Ang Kuwento ni Adan (bahagi 1 ng 5): Ang Unang Tao
Paglalarawanˇ: Inilarawan ang kamangha-manghang kwento ni Adan na may mga sanggunian mula sa mga Banal na Aklat.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 01 Jan 2020
- Nag-print: 10
- Tumingin: 15,423
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Nagbibigay ang Islam sa atin ng kamangha-manghang mga detalye ng pagkakalikha kay Adan[1]. Sa Parehong Kristiyano at Hudyong tradisyon ay hindi gaanong detalyado ngunit kapansin-pansin na magkahalintulad sila sa Quran. Inilalarawan ng Aklat ng Genesis si Adan na nilikha mula sa "alabok ng lupa" at sa Talmud si Adan ay inilarawan na hinulma mula sa putik
At sinabi ng Diyos sa mga anghel:
“‘Katotohanan, Ako ay maglalagay (ng sangkatauhan) sa kalupaan sa maraming sali’t salinlahi sa mundo.' Sila ay nagsabi: 'Maglalagay ba Kayo roon ng (mga tao) na magsisigawa ng kabuktutan at doon ay magdadanak ng dugo, habang kami ay lumuluwalhati ng mga pagpupuri at pagpaparangal sa Inyong Banal (na Pangalan)?' Siya (Allah) ay nagwika: 'Nababatid Ko ang hindi ninyo nalalaman.’” (Quran 2:30)
Dito nagsisimula ang kwento ni Adan, ang unang lalake, ang unang tao. Nilikha ng Diyos si Adan mula sa isang maliit na lupa na naglalaman ng mga bahagi mula sa lahat ng mga uri nito sa Mundo. Ang mga anghel ay ipinadala sa mundo upang mangolekta ng lupa na siyang magiging si Adan. Ito ay pula, puti, kayumanggi, at itim; ito ay malambot, matigas at magaspang; nagmula ito sa mga bundok at mga lambak; mula sa mga walang halamang disyerto at malalago at matatabang na kapatagan at lahat ng mga likas na uri sa gitna. Ang mga inapo ni Adan ay tinadhana upang maging magkakaiba tulad ng isang dakot na lupa na kung saan nilikha ang kanilang ninuno; lahat ay may iba't ibang mga hitsura, katangian at abilidad.
Lupa o Luwad?
Sa buong Quran, ang lupa na ginamit upang likhain si Adan ay tinutukoy sa maraming pangalan, at mula rito ay naiintindihan natin ang ilan sa pamamaraan ng kanyang pagkakalikha. Ang bawat pangalan ng lupa na ginamit sa ibat-ibang yugto ng paglikha kay Adan ay tinukoy. Ang lupa, na kinuha mula sa mundo, ay tinukoy bilang lupa; Tinukoy din ito ng Diyos bilang luwad. Kapag ito ay hinaluan ng tubig ay nagiging putik, kapag hinayaan lang, ang tubig ay mababawasan at ito ay nagiging malagkit na luwad (o putik). Kung muli itong iwan ng ilang oras nagsisimula itong mangamoy, at ang kulay ay nagiging mas madilim - itim, makinis na luwad. Mula sa sangkap na ito ay hinubog ng Diyos ang anyo ni Adan. Ang kanyang walang laman na katawan ay hinayaan upang matuyo, at ito ay naging kilala sa Quran bilang tumataginting na luwad. Si Adan ay hinubog mula sa isang bagay na katulad ng luwad ng pottery (paghulma ng mga palayok at ibp.). Kapag ito ay kinakatok gumagawa ito ng isang mataginting na tunog.[2]
Ang Unang Tao ay Pinarangalan
At sinabi ng Diyos sa mga Anghel:
“Alalahanin! Nang ang iyong Panginoon ay nagwika sa mga anghel: 'Katotohanang Ako ay lilikha ng tao (Adan) mula sa malagkit na putik na naging makinis na itim na putik. Nang Aking mahubog siya at mahingahan ng Aking espiritu (kanyang kaluluwa) na nilikha Ko, kayo ay magsiluhod at magpatirapa sa kanya (bilang paggalang at hindi pagsamba). ” (Quran 38:71-72)
Pinarangalan ng Diyos ang unang tao, si Adan, sa maraming paraan. Iniihip ni Allah ang Kanyang kaluluwa sa kanya, hinulma Niya siya ng Kanyang sariling mga kamay at inutusan Niya ang mga Anghel na magpatirapa sa harap niya. At sinabi ng Diyos sa mga Anghel:
“....Magpatirapa kay Adan at sila ay nagpatirapa maliban kay Iblees (Satanas)....” (Quran 7:11)
Habang ang pagsamba ay nakalaan para sa Diyos lamang ang pagpapatirapang ito ng mga Anghel kay Adan ay isang tanda ng paggalang at karangalan. Sinasabing, habang ang katawan ni Adan ay nanginginig habang nagkakaroon ng buhay, siya ay bumahing at agad na sinabi na 'Lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Diyos;' kaya't tumugon ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Habag kay Adan. Bagama't ang kwento na ito ay hindi nabanggit sa alinman sa Quran o sa tunay na mga pagsasalaysay ni Propeta Muhammad (sumakanya ang kapayapaan at pagpapala), binanggit ito sa ilang mga komentaryo ng Quran. Sa gayon, sa kanyang mga unang segundo ng buhay, ang unang tao ay kinilala bilang isang pinarangalan na nilalang, na sakop ng walang hanggang Awa ng Diyos.[3]
Sinabi din ni Propeta Muhammad na nilikha ng Diyos si Adan sa Kanyang imahe. [4] Hindi ito nangangahulugan na si Adan ay nilikha na kamukha o katulad ng Diyos, dahil ang Diyos ay natatangi sa lahat ng Kanyang mga aspeto, hindi natin mauunawaan o kakayaning lumikha ng imahe Niya. Ang ibig sabihin, gayunpaman, na si Adan ay binigyan ng ilang mga katangian na mayroon din ang Diyos, bagaman hindi maihahalintulad. Binigyan siya ng mga katangian ng awa, pag-ibig, malayang kalooban, at iba pa.
