Mga Aral mula sa Kuwento ng Ina ni Moises
Paglalarawanˇ: Ang mga kwento ng Quran ay nandiyan para makakuha tayo ng mga aral mula rito. Sa artikulong ito, matututunan natin ang maraming mga aral mula sa ina ng isa sa mga pinakadakilang sugo ng Diyos, lalo na tungkol sa pagtitiwala sa Diyos at sa mga bunga nito.
- Ni Raiiq Ridwan (understandquran.com) [edited by IslamReligion.com]
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 17 Dec 2018
- Nag-print: 1
- Tumingin: 3,586 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa artikulong ito ay susulyapan ang kwento ng ina ni Moises, sumakanya nawa ang kapayapaan, habang nagsisikap siyang iligtas ang kanyang anak mula sa halos bingit ng kamatayan at kumuha ng mga aral mula roon. Itutuon lamang natin ang mga talata sa Surah Al-Qasas (Kabanata 28) sa Quran, kahit na ang kwento ay binanggit sa iba pang mga parte sa Quran.
"Kaya’t ipinadala Namin ang ganitong inspirasyon sa ina ni Moises, 'Pasusuhin mo, datapuwa’t kung ikaw ay may pangangamba para sa kanya, ay ipaanod mo siya sa ilog: subalit huwag kang matakot o magdalamhati, sapagkat muli Naming ibabalik siya sa iyo at Aming hihirangin siya na maging isa sa Aming mga Tagapagbalita. Ang mga kasambahay ni Paraon ang nakasagip sa kanya (sa ilog) - sa huli ay magiging kaaway at magdudulot ng dalamhati para sa kanila: si Paraon, Haman at ang lahat nilang tagatangkilik ay mga tao na makasalanan - at ang asawa ni Paraon ay nagsabi: 'Narito ang isang kasiyahan para sa iyo at sa akin! Huwag mo siyang paslangin: marahil siya ay magiging kapakinabangan sa atin, o di kaya ay ampunin natin siya bilang anak.' Hindi nila napagtatanto ang kanilang ginagawa. Pagkapatapos, ang puso ng ina ni Moises ay nakadama ng kalungkutan - kung hindi Namin pinatibay ang kanyang dibdib (sa Pananalig), upang siya ay manatili na isang matatag na nananampalataya, naisiwalat na niya ang tungkol sa kanya - at kanyang sinabi sa kapatid na babae (ni Moises), 'Sundan mo siya'. Kaya’t binantayan niya mula sa malayo (o nang lihim) ng di nila namamalayan. At Aming itinakda na siya (Moises) ay tumangging sumuso mula sa mga tagapag-alaga. Hanggang ang kanyang kapatid na babae ay naparoon sa kanila at nagsabi, 'Ituturo ko ba sa inyo ang mga tao ng isang sambahayan na makapagpapasuso at makapag-aalaga sa kanya para sa inyo?' Ibinalik Namin siya (Moises) sa kanyang ina sa ganitong paraan, upang gumaan ang kanyang kalooban at di na malumbay, at upang kanyang malaman na ang pangako ni Allah ay katotohanan, datapuwa’t ang karamihan sa kanila ay hindi nakababatid." (Quran 28:7-13)
Nakita ni Paraon sa isang panaginip kung saan ang isang bata mula sa klase ng alipin - ang mga Anak ni Israel - ay babangon at ibabagsak siya. At pagkatapos nito, sinimulan niyang patayin ang bawat batang lalaki na ipinapanganak sa mga anak ni Israel. Ito ay sa mga panahon ng pagsilang kay Moises. At sa gitna ng lahat ng ito, pinili ng Diyos ang batang lalaki na ito sa lahat ng iba pa upang mahimalang maligtas. Sa gayon, ipinadala ng Diyos ang Kanyang banal na mga tagubilin sa ina ni Moises.
Unang Aral: Sundin ang Diyos, wag mangamba, at magtiwala sa Kanyang pangako
Nagbigay ang Diyos ng dalawang utos — pasusuhin mo siya at ilagay sa isang basket at ipaanod sa ilog, dalawang payo para sa puso — huwag matakot at huwag malungkot, at dalawang pangako — na siya ay babalik at siya ay magiging isang sugo. Nagbigay ang Diyos ng dalawang utos, isa na may kahulugan (pagpapasuso), at isa na tila walang kahulugan (ihahagis ang isang bata sa ilog !!?). Ang ina ni Moises ay hindi namili. Sinunod niya ang kanyang Panginoon nang hindi alintana, at nakaramdam siya ng takot, na normal, at sa gayon binigyan siya ng Diyos ng dalawang payo, at dalawang pangako. Ang aral na natutunan natin dito ay sa kabila ng kung ano ang anyo nito, kahit na sa pinakamahirap na sitwasyon para sundin ang Diyos kahit na mukha o parang "kakaiba", ito ang daan pasulong. Kumuha ng tamang desisyon base sa sinasabi ng Diyos, at alamin na kung sinusunod mo ito ay wala ka dapat ikatakot at wala kang dapat ikalungkot, at ang pangako ng Diyos ay totoo, kahit di mo pa nakikita ito sa ngayon. May ideya ba ang ina ni Moises na ang kanyang anak ay makakaligtas? Lalo na ang maging sugo at maibalik sa kanya?
