Ang Makataong Pagtrato sa mga Hayop
Paglalarawanˇ: Ang pagmamahal at awa ng Islam ay hindi lamang sumasaklaw sa sangkatauhan, ngunit umaabot din sa lahat ng nilalang sa mundo.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 11 Dec 2023
- Nag-print: 1
- Tumingin: 5,530 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Diyos, ang Lumikha sa mga tao at hayop, ay gumawa ng mga hayop upang tayo'y paglingkuran. Tayo ay umaasa sa mga hayop sa pagkain na ating kinakain at sa gatas na ating iniinum. Dinadala natin ang mga hayop sa ating mga tahanan upang mahalin at makasama. Naliligtas tayo mula sa kritikal na sakit at nabubuhay nang mas matagal dahil sa biomedikal na pananaliksik sa mga hayop. Tayo ay bumibisita sa mga palahayupan (zoo) at mga ng buhay sa mundo. Tayo ay nakikinabang mula sa mga espesyal na sinanay na aso na nakakatuklas ng mga droga, gumagabay sa bulag, at tumutulong sa mga may kapansanan. Ang sabi ng Diyos Quran:
"At ang pinapastulang mga hayop ng bakahan, Kanyang nilikha para sa inyo. Sa kanila ay may nakukuhang kasuutang pampainit (di mabilang na) pakinabang, at mula sa mga ito kayo ay kumain. At para sa inyo ang kanilang kagandahan kung sila ay inyong inuuwi (sa mga bahay) at kapag dinadala sa pastulan. At sila ay naghahakot ng inyong mga dalahin patungo sa mga lupain na hindi ninyo magawang lakarin malibang may kahirapan sa inyong mga sarili. Katotohanan ang inyong Diyos ay Tigib ng kagandahang loob, Maawain. At (Kanyang nilikha) ang mga kabayo at mga mola at mga asno para sa inyo upang inyong masakyan at magsilbing palamuti. At Siya ay lumilikha ng anumang hindi ninyo nalalaman." (Quran 16:5-8)
Ang awa ng Islam ay hindi lamang sumasaklaw sa sangkatauhan, bagkus umaabot din sa lahat ng mga nilalang na nilikha ng Diyos. Ipinagbabawal ng Islam ang kalupitan sa mga hayop. Labing-apat na daang taon na ang nakalilipas, bago pa man nagsimula ang modernong kilusang karapatan sa mga hayop sa paglalathala ng aklat ni Peter Singer, na "Animal Liberation" (pagpapalaya sa hayop), noong 1975, ang Islam ay humiling ng kabaitan sa mga hayop at ang kalupitan sa kanila ay sapat na na dahilan para sa isang tao na itapon sa Apoy!
Minsan, ang Propeta ng Awa ay nagsalita tungkol sa kapatawaran ng Diyos dahil sa makataong pagtrato sa mga hayop. Sinabi niya sa kanyang mga kasama ang kuwento ng isang lalaki na nauhaw sa kanyang paglalakad. Nakakita siya ng isang balon, at bumaba sa loob ng balon na ito, at napawi ang kanyang uhaw. Pagkalabas niya ay nakakita siya ng isang humihingal na aso habang dumidila sa putik dahil sa labis na pagka-uhaw. Naisip ng lalaki sa kanyang sarili, ‘Ang aso ay nauuhaw tulad ng pagka-uhaw ko!’ Bumaba muli ang lalaki sa balon at kumuha ng tubig para sa aso. Pinahalagahan ng Diyos ang kanyang mabuting gawa at pinatawad siya. Ang mga kasamahan ng Propeta ay nagtanong, ‘O Propeta ng Diyos, nakakakuha ba tayo ng gantimpala sa makataong pagtrato sa mga hayop?’ Sinabi niya, ‘May gantimpala sa (paggawa ng mabuti sa) bawat may buhay.’[1]
Sa isa pang okasyon, si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay inilarawan ang parusa ng Diyos sa isang babaeng ipinasok sa Impiyerno dahil sa isang pusa. Ito'y itinali niya, hindi pinapakain ni hindi niya pinakawalan upang makahanap ng pagkain.[2]
Inilagay ng Islam ang mga patakaran ng makataong pagkatay. Iginiit ng Islam na ang paraan ng pagkatay ay dapat sa paraang hindi gaanong masakit para sa mga hayop. Sinabi sa Islam na ang instrumento sa pagkatay ay nararapat na hindi pinapatalim sa harap ng hayop. Ipinagbabawal din ng Islam ang pagkatay ng isang hayop sa harapan ng isa pang hayop. Hindi kailanman, bago ang Islam, nasaksihan ng mundo ang gayong pag-aalala sa mga hayop.