Ang Unang Pagbati
Inutusan si Adan na lumapit sa isang pangkat ng mga Anghel na nakaupo malapit sa kanya at batiin sila ng mga salitang Assalamu alaikum (Nawa'y sumainyo ang kapayapaan ng Diyos), sumagot sila 'at mapasaiyo din ang kapayapaan, awa at biyaya ng Diyos'. Magmula sa araw na iyon ang mga salitang ito na ang naging pagbati ng mga tumatalima sa Diyos. Simula ng likhain si Adan, tayo na kanyang mga inapo ay inutusan na ipakalat ang kapayapaan.
Si Adan, ang Tagapag-alaga
Sinabi ng Diyos sa sangkatauhan na hindi Niya sila nilikha malibang sambahin Siya. Ang lahat sa mundong ito ay nilikha para kay Adan at sa kanyang mga inapo, upang matulungan tayo sa ating kakayahang sumamba at makilala ang Diyos. Dahil sa walang hanggang Karunungan ng Diyos, si Adan at ang kanyang mga inapo ay ang siyang magiging tagapangalaga sa mundo, kaya itinuro ng Diyos kay Adan kung ano ang kailangan niyang malaman upang maisagawa ang tungkulin na ito. Binanggit ng Diyos:
“At itinuro Niya kay Adan ang pangalan ng lahat ng bagay.” (Quran 2:31)
Binigyan ng Diyos si Adan ng kakayahang makilala at magtalaga ng mga pangalan sa lahat; Itinuro Niya sa kanya ang wika, pagsasalita at ang kakayahang makipag-usap. Pinagtaglay ng Diyos si Adan ng hindi-mapigilang pangangailangan sa pag-ibig at sa kaalaman. Matapos malaman ni Adan ang mga pangalan at gamit ng lahat ng mga bagay, sinabi ng Diyos sa mga Anghel...
“‘Sabihin ninyo sa Akin ang pangalan ng mga ito kung kayo ay nagsasabi ng kawastuan.' Sila (mga anghel) ay nagsabi: 'Luwalhatiin Kayo! Kami ay walang karunungan maliban sa itinuro Ninyo sa amin; sa katotohanan Kayo lamang ang may Ganap na Kaalaman at Karunungan.’” (Quran 2:31-32)
Bumaling ang Diyos kay Adan at sinabi:
“‘O Adan! Sabihin mo sa kanila ang kanilang mga pangalan.' At nang masabi na niya ang kanilang mga pangalan, si Allah ay nagwika: 'Hindi baga Aking winika sa inyo na nababatid Ko ang mga lihim ng langit at lupa at talastas Ko kung ano ang inyong inilalantad at ikinukubli?” (Quran 2:33)
Sinubukan ni Adan na makipag-usap sa mga Anghel, ngunit abala sila sa pagsamba sa Diyos. Ang mga Anghel ay hindi binigyan ng tiyak na kaalaman o kalayaan ng kalooban, ang kanilang nag-iisang layunin ay sambahin at purihin ang Diyos. Si Adan, sa kabilang banda, ay binigyan ng kakayahang mangatwiran, pumili at kilalanin ang mga bagay at ang kanilang layunin. Nakatulong ito upang ihanda si Adan para sa kanyang paparating na tungkulin sa mundo. Kaya alam ni Adan ang mga pangalan ng lahat, ngunit nag-iisa lang siya sa Langit. Isang umaga nagising si Adan na may natagpuang isang babaeng nakatingin sa kanya.[5]
Ang Kuwento ni Adan (bahagi 2 ng 5): Ang Paglikha kay Eba at ang Papel ni Satanas
Paglalarawanˇ: Ang paglikha ng unang babae, ang payapa na paninirahan sa Paraiso at ang simula ng pagkapoot sa pagitan ni Satanas at ng sangkatauhan.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 19 Apr 2008
- Nag-print: 8
- Tumingin: 12,478
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Minulat ni Adan ang kanyang mga mata at nakita ang magandang mukha ng isang babaeng nakatingin sa kanya. Nagulat si Adan at tinanong ang babae kung bakit siya nilikha. Inilahad niya na siya ay upang pahupain ang kanyang kalungkutan at magdala ng katahimikan sa kanya. Tinanong ng mga Anghel si Adan. Alam nila na si Adan ay mayroong kaalaman sa mga bagay na hindi nila alam at may kaalaman na kakailanganin ng sangkatauhan upang tumira sa mundo. Sinabi nila 'sino ito?' At sumagot si Adan 'ito si Eba'.
Si Eba ay Hawwa sa Arabe; ay nagmula sa salitang ugat na dayami, at nangangahulugan na buhay. Ang Eve (Eba) ay isa ring Ingles na bersyon ng lumang salitang Hebreo na Havva, na nagmula din sa dayami. Ipinagbigay-alam ni Adan sa mga Anghel na si Eba ay pinangalanan ng ganoon sapagkat siya ay nilikha mula sa isang bahagi ng kanyang katawan, at si Adan, ay isang buhay na nilalang.
Ang parehong tradisyon ng Hudyo at Kristiyano ay nagpapanatili din na si Eba ay nilikha mula sa tadyang ni Adan, bagama't sa isang literal na salin sa tradisyon ng mga Hudyo, ang tadyang ay minsang tinutukoy bilang tagiliran.