Ikalawang Aral: Mula sa kailaliman ng kadiliman ang Diyos ay maglalabas ng ilaw
Ang libu-libong mga ina ay umiiyak dahil sa ginawa ni Paraon. Marahil nagsagawa ng dua (pagsusumamo) na puksain ng Diyos ang mapang-api na ito (sila ay mananampalataya sa kapanahunang yaon). At ganoon na nga, inilagay ng Diyos ang batang lalaki na magpapawi sa pang-aapi sa bahay ng mapang-api. Mula sa pinakamalalim na madidilim na mga lungga ng kufr (kawalan ng paniniwala), sa palasyo ni Paraon, inilabas ng Diyos ang liwanag — si Moises. Ang taong pumatay ng libu-libong mga sanggol, ay hindi kayang patayin ang isang sanggol na magpapabagsak sa kanya. Kapag pinoprotektahan ng Diyos ang isang tao, walang makakapinsala sa kanya, kahit pa tangkain ng mundo. Sa katunayan, ginawa ito ng Diyos sa ganoong paraan, na ang asawa ni Paraon, si Asiyah ay ang siyang taong magmahal sa bata at inampon ito bilang kanyang anak. Sinagot ng Diyos ang pagsusumamo ng libu-libong mga ina, ng milyun-milyong mga Israelita na nakulong sa pagka-alipin sa pamamagitan nito. Ang Kanyang mga plano ay natatangi, ang Kanyang mga plano ay nakakahigit sa ating pag-unawa, ngunit Siya ang pinakamahusay sa mga nagpaplano. Kapag nasa kailaliman ng kadiliman, alalahanin na ang Diyos ay kayang maglabas ng liwanag mula doon, at Siya ay may plano.
Ikatlong Aral: Kapag nagkaroon ng pag-aalinlangan, gumawa ng pangalawang plano ngunit manalig pa rin sa Diyos
Ang puso ng ina ni Moises ay tumamlay, tulad ng puso ng sinumang ina. Muntik na niyang mahayag ang lahat para lang makita niya muli ang kanyang anak. Ito ay isang halimbawa ng di makatuwirang damdamin. Oo maaaring makita niya ang kanyang anak ngunit nangangahulugan iyon ng siguradong kamatayan! Kaya, pinili niya ang susunod na posibleng plano, na kung saan ay lohikal at gayunpaman ay mapapaginhawa ang kanyang puso. Ipinadala niya ang kanyang anak na babae upang bantayan ang kanyang kapatid na lalaki - upang sundan ang basket sa ilog. Ang kapatid ni Moises na si Myriam, ay nakamasid sa takot habang ang basket ay inaanod pababa at papunta sa lungga ng leon, sa palasyo ni Paraon! Lumapit siya upang alamin kung ano na ang kalagayan, at nalaman niya na umiiyak ng umiiyak si Moises sa gutom ngunit tinanggihan ang lahat ng mga nagpapasuso. Pumasok siya at inalok ang serbisyo ng kanyang ina. Nagtiwala sa Diyos, at sa ikalawalang plano, nasiguro ng ina ni Moises na ang kanyang anak ay mananatiling ligtas.
Ikaapat na Aral: Hindi lamang tinutupad ng Diyos ang Kanyang Pangako, ngunit nagbibigay ng higit pa
Nangako ang Diyos sa ina ni Moises na sila ay muling magkakasama ng kanyang anak. Binigyan siya ng dalawang utos at tinupad niya ang mga ito. At pagkatapos, ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Kabutihan, ay pinagsama muli ang ina at kanyang anak. Sa halip na isang buhay na sinusubukang pigilan ang pagkamatay ng kanyang anak na lalaki, ngayon ay protektado siya ng parehong mga tao na dapat ay papatay sa kanya. Bukod dito, siya ay isa ng empleyado ngayon sa Palasyo ng Hari at binabayaran upang gawin ang mga bagay na dapat ginagawa niya talaga - ang alagaan ang kanyang anak! Ipinangako sa kanya ng Diyos ang pagbabalik ng kanyang anak, ngunit hindi lamang tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako ngunit binigyan siya ng higit pa doon. Tulad ng sinabi ng Diyos sa Quran, "At sinuman ang mangamba kay Allah at panatilihin ang kanyang tungkulin sa Kanya, Siya ang magbibigay sa kanya ng lunas sa lahat ng mga kahirapan. At kung sinuman ang magkaloob ng kanyang pagtitiwala kay Allah ay sapat na si Allah para sa kanya." (Quran 65:2-3)
Magdagdag ng komento