Ang Maikling Kuwento ni Hesus
Paglalarawanˇ: Pagbanggit kay Hesus na anak ni Maria mula sa Quran at mga kasabihan ni Propeta Muhammad.
- Ni Marwa El-Naggar (Reading Islam)
- Nailathala noong 23 Nov 2020
- Huling binago noong 23 Nov 2020
- Nag-print: 3
- Tumingin: 6,753 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa pagsasalaysay sa kwento ni Hesus, inilarawan ng Quran kung paano si Maria, ang ina ni Hesus, nilapitan ng isang anghel mula sa Diyos, na nagdala sa kanya ng mga magagandang balita na hindi niya inaasahan: na manganganak siya ng isang anak na lalaki, isang Mesiyas, na magiging kabilang sa matutuwid at magiging isang propeta ng Diyos, na mananawagan sa mga Anak ng Israel (ang mga Israelita) sa tuwid na landas ng Diyos.
“(Gunitain) nang ipagbadya ng mga anghel: “O Maria! Si Allah ay naghahatid sa iyo ng masayang balita ng isang Salita mula sa Kanya, ang kanyang pangalan ay tatawaging Mesiyas, si Hesus na anak ni Maria, na itinampok sa karangalan sa mundong ito gayundin sa Kabilang Buhay, at magiging isa sa mga malalapit kay Allah.” Siya (Hesus) ay mangungusap sa mga tao sa kanyang duyan at sa kanyang pagbibinata, siya ay magiging isa sa mga matutuwid.” (Quran 3:45-46)
Likas, para kay Maria, ang balitang ito ay parehong kakaiba at tila imposible.
“Siya (Maria) ay nagsabi: “O aking Panginoon! Papaano akong magkakaroon ng anak (na lalaki) gayong wala pang lalaki ang sumaling sa akin.” Siya (Allah) ay nagwika: “Ito ay magaganap, sapagkat si Allah ay lumilikha ng Kanyang maibigan.” Kung Siya ay magtalaga ng isang bagay, Siya ay magwiwika lamang ng: “Mangyari nga!”, at ito ay magaganap. At Siya (Allah) ay magtuturo sa kanya (Hesus) ng Aklat at Al-Hikmah (alalaong baga, ang Sunnah, [mga Gawa], ang pangungusap ng mga Propeta na walang kamalian, ang karunungan, atbp.) at ng Torah (Mga Batas) at ng Ebanghelyo.” (Quran 3:47-48)
Ang kalikasan ni Hesus ay natatangi, na inihambing ng Diyos ang pagiging natatangi ng Kanyang nilikha na unang tao at propetang si Adan.
“Katotohanan, ang kahalintulad ni Hesus sa Paningin ni Allah ay katulad ni Adan. Kanyang nilikha siya mula sa alabok, at (Kanyang) winika sa kanya: “Mangyari nga!” At siya ay nalikha.” (Quran 3:59)
Si Hesus at ang Kanyang mga Himala
Si Hesus ay naging isa sa mga pinakadakilang propeta ng Diyos, at ipinadala sa mga Anak ng Israel upang pagtibayin ang mga katuruan ng nauna sa kanya, si Propeta Moises. Ang kanyang kapanganakan ay isang himala, at, tulad ng lahat ng mga propeta ng Diyos, binigyan siya ng maraming mga himala. Lumapit siya sa kanyang mga tao, sinabi sa kanila:
“At Kanyang hihirangin siya (Hesus) na isang Tagapagbalita sa Angkan ng Israel (na magsasabi): “Ako ay naparito sa inyo na may dalang Tanda mula sa inyong Panginoon; aking huhubugin para sa inyo mula sa malagkit na putik, na katulad nito, ang hugis ng isang ibon, sa pamamagitan ng kapahintulutan ni Allah; at aking pagagalingin siya na ipinanganak na bulag, at ang may ketong, at aking bibigyang muli ng buhay ang patay, sa pamamagitan ng kapahintulutan ni Allah. At ipapaalam ko sa inyo kung ano ang inyong kinakain, at kung ano ang iniimbak ninyo sa inyong mga tahanan. Katotohanang naririto ang isang tanda sa inyo kung kayo ay nananalig. At ako ay pumarito (sa inyo) na nagpapatotoo kung ano (ang nakapaloob) sa Torah (mga Batas) noong pang una, at upang gawing tumpak (at makatarungan) sa inyo ang ilang bahagi (ng mga bagay) na sa inyo ay ipinagbabawal, at ako ay pumarito sa inyo na may katibayan mula sa inyong Panginoon. Kaya’t pangambahan ninyo si Allah at ako ay inyong sundin. Katotohanan! Si Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t (tanging ) Siya (lamang) ang inyong sambahin. Ito ang Matuwid na Landas.” (Quran 3:49-51)
Ang mga Tagasunod ni Hesus
Ipinagpatuloy ng Quran ang kwento ni Hesus sa pamamagitan ng pag-uugnay ng maraming pangyayari ng kanyang buhay at kanyang mga disipulo.