“O sangkatauhan! Pangambahan ang inyong Panginoon na lumikha sa inyo mula sa isang tao (Adan), at mula sa kanya ay nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba), at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya ang maraming lalaki at babae.’” (Quran 4:1)
Sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad ay sinasabi na si Eba ay nilikha mula sa kanyang pinakamaikling kaliwang tadyang habang si Adan ay natutulog at, pagkaraan, binihisan siya ng laman. Ginamit niya (Propeta Muhammad) ang kwento ng paglikha kay Eba mula sa tadyang ni Adan bilang batayan para sa paghiling sa mga tao na maging banayad at mabait sa mga kababaihan. "O mga Muslim! Ipinapayo ko sa iyo na maging banayad sa mga kababaihan, sapagkat nilikha ang mga ito mula sa isang tadyang, at ang pinaka baluktot na bahagi ng tadyang ay ang pang-itaas na bahagi nito. Kung susubukan mong ituwid, masisira ito, at kung iwanan mo ito, mananatili itong baluktot; kaya hinihiling ko sa inyo na alagaan ang mga kababaihan." (Saheeh Al-Bukhari)
Paninirahan sa Paraiso
Sina Adan at Eba ay nanirahan nang tahimik sa Paraiso. Ito rin, ay sinang-ayunan ng mga tradisyon sa Islam, Kristiyano at Hudyo. Sinasabi sa atin ng Islam na ang lahat ng Paraiso ay para sa kanila upang masiyahan at sinabi ng Diyos kay Adan, "kumain kayong dalawa nang malaya na may kasiyahan at kaluguran sa mga bagay na inyong naisin ..." (Quran 2:35) Hindi ipinahayag ng Quran ang eksaktong lokasyon ng kinaroroonan ng Paraiso na ito; gayunpaman, ang mga komentarista ay sumasang-ayon na ito ay wala sa mundo, at ang kaalaman sa lokasyon ay walang pakinabang sa sangkatauhan. Ang pakinabang ay sa pag-unawa sa aralin mula sa mga pangyayaring naganap doon.
Ipinagpatuloy ng Diyos ang kanyang mga tagubilin kina Adan at Eba sa pamamagitan ng babala sa kanila na "... huwag lumapit sa punong ito o pareho kayong mapapabilang sa mga gumagawa ng masasama." (Quran 2:35) Hindi ipinakita ng Quran kung anong uri ng puno iyon; wala tayong mga detalye at ang paghahanap ng gayong kaalaman ay wala ring pakinabang. Ang nauunawaan ay sina Adan at Eba ay namuhay ng isang tahimik na pag-iral at nauunawaan na ipinagbabawal sa kanilang kumain mula sa puno. Gayunpaman, naghihintay si Satanas na mapagsamantalahan ang kahinaan ng sangkatauhan.
Sino si Satanas?
Si Satanas ay isang nilalang mula sa mundo ng Jinn. Ang Jinn ay isang nilikha ng Diyos na gawa sa apoy. Ang mga ito ay hiwalay at naiiba sa parehong mga Anghel at sangkatauhan; gayunpaman, tulad ng sangkatauhan, nagtataglay sila ng kapangyarihan ng pangangatuwiran at maaaring pumili sa pagitan ng mabuti at masama. Ang Jinn ay umiiral bago nilikha si Adan[1] at si Satanas ang pinaka matuwid sa kanila, ng labis kaya siya ay inangat sa isang mataas na katayuan kasama ng mga Anghel.
“Kaya’t ang mga anghel ay nagpatirapa (nagbigay galang) sa kanya, silang lahat nang sama-sama. Maliban kay Iblis (Satanas na isa sa lipon ng mga Jinn), - siya ay tumanggi na magpatirapa. Si Allah ay nagwika: 'O Iblis! Ano ang iyong dahilan upang ikaw ay hindi sumama sa mga nagpatirapa?' Si Iblis ay nagsabi: 'Hindi ako ang isa na magpapatirapa sa harapan ng isang tao, na Inyong nilikha mula sa putik (na lumilikha ng tunog kapag natuyo na), mula sa hinubog na maitim at madulas na lupa.' Si (Allah) ay nagsabi: 'Kung gayon, ikaw ay lumayas dito, sapagkat katotohanang ikaw ay Rajim (isang isinumpa o itinaboy).' At katotohanang ang sumpa ay sasaiyo hanggang sa Araw ng Pagbabayad (alalaong baga, ang Araw ng Muling Pagkabuhay).’” (Quran 15:30-35)
Ang Papel na Ginampanan ni Satanas
Naroon si Satanas sa Paraiso nina Adan at Eba at ang kanyang panata ay iligaw at linlangin sila at ang kanilang mga inapo. Sinabi ni Satanas: “…katotohanang ako ay uupo na naghihintay sa kanila (mga tao) laban sa Inyong Matuwid na Landas.” At ako ay lalapit sa kanilang harapan at sa kanilang likuran, sa kanilang kanang bahagi at sa kanilang kaliwang bahagi...” (Quran 7:16-17) Si Satanas ay mapagmataas, at itinuturing na mas mainam ang kanyang sarili kaysa kay Adan, at sa gayon ang sangkatauhan. Siya ay maparaan at tuso, ngunit nauunawaan ang lahat ng kahinaan ng mga tao; alam niya ang kanilang mga pag-ibig at pagnanasa.[2]
Hindi sinabi ni Satanas kina Adan at Eba na "kumain kayo mula sa punong iyon" at hindi rin niya sinabi nang tuwiran na sumuway sa Diyos. Bumulong siya sa kanilang mga puso at nagtanim ng mga nakakabagabag na mga saloobin at kagustuhan. Sinabi ni Satanas kina Adan at Eba, “...“Ang inyong Panginoon ay hindi nagbawal sa inyo sa punongkahoy na ito, maliban (sa kadahilanang) baka kayo ay maging mga anghel o kayo ay maging walang kamatayan.” (Quran 7:20) Ang kanilang pag-iisip ay napuno ng mga saloobin ukol sa puno, at isang araw ay nagpasya silang kumain mula dito. Umasta sina Adan at Eba tulad ng ginagawa ng lahat ng tao; sila ay naging abala sa kanilang sariling mga saloobin at mga bulong ni Satanas at nakalimutan nila ang babala mula sa Diyos.
Sa puntong ito malaki ang nagiging pagkakaiba ng tradisyon ng mga Hudyo at Kristiyano sa Islam. Wala sa anumang pangyayari na ang mga salita ng Diyos - ang Quran, o ang mga tradisyon at kasabihan ni Propeta Muhammad - ay nagpapahiwatig na si Satanas ay dumating kay Adan at Eba sa anyo ng isang ahas.
