Mga Palatandaan ng Pagkapropeta sa Marangal na Buhay ng Propeta Muhammad (bahagi 2 ng 2): Pagkatapos ng Pagkapropeta
Paglalarawanˇ: Ang buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) ay lubusang nagbago matapos na magsimula ang mga kapahayagan. Kung paano siya naakma ay isa sa mga pinakamalinaw na mga palatandaan ng Pagkapropeta.
- Ni Aisha Stacey (© 2013 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 28 Jul 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,279 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa gulang na 40, ang Propeta Muhammad (pbuh) ay isa nang matatag na mangangalakal at pamilyadong tao na naglalaan ng mga panahon sa pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay. Siya ay isang kagalang-galang na mamamayan ng Makkah at ang mga tao ay nakasanayan nang lumapit sa kanya upang ayusin ang mga hindi pagkakaunawaan, para sa payo at pangalagaan ang kanilang mga mahahalagang ari-arian. Gayunpaman ang lahat ng mga ito ay magbabago sapagkat habang nasa isa sa kanyang mga panahon ng pag-iisa at pagmumuni-muni siya ay dinalaw ng anghel na si Gabriel at ang mga talata ng Quran ay nagsimulang ipahayag sa kanya. Ang kanyang misyon ay nagsimula na; ang kanyang buhay ay hindi na kanyang pagmamay-ari - ito ay nakatalaga na ngayon sa pagpapalaganap ng salita ng Islam.
Marahil ngayon ang ilan sa mga kaganapan sa kanyang buhay ay nagsimula nang magkaroon ng kahulugan. Marahil ay nakikita na niya na ang Diyos ang nagplano ng mga bagay para sa kanya, dahil kung pagbabalik-tanaw ay makikita natin na ang mga palatandaan ng Pagkapropeta ay nakita sa maraming aspeto at sitwasyon sa buong buhay ng Propeta Muhammad (pbuh). Bago ang kanyang misyon ang buhay ni Muhammad (pbuh) ay medyo may kagaangan. Siya ay nagkaroon ng isang mabuti at maligayang pag-aasawa, mga anak, walang pag-aalala sa pananalapi at walang alinlangan na napapalibutan ng mga kaibigan at pamilya na nagmamahal at gumagalang sa kanya.
Ang pagpapahayag ng kanyang Pagkapropeta nang lumaon ay nagdala sa kanya sa karalitaan, isang tinaboy sa lipunan at ang kanyang buhay ay pinagbantaan nang higit pa sa isang pagkakataon. Ang kadakilaan, kapangyarihan, kayamanan at kaluwalhatian ang pinakamalayong mga bagay mula sa kanyang isipan. Sa katunayan ay mayroon na siyang ganitong mga bagay, kahit pa man sa isang maliit na sukat. Wala siyang anumang mahihita mula sa pagpapahayag ng Pagkapropeta at misyon na hindi totoo. Ang Propeta Muhammad (pbuh), ang kanyang pamilya at ang kanyang mga tagasunod ay kinutya, inalipusta at pisikal na sinaktan, ang kanyang pamumuhay ay lubusang nagbago sa pinakamalala.
Ang isa sa mga kasamahan ni Muhammad (pbuh), ay nagsabi, "Ang Propeta ng Diyos ay hindi nakakita ng tinapay na gawa sa pinong harina mula sa sandaling ipinadala siya ng Diyos (bilang isang propeta) hanggang sa siya ay namatay." [1] Ang isa pa ay nagpahayag na “Nang namatay ang propeta, hindi siya nakapag-iwan ng alinman sa salapi o ng kahit ano maliban sa kanyang puting sinasakyang asno, kanyang baluti, at kapirasong lupa na kanyang iniwan sa kawanggawa" [2].
Bago siya namatay ang Propeta Muhammad (pbuh) ay naging pinuno ng isang emperyo, na may pahintulot sa isang pambansang pananalapi ngunit siya ay namuhay nang payak, na nababahala lamang sa pagganap ng kanyang misyon at pagsamba sa Diyos. Sa kabila ng kanyang mga responsibilidad bilang isang Propeta, guro, estadista, heneral, hukom at tagapamagitan, si Muhammad (pbuh) ang mismong nanggagatas ng kanyang sariling mga kambing, nagsusulsi ng kanyang mga damit at sapatos, maging ang pagtulong sa pangkalahatang gawain sa sambahayan. [3] Ang buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) ay isang bukod-tanging halimbawa ng pagpapakumbaba at kapayakan. Ang kanyang pananamit at pamumuhay ay hindi naiiba sa kanyang mga tagasunod. Kapag may sinumang dumating sa isang pagtitipon ay walang tungkol sa Propeta Muhammad (pbuh) ang nagbubukod sa kanya sa ibang mga kalalakihan sa pagtitipon.
