Nasaan ang Diyos?
Paglalarawanˇ: Ang Pinaka Makapangyarihang Diyos ay nasa itaas ng mga langit at nakahihigit sa Kanyang mga nilikha.
- Ni Aisha Stacey (© 2009 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 12 Oct 2020
- Huling binago noong 07 Aug 2023
- Nag-print: 1
- Tumingin: 4,945 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 104
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Madalas na ang mga tao ay dumarating sa punto ng pagtatanong sa kanilang mga sarili ng ilan sa mga malalaking katanungan ng buhay. Sa tahimik na kadiliman ng gabi, kapag ang malalayong mga bituin ay kumikislap sa kalawakan, ang kamangha-manghang langit, o sa kalamigan, kahirapan, ang liwanag ng araw sa panahong ang buhay ay mabilis na dumadaan tulad ng isang rumaragasang tren, ang mga tao mula sa iba’t-ibang kulay, lahi at paniniwala ay nag-iisip sa kahulugan ng kanilang pag-iral. Bakit tayo narito? Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Ito lamang ba ang lahat ng mayroon?
Sa mga kamangha-manghang araw na puno ng sikat ng araw at maningning na asul na kalangitan, ibinabaling ng mga tao ang kanilang mga mukha patungo sa araw at pinagmamasdang mabuti ang kagandahan nito. Sa matinding taglamig o marahas na bagyo, kanilang pinagninilayan ang angking lakas ng kalikasan. Sa isang dako ng malalim na pamamahinga ng isip, umuusbong ang konsepto patungkol sa Diyos. Ang pagiging kamang-mangha ng mga nilikha ay panawagan sa puso at kaluluwa. Ang banayad na pagdampi ng nyebe, ang amoy ng bagong gupit na damuhan, ang mahinang patak ng mga butil ng ulan at ang mabagsik na hangin ng bagyo ay mga palatandaang lahat na ang mundong ito ay puno ng kagandahan.
Sa panahong ang sakit at kalungkutan ay nagbabantang bumalot sa atin, ang mga tao ay muling darating sa punto ng pagbubulay-bulay tungkol sa kahulugan ng buhay. Sa gitna ng pagdurusa at pagdadalamhati, umuusbong ang konsepto patungkol sa Diyos. Kahit yaong mga itinuturing ang kanilang mga sarili bilang malayo sa relihiyon o espiritwal na paniniwala ay natatagpuan ang kanilang mga sarili na tumitingin sa kalangitan at nagsusumamo para sa tulong. Kapag ang puso ay nagsisikip at tayo’y nilulukob ng takot, tayo ay mahinang bumabaling patungo sa isang nasa mataas na kapangyarihan. Ang konsepto ng pagkakaroon ng Diyos sa sandaling iyon ay nagiging makatotohanan at makabuluhan.
Sa gitna ng pagmamaaawa at pakikipagkasundo, ang napakalawak na sansinukob ay nalalantad. Ang realidad ng buhay ay napupuno ng pagkamangha at talinghaga. Ito ay tulad sa pagsakay sa rodilyo (paikot-ikot at samut’-saring emosyon). May mga panahon nang matinding kasiyahan, at panahon nang masidhing kalungkutan. Ang buhay ay maaring mahaba at paulit-ulit o maari rin itong maging masaya na walang inaalala. Sa pag litaw ng Diyos at pagiging malinaw ng Kanyang Kadakilaan, mas marami ang nabubuong mga katanungan. Isa sa mga katanungan na hindi maiiwasang dumating sa isipan ng tao ay – nasaan ang Diyos?
Sa buong mundo at sa pagdaan ng maraming henerasyon, ang mga tao ay nagsumikap na bigyang kasagutan ang katanungang nasaan ang Diyos. Ang gusto ng tao ay ang hanapin ang Diyos. Ang mga sinaunang tao ng Babilonya at mga taga-Ehipto ay nagtayo ng mga matataas na tore sa kanilang paghahanap sa Diyos. Ang mga Persyano ay hinanap Siya mula sa mga apoy. Gayundin ang iba, katulad ng mga katutubong mamamayan ng Hilagang America at ang mga Keltiko ay hinanap ang Diyos mula sa mga kahanga-hangang palatandaan ng kalikasan na nakapalibot sa kanila. Ang mga Budista ay hinanap ang Diyos sa kanilang sarili, at sa relihiyon ng mga Hindu (Hinduismo), ang Diyos ay pinaniniwalaang nasa lahat ng lugar at nasa lahat ng bagay.
Ang paghahanap sa Diyos ay maaring maging kalito-lito. Sa paglalahad ng tanong kung ‘nasaan ang Diyos', ang mga lumalabas na kasagutan ay maari ring maging kalito-lito. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Ang Diyos ay nasa iyong puso. Ang Diyos ay naroroon sa lugar kung saan ang kabutihan at kagandahan ay umiiral. Gayunpaman, ano ang mangyayari kung ang iyong puso ay hungkag at ang iyong paligid ay malungkot, marumi at hindi maganda? Ang Diyos ba ay humihinto sa pag-iral? Hindi! Tiyak na hindi! Sa gitna ng pagkalito, ang Islamikong konsepto patungkol sa Diyos ay tila isang parola ng ilaw para sa mga nadarapa sa kadiliman.