Hindi ipinapahiwatig ng Islam na si Eba ang mas mahina sa dalawa, o tinukso niya si Adan na sumuway sa Diyos. Ang pagkain ng bunga ng puno ay isang pagkakamali na ginawa nina Adan at Eba. Parehas silang may responsibilidad. Hindi ito ang orihinal na kasalanan na pinag-uusapan sa mga tradisyong Kristiyano. Ang mga inapo ni Adan ay hindi paparusahan para sa mga kasalanan ng kanilang orihinal na magulang (Adan at Eba). Ito ay isang pagkakamali, at ang Diyos, sa Kanyang walang hanggan na Karunungan at Awa, ay pinatawad silang dalawa.
Ang Kuwento ni Adan (bahagi 3 ng 5): Ang Pagbaba
Paglalarawanˇ: Ang panlilinlang ni Satanas kina Adan at Eba sa Langit at ilang mga aral na matututunan natin mula dito.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Oct 2009
- Nag-print: 6
- Tumingin: 9,168
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Itinatanggi ng Islam ang konsepto ng Kristiyano sa orihinal na kasalanan at paniniwala na ang lahat ng tao ay ipinanganak na mga makasalanan dahil sa mga ginawa ni Adan. Sinasabi ng Diyos sa Quran:
“At walang nagdadala ng mga pasanin ang magdadala ng pasanin ng iba.” (Quran 35:18)
Ang bawat tao ay may pananagutan sa kanyang mga kilos at ipinanganak na dalisay at malaya sa kasalanan. Nagkamali sina Adan at Eba, taimtim silang nagsisi at ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay pinatawad sila.
“Sa kalaunan, sila ay kapwa kumain (ng bunga) ng puno; at sa gayon, ang kanilang maselang bahagi (ng katawan) ay nalantad sa kanila; at sila ay nagsimulang magtagni-tagni ng mga dahon sa Halamanan bilang kanilang pantakip. Sa ganito sinuway ni Adan ang kanyang Panginoon, kaya’t siya ay napaligaw sa kamalian. Datapuwa’t ang kanyang Panginoon ay humirang sa kanya. Siya ay bumaling sa kanya sa pagpapatawad at pinagkalooban siya ng patnubay.” (Quran 20:121-122)
Ang sangkatauhan ay may mahabang kasaysayan ng paggawa ng mga pagkakamali at pagkalimot. Gayunpaman, paano nagawa ni Adan ang ganoong kamalian? Ang katotohanan ay walang karanasan si Adan sa mga bulong at pakana ni Satanas. Nakita ni Adan ang kayabangan ni Satanas nang tumanggi siyang sundin ang mga utos ng Diyos; alam niya na si Satanas ang kanyang kaaway ngunit hindi pamilyar sa kung paano mapaglabanan ang mga panlilinlang at pakana ni Satanas. Sinabi sa atin ni Propeta Muhammad:
“Ang pag-kakaalam sa isang bagay ay hindi katulad sa pagkakakita nito.” (Saheeh Muslim)
Sinabi ng Diyos:
“Kaya't siya (Satanas) ay niligaw sila ng may panlilinlang.” (Quran 7:22)
Sinubukan ng Diyos si Adan upang siya ay matuto at makakuha ng karanasan. Sa ganitong paraan inihanda ng Diyos si Adan para sa kanyang papel sa mundo bilang isang tagapag-alaga at isang Propeta ng Diyos. Mula sa karanasang ito, natutunan ni Adan ang dakilang aral na si Satanas ay tuso, walang utang na loob at mortal na kaaway ng sangkatauhan. Nalaman nina Adan, Eba at kanilang mga inapo na si Satanas ay sanhi ng kanilang pagkakatalsik mula sa langit. Ang pagsunod sa Diyos at pagkapoot kay Satanas ay ang tanging landas pabalik sa Langit.
Sinabi ng Diyos kay Adan:
“Siya (Allah) ay nagwika: “Magsibaba kayo kapwa (sa lupa) mula sa Halamanan nang magkasama, ang ilan sa inyo ay kaaway ng iba. At kung mayroong patnubay na manggagaling sa Akin, kung gayon, sinuman ang sumunod sa Aking patnubay ay hindi mapapaligaw, at gayundin naman, sila ay hindi mahuhulog sa kalumbayan at kapighatian.” (Quran 20:123)
Sinasabi sa atin ng Quran na si Adan ay agarang nakatanggap mula sa kanyang Panginoon ng ilang mga salita; isang panalanging magdasal, na humihingi ng kapatawaran sa Diyos. Ang panalangin na ito ay napakaganda at maaaring magamit kapag humihiling ng kapatawaran ng Diyos sa iyong mga kasalanan.
“Sila ay nagsabi: “Aming Panginoon! Aming ipinariwara ang aming sarili. Kung kami ay hindi Ninyo patatawarin at hindi Ninyo igagawad sa amin ang Inyong Habag, katiyakang kami ay kabilang sa mga nalugi.” (Quran 7:23)
Ang tao ay patuloy na gumagawa ng mga pagkakamali at maling gawain, at sa pamamagitan nito pinapahamak lamang natin ang ating mga sarili. Ang ating mga kasalanan at pagkakamali ay hindi nakakapinsala, at hindi rin makakasama sa Diyos. Kung hindi tayo pinatawad ng Diyos at maawa sa atin, tayo ay tiyak na mapapabilang sa mga talunan. Kailangan natin ang Diyos!
“‘Ang kalupaan ang inyong pananahanan at bilang isang kasiyahan, - sa natatakdaang panahon.” Siya (Allah) ay nagwika: “doon kayo ay maninirahan, at doon kayo ay mamamatay, at mula roon kayo ay muling ilalabas (alalaong baga, ang muling pagkabuhay).’” (Quran 7:24–25)
Iniwan nina Adan at Eba ang langit at bumaba sa lupa. Ang kanilang pagbaba ay hindi bilang pamamahiya sa kanila; sa halip ito ay marangal. Sa wikang Ingles pamilyar tayo sa mga bagay maging singular (isahan) o plural (pangmaramihan); hindi ito ang kaso para sa Arabe. Sa wikang Arabe ay mayroong isahan, at meron din isang dagdag na kategorya ng bilang ng gramatika na nagsasaad sa dalawa. Ang materyal ay ginagamit para sa tatlo at higit pa.