Ang Islamikong Makataong paggamot sa mga hayop ay maaaring ibuod sa pamamagitan ng mga sumusunod na mga punto:
Una, iniutos sa Islam na ang mga alagang hayop ay mabigyan ng tamang pagkain, tubig, at lugar na kung saan sila mabubuhay. Minsan napadaan ang Propeta sa isang nangangayayat na kamelyo dahil sa gutom, kanyang sinabi:
"Mangilag kayong magkasala sa Diyos dahil sa mga piping hayop na ito. kapag sasakyan ninyo, pagbutihin ang pakikitungo sa kanila (sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanila at akma para dito), at kapag [gusto] ninyo silang kainin, pagbutihin ang pakikitungo sa kanila (sa pamamagitan ng pagpapalusog sa kanila)." (Abu Dawud)
Pangalawa, ang isang hayop ay hindi dapat saktan o pahirapan. Minsan ang Propeta ng Awa ay napadaan sa isang hayop na tinatakan ang mukha. Kanyang sinabi, ‘Hindi ba nakarating sa iyo na isinusumpa ko ang sinumang maglagay ng tatak sa mukha ng hayop o paluin ito sa kanyang mukha?’[3] Pinayuhan ng Propeta ng Awa ang kanyang asawa na tratuhin ng maayos ang pasaway na kamelyo na kanyang sinasakyan.[4] Ang pag-awayin ang dalawang hayop para malibang ay ipinagbabawal din ng Propeta.[5]
Pangatlo, ipinagbabawal ng Islam ang paggamit ng mga hayop o ibon bilang asintahan kapag nagsasanay sa pagbaril. Nang si Ibn Umar, isa sa mga kasamahan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nakakita ng ilang mga tao na nagsasanay sapag pana gamit ang inahin na manok bilang asintahan, kanyang sinabi:
"Isinusumpa ng Propeta ang sinumang gumawa ng isang bagay na nabubuhay bilang asintahan (para sa pagsasanay)."
Sinabi din ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala):
"‘Ang sinumang pumatay ng ibon o anumang bagay na wala sa karapatan nito, tatanungin siya ng Diyos tungkol dito.’ may nakapagsabi: ‘O Sugo ng Diyos! Ano ang karapatan nito?’ kanyang sinabi: ‘ang patayin ito upang kainin…at huwag pugutan ng ulo, at itapon ito!’" (Targheeb)
Ang pamamaril sa mga buhay na kalapati ay isang kaganapang Olimpik noon at ngayon ay pinapahintulutan na sa maraming lugar ang pamamaril sa mga kalapati.
Pang-apat, ang paghihiwalay ng mga pugad ng ibon mula sa kanilang ina ay hindi pinapahintulutan sa Islam.
Panglima, ipinagbabawal na putulan ang isang hayop sa pamamagitan ng pagputol ng mga tainga, buntot o iba pang mga bahagi ng katawan nito ng walang katwiran.
Pang-anim, ang isang may sakit na hayop na napasailalim ng pangangalaga ng isang tao ay dapat na tratuhin nang maayos.
Sa pamamagitan ng mga patakarang ito at regulasyon na isinabatas para sa mga hayop, ang mga Muslim ay nakukuha ang respetu at pag-unawa na ang ibang mga nilalang ay hindi dapat gamitin at abusohin para sa sariling kagustuhan, dahil ang mga ito, tulad ng mga tao, ay may mga karapatan na dapat ibigay upang matiyak na ang katarungan at awa ng Islam ay matugunan ang lahat ng naninirahan sa mundong ito.
Magdagdag ng komento