“At (di naglaon), nang mapag-alaman ni Hesus ang kanilang kawalan ng pananampalataya, siya ay nagsabi: “Sino baga ang aking makakatulong sa Kapakanan ni Allah?” Ang mga disipulo ay nagsabi: “Kami ang mga katulong ni Allah; kami ay sumasampalataya kay Allah at nagbibigay saksi na kami ay mga Muslim (na tumatalima kay Allah).” Aming Panginoon! Kami ay naniniwala sa anuman na Inyong ipinanaog, at kami ay sumusunod sa Tagapagbalita (Hesus); kaya’t (Inyong) itala kami sa lipon ng mga nagbibigay patotoo.” (Quran 3:52-53)
Sa isa pang pangyayari, pagkatapos na pangalanan ang isang buong surah (kabanata) ng Quran, Hiningan si Hesus ng kanyang mga disipulo ng isa pang himala.
“(At gunitain) ng sinabi ng mga disipulo, 'O Hesus, Anak ni Maria, makapagpapanaog ba ang iyong Panginooon ng isang mesa ng pagkain mula sa kalangitan?' Kanyang (Hesus) sinabi, 'Matakot sa Panginoon, kung kayo ay mananampalataya.' Kanilang sinabi, 'Nais naming kumain mula rito at maniguro ang aming mga puso na ikaw ay makatotohanan at alam namin na ikaw ay makatotohanan sa amin at magiging iyong mga saksi,' Sinabi ni Hesus, ang anak ni Maria, 'O Diyos, aming Panginoon, padalhan Niyo kami ng isang mesa (na puno ng mga pagkain) mula sa kalangitan na aming pagsasalo-saluhan ng una at huli sa amin at isang tanda mula sa Inyo. At tustusan Niyo kami, at Kayo ang pinaka mainam sa tagapanustos."' (Quran 5:112-114)
Ipinadala sa kanila ng Diyos ang mesa na kanilang hiniling, na may kasamang babala.
“Ang Allah ay nagwika, "Ako ay magpapapanaog nito sa inyo, datapuwa't sinuman sa inyo makaraan nito ang bumalik sa kawalan ng pananampalataya, kung gayon, siya ay Aking parurusahan ng isang kaparusahan na hindi Ko pa nagawa sa sinuman sa lahat ng mga nilalang."' (Quran 5:115)
Ang Katapusan ng Kwento?
Ang kwento ni Hesus ay hindi kailanman nagtatapos sa Quran, tulad ng sinabi sa atin na si Jesus ay hindi pinatay, ngunit sa halip, inangat ng Diyos ang Kanyang mahal na propeta patungo sa Kanya.
“At (gunitain) nang winika ni Allah: “O Hesus! Ikaw ay Aking kukunin at Aking itataas sa Aking Sarili (sa Kanyang piling), at ikaw ay Aking dadalisayin sa mga nagpaparatang, at Aking gagawin ang mga sumusunod sa iyo na higit na mainam kaysa sa mga walang pananampalataya hanggang sa dumatal ang Araw ng Muling Pagkabuhay. At kayo ay magbabalik sa Akin, at kayo ay Aking hahatulan sa pagitan ninyo sa mga bagay na inyong kinahiratihan na hindi pinagkakasunduan. At sa mga hindi sumasampalataya, sila ay Aking parurusahan ng matinding kaparusahan sa mundong ito at sa Kabilang Buhay, at sila ay walang magiging kawaksi. At sa mga sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah) at gumagawa ng kabutihan, si Allah ay magbabayad sa kanila ng ganap na gantimpala. At si Allah ay hindi nalulugod sa Zalimun (mga tampalasan, mapagsamba sa diyus-diyosan at mapaggawa ng kabuktutan).” (Quran 3:55-57)
Tinukoy din ng Quran na si Hesus ay hindi pinatay o ipinako sa krus. Tungkol naman sa mga Anak ng Israel, minali ng Diyos ang kanilang mga akusasyon laban kay Maria pati na rin ang kanilang pag-aangkin na pinatay nila si Hesus.
“At dahilan sa kanilang (mga Hudyo) hindi pananampalataya at sa kanilang pagsasabi ng laban kay Maria ng isang mabigat at walang katotohanang paratang At sa kanilang pagsasabi (na nagpaparangalan), “Aming pinatay ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ang Tagapagbalita ni Allah, datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, gayundin naman, siya ay hindi nila naibayubay sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay kawangis ni Hesus, at ang may pagkakahidwa (o ibang paniniwala) rito ay puspos ng alinlangan, na ang kaalaman ay walang (katiyakan); wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, sapagkat katotohanang siya (alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria), ay hindi nila napatay; Datapuwa’t itinaas siya (Hesus) sa (kanyang katawan at kaluluwa) ni Allah sa Kanyang piling (at si Hesus ay nasa kalangitan [ngayon]). At si Allah ay Lalagi nang Tigib ng Kapangyarihan, ang Puspos ng Kaalaman.” (Quran 4:156-158)
Tiniyak ng Quran na si Hesus ay inangat ng Diyos, at si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay tiniyak sa atin na si Hesus ay bababa sa lupa muli bago ang Araw ng Paghuhukom. Sa isang sinabi ni Propeta Muhammad, na isinalaysay ni Abu Hurairah, sinabi ng Propeta:
“Sumpa man sa may hawak ng aking kaluluwa, tiyak na ang anak ni Maria ay malapit ng bumaba sainyo bilang isang makatarungang hukom, at babasagin niya ang krus, papatayin ang baboy, at pupuksain ang jizyah (ambag), at ang kayamanan ay magiging laganap na wala nang tatanggap nito, hanggang sa ang isang pagpatirapa ay magiging mas higit kaysa sa mundo at lahat ng naririto." (Saheeh Al-Bukhari)
Magdagdag ng komento