Nang sabihin ng Diyos: "Bumaba kayo, kayong lahat" Ginamit Niya ang salitang pangmaramihan na nagpapahiwatig na hindi lamang Siya nagsasalita kina Adan at Eba ngunit tinukoy Niya si Adan, ang kanyang asawa at ang kanyang mga inapo - sangkatauhan. Tayo, ang mga inapo ni Adan, ay hindi para sa mundong ito; narito tayo para sa isang panandaliang panahon, tulad ng ipinapahiwatig ng mga salitang: "para sa isang panahon." Ang ating tirahan ay sa kabilang buhay at nakatadhana na mapunta sa Paraiso o Impiyerno.
Ang Kalayaang Mamili
Ang karanasan na ito ay isang mahalagang aralin at ipinakita ang malayang kalooban. Kung si Adan at Eba ay mamumuhay sa mundo, kailangan nilang magkaroon ng kamalayan sa mga panlilinlang at pakana ni Satanas, kailangan din nilang maunawaan ang mga kahihinatnan na bunga ng kasalanan, at ang walang hanggan na Awa at Pagpapatawad ng Diyos. Alam ng Diyos na kakain sina Adan at Eba mula sa puno. Alam niya na aalisin ni Satanas ang kanilang pagiging inosente.
Mahalagang maunawaan na, bagaman alam ng Diyos ang kalalabasan ng mga pangyayari bago mangyari at pinahintulutan ang mga ito, hindi niya pinipilit ang mga bagay na mangyari. Si Adan ay may malayang kalooban at nagbunga ng kahihinatnan ang kanyang mga gawa. Ang sangkatauhan ay may malayang kalooban at sa gayon ay malayang sumuway sa Diyos; ngunit may mga kahihinatnan. Pinupuri ng Diyos ang mga sumusunod sa kanyang mga utos at pinangakuan sila ng malalaking gantimpala, at pinaparusahan ang mga sumusuway sa kanya at binabalaan sila laban sa paggawa nito.[1]
Saan Bumaba sina Adan at Eba
Maraming mga ulat tungkol sa paksa kung saan bumaba sina Adan at Eba, bagaman wala sa kanila ang nagmula sa Quran o Sunnah. Sa gayon ay nauunawaan natin na ang lokasyon ng kanilang mga pinagmulan ay isang bagay na walang kahalagahan, at walang pakinabang sa kaalamang ito kung mayroon tayo.
Ngunit alam natin na bumaba sa mundo si Adan at Eba sa araw ng Biyernes. Sa isang tradisyon na iniulat upang ipaalam sa atin ang kahalagahan ng Biyernes, si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi :
“Ang pinakamainam na mga araw kung saan ang araw ay sumisikat ay ang Biyernes. Sa araw na ito ay nilikha si Adan, at sa araw na ito siya ay pinababa patungo sa mundo.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ang Kuwento ni Adan (bahagi 4 ng 5): Buhay sa Lupa
Paglalarawanˇ: Si Adan, ang kanyang mga anak, ang unang pagpatay at ang kanyang kamatayan.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 13 Mar 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 10,042
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Umalis sina Adan at Eva sa Paraiso at sinimulan ang kanilang buhay sa mundo. Ginawa silang handa ng Diyos sa maraming paraan. Binigyan Niya sila ng karanasan sa pakikipaglaban sa mga bulong at pakana ni Satanas. Itinuro Niya kay Adan ang mga pangalan ng lahat at itinuro sa kanya ang mga katangian at pakinabang nito. Ginampanan ni Adan ang kanyang posisyon bilang tagapag-alaga ng mundo at Propeta ng Diyos.
Si Adan, ang unang Propeta ng Diyos ay may pananagutan sa pagtuturo sa kanyang asawa at supling kung paano sumamba sa Diyos at humingi ng Kanyang kapatawaran. Itinatag ni Adan ang mga batas ng Diyos at nagsumikap na suportahan ang kanyang pamilya at matutunan din paano panghawakan at mag-alaga sa mundo. Ang kanyang tungkulin ay upang magpanatili, mag-ani, magtayo at magparami; kasama sa tungkulin niya ang magpalaki ng mga bata na mamumuhay ayon sa mga tagubilin ng Diyos at alagaan at pagbutihin ang mundo.
Ang Unang Apat na Anak ni Adan
Ang unang mga anak nina Adan at Eba, sina Cain at ang kanyang kapatid na babae, ay kambal. Si Abel at ang kanyang kapatid na babae, isa pang hanay ng kambal, ay sumunod kalaunan. Si Adan at ang kanyang pamilya ay namuhay nang payapa at may pagkakaisa. Inararo ni Cain ang lupa habang pinastol ni Abel ang mga hayop. Lumipas ang oras at dumating ang okasyon para ikasal ang mga anak ni Adan. Ang isang pangkat ng mga kasama ni Propeta Muhammad kasama na sina Ibn Abbas at Ibn Masud ay nagsalaysay na ang salitang-pagpapakasal ng lalaki ng isang pagbubuntis (dahil kambal na lalaki at babae ang isang pagbubuntis) sa babae ng isa pang pagbubuntis ay ang naging kasanayan sa mga anak ni Adan. Kaya alam natin na ang plano ng Diyos ay punuin ang mundo kasama ang bawat anak ni Adan na ikinakasal sa kambal na kapatid ng isa.
Tila ang kagandahan ay may papel sa pang-aakit sa mga kalalakihan at kababaihan mula pa noong simula. Hindi nasiyahan si Cain sa kabiyak na pinili para sa kanya. Si Cain ay nagsimulang mainggit sa kanyang kapatid at tumangging sumunod sa utos ng kanyang ama at, sa paggawa nito, sumuway siya sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang tao na parehas may mabuti at masamang ugali, at ang pakikibaka upang manaig sa ating mga nakakapahamak na likas na pag-uugali ay bahagi ng Kanyang pagsubok para sa atin.