Sa mga unang taon ng kanyang misyon, bago pa man nagkaroon ng isang katiting na posibilidad ng tagumpay, nakatanggap si Muhammad (pbuh) ng isang kaakit-akit na alok mula sa mga pinuno ng Makkah. Sa pag-aakalang maaaring gawa-gawa lamang ni Muhammad (pbuh) ang mga pag-aangking ito ng Pagkapropeta para sa pansariling kapakinabangan kaya may dumating na isang kinatawan at sinabi "... Kung nais mo ng salapi, mangangalap kami ng sapat na salapi para sa iyo upang ikaw ay maging pinakamayaman sa amin. Kung nais mo ang pamumuno, gagawin ka namin bilang aming pinuno at hindi kailanman magpapasya sa anumang bagay nang wala ang iyong pagsang-ayon. Kung nais mo ang isang kaharian, amin kang kokoronahan bilang hari na mataas sa amin...". Para sa sinumang tao, sa anumang makasaysayang panahon ito ay maaaring maging isang napakahirap na alok upang tanggihan; gayunpaman si Muhammad (pbuh) ay walang pagnanais para sa pansariling pakinabang o pagkilala. Bagama't mayroon lamang isang kondisyon sa malaking alok na ito na sumalungat sa lahat ng pinananindigan ni Muhammad (pbuh) sa kasalukuyan. Inasahan ng mga pinunong taga-Makkah na isusuko niya ang kanyang pag-aanyaya sa Islam at ititigil ang pagsamba sa Isang Diyos lamang, nang walang katambal.[4] Subalit ang Propeta Muhammad (pbuh) ay tahasang tinanggihan ang alok.
Sa isa pang pangyayari ang tiyuhin ni Muhammad (pbuh) na si Abu Talib ay natakot para sa buhay ng kanyang pamangkin at hiniling sa kanya na ihinto ang pag-anyaya sa mga tao sa Islam. Muli ang sagot ni Muhammad (pbuh) ay isang napagpasyahan at taos sa puso, sinabi niya, "Sumusumpa ako sa ngalan ng Diyos, O aking tiyuhin!, na kung ilalagay nila ang araw sa aking kanang kamay at ang buwan sa aking kaliwang kamay bilang kapalit ng pagtalikod sa bagay na ito (pag-anyaya sa mga tao sa Islam), hindi ako kailanman titigil hanggang ang Diyos alinman ay gawin itong matagumpay o ako ay mapahamak sa pagtatanggol nito.”[5]
Maraming mga paraan ang ginawa ng mga di-naniniwalang mga tao sa Makkah upang dumihan ang katauhan ni Muhammad (pbuh) at maliitin ang mensahe na tinatangka niyang ipalaganap. Sila ay partikular na walang awa kapag hinahamak ang Quran mismo. Iginiit nila nang lubos na ang Quran ay hindi banal na ipinahayag ng Diyos at si Muhammad (pbuh) ang nagsulat nito mismo. Ginawa ito upang dismayahin ang mga tao mula sa pagsunod kay Muhammad (pbuh) o paniwalaan ang kanyang pag-aangking isang Propeta ng Diyos. Ang Propeta Muhammad (pbuh) ay hindi isinulat ang Quran. Siya ay isang hindi nakapag-aral na tao, ganap na hindi nakababasa o nakasusulat. Hindi niya alam o kahit na hulaan man lang ang ilan sa mga siyentipikong katotohanan na binabanggit ng Quran nang madali at madalas.
Bilang karagdagan sa mga ito ay may katuturang sabihing kung ang Quran ay isinulat ni Muhammad (pbuh) ay dapat na pinuri at binanggit niya ang kanyang sarili nang nakahihigit pa. Ang Quran sa katunayan ay binanggit kapwa sina Propeta Hesus at Moises nang mas maraming beses ang mga pangalan kaysa sa binanggit nito ang kay Propeta Muhammad (pbuh). Ang Quran ay pinangangaralan at itinatama ang Propeta Muhammad (pbuh). Maari bang ang isang huwad na propeta ay suungin ang panganib na gawin ang kanyang sarili na magmukhang isang tao na maaaring magkamali?
Si Propeta Muhammad (pbuh) ay isang hindi nakapag-aral na Arabong mangangalakal. Ang kanyang buhay ay maaaring naging hindi kapansin-pansin maliban na sa simula pa lang ang kanyang buhay ay nakalaan na sa paglilingkod sa Diyos, inihahanda siya para sa Pagkapropeta at inihahanda siya na gabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong panahon ng relihiyosong paglago. Sa paglaki ni Muhammad (pbuh), siya ay naging kilala bilang makatotohanan, matapat, mapagkakatiwalaan, mapagbigay, at taos ang puso. Nakilala rin siya sa pagiging napaka-espiritwal at matagal na kinamumuhian ang labis na pagkabulok at idolatriya ng kanyang lipunan.
Kung titingnan natin ang buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) mula sa agwat ng panahon makikita natin nang malinaw na ang kanyang buhay ay nakalaan na sa paglilingkod sa Diyos, ang kanyang nag-iisang layunin ay upang maihatid ang mensahe. Ang mabigat na mensahe ay nakasalalay at nakaatang sa kanyang mga balikat at kahit na sa kanyang huling sermon siya ay nababahala at hiniling sa mga tao na magpatotoo na naihatid niya ang mensahe ng Diyos. Kung ninais ni Muhammad (pbuh) ang kapangyarihan o katanyagan ay tinanggap niya sana ang alok na maging pinuno ng Makkah. Kung naghahanap siya ng kayamanan ay hindi sana siya nagkaroon ng payak na pamumuhay, namatay na walang halos anumang mga pag-aari, hindi katulad ng ibang makapangyarihang pinuno ng isang emperyo. Ang pagka-payak ng buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) at ang kanyang walang tigil na hangaring maipalaganap ang mensahe ng Islam ay ang mga matibay na palatandaan ng pagiging totoo ng kanyang pag-angkin sa Pagkapropeta.
Magdagdag ng komento