba sa ibang mga diyos maliban sa Akin."
Isais 43:11 " Ako lang ang Panginoon at maliban sa Akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas."
Hosea 13:4 "Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto. Wala kayong kikilalaning Diyos at Tagapagligtas maliban sa Akin."
Salmo 95:6-7 " Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; Tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin. Sapagkat tayo'y bayan ng Kaniyang pastulan, at mga tupa ng Kaniyang kamay. Ngayon, kung inyong didinggin ang Kaniyang tinig!."
Binigyang-diin din ni Hesus ang katuruang ito kay Satanas:
Mateo 4:10 " Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos at Siya lamang ang iyong paglingkuran."
Ika-anim , pinatototohanan ng Quran ang pinakamalaking kautusan ni Hesus. Ang Quran ay nagtuturo mismo sa atin na ipinadala ng Tagapaglikha ang lahat ng mga propeta na may iisang mensahe: ang sumamba sa Natatanging Tunay na Diyos lamang.
"…at ang inyong Diyos ay Nag-iisang Diyos, walang ibang Diyos maliban sa Kanya…" (Salin ng kahulugan ng Quran 2:163)
"At ipinag-utos ng inyong Panginoon na wala kayong sasambahin maliban sa Kanya..." (Salin ng kahulugan ng Quran 17:23)
"At wala Kaming ipinadala na Sugo na nauna sayo (O Muhammad) liban nalang na naipahayag Namin sa kanya na 'Walang ibang diyos maliban sa Akin, kaya Ako'y inyong sambahin.’" (Salin ng kahulugan ng Quran 21:25)
Ikapito, sa Araw ng muling Pagkabuhay, sinabi sa atin sa Quran na si Hesus ay tatanungin ng Tagapaglikha:
"Alalahanin mo na sasabihin ng Natatanging Tagapaglikha sa Araw ng Muling Pagkabuhay: “O `Hesus na anak ni Marya, ikaw ba, sinabi mo sa mga tao na: ‘Ituring ninyo ako at ang aking ina na dalawang sinasamba bukod sa Natatanging Tagapaglikha?...’" (Salin ng kahulugan ng Quran 5:116)
Si Hesus ay sasagot:
"Tutugon si `Hesus: “Walang hanggang kaluwalhatian sa Iyo, hindi ko maaaring sabihin sa mga tao ang hindi totoo patungkol sa akin. Kung sinabi ko man ito, tiyak na ito ay batid Mo, alam Mo ang nasa aking kalooban, at hindi saklaw ng aking kaalaman ang nasa Iyo. Katiyakang Ikaw ang ‘`Al-lamul-Ghuyub’ – ang Ganap na Nakaaalam ng lahat ng bagay na hindi-lantad. Wala akong sinabi sa kanila kundi ang kung ano lamang ang iniutos Mo sa akin na, 'Sambahin nyo lamang ang Allah na aking Panginoon at inyong Panginoon'. At ako ay saksi sa kanila habang ako ay kasama pa nila. Subalit noong kinuha Mo na ako (ini-akyat sa langit ng buhay), Ikaw lamang ang Nakamamasid sa kanila, at Ikaw ang ‘Shaheed’ – Ganap na Saksi at Tagapagmatyag ng lahat ng bagay. Kung parurusahan Mo sila, katotohanan sila ay Iyong mga lingkod, at kung patatawarin Mo sila - ay katiyakang Ikaw naman ay ‘Al-`Azeez’ - ang Kataas-Taasan at Punung-Puno ng Karangalan na Ganap na Makapangyarihan, na ‘Al-Hakeem’ – ang Ganap na Maalam sa Iyong panukala at sa Iyong pag-aatas." (Salin ng kahulugan ng Quran 5:116-118)
Magdagdag ng komento