Inutusan ng Diyos na ang bawat anak na lalaki ay mag-alay ng isang sakripisyo. Ang kanyang paghatol ay papabor sa alay na pinaka-katanggap-tanggap. Inalok ni Cain ang kanyang pinakamasamang butil, ngunit inalok ni Abel ang kanyang pinakamainam na hayop. Tinanggap ng Diyos ang sakripisyo ni Abel, kaya't nagalit si Cain, nagbanta na papatayin ang kanyang kapatid.
“At iyong dalitin (O Muhammad) sa kanila (mga Hudyo) ang kasaysayan ng dalawang anak na lalaki ni Adan (Abel at Cain), nang ang bawat isa sa kanila ay maghandog ng alay (sakripisyo) kay Allah. Ito ay tinanggap mula sa isa ngunit hindi sa isa pa. Ang huli (Cain) ay nagsabi sa una (Abel): 'Katiyakang ikaw ay aking papatayin.'” (Quran 5:27)
Pinayuhan ni Abel ang kanyang kapatid na tatanggapin ng Diyos ang mabubuting gawa mula sa mga natatakot at naglilingkod sa Kanya, ngunit tatanggihan ang mga mabubuting gawa ng mga taong mayabang, makasarili at pala-suway sa Diyos.
“Ang una (Abel) ay nagsabi: 'Katotohanang si Allah ay tumatanggap lamang sa Al-Muttaqun (mga matimtiman, matuwid, at mabuting tao).' Kung iyong iunat ang iyong kamay laban sa akin upang ako ay patayin, hindi ko kailanman iuunat ang aking kamay laban sa iyo upang ikaw ay patayin, sapagkat ako ay nangangamba kay Allah; ang Panginoon ng lahat ng mga nilalang.’” (Quran 5:27-28)
Ang Unang Pagpatay
“Kaya’t ang Nafs (kagustuhan) ng isa (ang huli, si Cain) ay humikayat sa kanya at kanyang ginawa na kalugod-lugod sa kanya ang pagpatay sa kanyang kapatid (Abel); at kanyang pinatay siya at naging isa sa mga talunan.” (Quran 5:30)
Ipinagbigay-alam sa atin ni Propeta Muhammad na nagalit si Cain at hinampas ang kanyang kapatid sa ulo ng isang pirasong bakal. Sinasabi din sa isa pang pagsasalaysay na hinampas ni Cain si Abel sa ulo habang siya ay natutulog.
“Si Allah ay nagpadala ng uwak na kinakahig ang lupa upang ipakita sa kanya na itago (ilibing) niya ang patay na katawan ng kanyang kapatid. Siya (na salarin) ay nagsabi: “Kasawian sa akin!
Hindi man lamang ako nagkaroon ng kakayahan na tulad ng uwak na ito upang aking itago ang patay na katawan ng aking kapatid?” At siya ay naging isa sa mga nagsisisi. ” (Quran 5:31)
Nasaktan si Adan; nawalan siya ng kanyang una at pangalawang anak na mga lalaki. Ang isa ay pinatay; ang isa naman ay dinaig ng pinakadakilang kaaway ng sangkatauhan - si Satanas. Matiyagang nanalangin si Adan para sa kanyang anak, at patuloy na nangalaga sa lupa. Itinuro niya sa kanyang mga anak at apo ang tungkol sa Diyos. Sinabi niya sa kanila ang kanyang sariling karanasan kay Satanas at pinayuhan silang mag-ingat sa mga panlilinlang at pakana ni Satanas. Lumipas ang mga taon, si Adan ay tumanda na at ang kanyang mga anak ay kumalat sa buong mundo.
Pagkamatay ni Adan
Ang lahat ng sangkatauhan ay mga anak ni Adan. Sa isang pagsasalaysay, ipinagbigay-alam sa atin ni Propeta Muhammad na ipinakita ng Diyos kay Adan ang kanyang mga inapo. Nakita ni Adan ang isang magandang ilaw sa mga mata ni Propeta David at minahal siya mula rito, kaya lumingon siya sa Diyos at sinabi: "O Diyos. Bigyan mo siya ng apatnapung taon mula sa aking buhay. Ipinagkaloob ng Diyos kay Adan ang kanyang kahilingan, at isinulat ito at pinagpasyahan.
Ang haba ng buhay ni Adan ay dapat na 1000 taon ngunit pagkatapos ng 960 na taon ang anghel ng kamatayan ay dumating kay Adan. Nagulat si Adan at sinabing "ngunit mayroon pa akong 40 taon upang mabuhay". Ang anghel ng kamatayan ay nagpaalala sa kanya ng kanyang regalo na 40 taon sa kanyang minamahal na inapo na si Propeta David, ngunit tinanggihan ito ni Adan. Maraming taon ang lumipas, ang huling Propeta na si Muhammad ay nagsabi: "Tumanggi si Adan kaya tumatanggi ang mga anak ni Adan, nakalimutan ni Adan at nakakalimot ang kanyang mga anak; Nagkamali si Adan at nagkakamali ang kanyang mga anak." (At-Tirmidhi)
Sa Arabe ang salin sa salitang sangkatauhan ay insan at nagmula ito sa salitang-ugat na nisyan o pagkalimot. Ito ay bahagi ng kalikasan ng tao, nakakalimot ang sangkatauhan, at kapag nakalimutan natin ay ikinakaila at tinatanggihan natin. Nakalimutan ni Adan (hindi siya nagsisinungaling), at pinatawad siya ng Diyos. Pagkatapos ay sumuko si Adan sa kalooban ng Diyos at namatay. Ang mga Anghel ay bumaba at hinugasan ang katawan ni Propeta Adan na kakaiba ng maraming beses; hinukay nila ang libingan at inilibing ang katawan ng ama ng sangkatauhan, si Adan.
Ang kahalili ni Adan
Bago ang kanyang kamatayan ay ipinaalala ni Adan sa kanyang mga anak na hindi sila pababayaan ng Diyos o magiging walang patnubay. Sinabi niya sa kanila na magpapadala ang Diyos ng iba pang mga Propeta na may mga natatanging pangalan, katangian at himala, ngunit mag-aanyaya silang lahat sa parehong bagay - ang pagsamba sa Isang Tunay na Diyos. Itinalaga ni Adan bilang kahalili ang kanyang anak na si Seth.