Ang paniniwala ng mga Muslim patungkol sa Diyos ay simple at malinaw. Sila ay hindi naniniwala na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar; sila ay naniniwala na ang Diyos ay nasa katas-taasan ng mga kalangitan. Kinakailangang ibaling ng tao ang kanyang mga paningin sa kalangitan sa panahon ng kaguluhan at ang bangayan ay isang natural na kasagutan sa katanungang, ‘nasaan ang Diyos?’. Sinabi sa atin ng Dakilang Tagapaglikha sa Quran na Siya ang Pinaka Kataas-taasan (Quran 2:255) at na Siya ay Nakahihigit sa Kanyang mga nilikha.
“Siya ang lumikha sa mga kalangitan at sa kalupaan sa loob ng anim na araw, at pagkaraan ay pumaitaas sa Kanyang Trono [sa paraang angkop sa Kanyang Kadakilaan]. Nababatid Niya ang anumang pumapasok sa kalupaan at ang anumang lumalabas mula rito at ang anumang bumababa mula sa kalangitan at ang anumang umaakyat patungo rito. At Siya ay nasa sa inyo [sa pamamagitan ng Kanyang Karunungan] saan man kayo naroroon. At Siya ay Lubos na Nakakikita sa anumang inyong ginagawa.” (Quran 57:4)
Si Propeta Muhammad ay kilalang tumuturo sa langit kapag pinatutungkulan niya ang Dakilang Tagapaglikha. Kapag siya ay nananalangin sa Dakilang Tagapaglikha, itinataas niya ang kanyang mga kamay sa langit. Sa kanyang talumpati ng pamamaalam, tinanong ni Propeta Muhammad ang mga tao, “Hindi ba't naiparating ko ang mensahe?” at sila ay nagsabing, “Oo!” Siya ay muling nagtanong, “Hindi ba't naiparating ko ang mensahe?” at sila ay nagsabing, “Oo!” Siya ay muling nagtanong sa ikatlong pagkakataon,“Hindi ba't naiparating ko ang mensahe?” at sila ay nagsasabing, “Oo!” Sa bawat pagkakataon, sinabi niya, “O Dakilang Tagapaglikha, saksihan Mo!” – kasabay noon ay itinuro ang mga kamay sa itaas at sa mga tao.[1]
Ang Dakilang Tagapaglikha ay nasa itaas ng mga kalangitan, at nakahihigit sa Kanyang mga nilikha. Ito, gayunpaman, ay hindi nangangahulugan na Siya ay nakapaloob sa isang pisikal na demensyon. Ang Dakilang Tagapaglikha ay malapit, napakalapit, sa sinumang naniniwala sa Kanya at Siya ay tumutugon sa bawat tawag nila sa Kanya. Alam ng Dakilang Tagapaglikha ang lahat ng ating mga sekreto, mga panaginip, at mga kahilingan, walang anuman na lingid sa Kanyang kaalaman. Ang Dakilang Tagapaglikha ay kasama ng Kanyang mga nilikha sa Kanyang kaalaman at kapangyarihan. Ang Diyos ang Tagapaglikha at ang Nagbibigay-biyaya. Walang anumang umiiral liban na lamang dahil sa Kanyang kagustuhan.
Kapag ang mga Muslim ay namamangha sa kagandahan ng sandaigdigan, sila ay nakaseseguro sa kaalaman na ang Diyos na Pinaka Kataas-taasan, ay nasa itaas ng mga kalangitan, at napapanatag sa katotohanan na Siya ay kasakasama nila sa lahat ng kanilang mga ginagawa. Kapag ang isang Muslim ay tinamaan ng kawalan at pagdadalamhati, hindi niya kinekwestyon ang karunungan ng Diyos, o nagtatanong na, ‘nasaan ang Diyos sa panahong ako ay nalulungkot o nagdadalamhati o naghihirap?’. Ang sangkatauhan ay nilikha upang sumamba sa Diyos, (Quran 51:161) at maraming beses na sinabi ng Diyos na ang mga pagsubok at kapighatian ay magiging bahagi ng ating buhay.
“At Siya ang lumikha ng mga kalangitan at ng kalupaan sa loob ng anim na araw at ang Kanyang Arsh [Trono] ay nasa ibabaw ng tubig - upang kayo ay Kanyang subukan kung alin sa inyo ang pinakamabuti sa gawa…” (salin ng kahulugan ng Quran 11:7)
Sa kalaliman ng kanilang mga gabi, o sa pinakamadilim nilang mga oras, ang sangkatauhan ay kusang tumitingin sa kalangitan. Kapag ang kanilang mga puso ay tumitibok ng malakas at ang takot ay nag-uumpisang lumukob sa kanila, ang mga tao ay dumudulog sa Diyos. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at humihingi ng habag, kapatawaran, o kabutihan, at ang Diyos ay tumutugon; Dahil Siya ang Pinaka Mahabagin, ang Pinaka Nagpapatawad at Ang Pinaka Mabait. Ang Diyos ay bukod at nakahiwalay sa Kanyang mga nilikha, at walang anumang katulad sa Kanya. Siya ang Pinaka-Nakaririnig sa lahat at ang Pinaka-Nakakakita sa lahat. (Quran 42:11) Kaya naman kapag ating itatanong ang katanungang ‘nasaan ang Diyos?’, walang duda na ang kasagutan ay, Siya ay nasa kaitaas-taasan ng kalangitan at nakahihigit sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Masasabi rin natin na Siya ay walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha at ang Kanyang mga nilikha ang nangangailangan sa Kanya.
Talababa:
[1] Ang teksto ng Talumpati ng Pamamaalam ng Propeta ay matatagpuan sa Saheeh Al-Bukhari at Saheeh Muslim, at sa mga aklat ni At-Tirmidhi at Imam Ahmad.
Magdagdag ng komento