Ang Kuwento ni Adan (bahagi 5 ng 5): Ang Unang Tao at Modernong Agham
Paglalarawanˇ: Ang ilang mga modernong natuklasan tungkol sa pagkakapareho ng mga tao sa paghahambing sa ilang mga katotohanan sa Quran.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 20 Apr 2008
- Nag-print: 6
- Tumingin: 9,535
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa Islam, walang salungatan sa pagitan ng pananampalataya sa Diyos at modernong kaalaman sa agham. Sa katunayan, sa maraming siglo sa panahon ng Gitnang Kapanahunan, pinamunuan ng mga Muslim ang mundo sa pananaliksik at paggalugad sa agham. Ang Quran mismo, na ipinahayag sa humigit-kumulang 14 na siglo na ang nakalilipas, ay puno ng mga katotohanan at larawan na sinusuportahan ng mga modernong natuklasan sa agham. Ang tatlo sa mga ito ay babanggitin dito. Sa tatlong yon, ang pagbuo ng wika at mitrochondrial Eve o Ina ng sangkatauhan (henetika) ay kaugnay na bagong hanay ng pagsasaliksik sa agham.
Inutusan ng Quran ang mga Muslim na “pagnilay-nilayan ang tungkol sa pagkakalikha ng kalangitan at kalupaan.” (Quran 3:191)
Ang isa sa mga bagay na dapat pagmuni-munihan ay ang pahayag:
“Katotohanan, gagawa ako ng tao mula sa luwad...” (Quran 38:71)
Sa katunayan, maraming mga elemento na meron sa lupa ay meron din sa katawan ng tao. Ang pinaka kritikal na sangkap para sa mga nabubuhay sa lupa ay ang unang bahagi ng lupa o pinaka tuktok nito; itong manipis na layer (patong) na maitim, organikong mayabong na lupa kung saan kumakalat ang mga ugat ng mga halaman. Dito sa manipis, at mahalagang parte ng lupa na ito kung saan ang mga mikroorganismo ay nababago at nagiging sariwa na mapagkukunan, ang mga mineral na bumubuo ng pangunahing luwad ng unang bahagi ng lupa, at magagamit ang mga ito sa napakaraming mga anyo ng buhay sa paligid at ibabaw nila.
Ang mga mineral ay elementong di-organiko na nagmula sa lupa na hindi maaaring gawin ng katawan. Ginagampanan nila ang mga mahahalagang papel sa iba't ibang mga pagpapatakbo sa katawan ng tao at kinakailangan upang mapanatili ang buhay at mapanatili ang pinakamainam na kalusugan, at sa gayon ay mga mahahalagang nutrisyon.[1] Ang mga mineral na ito ay hindi maaaring gawin ng tao; hindi sila maaaring gawin sa isang laboratoryo ni magagawa sa isang pabrika.
Sa mga selula na binubuo ng 65-90% na tubig sa pamamagitan ng timbang, ang tubig, o H2O, ang bumubuo sa karamihan sa katawan ng tao. Samakatuwid ang karamihan sa bumubuo sa katawan ng tao ay oxygen. Ang carbon, na pangunahing yunit para sa mga organikong molekula, ay pumapangalawa . Ang 99% ng karamihan sa katawan ng tao ay binubuo lamang ng anim na elemento: oxygen, carbon, hydrogen, nitrogen, calcium, at phosphorus.[2]
Ang katawan ng tao ay naglalaman ng mga iilan sa halos bawat mineral na matatagpuan sa lupa; kabilang ang sulphur, potassium, zinc, copper, iron, aluminium, molybdenum, chromium, platinum, boron, silicon selenium, molybdenum, fluorine, chlorine, iodine, manganese, cobalt, lithium, strontium, aluminium, lead, vanadium, arsenic, bromine at higit pa.[3] Kung wala ang mga mineral na ito, ang mga bitamina ay maaaring maging hindi mabisa o walang epekto. Ang mga mineral ay mga tagatulak o nagpapaibayo, nagpapaandar sa libu-libong mga mahahalagang reaksyon ng enzyme sa katawan. At kung wala ang mga mineral na ito, ang mga bitamina ay maaaring magkaroon ng kaunti o walang epekto. Ang mga mineral ay mga tagatulak o tagapag-ibayo, na nagsasanhi para sa libu-libong mga mahahalagang reaksyon ng enzyme sa katawan. Ang mga iilang kaunting elemento ay may mahalagang papel sa pagiging malusog ng isang tao. Kilala na ang walang sapat na iodine ay magdudulot sa isang sakit sa thyroid gland at ang kakulangan ng cobalt ay magiging kakulangan din sa bitamina B12, at sa gayon ay hindi makakagawa ng mga red blood cells (dugo).
Ang isa pang taludtod na dapat pagnilay-nilayan ay:
“Itinuro Niya kay Adan ang lahat ng mga pangalan ng lahat.” (Quran 2:31)
Itinuro kay Adan ang mga pangalan ng lahat; ang mga kapangyarihan ng pangangatuwiran at malayang kalooban ay ibinigay sa kanya. Natutunan niya kung paano maiuri ang mga bagay at maunawaan ang kanilang pakinabang. Sa gayon, itinuro ng Diyos ang mga kasanayan sa wika ni Adan. Tinuruan Niya si Adan kung paano mag-isip - magsagawa ng kaalaman upang malutas ang mga problema, gumawa ng mga plano at desisyon at makamit ang mga layunin. Tayo, ang mga anak ni Adan, ay minana ang mga kasanayang ito upang maaari tayong mamuhay sa mundo at sambahin ang Diyos sa pinakamagandang paraan.
Tinantya ng mga Linggwistiko na higit sa 3000 na magkakahiwalay na wika ang umiiral sa mundo ngayon, lahat ay natatangi, na ang mga nagwiwika ng isa ay hindi mauunawaan ang iba, gayunpaman ang mga wikang ito ay pareho lang ang pinagmulan na posible nating masabi na 'wika ng tao' sa pang-isahan.[4]
Ang wika ay isang natatanging anyo ng komunikasyon na may kinalaman sa pag-aaral ng mga kumplikadong patakaran sa paggawa at pagsasama ng mga simbolo (mga salita o kilos) sa isang walang katapusang bilang ng mga makabuluhang pangungusap. Ang wika ay umiiral dahil sa dalawang simpleng prinsipyo, - mga salita at gramatika.
Ang isang salita ay isang tuntunin na pagpapares sa pagitan ng isang tunog o simbolo at isang kahulugan. Halimbawa, sa wikang Tagalog ang salitang pusa ay hindi mukhang o tunog o pakiramdam tulad ng isang pusa, ngunit tumutukoy ito sa isang tiyak na hayop dahil lahat tayo ay kabisado ang pagpapares na ito noong tayo'y mga bata pa lamang. Ang gramatiko ay tumutukoy sa isang hanay ng mga patakaran para sa pagbubuo ng mga salita sa mga parirala at pangungusap. Tila nakakagulat ito, ngunit ang lahat ng mga nagwiwika ng 3000 na magkakahiwalay na mga wika ay natutunan ang parehong apat na mga patakaran ng wika.[5]
Ang unang panuntunan sa wika ay ponolohiya - kung paano natin ginagawa ang mga makabuluhang tunog. Ang mga ponemes ay pangunahing tunog. Pinagsasama natin ang mga poneme upang mabuo ang mga salita sa pamamagitan ng pag-aaral ng pangalawang panuntunan: morpolohiya. Ang morpolohiya ay ang sistema na ginagamit natin upang ipangkat ang mga poneme upang makabuo ng mga makabuluhang pagsasama-sama ng mga tunog at salita. Ang isang morpema (morpheme) ay ang pinakamaliit, makabuluhang pagsasama-sama ng mga tunog sa isang wika. Matapos matutunang pagsamahin ang mga morpema upang makabuo ng mga salita, natututunan nating pagsamahin ang mga salita sa mga makabuluhang pangungusap. Ang pangatlong patakaran ng wika ay namamahala sa syntax o grammar. Ang hanay ng mga patakaran na ito ay tumutukoy kung paano natin pinagsasama ang mga salita upang mabuo ang mga makabuluhang parirala at pangungusap. Ang pang-apat na patakaran ng wika ay namamahala sa mga semantika - ang tiyak na kahulugan ng mga salita o parirala sa paglitaw nito sa iba't ibang mga pangungusap o konteksto.
Ang lahat ng mga bata, saan man sila sa mundo, ay dumaan sa parehong apat na yugto ng wika dahil sa mga likas na kadahilanan ng wika. Ang mga kadahilanan na ito ay nagpapadali sa kung paano natin ginagawa ang tunog ng pagsasalita at kumukuha ng mga kasanayan sa wika. Sinabi ng kilalang linggwistikong si Noam Chomsky na ang lahat ng mga wika ay nagbabahagi ng isang pangkaraniwang unibersal na gramatika, at ang mga bata ay nagmana ng isang programang pangkaisipan upang matutunan ang pangkalahatang gramatiko na ito [6]
Ang ikatlong bersikulo na dapat pagnilayan ay tungkol sa pinanggalingan ng lahi:
“O sangkatauhan! Pangambahan ang inyong Panginoon na lumikha sa inyo mula sa isang tao (Adan), at mula sa kanya ay nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba), at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya ang maraming lalaki at babae.” (Quran 4:1)
Sa pagkakatanto na ang lahat ng mga pinagmulan ng mtDNA (Africa, Asya, Europa at Amerika) ay maaaring matunton pabalik sa iisang pinagmulan ay tanyag sa katawagan na "mitochondrial Eve" na teorya. Ayon sa mga nangungunang siyentipiko[7] at modernong pananaliksik, ang bawat tao sa planeta ngayon ay maaaring suriin ang isang tiyak na bahagi ng kanyang pinanggalingan na henetika pabalik sa isang babae sa pamamagitan ng isang natatanging bahagi ng ating kabuuan na henetika, ang mitochondrial DNA (mtDNA). Ang mtDNA o "mitochondrial Eve" ay naipasa sa pamamagitan ng mga siglo mula sa ina hanggang sa anak na babae (ang mga lalaki ay nagdadala, ngunit hindi naipapasa) at umiiral sa loob ng lahat ng mga taong nabubuhay ngayon.[8] Ito ay tanyag na kilala bilang "teorya ng Eba" sapagkat, tulad ng paliwanag mula sa itaas, ipinapasa ito sa X chromosome. Pinag-aaralan din ng mga siyentipiko ang DNA mula sa Y chromosome (marahil ay tatawaging "teorya ng Adan"), na naipapasa lamang mula sa ama hanggang sa anak na lalaki at hindi na sumasama sa mga henetika ng ina.
Ang mga ito ay tatlo lamang sa maraming mga kababalaghan ng nilikha na iminumungkahi ng Diyos na pagnilayan natin sa pamamagitan ng Kanyang mga talata sa Quran. Ang buong sansinukob, na nilikha ng Diyos, ay tumatalima at sumusunod sa Kanyang mga batas. Samakatuwid ang mga Muslim ay hinihikayat na maghanap ng kaalaman, galugarin ang sansinukob, at hanapin ang "Mga Palatandaan ng Diyos" sa Kanyang nilikha.
Mga talababa:
[1] (http://www.faqs.org/nutrition/Met-Obe/Minerals.html)
[2] Anne Marie Helmenstine, Ph.D., Your Guide to Chemistry.
[3] Minerals and Human Health The Rationale for Optimal and Balanced Trace Element Levels by Alexander G. Schauss, Ph.D.
[4] Pinker, S., & Bloom, P. (1992) Natural Language and natural selection. In Gray. P. (2002). Psychology. 4th ed. Worth Publishers: New York
[5] Plotnick, R. (2005) Introduction to Psychology. 7th Ed .Wadsworth:USA
[6] Gray. P. (2002). Psychology. 4th ed. Worth Publishers: New York
[7] Douglas C Wallace Propesor ng Biological Sciences and Molecular Medicine. Sa Unibersidad ng California.
[8] Discovery channel documentary – The Real Eve.
Magdagdag ng komento